Chapter 6: Double Rumble

2815 Words
LATAG na ang gabi nang balikan ni Matthew ang lugar nina Bagang. Nagbabakasakali siyang nandoon na ang dalawa. Sa malayo pa lang, natanaw agad niya si Roxan kasama ang lalaking kinatatakutan ng lahat doon. May hawak na lighter ang babae habang sinisindihan ang yosi sa bibig ng lalaking tadtad ng tattoo sa mukha. Nasa pintuan sila at pinagsasaluhan ang malamig na simoy ng hangin. Nagliyab ang matinding emosyon sa kanyang pagkatao. Awtomatikong sumara ang dalawang kamao niya kasabay ng panlilisik ng mga mata. Walang atubiling nilapitan niya ang dalawa hanggang sa tumambad sa mga ito ang nagdidilim niyang mukha. Biglang pumiglas ang babae sa pagkakayakap ng lalaki at inayos pa ang damit. Gulat na gulat ito nang makita siya. “K-Kuya!” “Ano ‘to, Roxan?” diretsong tanong ni Matthew. “Ano’ng ginagawa mo rito? Ba’t ganyan ang suot mo? Kulang na lang ilabas mo na ang kaluluwa mo.” “Kami ang dapat na magtanong n’yan, pare. Ano’ng ginagawa mo rito sa teritoryo ko?” biglang singit ni Bagang sa eksena. “Huwag kang makisali hindi ikaw ang kausap ko,” mabilis na tugon dito ni Matthew at muling bumaling sa kapatid. “Halika nga rito. Mag-uusap tayo nang masinsinan.” Tumalim ang mga mata ni Bagang at akmang lalapitan siya, ngunit pinigilan agad ito ng babae. “Huwag mo siyang sasaktan. Kapatid ko ‘yan. Ako nang bahala sa kanya, baby koh.” Sa babae pa rin nakatitig si Matthew at tila hindi pansin ang presensiya ng lalaki. “Lumapit ka rito kung ayaw mong kaladkarin kitang hinayupak ka! Saan mo dinala ‘yong pera ko sa aparador?” Bumakas ang kunsensiya sa anyo ng babae. “A-anong pera, Kuya?” pagde-deny nito. “Huwag mo ‘kong makuya-kuya! Sagutin mo ang tanong ko! Saan mo dinala ‘yong sampung libo? Kailan ka pa natutong magnakaw, Roxan? Sarili mong kapatid pagnanakawan mo?” Halos walang maisagot si Roxan. Hindi niya masabi na ang perang kinuha ay pinang-casino lang nila ni Bagang sa kabilang bayan pero umuwi silang luhaan. “Puwede ba, Kuya? Huwag dito! Huwag ka nga gumawa ng eskandalo rito. Hindi natin lugar ito! Mahiya ka naman. Doon mo na lang ako sa bahay sigaw-sigawan ng ganyan.” “Ako pa talaga ang dapat mahiya? Ano naman ang tawag mo rito sa ginagawa mo? Hindi mo ba alam kung para saan ‘yong perang ninakaw mo? Para iyon sa tindahan na gusto kong itayo! Para naman may magawa kang matino at hindi nagpapakaputa rito sa labas! Lalo lang napapariwara ang buhay mo sa ginagawa mong ito!” “Sino bang may gusto ng tindahan na ‘yan? Ikaw lang naman ‘di ba? Wala naman akong sinabi na magtayo ka ng tindahan. Sino ang pagbabantayin mo d’yan? Ako? Hindi ako interesado d’yan! Sarili kong buhay ito, Kuya! Karapatan kong mabuhay sa paraang gusto ko!” “E, tarantado ka pala, eh! Ikaw na nga itong binibigyan ko ng magandang buhay ayaw mo pa! Napapalamon ka ba ng ginagawa mong ‘yan? Saan ba nanggagaling ‘yong kinakain mo araw-araw? Sa akin lang din ‘di ba? May naitulong ka ba? Wala! Puro sakit lang ng ulo ang binibigay mo!” “Kung magsalita ka akala mo naman napakayaman mo na! Ang tagal mo nang nagtatrabaho pero hanggang ngayon nandito pa rin tayo? Ni hindi mo nga kami mailipat sa magandang bahay! Isusumbat mo sa akin ‘yong pinapakain mo araw-araw? Para sabihin ko sa `yo, kulang pa ‘yon! Magsalita ka na lang ulit kung kaya mo na kami bilhan ng sariling bahay at sasakyan!” Parang tinaga ng itak ang puso ni Matthew. Hindi na niya napigilan ang pagsabog ng bomba sa kanyang utak. Natagpuan na lang niya ang sarili na dinakma ang braso ng kapatid at hinawakan nang mahigpit, sobrang higpit na halos ikadurog ng buto nito. “Tangna ka! Ang lakas ng loob mo! Mula ngayon, huwag ka nang tatapak sa bahay kahit kailan! Wala kang pinagkaiba kay mama na puro landi at sugal lang ang laman ng utak!” “Tama na ‘yan!” Biglang hinubad ni Bagang ang suot nitong sando. Lumantad ang batu-bato nitong katawan na tadtad ng malalaswang burda. Inunat pa nito ang mga buto na tila hinahanda sa matinding bakbakan. “Dadaan ka muna sa kamao ko bago mo mahawakan nang ganyan ang gelpren ko, ungas!” Sa sinabing iyon ni Bagang, isa-isang lumingon ang mga tambay na may kanya-kanyang mundo sa paligid. Nagkumpulan sila sa harap ng bahay at tila uhaw na uhaw makapanood ng away. Nilapitan si Matthew ng lalaki at hinawakan ang harap ng kanyang damit. Buong lakas na pinunit iyon ni Bagang hanggang sa lumantad din ang maliit na bahagi ng kanyang katawan. Umugong ang hiyawan at tawanan ng mga tambay sa paligid. Kanya-kanya na sila ng hawak sa cellphone para kuhanan ang mangyayari. Hindi nagustuhan ni Matthew ang ginawa ng lalaki. Kinuha naman niya ang sandong nakapatong sa kaliwang balikat nito at pinunit sa kaparehong paraan. Napahiyaw rin sa pagkamangha ang mga tao sa ipinamalas niyang katapangan. “Akala mo aatrasan kita? Ikaw ang may kasalanan nito, eh! Ikaw ang lumason sa utak ng kapatid ko! Makikita mo ngayon ang hinahanap mo!” Iniangat ni Bagang ang ulo saka pinalabas ang naglalakihang mga bisig sa braso. “Hindi mo kilala ang taong binabangga mo, kutong lupa,” banta nito na inikot-ikot pa ang leeg. “Ako ang hari ng looban! Lahat ng kumalaban uuwing duguan! Sagad sa buto tagos hanggang laman! Burado ang lahat sa buong sanlibutan!” Isang walang tunog na tawa ang itinugon ni Matthew sa litanyang iyon na lalong ikinainsulto ni Bagang. Sa bulsa ay may dinukot itong bakal na mabilis nitong isinuot sa kaliwang kamay. “Tingnan ko lang kung makatawa ka pa mamaya, mahinang nilalang.” Inihanda ni Matthew ang sarili sa unang atake ni Bagang. Mabilis siyang umilag sa pag-atake ng kaliwa nitong kamao na may suot na bakal. Inulit ng lalaki ang pag-atake gamit naman ang kabilang kamay. Nakailag muli siya. Sunod-sunod ang pagsalubong ng mga suntok nito ngunit sa hangin lang lahat tumama. Sa pagkakataong iyon, si Matthew naman ang nagpakawala ng atake gamit ang kanan niyang kamao. Bago pa iyon dumapo sa target ay hinarangan na ito ng kamay ni Bagang. Binaluktot nito ang kanyang kamay hanggang sa mabihag ang leeg niya sa malaki nitong braso. Bumara ang hangin sa lalamunan ni Matthew gawa ng malakas na puwersang pinakawalan ng lalaki sa pagsakal nito sa kanya. Hindi na niya napigilan ang pagsalubong ng kamao ni Bagang sa kanyang mukha. Sunod-sunod ang suntok na tinamo niya hanggang sa dumugo ang kanyang ilong at bibig. Habang nagsisigawan ang mga tao sa tuwa ay wala namang magawa ang kapatid niya kundi ang umiyak at manood sa tabi. Saglit siyang pinakawalan ng lalaki saka iminudmod ang kanyang mukha sa lupa. Pagkatapos ay ibinagsak nito ang sariling katawan sa kanyang likuran. Napapikit na lang si Matthew sa tindi ng impact. Pakiramdam niya’y nabagsakan siya ng malaking bakal sa likod. Tumayo si Bagang at lumakad sa mga taong nanonood na parang nagpapakita ng pagkapanalo. “Ni hindi man lang ako pinagpawisan,” maangas na sabi nito. Dahan-dahang tumayo si Matthew at muling hinarap ang burdadong lalaki. Gamit ang kamay ay sinenyasan pa niya ito na umatake. Tila nayabangan naman ito sa ginawa niya. Muli itong lumapit at nagpakawala ng malakas na suntok sa kanyang mukha. Napaluhod siya sa lupa dulot ng pagkahilo. Doon naman siya pinuruhan ng lalaki sa tiyan gamit ang mga tuhod. Halos magsuka na siya ng dugo. Pagkuwa’y bigla pa siyang siniko ng lalaki sa batok na muli niyang ikinatumba sa lupa. Halos magdilim ang paningin ni Matthew sa pagkakataong iyon. Pero wala sa bokabularyo niya ang sumuko kaya sinikap pa rin niyang makabangon. Sa tuwing tatayo siya, umaatake naman na parang dragon ang lalaki. Nakailang suntok, sipa, tadyak at siko na ito sa kanya. Ilang beses na rin siyang binuhat at binalibag sa lupa. Nagsimula itong magtaka nang mapansing tila hindi siya nauubusan ng lakas para bumangon. Bagamat naliligo na sa dugo ang kanyang mukha ay hindi pa rin siya natitinag. Pati ang mga tao ay nanibago sa takbo ng laban. Kadalasan ay nawawalan na ng ulirat ang biktima kapag ganoon katindi ang atakeng pinakawalan ng kanilang pinuno. “Mukhang matibay ang isang ito! Ngayon lang yata nahirapan nang ganito si boss magpatumba ng tao,” bulong ng isang lalaki sa katabi. Muling nilapitan ni Bagang ang lalaki. Ngunit sa pagkakataong iyon, binaligtad naman ni Matthew ang sitwasyon. Sunod-sunod na suntok ang pinakawalan niya sa mukha nito. Sinigurado niyang hindi ito makakailag sa pambihirang bilis ng kanyang atake. Nilito niya ito sa pamamagitan ng paglipat-lipat ng puwesto saka nagpakawala ng sunod-sunod na suntok sa panga nito. Dinugtungan niya iyon ng isang backflip sabay bagsak ng mga paa sa tiyan ng lalaki na ikinatalsik nito sa lupa. Hindi na hinayaan ni Matthew na makapalag ang lalaki. Pagkatayo nito, siya naman ang nagpakawala ng malalakas na suntok dito. Ginawa pa niyang punching bag ang tiyan nito. Umakyat din siya sa batok nito at sinadyang ihulog ang sarili para sumama sa kanya ang katawan ng kalaban. Pagbagsak nila sa lupa, inipit naman niya ang leeg ng lalaki sa kanyang mga hita. Sunod niyang kinuha ang kabilang kamay nito saka binaluktot gaya ng ginawa nito sa kanya kanina. Makalipas ang ilang sandali, pinakawalan niya ito at hinila naman ang mga paa hanggang sa maligo sa lupa ang mukha ni Bagang. Nabawasan ang sigaw ng mga tao, halatang may pinapanigan sila at malinaw na hindi si Matthew iyon. Si Roxan ay nagmistulang rebulto sa kinatatayuan. Maging siya ay hindi mabasa kung ano ang kalalabasan ng bakbakang iyon. Binuhat ni Matthew nang patiwarik ang katawan ni Bagang at hinayaan itong gumapang sa lupa gamit ang mga kamay nito. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nagawang pumalag ng mga paa ni Bagang at sinipa siya sa labi. Doon muling nakabangon ang lalaki at tinapunan siya ng matalim na titig. Nagpalitan sila ng suntok hanggang sa magawa nitong bihagin ang kanyang leeg gamit ang braso nito. Dinala siya ni Bagang sa isang pader at limang beses na inumpog ang kanyang ulo roon. Bumakas sa pader ang dugo na nagmula sa kanyang mukha. Itinulak siya nito palayo saka umikot sa ere at pinatama sa kanyang mukha ang malakas nitong sipa. Bagsak na naman si Matthew sa lupa. Mabilis na pumatong sa kanya ang lalaki at binihag ang kanyang mga kamay upang hindi siya makagawa ng susunod na aksyon. Ngunit gamit ang mga paa, itinulak ni Matthew sa leeg ang lalaki hanggang sa mapahiga rin ito sa lupa at nabitiwan ang mga kamay niya. Siya naman ang pumatong dito at tinadtad ng suntok ang lalaki sa magkabilang pisngi. Sa pagkakataong iyon, mas malakas na puwersa ang pinakawalan ni Matthew. Halos ubusin na niya ang natitirang lakas para paduguin ang mukha ng kalaban. Sa tindi ng impact ay natanggal ang isang ngipin ni Bagang sa harap. Hindi niya tinigilan ang pagsuntok hanggang sa malunok nito ang ngipin. Bahagyang nabilaukan si Bagang nang subukan nitong iluwa ang ngipin sa lalamunan. Sa huli ay bigo itong gawin iyon dahil sa sunod-sunod na hagupit ng kamao ni Matthew. Nagpabugbog lang siya sa una para ipalasap dito ang maikling sandali ng pagkapanalo. Ngunit sa huli sinigurado niyang ito rin ang mapapahiya sa mga tao. Hindi na mabilang ni Matthew ang mga suntok at atakeng pinakawalan niya sa mga sandaling iyon. Napahinto lang siya nang mapagtantong wala na itong malay. Doon pa lang siya tumayo at pinagmasdan ang lalaki mula ulo hanggang paa. Hindi na ito gumagalaw pero may hininga pa. Tuluyan na nga itong nakatulog sa tindi ng bakbakan nila. Kitang-kita niya ang gulat at pagkadismaya sa anyo ng mga tao. Halatang hindi nila matanggap ang pagkatalo ng itinuturin nilang hari ng looban. Hindi na nag-aksaya ng oras doon si Matthew. Hinila niya ang kapatid palayo sa lugar na iyon. Doon pa lang lumapit ang mga tao kay Bagang at nagtulungan silang ipasok ito sa loob ng bahay. Mahigit kalahating oras ang lumipas bago nagkamalay si Bagang. Pagmulat niya, ang mga tambay kanina sa paligid ang bumungad sa kanya. “A-anong nangyari…” nanghihina ang tinig na tanong niya. “Boss, natalo ka nung kapatid ng jowa mo kanina,” sagot ng isa. Sa kabila ng panghihina ay gumuhit ang nagliliyab na galit sa anyo ni Bagang. Tila nainsulto ang buong pagkatao niya sa tinamong pagkatalo. Umalingawngaw sa paligid ang kanyang sigaw na bagamat walang binabanggit na salita ay dinig ang pagbabanta. MAG-ISA si Lauren sa dining room habang inuubos ang fruit salad na ginawa niya kanina. Bigla siyang nakarinig ng pamilyar na yabag ng sapatos. Paglingon niya sa pinagmulan nito, bumungad ang tao na kanyang inaasahan--Si Emily. Nawalan na naman siya ng ganang kumain. Itinabi niya ang fruit salad at nilingon muli ang babae. “Ano ang kailangan mo?” “Kanino galing ang salad na ‘yan?” “Sa akin, bakit? Ginawa ko ito kanina.” ”So it means pinakialaman mo ang mga gamit dito?” “At bakit hindi? Bahay ko rin naman ito, ah. Dito pa rin naman ako nakatira.” “Makakarating kay Lola ang ginawa mo!” Humagalpak ng tawa si Lauren. “Kung mag-aaway lang tayo sa ganito kababaw na dahilan, please lang, Emily, itulog mo na lang ‘yan!” ”Bakit? Natatakot kang malaman ni lola ang pangingialam mo sa kitchen? Nakakalimutan mo na yata ‘yong rules na binigay niya sa `yo. Bawal kang pumunta sa kahit anong part ng mansyong ito maliban lang sa kuwarto mo pati sa banyo!” “That is pure stupidity! Tinatanggalan n’yo ako ng karapatan dito? Ano ba kasi ang kinagagalit n’yo sa akin? May ginawa ba akong mali sa inyo? Kasi ang alam ko lang, mula nang magkamalay ako sa mundong ito, galit na kayo sa akin!” “Dahil anak ka lang ni mama sa ibang lalake! You don’t belong in this family! Magpasalamat ka na lang na umabot ka sa ganyang edad at nandito ka pa rin. Kung tutuusin, napakabait pa rin ni lola sa `yo dahil hinahayaan ka pa niyang mag-stay dito!” “Siguro nga hindi tayo pareho ng ama, pero iisa lang ang babaeng nagluwal sa atin. Kaya bahagi pa rin ako ng pamilyang ito! Sawang-sawa na ako sa ugali mo, Emily! Hindi ko alam kung ano ang pinakain ni lola sa `yo at naging ganyan ka na lang kasama sa akin! Kung tutuusin napakababaw lang nitong ikinagagalit n’yo sa akin! Ganyan na ba kababaw ang mga utak at pagkatao n’yo?” Dinampot ni Emily ang isang baso na may lamang tubig at ibinuhos sa mukha niya. “I have no time for your words. No matter what you say, you’re still not a part of this family!” “Then why are you even here? Bakit mo pa ako iniistorbo kung wala ka naman palang time sa mga sinasabi ko? Please lang, Emily! Maghanap ka ng kausap mo!” Tinalikuran ni Lauren ang babae sabay punas sa mukha na parang walang nangyari. Hindi yata nagustuhan ng babae ang ginawa niyang iyon kaya hinila nito ang kanyang buhok. Gumanti naman si Lauren at sinabunutan din ang buhok ng babae. Pareho silang nakahawak ngayon sa buhok ng isa’t isa. “Hindi ka pa ba nakuntento sa pagbato mo ng tubig sa akin kanina?” “Kulang pa ‘yon kumpara sa mga ginagawa sa `yo ni lola. Sinubukan na niyang ilublob ang mukha mo sa inidoro pero hindi lang natuloy. I think ako na lang siguro ang gagawa no’n sa `yo!” Nagpakawala ng malakas na pagsiko si Lauren na tumama sa bibig ng babae. Halos maiyak ito sa sakit. “Hindi na `ko papayag na apihin n’yo pa akong muli! Lalaban na ako!” Pumiglas si Emily at dinampot ang kutsilyo sa isang tabi saka itinutok sa kapatid. “Sige! Lalaban ka pala, ha? Ngayon mo ako labanan!” Hinawakan at binaluktot ni Lauren ang kamay ng babae hanggang sa mabihag niya ito sa kanyang braso. Hawak pa rin nito ang patalim pero siya naman ang may kontrol sa kamay nito. Itinutok ni Lauren ang patalim sa bandang leeg ng kapatid. Doon ay hindi na nakapalag ang babae. Halos manginig ito sa sobrang takot. “Sinasabi ko sa `yo, Emily. Huwag mo akong susubukan dahil kahit mas matanda ka, hindi mo `ko kaya pagdating sa ganitong away. Malakas lang ang loob mo kapag nandyan si Lola, pero ngayong wala siya rito huwag mo akong babanggain kung ayaw mong bumaon ang kutsilyong ito sa leeg mo!” pagkasabi niyon ay itinulak niya palayo ang kapatid at tinalikuran na parang walang nangyari. Naiwan si Emily sa dining room na nanginginig ang buong katawan sa sobrang galit. Galit na nagtulak dito para makalikha ng sigaw na kulang na lang bumasag ng mga baso sa paligid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD