Kinabukasan maagang gumising si Lester upang maghanda ng agahan ng kanyang pamilya at naglinis ng ilang parte ng bahay bago umalis at tumungo sa Batangas.
Kung saan kasalukuyang namamalagi ang kanyang lolo na si Don Arsenio. Tinawagan niya si Bogart upang magkita na lang sila sa isang lugar.At ganoon nga ang naganap ayon sa kanilang plano,habang sila ay nasa biyahe sa lalawigan ng Cavite kung saan makikita ang ilang mga realty properties ng mga Madrigal.
Malungkot niyang pinagmamasdan ang mga proyekto na kanyang nagawa sa ilalim ng kanyang pamamahala sa El Grande.Hindi niya lubos maisip na mawawala lamang ito na parang bula at mapapasakamay ng mga taong sakim sa kayamanan at kapangyarihan ang lahat ng kanyang pinaghirapang maitatag.
Gayundin naman sa Batangas dahil madaraanan din nila ang ilan sa kanilang mga Resort. Nagbalik sa kanyang isipan ang mga nakaraan niyang plano na mai-develop ang lalawigan na ito kasunod ng kanyang mga proyekto sa Cavite na tila ba hindi na rin nalalayo sa Manila. Marami nang mga establisiyento ang naitayo sa lugar na ito,marami na rin ang mga nagtataasang gusali.
Makalipas ang ilan pang oras,nakarating na sila sa rest house ng pamilya Madrigal. Isa itong di kalakihang mansiyon na may napakalawak na nasasakupang lupain kabilang na ang bandang likuran nito na nakakasilaw sa kaputiang buhangin na nadadampian ng malakristal na kulay ng tubig dagat.
Mayroon ding makikita rito na dalawang yate na nakaparada sa magkabilang gilid ng kanilang nasasakupang dalampasigan. Ang kapaligiran ng mansiyon ay nagsisitaasang mga punong kahoy na namumunga. Mayroong mga kubo sa ibang parte ng lupain kung saan pwede kang manatili kapag gusto mo damdamin ang sariwang hangin na may samyo ng dagat.
May kalamigan ang hangin at napakapresko nito sa pakiramdam. Sa labas ng mansiyon ay may maliit na hardin na punong puno ng nagagandahang mga bulaklak na may iba't ibang kulay at laki.
Dito may isang parisukat na lamesita na gawa sa marmol at may apat na upuang nakapaikot dito kung saan kasalukuyang nakaupo si Don Arsenio habang nagkakape. Nakaugalian na niya tuwing umaga na lumanghap ng sariwang hangin habang nagkakape.Sa gilid nito ay may nakatayong hindi gaanong katandaan na babae na nagsisilbi bilang isang mayordoma dito sa mansiyon.
Siya si ka Lita na personal na nagsisilbi sa matandang Arsenio. Bagamat mayroon pang ilang tagapaglingkod sa nasabing mansiyon,hindi niya inaatasan ang mga ito pagdating sa mga pangangailangan ng matanda.Dahil kabisado na niya ang paguugali ng matanda at alam na alam na rin niya ang mga pangunahing pangangailangan nito na hindi mo na kailangang utusan pa.
Napangiti si Don Arsenio nang matanaw niya sa hindi kalayuan ang papalapit na si Lester at Bogart. Agad niyang niyakap ang kanyang apo nang sandaling magkaharap na sila.Halos tumulo ang mga luha sa magkabilang mata ng matanda at walang humpay na humihingi ng tawad sa mga nagawa niyang pagkakamali at paniniwala sa kasiraang binuo ng kanyang anak na si Romeo.
Bagamat may katandaan na si Don Arsenio hindi pa rin naman nawawala ang katikasan ng katawan nito at diretso pa rin ang tinding. Hindi nga lang halata ang karamdaman nito sapagkat sa loob ng kanyang katawan umeepekto ang mga gamot na lihim na pinapainom sa kanya at ihinahalo sa mga pagkain niya nung siya ay nasa Manila.Kaya nagpasya si Bogart na ilayo ito sa mga demonyong nakapaligid dito.