CHAPTER 1
XELLONIA POV
“XELLONIA!”
Napapitlag ako nang marinig ang boses ni Mama, sobrang lakas na halos madurog ang aking eardrums dahil sa ingay.
Napabangon na ako kahit gusto ko pang matulog nang matagal.
“Ano, Xellonia? Hindi ka pa ba babangon dʼyan, ha? Anong oras na! Ano buhay prisensa ka? Palamunin ka lang naman dito!”
“Hay!” Napabuga na lang ako nang marinig ang boses ni Mama.
Palamunin? Ako nga ang bumili ng ulam ngayong linggo. Kaya paano akong naging palamunin?
Napailing na lang ako at tumayo sa kama ko. Hindi na malambot ang kutson dahil sobrang nipis na ito lalo naʼt nakuha lang sa basurahan. Ang dami ring surot, tiniis kong tanggalin isa—isa para hindi ako makagat.
Binuksan ko na ang pinto ng kʼwarto ko na tanging saraduhan lang ay pako na nakabaluktot.
“Mabuti naman at nagising na ang prinsesa! Bumangon ka na dʼyan at mag—igib ka ng tubig dʼyan!” malakas na sabi ni Mama at halos tumalsik pa ang laway sa akin.
“Mag—iigib? May tubig naman po tayo, ha?” sabi ko sa kanya.
Kagabi lang ay nakaligo pa ako. Kaya paanong mag—iigib ako?
“Kagabi lang ay nakaligo pa ako, Ma.” sabi ko sa kanya.
Nakita ko ang mukha niyang nakabusangot. “Wala tayong tubig! Hindi ka ba nakinig sa sinabi ko? Nabingi ka na ba, Xellonia?” malakas na sabi ni Mama na halos sumakit ang aking tenga.
“Nagtatanong lang po ako, Ma. Paano tayo nawalan ng tubig. May balita po ba na mawawalan ng tubig ngayon?” tanong ko sa kanya.
“Ang dami mo pang tanong, Xellonia. Mag—igib ka na lang!” malakas pa niyang sabi.
Hindi humihina ang boses niya.
Wala yatang low volume ang voice niya.
Napatingin ako sa kuya kong si Randy na nakaupo lang sa upuan naming gawa sa kahoy.
Nakita ko ang pagtingin niya rin sa aking at ngumisi. Napailing na lang ako. “Nasaan po ba ang timba?” tanong ko kay Mama.
Baka kasi tatlong timba lang ang dadalhin ko.
Siguro naman hindi maghapon na walang tubig, ʼdi ba?
“Nasa labas na. Nandoon na nakalagay sa kariton natin! Lumabas ka na at mag—igib!” bulyaw pa ni Mama sa akin.
Wala na akong nagawa kung ʼdi tumango sa kanya. “Sige po. Maghihilamos lang po ako.” Wala naman na akong magagawa dahil paboritong anak ni Mama si kuya Randy.
Nang matapos akong magsepilyo at maghilamos ay lumakad na rin ako palabas ng banyo namin. Gumawi na muna ako sa lamesa naming gawa sa plastic pero muli kong narinig ang boses ni Mama.
“Xellonia, mag—igib ka muna bago ka kumain! Kailangan ko na ang tubig lalo naʼt maglalaba na ako! Ang dami kong labada ngayon!”
Napanganga ako sa aking narinig. “Ano? Labada? Bakit kumuha pa siya ng labada kung ganoʼng walang tubig? Sana ayos lang si Mama?” kausap ko sa aking sarili habang nakatingin sa kanya.
“Ano pa ang tinutunganga mo dʼyan, ha? Kumilos ka na!” bulyaw niya sa akin kaya napapikit ako sa kanyang sinabi.
“Ma? Bakit kumuha kayo ng labada kung ganoʼng wala pa lang tubig?” mahinahon na tanong ko sa kanya.
Tinignan niya ako na nagliliyab ang mga mata niya. “Anong gusto mong gawin ko, ha? Wala tayong makain?”
“H—hindi sa ganoʼn, Ma. Ang gusto kong iparating ay sana pinabukas ninyo na lang ang pagtanggap para tuloy—tuloy ang tubig—”
“Ang dami mo pang reklamo, Xellonia! Mag—igib ka na lang!” Pagtataboy niya sa akin kaya napailing na ako sa kanyang sinabi.
“Ha!” Napabuga na lang ako nang malalim at lumabas na rin sa bahay kahit kumukulo na ang tiyan ko.
Napansin ko pa si kuya Randy na panay ang dutdot sa kanyang cellphone.
“Putangina! Ang bobo ng kakampi na ito!”
Mukhang naglalaro na naman siya ng online games.
Nakita ko ang kariton namin at halos lahat ng timba namin ay nandoon, may palanggana pa ngang malaki.
Buong maghapon ba walang tubig?
Napailing na lang ako at tinulak ang kariton namin papunta sa poso na mayroʼn dito.
Nang makarating doon ay nakita kong may iilang nakapila, pamilyar na mukha sa akin kaya pinila ko na ang isang timba para malaman nilang sunod ako.
Habang naghihintay ako ay napatingin ako sa paligid. Napatingin ako sa isang kumpulan ng mga kababaihan dito sa amin, ka—edaran at may ilan na mas matanda ako sa kanila. Nakita ko ang kanilang hawak na makeup and phone habang masaya ang kanilang mga mukha.
Naiinggit ba ako?
Oo, naiinggit ako. Gusto ko rin ang ganyang lifestyle. Iyong nakapag—e—enjoy pa ako after kong ma—stress sa work and school works.
“Xellonia, nandito ka pala. Bakit nag—iigib ka?”
Nawala ang tingin ko sa mga kababaihan at tinignan ko ang nagsalita.
“Um, wala pong tubig,” sabi ko sa kanya.
Nakita kong nagkakaroon ng linya ang kanyang noo. “Alam mo, Xellonia. Bakit ka pa kasi nagta—tiyaga dʼyan sa magulang mo, ha? Pʼwede ka naman ng umalis dʼyan. Iyong tatlo mong kuya ay walang ginagawa sa inyo. Puro lang sila hilata sa bahay ninyo lalo naʼt malalaki na rin ang mga iyon dapat nagbabanat na sila ng buto. Tapos itong pag—iigib lang ay ayaw nilang gawin! Ano ba ang mga kuya mo? Mga baldado?” sabi ni ate Tess sa akin, sila ang may—ari ng poso rito at maging ang sari—sari store.
Napatawa ako sa kanyang sinabi. “Tama naman po kayo ng sinabi, ate Tess.” Napabuntong hininga ako. “Alam mo naman pong paborito sila ni Mama at ni Papa po. Ano po magagawa ko?” Nakangiwing sabi ko sa kanya.
“Ano pa nga ba?” Naiiling niyang sabi sa akin. “Oo nga pala... Kanina pa ako nahihiwagaan sa iyo, Xellonia. Bakit ka nga pala nag—iigib, ha? ʼDi ba may metro naman kayo?” takang tanong ni ate Tess sa akin.
Napatingin ako sa kanya. “Um, wala pong tubig, ʼdi ba po?” takang tanong ko sa kanya.
Pareho kaming napatingin sa isaʼt isa na parehas na naguguluhan. “Anong walang tubig? May tubig sa buong barangay, Xellonia. Sila Linda kaya nag—iigib dito dahil wala silang metro. Kaya anong sinasabi mong walang tubig? Hindi ba kayo nakapagbayad?” tanong niya sa akin habang kunot ang noo at nakasalubong ang kanyang kilay sa akin.
“Ha? M—may tubig po sa buong barangay?” Nakanganga ang aking bibig nang magtanong ako sa kanya.
Sunod—sunod siyang tumango sa akin. “Oo naman, Xellonia. May tubig sa buong barangay. Wala naman inannounce sa barangay na mawawalan ng tubig. Saan mo ba nalamang walang tubig, ha?” Nakataas na ang kanang kamay ni ate Tess sa akin.
Para akong nabagsakan ng langit at lupa sa aking nalaman.
“S—sinabi po sa akin ni Mama na walang tubig po sa buong barangay... Kaya pinag—iigib po niya ako ngayon dahil may mga labada pa po siya,” sagot ko sa kanya.
Nakita ko ang mukha niyang nangasim. “Naku, mukhang naputulan kayo ng tubig, Xellonia! Sino ba ang nagbabayad ng tubig sa inyo, ha? Teka, may bumibili pala,” sabi niya sa akin at inasikaso ang batang bumibili.
“A—ako po ang nakatoka para magbayad ng tubig pero hindi po ako pʼwede noong isang araw dahil naging busy po ako kaya binigay ko iyong pera kay Mama muli para siya na lang magbayad po.”
Galing sa part—time job ko sa canteen ang perang pinagbayad ko roon. Sumasahod din kasi ako sa Lazaro University bilang staff sa canteen. Kung magkano ang per day nila ay ganoʼn din ang amin kahit 4 hours lang ang work job ko every weekdays.
Mabait kasi ang pamilya ng mga Lazaro.
“Naku, itanong mo kay Gina kung saan na nakarating na perang pambayad sa tubig ninyo. Paniguradong galing na naman iyan sa iyo iyon, ano? Wala naman magandang trabaho ang mga kapatid mong lalaki. Iyong kuya mong si Gino, anong trabaho? Diser sa isang small grocery store pero wala naman binibigay sa inyo dahil nakabuntis. Si Xander naman ay sumasama sa Papa mo bilang construction worker pero hindi naman nagbibigay, wala naman pinaglalaan maliban sa sugal. Scatter dito, scatter doon. Lastly, ang Randy na iyan. Hindi na nga naka—graduate ng kolehiyo, wala pang trabahong hinahanap. In short, batugan na nga, palamunin pa sa inyo. Puro phone ang hawak.” mahabang sabi ni ate Tess sa akin.
Ang buhay namin dito ay parang open book. Alam lahat ng tao ang buhay namin.