Chapter 5: The Urban Life

2654 Words
HINDI maalis ni Emily ang paningin sa malaking rebulto sa gitna ng living room. Her eyes filled with astonishment; she can’t stop looking at it. Ginto ang kulay nito at sumisimbolo sa may-ari ng mansyon, walang iba kundi ang Lola Victoria niya. “This is the Victoria Statue of this mansion,” pagpapakilala ni Donya Victoria kay Emily tungkol sa rebulto. “This statue symbolizes my wealth and power. Alam mo ba kung magkano ito? 50 million lang naman. Gawa pa sa Italy ang rebultong ‘yan.” “Wow! This is so breathtaking! Ngayon ko lang nalaman ang tungkol dito, Lola. Bakit ngayon mo lang sinabi? Sa tagal-tagal ng panahong naka-display ito rito, ngayon ko lang nalaman na kayo pala ito.” “Well, matanda na kasi ako ngayon kaya malayo na ang hitsura ko d’yan. Pero noong dalaga pa ako, ganyan talaga ako kaganda!” “I know, Lola. Kahit ngayon naman maganda ka pa rin. Flawless!” Inakbayan ng donya ang paboritong apo habang proud ang mga matang nakatitig sa rebulto. “Alam mo, pagdating ng araw, magpapagawa rin ako ng sarili mong rebulto gaya n’yan.” Nanlaki sa tuwa ang mga mata ni Emily. “Wow! Really, Lola?” “Yes! Kapag ipinamana ko na sa iyo ang mansyong ito, rebulto mo naman ang aasikasuhin ko. Then ikaw na ang bahala kung saan mo gustong i-display.” “Wow! Thank you talaga, Lola! Gusto ko rin magkaroon nito! I want to be a powerful woman like you!” “You’re already in that stage, Darling. Tayong dalawa lang ang makapangyarihan sa mansyon na ito. Kapag dumating ang araw na mawawala na ako sa mundo, sa `yo lang mapupunta ang lahat ng nandito.” Habang nag-uusap ang dalawa, palihim namang nakamasid sa di kalayuan si Lauren. Paakyat na sana siya sa kanyang silid nang madaanan ang maglola. Bago pa siya mapansin ng mga ito ay inakyat na agad niya ang hagdan. Wala siyang reaksyon sa narinig mula sa dalawa. Tanggap na rin naman niyang wala siyang makukuha rito kahit isa. Kaya nga mag-isa na lang siyang nagsusumikap at nagtatrabaho para buhayin ang sarili. SA ISANG masukal na lugar ay nagsisiksikan ang mga bahay na karamihan ay yari sa kawayan. Nagkalat sa paligid ang mga batang naglalaro sa init ng araw. Sunod-sunod din ang pagdaan ng mga tricycle na nagsisilbing hari ng kalsada. Isang tipikal na araw iyon sa Tondo. Nagsilbing palamuti sa kapaligiran ang mga basurang kung saan-saan na lang itinapon. Habang tinatahak ni Matthew ang maputik na daan, saglit siyang huminto sa isang tindahan at bumili ng soft drinks. Hindi na niya matiis ang labis na pagkauhaw gawa ng matinding sikat ng araw. Ilang lakad lang ay narating na niya ang kanilang tirahan na bagamat yari sa kawayan ay medyo may kalakihan. Sa lahat ng mga bahay roon, ang kanila lang ang medyo malaki at maayos. Malinis kasi sa bahay si Matthew. Araw-araw siyang nakikipagbakbakan sa alikabok para maitaboy ang mga ito sa labas. Lahat din ng butas o sira sa paligid ay walang ligtas sa kanya. Tinutukso nga siya ng iba roon dahil pati mga gawaing babae gaya ng paglilinis at paglababa ay siya lang ang gumagawa. Pagpasok sa loob, bumungad sa kanya ang tatlong kapatid na nasa elementarya pa lang. Abala sila sa panunuod ng TV. “Nasaan ang Ate Roxan n’yo?” tanong niya sa isa. “Umalis po, Kuya. Kaninang umaga pa po wala.” Tumango na lang siya at dumiretso na sa kuwarto. Pagpasok doon ay nahilo na naman siya sa kalat na iniwan ng tatlo. Mga basurang papel sa higaan at mga damit na pinaghubaran sa sahig. Isa-isa niya itong dinampot at inilagay sa tamang paglalagyan. Naupo siya sa higaan at inilabas ang pitaka. Tahimik na binilang niya ang inutang na perang gagamitin sa enrollment ng tatlong kapatid. Nalalapit na ang pasukan ngunit matagal pa ang sahod niya sa trabaho kaya nangutang na muna upang matugunan agad ang pangangailangan ng mga bata sa iskuwelahan. Sunod niyang binuksan ang aparador na katabi ng higaan at kinapa sa sulok ang kahon ng sapatos kung saan nakalagay ang iniipon niyang pera sa pagtatayo ng tindahan. Balak niyang magtayo ng sari-sari store sa harap ng kanilang bahay, at ang kapatid niyang si Roxan ang pagbabantayin niya rito. Ngunit pagbukas niya sa kahon ng sapatos ay wala na itong laman. Ang mahigit sampung libong inilaan niya roon ay kataka-takang naglaho. Tarantang hinalungkat niya ang buong aparador. Tinanggal pa ang mga gamit para madaling makita ang pera. Sa huli ay pinagpawisan lang siya sa ginawa. Bigo siyang matagpuan ang nawawalang pera. Doon na siya nagtanong sa tatlong kapatid na nasa sala. “Sino sa inyo ang nangalkal sa aparador ko?” Pare-parehong umiling ang tatlo. Nagpapahiwatig na wala sa kanila ang hinahanap niya. “May nawawalang pera doon. Imposible namang mawala ‘yon kung walang kukuha. Umamin na kayo, sino ang nangalkal sa aparador ko?” “Hindi po namin alam, Kuya. Hindi naman po kami lumalapit d’yan kasi sabi n’yo huwag naming papakialaman mga gamit n’yo. Si Ate Roxan lang po ang nakita kong nangangalikot d’yan kaninang umaga bago siya umalis.” Hindi makapaniwala si Matthew sa narinig. Agad na nagdilim ang kanyang mukha sa galit. Nagbabad siya sa init ng araw para hanapin si Roxan. Lahat ng mga kakilala nito ay pinuntahan niya ngunit pati sila ay hindi rin alam kung nasaan ito. Hanggang sa may makapagsabi sa kanya na umalis daw ito kanina kasama ang isang lalaki na nobyo raw nito. “Anong jowa? Sino ang jowa ng kapatid ko?” “Iyong adik na nakatira sa looban. Si Bagang.” Dumagundong ang dibdib ni Matthew sa narinig. Para itong sasabog sa sobrang galit. Kilala si Bagang sa buo nilang lugar dahil lagi itong sangkot sa mga kaguluhan. Bali-balita pa niya, ilang babae na raw ang inabuso nito noon. Si Bagang ang tipo ng tao na may pusong bato, halang na bituka at bakal na kamay. Nagiging alanganin ang buhay ng isang tao kapag napalapit ito rito. Hininga pa lang nito ay nakamamatay na, paano pa kaya ang mga kamay nitong nabahiran na ng iba’t ibang krimen? Nagtungo siya sa looban kung saan matatagpuan ang bahay ng mga iskuwater sa kanilang lugar. Doon namumugad ang mga siga, basagulero at mga kriminal na nagtatago sa batas. Hindi alintana ni Matthew ang peligrosong bumabalot sa lugar, dagdag pa ang mga batang naglalaro ng matutulis na kawayan sa daan. Maling galaw lang ng mga ito ay maaari silang makapanakit ng taong dumadaan. Pinagtanung-tanong niya sa mga tambay kung saan banda si Bagang, hanggang sa dalhin siya ng mga ito sa bandang dulo kung saan makikita ang isang buluk-bulok na bahay. Isang bagyo na lang at maaari na itong bumigay. Sa harap pa lang ay hinarang na siya ng isang lalaking tambay, nakapatong sa balikat ang sando at tadtad ng tattoo sa dibdib. May yosi pa ito sa bibig at umaalingasaw sa baho ang katawan. Napaatras nang bahagya si Matthew dahil sa amoy nito na halos ikahilo niya. “Sino’ng hinahanap mo, Pare?” tanong sa kanya ng lalaki. “Si Bagang. Nandito ba siya?” “Ah, wala siya ngayon, eh. May pinuntahan yata kasama ‘yong bebot niya. Hindi pa siya available sa suntukan ngayon.” Nangunot ang noo ni Matthew sa narinig. “Anong suntukan ang sinasabi mo?” “Ah, hindi ka ba kasali sa mga nanghahamon sa kanya? Dito kasi sa amin dumadayo ang mga lalaki na gusto siyang makaharap para masukat ang kanilang lakas. Kapag may sigang napapadpad dito, si Bagang agad ang unang tinatawag para magkaalaman kung kaninong bayag ang mas matigas.” “Ganoon?” kunot-noong tugon ni Matthew. Medyo na-cringe siya roon. Pero at the same time kinabahan din siya para sa kapatid. Ano na lang kaya ang magiging kapalaran nito sa lalaking uhaw sa p*****n? “Kailan kaya sila babalik?” “Mamayang gabi siguro. Kung gusto mo, magpalista ka na lang dito para mabigyan ka namin ng schedule kung kailan puwede si Bagang.” “Ulol!” walang atubiling mura niya sa lalaki. “Hindi ako nagpunta rito para makipag-away. Hinahanap ko ‘yong kapatid ko na kasama pala ng lalaking ‘yon!” Tila nabasa yata ng lalaki ang nasa isip niya. “Naku ngayon pa lang binabalaan na kita, Brad. Hindi biro maging kalaban si Bagang. Marami nang sumubok, pero lahat sila hindi lang mukha ang nasira, pati na rin buhay.” Hindi na pinakita ni Matthew ang pagtawa niya. Akala siguro ng lalaking ito ay hindi siya marunong lumaban porket maamo ang mukha niya. Tinalikuran na lang niya ito at umuwi na muna sa bahay. Doon niya ibinuhos ang nagbabagang emosyong nais kumawala sa kanyang pagkatao. Habang kumakain ay hindi niya napigilang panggigilan ang hawak na kutsara. Bumaluktot tuloy ang hawakan nito sa tindi ng puwersang pinakawalan niya. Naawa siya sa kutsara, dito pa niya naibuhos ang kanyang galit. NABAWASAN na ang init ng araw sa labas kaya sinamantala ni Matthew ang pagkakataon para makapaglaba. Ipinuwesto niya sa labas ang balde at palanggana saka kinuha ang mga labahang naipon sa lagayan ng maruming damit. Mag-isa siyang muli sa bahay dahil nasa labasan na naman ang tatlong maliliit na kapatid para maglaro. Sa kalagitnaan ng pagkukusot ay nakarinig siya ng pamilyar na boses na tumawag sa pangalan niya. Paglingon sa pinagmulan ng boses ay bumungad sa kanya si Lauren na may dalang plastic container na nakabalot sa supot. “Uy, Lauren!” Ang bilis niyang tumayo sa kinauupuan at hinugasan ang kamay na kinapitan ng bula. Kakaibang pagkasabik ang naramdaman niya. Tila biglang naglaho ang lahat ng nararamdamang galit sa mga sandaling iyon. “Bakit hindi mo sinabing pupunta ka pala?” Nakaramdam siya ng hiya dahil naabutan nitong naka-boxer shorts lang siya. Ganoon kasi lagi ang suot niya kapag nasa bahay lang. “Gumanti lang ako sa `yo dahil sa pagdalaw mo sa amin nang walang paalam.” Natawa siya at sinenyasan ang babae na pumasok. “Halika dito muna tayo sa loob.” Hindi agad nakakilos si Lauren. Nagulat din ito dahil first time nitong makita ang lalaki sa ganoong porma. Kahit saan nito ibaling ang tingin, bumabalik pa rin iyon sa batu-batong katawan ng lalaki na halatang batak na batak sa gym. Pinaupo ni Matthew ang babae sa harap ng mesa. “Dito ka lang muna. Bibili lang ako ng miryenda.” “Naku, huwag na. May dala akong miryenda.” Ipinatong ni Lauren sa mesa ang dalang container at binuksan. Nagulat siya nang makita ang fruit salad na laman nito. “Wow! Sino’ng may birthday at naghanda kayo n’yan?” “Excuse me? Nakakalimutan mo yata na taong mansyon ako kaya normal lang sa amin ito. ‘Yong mga handa n’yo sa birthday at fiesta, break fast at miryenda lang namin.” Sinabayan niya ang tawa ng babae. “Ay, sorry naman! Nakalimutan ko mayaman nga pala kayo at mahirap lang ako.” ”Joke lang!” bawi din agad ng babae. “Anyway, wala kasi sina Lola at Ate ngayon kaya sinamantala ko ang pagkakataon para makagawa ng salad. Napakainit kasi ngayon kaya tama lang itong pangmiryenda. Kainin mo na habang malamig pa.” Kumuha si Matthew ng dalawang mangkok at kutsara para mapagsaluhan nilang dalawa. “No! Para sa `yo lang ito, Matt. Nagtira na ako ng sa akin sa bahay kaya ubusin mo na ito.” “Ganoon? Salamat, ah! Nag-abala ka pa.” Binalik niya agad sa pinagkuhanan ang isang mangkok at kutsara na para sana sa babae. Itinutok niya sa kanilang puwesto ang bentilador na daig pa ang mga paputok sa bagong taon kung lumikha ng ingay sa sobrang kalumaan. “Ngayon nga lang ako nakagamit uli sa kitchen. Hindi kasi ako makakilos kapag nandoon sina lola at ate dahil guguluhin lang ako.” “Sobra naman sila, parang hindi na pamilya ang turin sa `yo. Pati sa pagluluto lang babawalan ka pa. Bakit hindi ka pa kasi umalis doon? Layasan mo na sila! Afford mo naman siguro mangupahan ng apartment di ba? O kumuha ng unit sa mga condo.” “Hindi ganoon kadali iyon. Saka may mga bagay ako roon na hindi basta-basta maiiwanan. Pero ‘wag kang mag-alala, darating din tayo d’yan. Hinihintay ko lang na mabawi ang mga bagay na dapat para sa akin, saka ako aalis doon.” “Anong mga bagay naman ‘yon?” “’Yong kayamanang naipundar ng nanay ko. Balita ko kasi, meron daw siyang part na balak niyang ipamana sa akin. Pero ang problema, bigla namang humarang itong si Lola at ayaw ‘yon ibigay sa akin. Hindi naman puwedeng umalis ako roon nang walang dala-dala.” “Mahirap nga ‘yan. Alam mo naman kung ano ang kayang gawin ng lola mo ‘di ba? Siya ang may kapangyarihan. Kaya niyang manipulahin ang lahat. Karma na lang talaga ang pag-asa natin. Kapag kinarma sila, maaaring magbago ang ikot ng mundo. Ikaw naman ang mangingibabaw at sila ang malulugmok sa ilalim.” “Absolutely! Kaya nga hindi ako aalis doon hangga’t hindi nakukuha ang parte ko.” “Bad trip ako ngayon sa kapatid ko,” pag-iiba ni Matthew sa usapan. “Sinong kapatid?” “Kay Roxan.” “Bakit? Ano na naman ba ang ginawa ng babaeng ‘yon?” hindi na bago kay Lauren ang tungkol dito dahil madalas na iyong maikuwento noon ng lalaki. “Kinakasama niya pala ‘yong adik na lalaki roon sa looban. Tapos ngayon pinagnakawan pa niya ako. Kinuha niya ‘yong iniipon kong pera sa pagpapatayo sana ng tindahan d’yan sa harap.” “Hindi ka pa ba nasanay sa kanya? E, kahit ako noong una pa lang masama na talaga ang kutob ko sa kapatid mong ‘yan. Sa kilos at gawi pa lang niya halatang mapapariwara na talaga ang buhay.” “Ngayon lang kasi lumala, eh. Nagmahal na nga ng isang adik, natuto pang magnakaw. Naimpluwensiyahan na yata ng mga batugan d’yan sa labas!” “Wala ba siyang trabaho? Or something na mapagkakaabalahan?” “Alam mo namang taong kalye lang ‘yan si Roxan. Kababaeng tao ang hilig rumampa sa daan. Wala yatang magandang plano sa buhay. Kaya nga balak ko sanang magtayo ng tindahan para may magawa naman siya rito sa bahay habang wala ako, pero tingnan mo itong ginawa niya. Buwisit, eh! Sana talaga lalaki na lang siya, para puwede kong patulan at bugbugin!” “I think it is better for her to get out of this place. Masyado talagang magulo rito kaya hindi mo rin mailalayo sa masamang impluwensiya ang kapatid mo. I think she needs a new home and environment.” “Iyan din talaga ang balak kong gawin kaya nag-iipon ako ng pera ngayon sa bangko para makapagpatayo ng sariling bahay, iyong malayo rito. Kainis, eh! Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, sana pala nilagay ko na lang din sa bangko ‘yung iniipon kong puhunan sa tindahan para hindi niya nagalaw.” “Well, nangyari na rin naman so we can do nothing about it. Kailangan mo na lang siyang pagsabihan at paliwanagan.” Hindi na rin naman nagtagal doon ang babae. Nang maubos ni Matthew ang fruit salad ay nagpaalam na agad ito. “I think I need to go now. Naabala pa tuloy kita sa paglalaba mo. Naghatid lang talaga ako ng pagkain sa `yo rito.” “Sandali hintayin mo `ko.” Nagmadali siyang nagtungo sa kuwarto at nagbihis ng sando. “Ihahatid na kita hanggang sakayan. Baka mapagtrip-an ka pa ng mga tambay d’yan.” “’Wag na, Matt. Lalo ka pang maaabala, eh. Nakapunta naman ako rito nang ako lang mag-isa.” “Kahit na, mabuti na ‘yong sigurado. Hindi natin alam kung kailan aatake ang mga manyak d’yan sa labas.” Hindi na siya pinigilan ng babae. Muli silang nagpaalam sa isa’t isa nang makasakay na ito sa tricycle.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD