Aleya's POV
Maganda ang mood na gumising ako sa araw na ito. Kahit na tinanghali ako ng gising ay hindi umalis si Enrique sa bahay nila. Ewan kung anong hangin ang nalanghap nito at hindi ito umaalis ng bahay nitong mga nakalipas na araw. Hindi na rin umulit na nagpunta rito ang girlfriend nito na ang hula ko ay hiniwalayan ng binata. Ganoon naman ito palagi. Halos Linggo-linggo ito kung magpalit ng nobya. Paborito yata nito ang kanta ni Imelda Papin na Isang Linggong Pag-ibig kaya ginagaya nito ang title ng nasabing kanta.
Mas pabor sa akin na palaging nag-stay lamang sa bahay nila ang binata dahil hindi ako mahihirapan at mapapagod sa kakabuntot sa kanya at mas nakakasiguro ako na ligtas siya kapag nandito lamang siya sa bahay nila. Isa pa sa nagpapaganda ng mood ko ay day off ko ngayong araw. Ang sabi sa akin ni Sir Erman ay day off ko every Saturday para naman daw makapagpahinga ako ng maayos at makapag-exercise na rin. Mamaya pag-alis ko ay pupunta ako sa gym na itinayo ni Ninong para sa aming mga pulis. Para makapag-practice kami at mabawasan ang mga taba sa aming katawan lalong-lalo na iyong mga pulis na malalaki ang tiyan.
"Good morning, Sonia. Kumain na ba ang Sir Enrique mo?" tanong ko sa maid pagpasok ko sa kusina.
"Oo. Kumain na siya kanina pa. Naroon siya sa music room at nakikinig ng mellow music," mabilis na sagot ni Sonia. "Day off mo pala ngayon, Aleya. Aalis ka ba?"
"Oo. Kailangan kong mag-exercise para maalis ang stress ko sa katawan. Baka bigla na namang atakehin ang sir mo at bigyan ako ng sobra-sobrang stress kaya kailangan kong mag-exercise," nakangiti kong tanong na ikinatawa rin nito.
"Mabait nga ngayon si Sir Enrique, eh. Hindi umaalis ng bahay," ani Sonia na napansin din pala ang amo nitong hindi umaalis ng bahay. Akmang magsasalita ako nang biglang tumunog ang doorbell sa labas ng gate. "Sandali lang at titingnan ko kung sino ang dumating," paalam nito.
Pag-alis ni Sonia ay nagtimpla ako ng kape at dinala sa sala center table sa may sala at naupo ako sa may sofa.
"Sino ang duma—" Itatanong ko san kay Sonia kung sino ang dumating nang muli siyang pumasok sa loob ngunit hindi ko na maituloy nang makita kong kasunod niyang naglalakad papasok sa sala ang kaibigan kong si Deo. Ito lamang ang nang-iisang lalaking malapit sa akin siymepre, maliban kay Ninong at sa daddy ko na nasa ibang bansa with my mom.
"Hello, gorgeous lady? How are you?" maluwang ang pagkakangiting bati sa akin ni Deo habang may bitbit itong isang boquet ng mapupulang rosas. "Flowers for the most beautiful woman on earth," sabi pa nito matapos iabot sa akin ang mga bulaklak.
Masayang sinalubong ko siya at tinanggap ang mga bulaklak na ibinibigau niya pagkatapos ay niyakap ko siya ng mahigpit na ginantihan din nito ng mahigpit na yakap. Bigla akong napabitiw sa pagkakayakap kay Deo nang makarinig ako ng malakas na pagtikhim mula sa aking tagiliran. Nang tingnan ko kung kanino galing ang tikhim ay nakita kong nakatayo si Enrique sa malapit sa amin habang naniningkit ang mga matang pinaglilipat-lipat ang paningin sa aming dalawa ng kaibigan ko.
"Kailan ka pa dumating? Hindi mo man lang sinabi na darating ka para nasundo kita sa airport," masayang tanong ko kay Deo at inignora ko ang masamang tingin sa akin ng binatang boss ko.
Galing ng Canada si Deo at nag-training ito sa isang special training na ginampanan ng iba't ibang kapulisan sa buong mundo. Isang buwan ang training nito na at bawal ang pagkontak sa labas kaya isang buwan ding wala kaming komunikasyon sa isa't isa. Dapat kasama ako sa training ngunit hindi ako pinayagan ni Ninong dahil may ibibigay raw siyang trabaho sa akin. Kung alam ko lang na ang pagiging bodyguard ni Enrique ang trabahong tinutukoy niya ay nagpumilit sana akong sumama kay Deo sa special training. Gusto ko kasing makapag-training sa mga high tech facilities kasama ang iba't ibang kapulisan sa buong mundo. Minsan lamang nangyayari ang ganoon kaya naman ang malaking achievement kapag ikaw ang napiling maipadala para mag-training. Sayang nga lang at hindi ako nakasama.
"Kahapon lang ako dumating. Nagpahinga muna ako sa bahay bago nag-report sa presinto kanina. Doon ka lang nalaman na isa ka na palang bodyguard ngayon. Kumusta naman ang pagiging bodyguard ng isang guwapong playboy?" mahina at nanunudyo ang boses pati na rin ang mga mata na wika ni Deo sa akin. Siguradong alam na nito kung sino ang binabantayan ko ngayon kaya niya ako tinutukso. Hindi lang nito magawang lakasan ang boses dahil nasa paligid lamang si Enrique na ewan kung bakit hindi na maipinta ang mukha.
"Hay naku, Deo. Huwag nating pag-usapan ang tungkol sa bagay na iyan. Ang mabuti pa ay pag-usapan natin ang nangyaring training mo," excited ang boses na sabi ko sa kanya. Pareho kaming sabay na napa-igtad nang malakas na ibinagsak ni Enrique ang pintuan ng music room. Bumalik pala ito sa loob dahil hindi ko naman pinansin at ipinakilala sa aking bisita.
"Mukhang galit yata ang boss mo dahil tumanggap ka ng bisita at hindi mo man lang siya ipinakilala sa akin," nag-aalalang sabi ni Deo habang nakatingin s nakasaradong silid na pinasukan ni Enrique.
Alam ko na may pagka-bastos ang ginawa ko dahil hindi koan lang ipinakilala si Deo kay Enrique gayong ang huli ang may-ari ng bahay ngunit hindi ko na iyon pinansin. Bahala siya magdabog hangga't gusto niya.
"Ang mabuti pa ay umalis ka na muna, Deo. Magkita na lang tayo mamayang five o'clock ng hapon sa dating lugar. Doon ay makakapagkuwentuhan tayo ng maayos. Day off ko naman ngayon kaya puwede akong umalis," pasimpleng pagtataboy ko sa kaibigan ko. Hindi rin naman kasi kami makakapag-usap dito ng maayos dahil siguradong binabantayan kami ng binata.
"Okay. I got it," sang-ayon ni Deo pagkatapos ay nakngiting nagpaalam na sa akin. Inihatid ko siya hanggang sa labas ng gate.
Nang makaalis na si Deo ay agad akong pumasok sa loob ng bahay para ilagay sa flower vase ang mga preskong rosas na bigay nito. Ngunit pagbalik ko sa loob ay wala na ang mga bulaklak na ipinatong ko sa center table. Nagtatakang pinuntahan ko si Sonia sa kusina para tanungin.
"Kinuha mo ba ang mga bulaklak na nasa center table, Sonia?"
"Hindi. Pero kanina paglabas mo kasama ang guwapo mong bisita ay nakita ko si Sir Enrique na lumabas sa music room ngunit hindi ko nga lang nakita kung kinuha ba niya ang mga bulaklak na bigay sa'yo," mabilis na paliwanag ni Sonia.
Naiiling na naglakad ako papunta sa music room para katukin si Enrique at tanungin kong kinuha ba nito ang mga bulaklak ko ngunit agad akong napahinto sa paglalakad nang hindi sinasadyang dumapo ang paningin ko sa trash can na nasa gilid ng hagdanan. Agad ko itong nilapitan nang makita ko ang mga bulaklak na ibinigay ni Deo na nasa loob ng trash can at may mga bali-bali na. Napasimangot ako dahil doon. Walang ibang magtatapon ng bulaklak ko sa basurahan kundi si Enrique lamang.
"Childish," inis na bulong ko. Mabigat ang loob na lumapit ako sa pintuan ng music room at tinadyakan ng malakas ang pintuan pagkatapos ay nagmamadali akong lumayo bago pa man makita ni Enrique na ako ang may gawa niyon.