KABANATA 11 to 12

1922 Words
Pumasok si Natalie sa kwarto ni Antonio. Naupo siya sa silyang katabi ng kama nito. Kaagad naman siyang binati ni Antonio ng malawak na ngiti. "Kumusta na ang paghahanda mo, Natalie? Nakapag-impake ka na ba?" tanong ng matanda. Kumunot ang noo ni Natalie. Hindi niya maintindihan ang sinasabi ng matanda. Wala naman siyang alam na dapat siyang mag-impake. At kung para saan 'yon. Nang mapansin ng matanda ang pagkalito sa mukha ng dalaga ay nag- alala siya. "Bakit? Hindi ba sinabi sa 'yo ni Mateo? Nako 'yong batang 'yon talaga!" Ang siste pala ay may malapit na kaibigan si Antonio na magdiriwang ng kaarawan. At dahil hindi siya makakapunta dahil sa kalagayan niya, inutusan niya si Mateo na isama si Natalie sa pagdalo bilang proxy niya. At isa pa, napansin niya kasi na may distansya sa pagitan ng mag-asawa. Kaya naman sa ganitong paraan ay umaasa siyang kahit papaano ay magkalapit ang mga ito. "Makinig ka sa 'kin, Natalie. Hindi man gusto ni Mateo ang napapangunahan at nauutusan siya, pero bilang mag-asawa, hindi ba dapat ay ayusin niyo ang relasyon niyo?" Napipi si Natalie sa litanya ng matanda. Wala siyang nagawa kundi ang tumango. "Mabuti naman at naiintindihan mo ang nais kong iparating," nakangiting sabi ni Antonio. "Aasahan kita, Natalie. Ikaw nang bahala sa asawa mo." Nang makalabas na si Natalie mula sa silid ng matanda ay saka niya nagawang pakawalan ang kunot ng kaniyang noo. Ayaw niya pa namang makita si Mateo matapos siya nitong ipasuspende. Pero hindi niya maaaring balewalain ang hiling ni Antonio. Masyadong malaki ang utang na loob niya sa matanda. Dahil wala na siyang trabaho, hindi niya kayang bumili ng mamahaling regalo. Kaya maghahanap na lang siya ng kahit papaano ay disenteng regalo para sa celebrant. Nagtungo siya sa Luminara Shrine para maghanap ng maaari niyang iregalo. Kinagabihan, bumalik na si Natalie sa kaniyang dorm. Nag-impake na rin siya at binalak na tawagan si Mateo. Ngunit hindi ito sumagot. Buti na lamang at ibinigay sa kaniya ni Antonio ang address ng pupuntahan nila. Kinabukasan, sumakay ng bus si Natalie patungo sa Mount Lorenzo. Sa kalagitnaan ng kaniyang biyahe ay bumuhos ang napakalakas na ulan. Lalo pa iyong lumakas nang makarating na siya sa babaan. Sinubukan niyang tawagan si Mateo ngunit katulad ng dati ay hindi ito sumagot. Hindi pwede ang mga pribadong sasakyan paakyat ng bundok kaya naman kailangan niya pang maghintay ang shuttle bus na hinanda ng mga Wang para sa mga bisita nila. Maya-maya pa ay pumaradang Bentley Mulsanne sa kaniyang harapan. Mula sa loob ay lumabas sina Isaac at Mateo. "Mateo!" Nagmamadaling lumapit si Natalie kay Mateo sa kabila ng malakas na ulan. Nasa likuran ni Mateo si Isaac, pinapa'yongan niya ang kaniyang amo. "Tumabi ka," malamig na salubong ni Mateo kay Natalie. "Pumunta ako kasi nakiusap sa 'kin si lolo na samahan ka," paliwanag ni Natalie. Ngunit walang emosyon na bumakas sa mukha ni Mateo. Tila ba wala itong pakialam sa sinabi ng babae. Inaasahan niya nang makikita niya ang babae rito. Pero wala siyang planong samahan ito. Bago tuluyang lagpasan ang babae ay nginisihan niya muna ito. Isinantabi ni Natalie ang galit sa lalaki dahil narito siya para pagbigyan ang hiling ni Antonio. Agad siyang bumuntot sa dalawang lalaki. Nilapitan sila ng isang drayber ng mga Wang at pinapasok sila sa sasakyan. Nakapasok na sina Isaac at Mateo. Ngunit nang papasok na si Natalie ay mabilis siyang pinagsarhan ni Mateo saka inutusan ang drayber na lumarga na. Matuling tumakbo ang sasakyan dahilan para mabasa si Natalie ng tumilamsik na tubig baha. Nadulas pa siya at bumagsak sa sahig. Nakita ni Isaac ang pangyayari. Hindi niya maiwasang mag-alala para sa babae. " Sir!" Napatingin si Mateo sa side mirror ng sasakyan para tingnan ang kalagayan ng asawa. Ngunit hindi siya nagpatinag dito at muling inutusan ang drayber na bilisan ang pagpapatakbo. Ngunit determinado si Natalie. Tumayo siya at saka pinunasan ang kaniyang mukha gamit ang likod ng kaniyang palad. Dahil wala siyang masakyan, kailangan niyang maglakad paakyat ng bundok. Nahirapan siya sa pag-akyat dahil sa ulan, dahilan para abutin siya ng trenta minutos bago makarating. Nang marating niya ang villa, napansin ni Natalie na wala roon si Mateo. Siguro ay nasa mga kaibigan niya ito. At dahil wala siyang hawak na susi ng kwarto, kailangan niyang maghintay sa labas hanggang sa dumating ang asawa niya. Sa sobrang pagod at panlalamig, napasandal si Natalie sa may pinto hanggang sa tuluyan na siyang nakatulog. Makalipas ang ilang oras, nagising siya nang maramdaman ang marahang pagtapik sa kaniyang balikat. At nang imulat niya ang kaniyang mga mata, nakita niya si Isaac sa kaniyang harapan, at sa likuran nito ay si Mateo. "Nakabalik ka na pala," malat ang boses na komento ni Natalie. Unti-unti siyang tumayo at napangiwi dahil masakit ang tuhod niya. Ngunit pinukulan lang siya ng malamig na tingin ng lalaki. "Kung inaakala mong kakaawaan kita dahil sa ginawa mo, nagkakamali ka. Umalis ka na! Hindi kita gustong makita!" Binuksan niya ang pinto at saka pumasok sa loob. Naiwan si Natalie sa labas, lugmok na lugmok. Muling napangiwi si Natalie nang tumunog ang kaniyang tiyan. Hindi pa siya kumakain simula kaninang umaga. Mabuti na lamang at may dala siyang dalawang loaf of bread. Pinilit niya iyong lunukin kahit na wala siyang panulak. Dahil sa unti-unti nang nauubos ang ipin niyang pera, ginagawa niya ang lahat para makatipid. Napaangat siya nang tingin nang abutan siya ni Isaac ng isang bote ng tubig. "Maraming salamat, Isaac," halos bulong na sabi niya. Pagod siyang ngumiti sa lalaki. "You're welcome. Pero ito lang ang masasabi ko sa 'yo sa sitwasyon mo ngayon. May girlfriend na si Sir Mateo. Kaya huwag mo na siyang pag-aksayahan ng oras." Kumurba nang bahagya ang labi ni Natalie. Magalit niya lang sina Janet at Irene kapag nalaman nila ang totoo, magiging sapat na 'yon para maibsan ang bigat ng loob niya ngayon. "Maraming salamat sa payo mo. Pero wala na akong ibang gusto kundi ang tuparin ang pangako ko kay Lolo Antonio." Tumango si Isaac. Naiintindihan niya ang babae. "Ako na ang hihingi ng pasensya dahil sa mga nararanasan mo ngayon. Mag-iingat ka." Hindi pa rin tumila ang ulan nang sumapit na ang gabi. Nagtiis si Natalie na manatili sa veranda ng villa. Kinabukasan, hindi na nakatiis si Isaac nang makita niya ang sitwasyon ng dalaga. Kaya naman lumuhod siya at binuha ang babae. Nang bigla ay bumukas ang pinto at iniluwa roon si Mateo. Napakalamig ng tingin nito kay Isaac, halatang hindi natuwa sa nakita niya. "Bitiwan mo siya," kalmadong utos niya kay Isaac. "Y-Yes, sir." Agad na tumalima si Isaac para ibaba si Natalie. Sa kabila ng paggalaw sa kaniya, nanatiling walang malay si Natalie. Kumunot ang noo ni Mateo. Nag-aalala siya at baka may natamong sugat ang dalaga. Pinasama ito ng lolo niya. At kapag may nangyari rito, at nagsumbong ito, siya ang malalagot sa lolo niya. Napabuntong hininga si Mateo at saka lumuhod para buhatin si Natalie. Ipinasok niya ito sa loob at saka maingat na ipinahiga sa kama. Matapos niya itong ihiga ay naililis ang bestida nito dahilan para makita niya ang sugat sa mga tuhod nito. Anong nangyari kay Natalie? Sandaling napatda si Mateo sa nakita. Natamo ba nito ang mga sugat na 'to kagabi? Hindi niya namalayan na napatitig na siya sa mukha ng dalaga. Napansin niya ang malalantik at makakapal nitong kilay, ang maamo nitong mukha, at ang bahagyang nakangusong mapupulang labi nito, na para bang binubulungan siya nito sa kaniyang pagtulog. Bahagyang nawala sa wisyo si Mateo dahil sa tanawing nasa harap niya. Nang bigla ay unti-unting magmulat ng mga mata si Natalie. "M-Mateo?" Tarantang lumayo si Mateo nang makaramdam ng kakaiba. Mabilis siyang nag-iwas ng tingin sa babae at patakbong lumabas. Natahimik si Natalie nang makita ang reaksyon ng asawa. Ganito ba talaga siya nito kinasusuklaman? "Mag-hot shower ka para mahimasmasan ka. Buong gabi ka kas nasa labas," biglang saad ni Isaac na kakapasok lang ng kwarto. "O-Oo, Salamat." Napasarap siya sa pagbabad sa bathtub nang makatanggap siya ng text mula kay Isaac. [Nasa Lorenzo Pavilion si Sir Mateo.] Tinapos na ni Natalie ang paliligo at saka nagtungo sa pavilion. Magsisimula ang party mamayang hapon hanggang gabi. Pero ngayon ay may hinandang lunch ang mga Wang para sa mga bisitang narito na. Nang makarating siya pavilion ay tahimik siyang lumapit kay Mateo. Ayaw niya itong istorbohin. At isa pa, abala rin si Mateo sa pakikisalamuha sa mga ibang bisita. "Kumusta na 'yong Hidden Lake Project? Anong plano ro'n ni Mr. Roberto Wang?" tanong ng isang bisita. "Mahirap nang i-impress si Mr. Wang ngayon sa edad niya," sagot ni Isaac. Narinig ni Natalie ang usapan ng mga ito. At napagtanto niya na may kinalaman si Mateo ro'n sa Hidden Lake Project na ' yon. "Napakalaking halaga ng nagastos ko para sa regalo niya ngayon," ani pa ng isa. "Sana na lang ay hindi mapunta sa wala," dagdag ng isa. Halos anim na buwan nang delayed ang Hidden Lake Project base sa mga narinig ni Natalie. Ngunit hindi iyon sapat para makuha nang buo ang atensyon ni Natalie. linom na lang siya ng juice sa sobrang pagkabagot. Ngunit bago niya pa iyon maitungga ay may umagaw ng baso sa kamay niya. "Ito ang inumin mo. Mas makakabuti 'to sa 'yo ngayon," nakangiting ani Isaac saka inabot ang isang tasa ng mainit na gatas. Napangiti rin si Natalie. "Salamat," saad niya saka humigop ng gatas. Hindi nila alam na nanonood sa kanila si Mateo. Nakaramdam siya ng selos. Bakit malapit si Natalie kay Isaac? Anong intensyon niya? Inosente at mabait na tao si Isaac. Pero hindi siya tiwala kay Natalie. At dahil gusto niya itong mabantayan, lumapit siya rito at saka kinuha ang tasang hawak-hawak nito. "Umupo ka sa tabi ko." Nagulat si Natalie. Tama ba ang dinig niya? Ito ba 'yong parehong Mateo na lagi siyang ipinagtatabuyan? "Ano?" naguguluhang tanong niya. Sinamaan naman siya ng tingin ni Mateo. "Hindi ka pinasama ni lolo rito para lang maging display. Kung gusto mong maging parte ng pamilya namin, mag-ambag ka." Tahimik na lamang na sumunod si Natalie. Kasama sina Mateo at Natalie sa main table kung saan nakaupo ang birthday celebrant na si Roberto Wang. Dahil iyon sa estado ng pamilya nila. Nang magsimula na ang kainan, si Mateo, ang pinakabata sa mga nasa mesang iyon ay inangat ang kaniyang wineglass. "My grandfather is not feeling well at the moment. So, I'm here on behalf of the younger generation to toast to your longevity. Happy birthday, Mr. Wang." "Salamat, salamat," masayang sabi ni Roberto. Inutusan ni Mateo si Isaac na dalhin ang binili niyang regalo para sa matanda. "I hope you will accept this antique Victorian pocket watch I found abroad with pleasure." "Maraming salamat sa regalo mo, hijo." Tinanggap ni Roberto ang regalo ngunit halata sa mukha nito na hindi siya gaanong napahanga rito. Tinandaan ni Mateo kung anong ugali ni Roberto kaya alam niyang mahihirapan siyang pabilibin ang matanda. Nagsimula na ring iabot ng ibang bisita ang kanilang regalo sa matanda. Tinanggap niya ang mga 'yon pero hindi pa rin nila ito kinakitaan ng reaksyong nais nilang makita mula sa kaniya. Hanggang sa mapunta ang tingin ni Roberto sa tahimik na si Natalie. Imbes kasi na makihalubilo ito sa ibang bisita ay nakapokus lang ang atensyon nito sa pagkain. "Young lady, who are you?" nakangiting tanong niya. Kaagad naman na ibinaba ni Natalie ang hawak niyang kubyertos, nilunok ang kaniyang pagkain, at saka pinunasan ang kaniyang labi. "Mula po ako sa pamilyang Garcia," marahan niyang sagot.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD