"Lorraine. Paabot naman ako ng kulay pulang krayola na nasa likod mo." Wika ni Ryza habang titig na titig sa nakaguhit na pigura ng isang bata. Nagkalat ang lahat ng mga krayola at abala ang apat na magkakaibigan sa pagkukulay ng iba't ibang larawang nakaguhit.
"Ok. Saglit lang...uhmmm teka Ryza wala naman sa likod ko eh." Sagot naman ni Lorraine.
Nagtagpo ang kilay ni Ryza at binitiwan muna ang mga hawak. "Paanong nangyari yun eh dun ko lang nilagay yun kanina."
"Huh? Eh wala naman talaga eh. "
"Baka naupuan mo." Hinuha naman ni Miguel. Tumayo si Lorraine sa kinauupuan pero wala pa rin ang hinahanap nila. Nagtulungan na sila sa hanapan ngunit lumipas ang ilang minuto ay wala pa rin ang kulay pulang krayola.
"Hay! Hayaan mo na nga yun. Magpapakita rin yun mamaya." Iritang saad ni Miguel at pinagpatuloy na ang pagkukulay. Yun na din ang ginawa ng iba.
"Sige na nga. Itim na lang ipangkukulay ko. Avah pahiram ako ng itim para saa buhok nitong drawing na ito." Pakamot-kamot na saad ni Ryza at halata na ang pagkadismaya niya. Kinuha ni Avah ang kahon ng krayola at nagtaka rin siya sapagkat wala roon ang itim kung saan ay kagagamit lang niya at sigurado siyang naibalik niya iyon.
"Oh bakit Avah ganyan hitsura mo? Wag mong sabihing wala rin diyan." Turan ni Ryza na bahagyang naiinis na sapagkat sa kanilang magkakaibigan ay isa siya sa may maikling pasensya. Hindi na kumibo si Avah dahil mukhang alam na nilang nawawala rin ito base sa ekspresyon ng mukha niya.
"Teka, teka nga. Pinagtitripan niyo ba kong tatlo?" Nakapamewang na tanong ni Ryza sa kanila. At tinitigan niya sa mata ang mga kaibigan isa-isa.
“Oh bat nasama ako diyan? Nanahimik ako rito eh.” Pagtatanggol ni Miguel sa sarili.
"Pwede ba Ryza. Wag mo kaming pagbintangan." Inirolyo pa ni Lorraine ang kanyang mga mata.
"Eh bakit hindi? Tayo-tayo lang naman ang magkakasama rito hah!" Bulyaw ni Ryza.
"Oy! Wag nga kayo mag-away! Marinig kayo ni mama sa baba eh! Palalayasin ko kayo rito sige!" Pananakot ni Miguel. Bagamat siya ang pinakabata ay umaasta siya paminsan-minsan bilang pinakamatanda. Nakatingin lang si Avah sa kanila na naguguluhan na rin at iniisip kung paano biglang nawala nang parang bula ang mga iyon.
Patuloy pa rin sa bangayan sina Lorraine at Ryza dahil lamang sa mga nawawalang krayola. Si Miguel naman ang siyang umaawat sa kanila. Sa gitna ng away ay hinanap na lamang ni Avah ang mga nawawalang krayola.
Natabig niya ang papel na kinukulayan ni Ryza at nahulog sa sahig. Kukunin niya na sana ang papel ay natigilan siya nang makapa ang dalawang krayola na kasaluyang tinatakpan ng papel na iyon. Wala naman ang mga iyon kanina kaya nang alisin niya iyon ay natigil ang kanyang mga kaibigan.
"Ay! Ito naman pala Ryza eh! Pero pano napunta to rito?" Pagtataka ni Miguel at iniabot kay Ryza ang mga krayola. Muli ring inilapag ni Avah ang papel sa mesa at napaigtad silang lahat nang makita ang hitsura ng kanina lamang ay kinukulayan ni Ryza.
"A-anong? Paano? Sinong may gawa niyan? Bakit ganyang ang hitsura niyan?" Takot na tanong ni Ryza.
"Nakakatakot naman yang guhit na yan Ryza. Ikaw ba ang nagkulay niyan?" Tanong ni Lorraine.
"Eh paanong ako? Tinatanong ko nga kung sino diba? Nawawala nga yung mga krayola kanina eh!" Tugon naman niya.
"Nakakatakot." Isang salitang sambit ni Miguel habang dinadampot ito mula sa mesa. Matapang niya itong tinititigan. Ang nakaguhit na larawan ng isang bata ay may magulong kulay na itim at kulay pula na para bang nagsilbing dugo sa mukha.
Hinablot ni Avah ang papel mula kay Miguel na ngayon ay nanginginig na rin sa sobrang takot. Hinawakan niya rin ang pulang laso sa leeg niya na nagsisilbing palamuti. Ilang saglit lang ay biglaang may bugso ng hangin ang dumaan sa kinapupwestuhan nila sa silid. Nagsisayawan ang mga kurtina ng mga bintana, nagsiliparan din ang mga papel na kanilang ginagamit sa pagguhit.
Silang magkakaibigan ay napabalikwas sa mas lumakas na ihip ng hangin kahit sila mismo ay halos tangayin na sa lakas. Nagkalat ang kanilang mga gamit sa buong silid. Natigil lamang ang malakas na hangin nang bumukas ang pintuan.
“Anong nangyayari rito Miguel?” Pagbungad ng nanay ni Miguel, may dala pa nga itong sandok. “Anong kalat ito? Tsaka bakit parang nagkabagyo rito?”
“Tita!” “Mama!” Sabay sabay nilang pagtawag dito at mabilis na pumalibot sa nakatatanda. Mga nangingiyak na bata.
“Oh? Teka teka! Malansa ako! Bumaba kayo pagkatapos niyong linisin ang kalat na ito. Hindi ko ‘to palalagpasin aba!” Turan ng nanay at iniwan ang mga bata. Tila mas irita sa nakitang makalat na silid.
"Ano ba talagang nangyayari? Natatakot na ko hah!" Saad ni Lorraine na parang maiiyak na. Agad isinarado ni Miguel ang mga bentilador sa kanyang silid pero duda sila na iyon ang dahilan nun.
"Kung umuwi na lang kaya tayo?" Suwestiyon naman ni Ryza. Tumayo si Avah at kinuha ang mga gamit.
"San ka pupunta Avah? San mo yan dadalhin iyan?" Tarantang tanong ni Lorraine sa kanya na napaiyak na rin. Hindi niya ito sinagot at nilisan na lamang ang mga kaibigan dala-dala ang papel na may kakaibang guhit at kulay.
Hingal siyang tumatakbo pauwi. May kakaiba siyang kutob sa hawak hawak na papel. At hindi iyon maganda. Malapit na siya sa kaniyang bahay nang may mabangga siya na kung sino sa pagmamadali. Nabitawan niya ang hawak-hawak. Napaupo pa siya sa sahig.
Rinig niya ang pag-ungol ng isang matanda marahil ay sa sakit ng pagkakasalampak nito sa sahig. Agad siyang tumayo at akmang tutulungan niya na kung sino man ang kaniyang nabangga ay napatigil siya nang makita si Tandang Gresa na masama ang tingin sa kanya.
"T-tandang Gresa. Kayo po pala iyan. Pasensya na po kayo. Pasensya na" Payuko-yuko pa siya. Hindi siya pinansin nito sapagkat may ibang nakapukaw ng kanyang atensyon. Dinampot ng matanda sa lupa ang isang papel at nawalan ng reaksyon ang kanyang mukha nang makita ang pagkakakulay nun. Paglunok na lamang ng laway ang kayang gawin ni Avah ng mga pagkakataon na iyon. Si Andrea naman na nasa salas at abala sa pakikinig ng musika habang may kung anong nakasalampak sa kanyang tainga ay nabaling ang tingin sa bintana. Napapitlag siya sa nakita sa labas at halos magkadikit na ang kanyang mga kilay. Agad siyang bumangon at lumabas.
"Avah! Ano bang ginagawa mo diyan?! Halika nga rito!” Medyo nag-aalalang tawag niya sa kapatid na inilingon naman nito pati na rin ang matanda na kaharap nito. Halos manlaki ang mga mata ni Andrea sa sobrang gulat na si Tandang Gresa pala ang kasama ng kapatid. Bahagya siyang napaatras pahakbang pero pinandilatan niya ang kanyang kapatid para pumunta sa kaniya. "Avah! Sabi ko halika na hindi ba? Pumasok ka na ng bahay. Dalian mo." Utos nito.
Yumuko ang paslit. Nilagpasan niya na lamang ang matanda at nakalimutan na ang papel na hawak hawak pa rin ng matanda.
Nang makapasok na ang magkapatid na Avah at Andrea ay muling tinitigan ni Tandang Gresa ang papel. Ang pagkakakulay at guhit nito ay hindi pantay at nasobrahan sa diin. Para bang puno ng gigil ang pagkakakulay amit ang itim at pula. Napailing siya ng todo at bumulong sa hangin. "May mali sa bagay na ito. Nasisigurado ko iyon."
Hinulma siya sa bilog ang papel at itinapon iyon sa malapit na basurahan. Nilingon niya ang kanyang bahay, nananatili itong madilim at animo'y abandonado.
"Avah anong ginagawa mo kasama ang matandang yun? Bakit kailangang kausapin mo siya? Hindi ba kabilin-bilinan sa iyo na huwag kang lalapit sa bahay nila? Ibig sabihin ay pati mismo sa bruha na iyon. Sinusuway mo na naman ba ang bilin sa iyo nila mama? Isusumbong---“ Nahinto sa pagsasalita si Andrea nang mapansin na nakatungo lang akapatid at hindi mapakali na kinakaskas ang mga palad. Pumikit siya saglit at huminga nang pagkalalim-lalim. Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa balikat ng kapatid. Nagtaas ng paningin si Avah. “Pakiusap. Nag-aalala sa iyo sina lola. Huwag ka nang gumawa ng mas ipag-aalala pa nila. Pwede ba iyon Avah?”
“O-opo ate!” Masiglang tugon nito.
Lumuhod si Andrea para maging kapantay ang tingin sa kapatid. “Ngayon, sabihin mo bakit kasama mo si Tandang Bruha?”
Ngumuso si Avah sa narinig.
“Okay fine.” Pagrolyo ng mga mata niya. “Bakit mo kasama si Tandang Gresa sa daan? May mga sinabi ba siya sa iyo? May ginawa ba siya sa iyo? Umamin ka.”
Sandaling napaisip si Avah. Hindi niya kayang banggitin ang panghihimasok niya sa bahay ng matanda. “N-nabangga ko lang po siya sa daan tumatakbo po kasi ako pauwi. Tutulungan ko sana siya tumayo. Wala naman siyang s-sinabi…”
“Pero bakit mukhang may tinatanong siya sa iyo?”
“Tungkol lang po iyon sa papel na dala-dala ko---“ Ngayon lang napagtanto ni Avah na wala na sa kaniya ang bitbit. Agad siyang sumilip sa labas ngunit wala na roon ang matanda. Sa pagkakaalala niya ay naiwan niya sa matanda ang papel. “Wala na…”
“Avah?”
“A-ate… Kasi yung papel na dala ko.”
“Anong meron sa papel?” Takang tanong ni Andrea at muling tumayo.
“Hindi ko pa alam.”
“Avah sabihin mo nga, may tinatago ka ba sa amin? Kakaiba ang kinikilos mo.”
“K-kayo rin po ate…”
Sandaling napanganga si Andrea at namula ang mga pisngi. Mas malumanay nga at mas maamo siya kaharap ang kapatid. Umiling siya upang iwaksi ang mga nasa isip. “Anong iba? Hindi ako nag-iba. Whatever. Kung ayaw mo sabihin. Edi wag! Wala akong paki.” Mas namula ang kaniyang mukha. Agad niyang kinuha ang cellphone at umalis ng bahay.
“Ate…” Pagtawag niya pa rito pero tuluyan na nitong sinarado ang pintuan.
“Oh saan ang punta ng kapatid mo Avah? Nag-away ba kayo?” Pagpuna ng lola nila na kakagaling lang sa kusina.
Ilang segundong inisip muna ni Avah ang pag-uusap nila sabay iling sa lola na parang walang ideya sa inaasal ng nakatatandang kapatid. Napakurba ng labi ang matanda at lumapit kay Avah. Tinapik-tapik nito ang bunbunan ng bata.
“Bakit po lola?”
“Wala naman apo. Natutuwa lang ako na makita na hindi na kayo nag-aaway madalas. Natutuwa rin akong makitang mas nagiging malapit kayong magkapatid.”
“Ako rin po lola natutuwa!”
“Natutuwa akong marinig iyan apo. Nga pala, bakit napaaga ang uwi mo. Sa narinig ko ay paglubog ng araw ka pa uuwi galing sa mga kaibigan mo?”
“Ah yun po ba?” Napatungo siyang muli.
“Nag-away ba kayo ng mga kaibigan mo?” Hinuha ng matanda.
“H-hindi po! Wala po! Hindi po kami nag-aaway. Bibihira rin po sa amin yun tsaka pabiro lang madalas. Dadalaw nga raw po sila rito sa mismong pasko para mamasko sa inyo eh!” Nanumbalik ang sigla nito.
“Naalala ko tuloy sa inyo ang mga kababata ko. Kasing-edad mo ako. Magkapatid din sila. Mahal na mahal nila ang isa’t-isa. Hindi sila mapaghiwalay. Kahit nasaan ang isa, andun din ang isa.”
“Gusto ko rin po yon lola! Kaya lang, hindi ko alam kung gusto rin ni ate.”
Muling tinapik-tapik ng lola ang bunbunan ng apo sabay bigay ng matamis na ngiti. “Panigurado naman akong mahal ka rin ng ate mo.”
“Ang ibig ko po sabihin lola ay ang magkasama kami lagi ni ate! Lalo na ngayon mabait na po siya sa akin. Natutuwa po talaga ako. Parang ito na ang pinakamagandang regalo na natanggap ko ngayong pasko.” Sa huling pangungusap na iyon ni Avah na binigkas ay malakas na bugso ng hangin ang pumailanglang sa buong bahay.
Kahalintulad ng nangyari sa bahay nina Miguel ang lakas ng ihip ng hangin. Tila nagngangalit at mahapdi ang pagkakahalik nito sa kanilang mga balat. Mabilis na tumayo ang matanda upang isarado ang mga bintana at siguraduhing nakasara ang mga pintuan.
“Diyos ko po. Ano ba naming hangin ang napadayo sa bahay natin.” Mailing-iling na sambit ng matanda.
Nanumbalik ang kaba ni Avah. Ngunit ayaw niya munang isipin nang husto iyon kaya sinubukan niyang ibalik ang paksa upang maibsan ang kabang nararamdaman. “Lola asan na po pala ang magkapatid na tinutukoy niyo? Magkasama pa rin po ba sila?”
Bumaling ang lola nang may pilit na ngiti at matamlay na mata sa kaniyang apo. “May isang bagay na walang sino man ang makakapigil. At yun ang tadhanang hindi nila naiwasang magkapatid. Avah apo, masyado ka pang bata para alalahanin pa ang mas malalalim na bagay. Umakyat ka na at magpahinga.”
Tumango si Avah at sinunod ang utos ng matanda.