Chapter 2: The New Bitter Journey

2228 Words
HANGGANG sa tumuntong sa pagkadalaga ay walang nagbago sa buhay ni Lauren. Basura pa rin ang tingin sa kanya ng maglola. May mga pagkakataong ayaw na niyang umuwi sa mansyon. Kahit madalas natatapos ng maaga ang trabaho ay hindi siya umuuwi agad upang maiwasan na makaingkuwentro ang dalawa. Sa mga pasyalan muna siya nagpapalipas ng oras. Umuuwi lang siya kapag lagpas alas-otso na ng gabi. Iyon ang mga oras kung kailan tulog na ang dalawa kaya payapa ang mundo niya. Bagong sahod, naisipang dalhin ni Lauren ang sarili sa Mang Inasal kasama ang kaibigan at katrabahong si Matthew. Ito ang pinaka-close niya sa lahat ng mga kasamahan sa hotel na pinapasukan sa Gil Puyat. Nasa IT Department ito at kabilang sa mga IT Specialist. Siya naman ay nasa Human Resources Department bilang isa sa mga HR Recruiter. “Hanggang ngayon ba hindi pa rin maganda ang turin sa `yo ng lola at ate mo?” tanong sa kanya ni Matthew habang hinihiwa ang manok na nakatusok pa sa stick. “Yes, wala pa ring pagbabago. Lalo pa nga silang lumala ngayong malaki na kami. Kulang na lang palayasin na `ko ni lola sa mansyon. Hindi ko na talaga alam kung ano ang gagawin ko. Ang hirap ng walang magulang. Wala kang masandalan, walang masumbungan,” tugon ni Lauren habang kanina pa tinutunaw ang yelo sa halo-halo gamit ang kutsara. Tumikim siya nang kaunti. Pagkuwa’y agad pinunasan ng tissue ang bibig saka itinapon sa pinaggamitang pinggan ng in-order niyang pork sisig kanina. Biglang humawak si Matthew sa kaliwa niyang kamay na nakapatong sa mesa. “Huwag ka nang malungkot. Nandito naman ako, eh. Kakampi mo `ko.” Lumambot ang puso niya sa ginawang iyon ng lalaki. “Salamat talaga, Matt. Alam mo kung wala ka, baka nag-suicide na `ko sa labis na pag-iisa ko sa buhay. Marami nga kaming kamag-anak pero wala naman akong ka-close sa kanila. Para bang iba ang turin nila sa akin. Si mama lang talaga ang kumikilala sa akin bilang pamilya.” “That’s sad. Minsan may mga pamilya talagang toxic. Kung sino pa ang sarili mong kadugo sila pa ang maglalaglag sa `yo.” “Sinabi mo pa! Kaya hindi ko rin masisisi ang ibang tao na may galit sa sarili nilang pamilya. At isa na ako roon, lalo na kina lola at ate.” Napansin ng lalaki ang panginginig ng kamao niya, tanda ito ng galit na nagpupumiglas sa kanyang pagkatao. Biglang pinisil ni Matthew ang ilong niya para hindi makalabas ang hangin. Agad namang pumalag si Lauren at tinanggal ang kamay ng lalaki. Sabay pa silang natawa. Ugali na nitong hawakan ang ilong niya para humupa ang tensyon sa kanyang dibdib. Ayon kasi sa lalaki, sobrang lambot daw hawakan ng kanyang ilong. Ang sarap pisilin. Dahil hindi naman bago si Matthew kay Lauren ay hinahayaan lang din nito ang lalaki na paglaruan ang kanyang ilong kapag galit siya. Mahigit dalawang taon na silang magkasama sa trabaho. Parang kapatid na nga ang turin nila sa isa’t isa. Ang dami na nilang pinagdaanang pagsubok sa buhay na pareho naman nilang nalampasan. Namatay kasi noon ang tatay ni Matthew dahil sa komplikasyon sa puso. Iniwan naman ito ng sariling ina matapos kumabit sa ibang lalaki. Lumaki itong hindi magkasundo ang sariling magulang kaya hindi naranasang magkaroon ng masayang pamilya. Ito na rin ang tumatayong magulang sa mga kapatid nitong naiwan. Sa dalawa, tatay lang nito ang tanging kakampi pero ito pa ang kinuha ng langit. Samantalang ang ina nitong sugarol at walang ibang ginawa kundi tapunan sila ng sama ng loob ay nagpapakasarap lang ngayon sa ibang lalaki. Tunay ngang mas mahaba ang buhay ng masamang damo. Sobrang na-depress dito noon si Matthew. Umabot pa sa puntong nais nitong ipasok ang sarili sa bawal na gamot para lang labanan ang mabigat na pinagdadaanan. Muntik na nga itong matanggal sa trabaho. Kung hindi lang dahil kay Lauren, hindi mapipilitan ang lalaki na pigilan ang sarili sa pagsira ng buhay. Ngayon, ito naman ang dumadamay sa kanya sa problema niya sa sariling pamilya. Pareho lang silang nawalan ng magulang. Broken family. Kaya siguro naging madali na lang sa kanila ang magkasundo dahil nauunawaan nila ang sitwasyon ng isa’t isa. WALANG pasok sa trabaho kaya naisipang dumalaw ni Matthew sa mansyon nina Lauren sa Quezon City. Sa kabila ng nararamdamang kaba ay nagawa nitong kumatok sa gate. Saglit na nagbanyo ang nakatokang guwardya roon kaya naghintay siya nang matagal. Nagkataong dumating naman sa balkonahe si Emily kaya napansin agad niya ang panauhin sa labas. Saglit niyang inilapag ang iniinom na juice sa round table para lapitan ito. Pagkalapit niya sa gate, agad nabihag ng panauhin ang kanyang mga mata. Matagal niya itong pinagmasdan at hindi maiwasang mapangiti sa lalaking kaharap niya. Moreno ito at six-footer sa tangkad. Nadala siya sa mala-modelong hugis ng mukha nito, dagdag pa ang maamo nitong mga mata, perpektong pagkakalilok sa tangos ng ilong, manipis na mga labi at ang sharp jawline nito. Sa kabila ng suot nitong casual attire ay bumabakas pa rin ang maskulado nitong katawan na tinatakpan ng white longsleeve shirt na pinarisan ng kulay gray na pants. Kumikinang sa sikat ng araw ang spiky hairstyle nito na halatang alagang-alaga sa bench fix. Hindi rin nagpahuli ang white rubber shoes nitong nakasisilaw sa linis. Tila nakaramdam si Emily ng kuryente na kumiliti sa kanyang katawan habang pinagmamasdan ang lalaki. Masigla siyang bumati rito nang pormal. “Good morning, Sir! You look so good today! How can I help you?” Tumugon din ng bati sa kanya ang lalaki. “Magandang araw po!” “Yes! Is there anything I can do for you, mister?” “Ah, ako nga po pala si Matthew. Kaibigan po ako ni Lauren. Nandito po ba siya ngayon?” Agad nagbago ang timpla ng mukha ni Emily nang marinig ang pangalan ng kapatid. Sa isang iglap ay nawala ang matamis niyang ngiti. “Ah, w-wala siya rito, eh. Umalis,” aniya kahit nasa loob lang ang babae. “Ah ganoon po ba. Mga anong oras kaya siya babalik?” “I don’t know. Malayo ang pinuntahan niya. Baka bukas pa ng maaga ang balik.” Tumango-tango si Matthew saka ibinulsa ang mga kamay. “Sige po, maraming salamat at pasensiya na sa abala.” Sakto namang dumungaw sa bintana si Lauren at nakita niyang paalis na ang lalaki sa harap ng gate nila. Nanlaki ang mga mata niya; hindi inaasahan ang kanyang makikita. Agad siyang bumaba para sundan ito, subalit pagkarating doon ay si Emily na ang nakasalubong niya. “Ate, asan na ‘yong bisita ko? ‘Yong lalaking kausap mo kanina?” Masama ang titig sa kanya ng babae. “Sino ba ‘yong lalaking ‘yon? At bakit ka niya hinahanap? Nakalimutan mo na ba ang bilin ni lola na bawal ang bisita rito hangga’t walang paalam sa kanya?” “Pero hindi ko naman kasi alam na dadalaw siya. Nakita ko lang kanina sa bintana. Nasa harap siya ng gate.” “Bumalik ka na sa loob. Bawal ang bisita rito!” pagkasabi ay binangga pa siya ng kapatid na muntik niyang ikatalisod. Larawan ng pagkadismaya si Lauren habang sinusundan ng tingin ang kapatid. Pag-akyat sa kuwarto ay tinawagan agad niya si Matthew. “Bakit ka naman pumunta rito nang walang pasabi? Hindi tuloy kita naabutan.” “Sorry, Lauren. Gusto lang sana kitang surpresahin, eh.” “Naku! Next time magsabi ka dahil mahigpit si lola rito. Hindi siya tumatanggap ng bisita hangga’t hindi kami nagpapaalam sa kanya. Depende rin kung aaprubahan niyang makapasok ‘yong bisita o hindi.” “Okay, sige. Gusto lang sana kitang makasama ngayon, eh. Kahit pasyal lang muna. Sobrang boring kasi sa bahay. Iba pa rin kapag nasa trabaho dahil nakikita kita.” “Naku!” natatawang sambit niya. “Pero sige magkita na lang tayo sa mall. Basta huwag na rito dahil masyado pang magulo para magtagpo ang langit at ang lupa.” “Ha? Ano’ng ibig mong sabihin?” Napakamot ng ulo si Lauren. Ngayon lang niya na-realize ang magulong pangungusap na binuo niya. “Ah, eh, hindi ko rin maintindihan ‘yong sinabi ko. B-basta! Ewan! Hintayin mo na lang ako d’yan! Kainis kasi ba’t dumalaw ka pa rito!” Pagkatapos ng tawag ay madaling nag-ayos ng sarili si Lauren. Kitang-kita niya kanina kung paano nag-effort ang lalaki sa porma nito kaya hindi rin siya magpapahuli rito. Inspired siyang pabonggahin ang suot kahit gala lang naman ang gagawin nila. Ewan ba niya pero natutuwa lang talaga siya, lalo na’t hindi niya akalaing pupunta pa ito sa mansyon nila para lang bisitahin siya. “GRABE ‘yang pormahan mo, ah. Parang mas lalaki ka pa sa akin,” natatawang komento ni Matthew nang masilayan siya sa black leather jacket na tinernuhan ng pulang panloob. Agaw-pansin din ang ripped jeans niyang bumagay sa pinaghalong red and black na kulay ng rubber shoes. May halo namang pagmamalaki ang ngiti ni Lauren nang umupo sa tapat ng lalaki. Sadya pa siyang nagsalumbaba sa mesa para ibida rito ang gothic spiky bracelet niya na may karugtong na kadena patungo sa kumikinang na singsing sa gitnang daliri. “This is my own definition of beauty and fashion,” may pagmamalaking sabi pa niya habang rumerehistro sa isip ang mga paboritong banda sa gothic metal scene. Hindi maalis ni Matthew ang tingin sa thick eyeliner ng babae pati sa black lipstick nito. Kulang na lang ay bigyan niya ito ng gitara para maging ganap nang rakista. “Pangrebelde ‘yang pormahan mo, ah.” Sabay pa silang natawa sa sinabing iyon ng lalaki. Pero aminado si Lauren, kaya siya nahumaling sa ganoong kasuotan ay dahil na rin sa pagrerebelde niya sa buhay. Ang kulay itim kasi ay sumisimbolo ng galit niya sa sariling pamilya, pati ang hindi kasiguraduhang kakulangan sa sarili kung bakit hindi siya matanggap ng mga ito. “Anyway, you look beautiful,” biglang kambiyo ni Matthew. “Thank you. You look elegant din naman sa suot mo. Ikaw ‘yong tipong hahabulin ng mga babae sa labas.” ”Well, sa `yo lang naman ako magpapahabol kung sakali.” Agad nalukot ang mukha ni Lauren bagamat naiwan pa rin ang ngiti sa mga labi. Hindi niya alam kung pinakikilig ba siya ng lalaki, pero mukhang epektibo naman dahil ramdam nga niya ang pamumula ng mga pisngi. “Nga pala, ate ko ‘yong na-encounter mo kanina,” pag-iiba niya sa usapan para pigilan ang kuryenteng nais kumiliti sa kanya. “Ah, talaga? Siya ‘yon? ‘Yong Emily ba?” “Yes, siya nga!” Namilog pa ang mga mata niya sa pagkasabi niyon. “Kaya pala no’ng binanggit ko ang pangalan mo, bigla na lang sumimangot. Now I know.” “Masanay ka na sa ganoong ugali ni ate. Mabuti nga siya lang ang nakaharap mo, eh. Hindi ko alam ang mangyayari sa `yo kapag si lola ang nakita mo.” Saglit siyang hindi sinagot ng lalaki at kinawayan ang isang waiter. Pagkalapit nito sa kanila ay ito na mismo ang um-order ng pagkain nila. "Hindi naman ako natatakot kung sakaling makaharap ko ang lola mo. Sa tindi ng mga ginawa niya sa `yo, baka siya pa ang dapat matakot sa akin.” Tumaas ang kabilang kilay ni Lauren. “Oh? So may balak kang patulan ang lola ko?” “Yes, pero hindi naman sa pisikal na paraan. Gusto lang kitang ipaglaban at protektahan sa kanila. Kung puwede lang sanang patirahin na lang kita sa amin para hindi mo na sila makasalamuha, pero alam ko namang hindi mo rin maiiwanan ang marangyang buhay.” Natawa si Lauren, sinadya niyang habaan ang tawa habang nag-iisip ng isasagot. “You know what, huwag na lang natin silang pag-usapan dito. This is our moment. Hindi na dapat natin tinatalakay ang mga salot sa buhay natin.” “You’re right!” Isang nakakalokong ngiti ang pinakawalan ni Matthew. “This is our day-off kaya sulitin natin hanggang gabi! Puwede ka naman siguro mamaya di ba?” “Yes! I mean…wait! Ano’ng gagawin natin mamayang gabi?” “Sa bar. Iinom tayo!” “What? Wait lang! Alam mo namang hindi ako umiinom, eh.” ”Lauren, nasa tamang edad ka na. Saka sa pormahan mong ‘yan, alak na lang ang kulang sa `yo. Promise hindi ka magsisisi. Mapait man ang alak, matamis naman sa pakiramdam. Makakalimutan mo ang problema. You will feel heaven.” Wala pang karanasan sa alak si Lauren pero hindi naman niya tinatalikuran ang pagkakataon na masubukan ito. “Ano, payag ka na ba?” tanong muli sa kanya ni Matthew na tila nang-aakit sa paraan ng pagtitig nito. Matagal bago siya nakasagot dahil hindi niya maiwasang maparalisado sa kumikinang nitong mga mata. Pero sa huli, isang matamis na “yes” din ang pinakawalan niya. Tinablan yata siya ng gayuma sa mga titig nito. Nakuha siya sa isang tingin. Napasigaw din ng “yes” si Matthew sa tuwa. “Sa wakas! Makakainuman ko ang pinakamatalik kong girlfriend sa balat ng lupa!” Agad naglaho ang ngiti sa mukha ni Lauren. “Ano’ng sinabi mo? Girl? Friend?” Sabay taas ng kaliwa niyang kilay. “Yes! Girlfriend! Babaeng kaibigan! Kaibigan na babae! Ano’ng masama do’n?” “Corny mo!” Sabay lingon niya sa mga taong nasa paligid nila para pigilan ang tawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD