Chapter 3: The First Drink

1931 Words
ILANG oras nang umiinom ang dalawa pero hindi pa rin nakakaramdam ng pagkalasing si Lauren. Napatanong na tuloy siya sa lalaki kung bakit tila hindi siya tinatablan ng alak. “Pakonti-konti lang kasi ang iniinom mo. Nakatatlong bote na nga ako rito. Ikaw kalahati pa lang ang nauubos mo d’yan sa isang bote mo,” natatawang tugon sa kanya ni Matthew. “So kailangan lakasan ko ang pag-inom para tumalab?” “Hindi naman. Mas mabuti na ‘yong ganyan para makauwi ka pa.” “Pero okay din pala ‘tong ganito. First time ko kasi sa ganitong lugar. Medyo nailang ako noong una dahil sa ingay at dami ng tao. Pero ngayon parang gusto ko nang araw-arawin dito.” Isang nauutal na tawa ang pinakawalan ng lalaki. “Sabi ko sa `yo, eh. Pero ngayon lang natin gagawin ito. Masama rin ang alak kapag sobra kaya dapat balanse lang. Iinom na lang tayo uli kapag may special occasion sa mga barkada natin. Siguro naman puwede na kitang isama ngayon, di ba?” “Yes naman! Malaki na `ko gaya ng sabi mo.” “Pero huwag mo pa ring damihan ang pag-inom dahil ayoko naman maging lasenggera ka. Alam mo ang tricks ko para hindi malasing kahit mahaba ang inuman?” “Ano ‘yon? Gaya ba ‘yan no’ng ginagawa ni Robert? ‘Yong palihim na tinatapon ‘yong laman ng baso kapag hindi nakalingon ang kainuman?” aniya, tinutukoy ang isa sa mga katrabaho nila. “Hindi ‘yon!” hagalpak ng tawa si Matthew. “Mahina ‘yon si Robert, eh! Ako kasi, kahit nasaang inuman ako, hindi ko inaalis ang focus sa utak ko. Lagi kong iniisip na may bahay pa akong uuwian at hindi ko masyadong nilalayo ang sarili sa realidad. Kapag lagi mong ginagawa ‘yon, hindi ka agad malalasing. ‘Yong iba kasi kaya madaling malasing, masyado nilang ine-enjoy to the point na nawawala na sila sa sarili.” “Naalala ko tuloy ‘yong video ni Robert noong malasing siya. Umiiyak pa siya roon habang nagda-drama. Ganoon siguro ang nagagawa ng alak kapag masyado mong in-enjoy, ano?” “Tumpak!” pangsang-ayon ng lalaki. “Kaya mahalaga pa rin ang displina sa sarili kapag umiinom. Know your limits.” Tumango na lang si Lauren dahil hindi na alam ang isasagot. Tumungga lang siya ng kaunti sa bote at diniretso ang paglunok para hindi gaanong malasahan ang pait ng alkohol. “Parang medyo mainit pala sa tiyan ‘no?” “Yeah,” sambit ng lalaki habang nakatanaw sa mga taong nagkakasiyahan sa harap nila. “Masasanay ka rin. Sa umpisa lang ‘yan.” Napasulyap na rin si Lauren sa mga nagkakasiyahan sa kanilang harapan. Sinikap niyang makarami ng inom para mapantayan ang dami ng bote na naubos ni Matthew. Hanggang sa makaramdam na lang siya ng pagkahilo at pagsusuka. Saglit siyang nagpaalam sa lalaki para maghanap ng banyo. Doon niya inilabas ang kanyang suka. Nagtalsikan pa iyon sa inidoro at kumalat sa sahig ang ilan. She felt embarrassed, hindi niya alam kung paano lilinisin ang nagawa niya. Saglit na pinunasan lang niya ng tissue ang bibig saka nagmadaling lumabas ng banyo. Hindi na siguro malalaman ng susunod na papasok kung kanino galing ang suka. Muli siyang umupo sa tabi ni Matthew at ipinagpatuloy ang pag-inom. Kahit medyo lango na ang katawan ay pilit pa rin niyang inubos ang natitirang laman ng bote. Di nga nagtagal, muli silang nagkuwentuhan ng lalaki hanggang sa mapunta ang usapan sa kanyang ina. “Naalala ko tuloy noong namatay si mama, lagi lang akong pinapapuwesto ni lola sa likuran. They won’t let me come near to her. Gusto kong mahawakan ‘yong pinaglalagyan ng abo ni mama pero hindi ko magawa. Hanggang sa mailibing na lang siya, ni hindi man ako nakalapit sa kanya.” “Pero nadadalaw mo naman siya sa sementeryo ‘di ba?” “Oo naman. Iyon na lang ang tanging magagawa ko ngayon para sa kanya, ang ipagsindi siya ng kandila sa sementeryo. Pero may isa pa akong iniisip, Matthew.” “Ano naman ‘yon?” “’Yong tatay ko.” “Tatay mo? Di ba sabi mo bata ka pa lang noong pinalayas na siya ng lola mo?” “Iyon nga, eh. Hanggang ngayon curious pa rin ako kung nasaan na kaya si papa. Bakit kaya niya nagawang ipagpalit kami sa pera? Hindi man lang niya pinaglaban ang pagmamahalan nila ni mama. Hinayaan niya akong lumaki na walang ama.” “I think you already know the reason. Makapangyarihan at malakas ang impluwensiya ng lola mo ‘di ba? Lahat ng gusto niya, nakukuha niya dahil sa pera. Kaya hindi na `ko magtataka kung magagawa rin niyang ilayo ang tatay mo sa inyo.” “Oo nga, nandoon na tayo. Pero ang ikinasasama lang ng loob ko, bakit hindi siya lumaban para sa amin? Bakit tinanggap pa rin niya ‘yong pera ni lola kapalit ng pag-iwan niya sa amin?” “Alam mo, mahirap kalabanin ang isang tao na mataas ang estado sa buhay. Sigurado ako, ilang beses ding sinubukan ng tatay mo na lumaban. Mahirap lang kasing mag-conclude lalo na’t hindi natin alam ang side niya. Hindi natin alam kung ano ang naging rason niya para isuko kayo. Kaya hindi natin siya basta-basta puwedeng husgahan.” “Iniisip ko na lang na kung sakaling buhay pa siya ngayon, sana pinagsisisihan niya ‘yong ginawa niya. Sana man lang maisipan pa rin niya kaming balikan sa mansyon o hanapin man lang. Ngayong malaki na `ko, magagawa ko na siyang ipagtanggol kina lola kung sakali mang bumalik siya. Sana, sana, ang daming sana. Hanggang sana na lang ang lahat.” Hindi na namalayan ni Lauren ang pangingilid ng mga luha habang naglalabas ng hinanakit sa dibdib. “Hindi ko alam kung magagalit ba ako sa kanya o maaawa. I don’t know what to feel about him. I just miss him so much. Gusto ko lang mabigyang linaw ang lahat kung bakit naging ganoon ang desisyon niya noon.” Muling humawak ang lalaki sa ilong niya. “Stop that!” Agad niyang itinaboy sa malumanay na paraan ang kamay ng lalaki. “Alam mo ba ang full name ng tatay mo? May mga pictures ka ba niya noon? Puwede natin siyang hanapin kahit sa social media man lang. Malay mo may makapagturo sa atin kung nasaan siya,” pagbibigay suhestiyon ni Matthew habang hinahagod ang likod ng babae para i-comfort ito. “Isa pang problema ko ‘yan. Dahil nga wala na si mama, hindi ko alam kung kanino pa ako manghihingi ng pictures niya. Negative na tayo pagdating kay lola. Wala na rin akong alam na kamag-anak na malapit kay papa. Full name lang niya ang alam ko. Erick Gonzales. ‘Yon lang. Ni hindi ko nga alam kung ano ang hitsura niya.” Napatango si Matthew at bahagyang nag-isip. “Well, kung ganoon, puwede naman nating kausapin ‘yong bawat Erick Gonzales na makikita natin sa internet. At kung sino ‘yong nakakaalam sa nakaraan, siya nga ang tatay mo,” mayamaya’y sagot nito. “Nakakasigurado ka bang may mga social media account siya?” “I’m not really sure pero isa lang ang sigurado ako, na halos lahat ng tao ngayon ay may access na sa internet. Bata man o matanda. Malay mo naman ‘di ba? Wala namang masama kung susubukan natin,” pagkasabi ay inubos na ni Matthew ang natitirang laman sa panglima nitong bote. Tumungga rin muna si Lauren bago sumagot. “Sige pero huwag muna ngayon. Marami pa akong mga tatapusin sa office. Marami pang mga nakapilang event na dapat nating mas pagtuonan ng pansin.” “Right,” sambit ng lalaki. “Basta sabihan mo lang ako kung kailan mo gusto. Tutulungan kita sa abot ng makakaya ko.” “Thank you, Matthew. The best ka talaga! Ang pinakamatalik kong boyfriend sa balat ng lupa!” bigla ay nagbago ang mood ni Lauren. Isang masiglang tawa ang kumawala sa lalaki. “Ano’ng sinabi mo? Boy? Friend?” taas-kilay nitong untag sa babae. “Yes! Boyfriend! Lalaking kaibigan. Kaibigan na lalake. Ano ba’ng masama do’n?” Isang walang tunog na tawa ang kumawala rito pagkarinig doon. “Ikaw talaga. Mukhang malakas na ang tama ng alak sa `yo, ah. Ginagaya mo na ‘yong mga linyahan ko.” “Nope. Totoo naman kasi. You are my…” biglang nahinto si Lauren nang maalala ang sinabi nito na huwag hayaang mawala ang sariling katinuan kapag umiinom. “I’m sorry,” biglang pagbawi niya. “Hindi nga dapat mawala ang focus sa utak dahil may bahay pa akong uuwian.” Nag-thumbs up sa kanya ang lalaki biglang compliment. “Buti naalala mo pa. Very good! Mukhang hindi ka pa nga nawawala sa sarili mo.” “Pero, Matthew, I’m pretty much tired na. Gusto ko nang umuwi. Hindi ko na talaga maubos ‘to.” “Okay sige tara na! Ihahatid na kita sa inyo.” Naunang tumayo sa kinauupuan ang lalaki. Ihinarang din nito ang katawan para hindi siya masagi ng mga tao sa paligid. Nag-taxi na lang sila pauwi sa mansyon. “THANK you talaga, Matt. Lalo ka pa tuloy napalayo ngayon sa uuwian mo,” ani Lauren nang makarating na sila sa harap ng gate. Lampas alas dyes na rin ng gabi sa wrist watch ng babae. “Huwag kang mag-alala sa akin. Ikaw magpahinga ka na. Bukas paggising mo may hangover ka. Inuman mo lang ng maraming tubig tapos maligo ka agad para mawala.” “Hangover?” “Mararamdaman mo ‘yon bukas paggising mo. Lalo na’t naparami yata ang inom mo. Basta don’t forget to drink water or fruit juice, take a bath, or try to sleep again para mawala ang hangover mo. Sige ingat!” “Anong ingat? Nandito na ako sa bahay, eh! Ikaw ang dapat mag-ingat dahil malayo pa ang biyahe mo. Baka gusto mong ihatid na rin kita sa inyo?” Sabay pa silang nagtawanan pagkasabi niyon. “Ano ‘yon, maghahatiran na lang at wala nang uwian? Sige, Lauren, good night! Sleep well.” “Salamat uli! Ingat ka, Matt!” Nang magwakas ang usapan nila, doon pa lang pumasok ng gate si Lauren. Agad siyang pinagbuksan ng security guard. Nagmadali siyang umakyat patungo sa silid. Doon niya naabutan ang isa sa mga kasambahay. “Oh, Lauren, mabuti at nakauwi ka na. Saan ka ba galing?” tanong sa kanya ng katiwala na si Aling Perlita. ”Ah, may pinuntahan lang po kami ng kaibigan ko. Pasensiya na po kung ginabi ako.” “Oh, mukhang amoy alak ka pa. Uminom ka ba, Lauren?” Matagal bago nakasagot ang babae. Pero sa huli hindi na niya itinago ang totoo. “Huwag n’yo na lang pong sasabihin kina lola, ah?” “Naku! Masasampal ka talaga ng lola mo kapag nalaman ‘yan. Sige na umakyat ka na sa kuwarto mo at ipapa-lock ko na ang gate sa guard. Ikaw na lang ang hinihintay ko, eh!” “Salamat po talaga, Ate Perlita. Sina lola nga pala nasaan?” “Kanina pa tulog, kaya magmadali ka na baka magising pa ‘yon sa ingay nating dalawa.” “Sige po. Good night po!” Tahimik na umakyat si Lauren hanggang sa marating ang silid niya. Pagkapasok sa loob ay bagsak agad ang katawan niya sa malambot na kama. Ni hindi na niya nagawang magpalit ng damit. Tila kanina pa naghahanap ng higaan ang kanyang katawan. Nakalimutan na niyang ikandado ang pinto ng silid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD