“Sa may bahay ang aming bati..”
Kakatapos lamang maghilamos ni Andrea ng kaniyang mukha upang maibsan ang iyak na nangyari kanina. Mas nakakahinga na siya nang maluwag ngayon ngunit hindi pa siya ganun kahandang kausapin ang kaniyang lola tungkol sa nararamdaman.
“Ako naa!” Pagpresenta ni Andrea para salubungin ang mga batang nangangarolling. May dala na rin siyang buslo ng mga kendi. Pagkabukas niya ng pintuan ay agad nawalan ang pagkanta. Sina Miguel, Ryza at Lorraine pala iyon.
“K-kayo pala.” Hindi komportableng bungad niya sa mga bata.
Hindi nakatugon ang mga bata. Tila naghihintay na mabulyawan sila neto. Ilang saglit pa ang lumipas ng pagkakatungo ay iniangat nila ang mga kanilang mga ulo upang makita ang pilit na ngiti ni Andrea. “H-hindi ba kayo narito para mangarolling?”
“May sakit ka po ba?” Tanong ni Miguel. Siniko naman siya nang sabay nina Ryza at Lorraine. “Agh!”
“Okey lang naman ako salamat. Pero kung ang hanap niyo ay si Avah. Kararating rating niya lang kanina eh. At medyo hindi maganda yung pakiramdam niya sa tingin namin. Eto muna mga kendi. Balik na lang kayo bukas.” Pagbigay ng mga tsokolate’t iba’t ibang brand ng kendi sa mga supot ng mga bata.
Kahit nagtataka sa asal ng dalaga ay napatanong sila tungkol sa kaibigan. “Teka po. Si Avah? Kani-kanina lang dumating? Eh kaninang kanina po kami niya iniwan para umuwi ah?” Tanong ni Lorraine. Napakunot-noo si Andrea sa narinig,
“Psh! Ano ka ba! Baka mapagalitan si Avah kilala mo naman yang kapatid niya.” Mahinang saad ni Ryza ngunit hindi ito nakaalpas sa pandinig ng dalaga.
“Pasensya na kung ganun yung tingin niyo, pangako hindi ko siya ipapahamak pero ano nga ulit yun? Ibig sabihin may ibang pinuntahan muna si Avah?”
Nagkatinginan lamang ang mga magkakaibigan na parang sila ay nagtataka rin kung bakit ngayon lang nakauwi ang kaibigan nila.
“Sige salamat. Umuwi na rin kayo. Gabi na. Sasabihin ko kay Avah na nagpunta kayo rito.”
Lumisan na ang mga magkakaibigan. Habang palayo nang palayo ang mga bata ay may kung anong malalim na iniisip si Andrea. Tumingin siya sa direksyon ng bahay ni Tandang Gresa. Nananatili ang dilim at walang buhay na atmospera nito. Kahit siya ay hindi niya magagawang ihakbang ang paa niya palapit sa lugar na iyon. “Avah.” Sambit niya.
Mahimbing na natutulog ang lahat ng tao sa bahay nina Avah. Nakasarado na ang lahat ng ilaw pati na rin ang mga dekorasyong kumukutikutitap na maaari pang maging sanhi ng sunog kapag di nabantayang maigi.
Tahimik mula sa una hanggang ikalawang palapag na iniinda ni Rosa. Nakatingin lamang siya sa mukha ni Avah na tulog mantika. Naaalala niya kung paano siya patulugin ng kanilang ina noon gamit ang boses na kahali-halina at ang awiting tila may mahika ng pangpaantok.
‘Silent Night, holy night
All is calm, all is bright
‘Round yon virgin Mother and Child
Hold Infant so tender and mild
Sleep in heavenly peace
Sleep in heavenly peace
Malapit na talaga ang kapaskuhan. Marahan niyang minulat ang mga mata. Madali siyang makatulog sa kantang iyon. Ngunit ngayon ay iba na dahil kahit karampot ay wala siyang maramdamang pagod at antok. Ang nais lang niya ay malibang. Umalis siya sa kinatatayuan at kinuha ang isa sa mga manika ni Avah na kahawig niya dahil sa buhok nito.
Nilaro-laro niya ito nang mag-isa. Nakadarama siya ng kalungkutan nang biglang maalimpungatan ang nakatatandang kapatid ni Avah na si Andrea.
Akmang babalik na sana sa pagtulog si Andrea ay napamulat siya ng mata ng makita na ang manika ng kanyang kapatid ay katabi niya.
"Panong?--" Binalewala niya na lamang ang sasabihin. Napaupo siya at naningkit ang mga mata.
Tumingin siya sa kapatid habang nakapikit pa ang isang mata at nakitang mahimbing na natutulog. Napailing na lamang siya.
"Avah? Ang kalat mo talaga sa mga laruan kahit kalian. Isusumbong kita bukas kay mama..." Turan niya kahit inaantok. Itinabig niya ang munting manika dahilan para malaglag ang laruan sa sahig. Tinalikuran niya iyon at muling nagtalukbong.
Isang malikot na pagkaluskos ang muling nagpamulat ng mata niya. Huminto rin naman agad iyon ngunit halos mawalan siya ng ulirat nang mapagtanto na may kung sino ang humihila ng kanyang kumot. Napaigtad din siya nang makita muli ang manika sa kaniyang tabi na nakaupo at nakaharap sa kanya na para bang nakatitig ito.
Walang alinlangan niya itong dinampot at binato sa direksyon ng kapatid na si Avah na siyang dahilan ng pag gising naman nito. Hinabol niya rin ng tingin ang kumot na nasa sahig na.
"Avah ano ba ‘tong kalokohan mo? Isusumbong talaga kita kay mama! Hindi ako natutuwa sayo! Gabing-gabi na naglalaro ka pa rin" Bulyaw ni Andrea sa kanya.
Kinamot-kamot pa muna ni Avah ang mga mata at litong tiningnan ang kapatid. “Anong laro? Wala akong ginagawa. Anong meron ate?”
"Umaasta ka pa nang parang walang alam. Wala akong panahon sa mga kalokohan mo. Pero teka? Pano mo pala nahila yung kumot ko? Eh nandiyan ka?" Bagamat lito na rin si Andrea ay pinakalma pa rin niya ang sarili. Tumayo siya at binuksan ang ilaw. Sinuklay-suklay niya ang buhok gamit ang mga daliri na para bang napapagod sa mga nangyayari. "Avah. Kung ano man tong kalokohan mo hah. Wag ako. Kundi malalagot ka na talaga. Inaantok na talaga ko" Malumanay na wika niya at bumaling na sa sariling kama.
Hinayaan na lang nilang bukas ang ilaw sa kanilang silid. Samantalang si Avah ay hindi pa rin maproseso ang nangyayari hanggang sa madako ang paningin niya kay Rosa na nakatayo lamang sa isang tabi at nakangiti nang pagkatamis-tamis sa kanya habang hinihimas himas ang buhok ng manika.
Alas-nuwebe ng umaga. Aktibo ang kapitbahayanan. Kahit sa ganitong umaga ay nakabukas na ang mga makukulay na dekorasyon para sa darating na kapaskuhan.
"Avah! Bumaba ka na rito! Andito na at naghihintay sila Ryza, ang mga kaibigan mo." Nang marinig ni Avah ang sinabi ng ina ay agad siyang lumabas ng banyo ng kanilang kwarto. Pabukas na rin sana siya ng pintuan kanyang silid ay bigla namang lumitaw at humarang sa kanyang daanan si Rosa.
"San ka pupunta? Maglaro na tayo Avah." Masayang sabi niya.
"Mamaya na lang siguro Rosa. Nangako ako sa mga kaibigan ko na makikipaglaro ako ngayon sa kanila. May gagawin din kaming sining eh!" Mabilis na tugon ni Avah.
"Ah ganun ba?"
"Oo eh. Mamaya na lang hah?"
"Hindi ba ko pwedeng sumama sayo? Gusto ko rin makilala ang mga kaibigan mo. Mas marami, mas masaya!" Wika nito na maraming malalim na kahulugan. Saglit na namukod ang katahimikan sa kanila.
"Rosa kasi...”
“Hindi ba, sabi mo ipapakilala mo ko sa kanila?”
“Ou. Kaya lang hindi pa siguro ngayon… Baka iba ang maging reaksyon nila---“
"Sige Avah wag na. Naiintindihan ko. Umalis ka na lang. Iwan mo rin ako kagaya nila. Kagaya ng lahat!" Seryosong turan ni Rosa at bigla na lamang naglaho.
"Rosa!" Pagtawag niya rito ngunit wala na ang presensya ang kaibigan.
"Avah? Sino ang kasama mo? Tsaka narinig ko na binanggit mo ang pangalang Rosa? Sabihin mo sino ang Rosa na iyon." Biglaang bungad ng kanyang lola ng buksan ang pintuan ng kanyang silid. Seryoso ang pagkakatanong niya at may halong pag-aalala.Napayuko si Avah, hindi siya sanay sa mga pagsisinungaling lalo na sa kanyang lola. Nilapitan siya nito ngunit napaatras siya.
"Lola. Hinahanap na po ako ng mga kaibigan ko. Aalis na ko." Nagmamadaling saad ni Avah sa matanda at hindi na ito tinugunan.
Napailing ng marahan ang matanda nang lisanin siya ni Avah. Sumaglit muna siya sa kwarto ng mga apo. Isang taon na rin ang nakalipas mula ng makabalik siya dito sa bahay na ito. Sobra niyang nasabik sa kanyang mga apo lalo na sa ganitong okasyon na malapit na ang kapaskuhan. Ngunit may kung anong pagbabago siyang napupuna sa mga apo na nais niya na lamang ipagsawalang-bahala sa ngayon.
Pababa na ng hagdan si Avah nang ang madatnan naman siya sa harap ay ang kapatid. “A-ate Andrea…”
“San ka pupunta?” Malumanay na tanong nito.
“Nasa labas sila Lorraine ngayon eh…” Pahina nang pahina ang mga salita. Natatakot na baka hadlanagan na naman ng kapatid.
“Nakalimutan kong sabihin na pumunta sila rito kagabi. Kaya lang ang sabi ko masama ang pakiramdam mo. S-sabihin mo okay ka na ba?” Medyo nahihiyang turan ng dalaga.
Agad napaangat ang ulo ni Avah sa nakikita’t naririnig. May kung anong kiliti sa katawan niya. Parang dinuduyan siya, natutuwa, hindi maipaliwanag, basta ang alam niya ay gusto niya ang nangyayari ngayon sa harapan niya. “Opo.”
“Mabuti kung ganun. Sige bumaba ka na.” Pagtabi niya sa daan.
“O-opo ate.” Halatang di pa rin makapaniwala si Avah. Muling tumungo ito sa paghakbang.
“Ou nga pala Avah.” Bumalik ang madiing tono ng dalaga.
Lumingon si Avah kasabay ang isang paglunok. “Po?”
“Dumeretso ka rito sa bahay pagkatapos niyo maglaro. Wala ka nang ibang pupuntahan. Wala na. Naiintindihan mo ba?”
Tumango lang si Avah na tila nagugulumihanan pa rin.
Nang mawala na sa paningin ni Andrea ang kapatid ay pumasok na siya sa silid upang makita lamang ang lola na tila natutuwang pagmasdan ang gamit ng mga apo nito.
“Lola. Andito pala kayo? May kailangan po ba kayo? Nakalabas na si Avah. Maglalaro sila ngayon. Sabihan ko na lang kayo pag nakauwi na siya.” Iniiwasang tumingin ni Andrea sa mga mata ng lola niya.
“Andrea apo. Ikaw ang pinunta ko rito.”
“P-po? Ako? Bakit?” Nag-aalangan na tanong ng dalaga.
Umupo ang matanda sa kama ni Andrea at pinagpag nang marahan ang katabing bahagi nito na para bang sinasabi na tumabi ang apo sa kaniya. Napagtanto naman iyon ni Andrea kaya marahan siyang humakbang palapit.
“Andrea apo. Mas gumaganda ka sa pagdaan ng mga taon.”
Tumungo lamang si Andrea sa papuri ng lola niya. Madalas kasi ay sa papuri sa kapatid ang naririnig.
“Akala ko ang paglayo ng loob mo sa akin ay dala lang ng pagdadalaga mo. Pilit kong iniintindi ngunit sa pagiging dalaga mo ay hindi naman ako bumabata.”
Nakatungo pa rin si Andrea. May kung anong tumutusok sa kaniyang puso. Hinawakan ng matanda ang kamay ni Andrea.
“Sana naman bago ako mawala sa mundong ito, ay maging ayos na kayo ng kapatid mo.”
Inangat ni Andrea ang paningin at yumakap nang mariin sa lola niya. Namiss niyang gawin iyon, at ayaw niyang marinig muli ang sinabi nito na tila mawawala na sa mundo. Ngunit tama naman ito, hindi na bumabata ang lola niya kaya huminga siya nang malalim at tiningnan nang matiim ang matanda.
“Lola. Patawad. Wala namang mali kay Avah eh. Nasa akin yun, naging matigas ang puso ko para sa kaniya.”
“Kaya nga sana umaasa ako na poprotektahan mo siya. Lalo na ngayon, sa tingin ko mas kailangan niya nang poprotekta at gagabay sa kaniya. Hindi sapat ang paniniwala tungkol sa pulang laso upang protektahan siya.”
“Po? Pulang laso? Protektahan? Paniniwala?” Tanong ni Andrea. Ang paksang iyon ang nais niya sanang buksan na ngayon ay sinisimulan nang talakayin ng matanda.
“Ou. Hindi ba nasabi sa iyo ng mga magulang mo? Ang pulang laso dito sa lugar natin ay pinaniniwalaang makakatulong pandagdag sa proteksyon para sa kalusugan at ispiritwal nang makakakuha nito.”
“Hindi ko pa gaanong maintindihan. Hindi rin nabanggit ang tradisyong iyan sa lugar na ito.”
“Namatay na rin kasi ang tradisyon na iyon. Uso lang samin nuon. Bukod sa pandekorasyon ay ipinamamana ito sa kung sino ang pinanganak na pinaniniwalaang sakitin o di kaya lapitin.”
“Kung ganun si Avah…”
“Ou. Pinamana sa akin ng lola ko rin iyon sapagkat sakitin ako. Sa sitwasyon naman ni Avah, sa ispiritwal nang ipanganak siya, ang kumadrona ay nagbabala na magiging lapitin daw si Avah ng mga elemento at nang kung anong mga supernatural na bagay. Kaya naman sa kaniya ko ipinamana iyon. At bilang tradisyon, ang pagpapamana nun ay magkaroon ng munting pagbubunyi. Ngunit walang halong mahika o kung ano man ang pulang lasong iyon. Dinala ko lamang sa pamilya natin ang tradisyon na iyon.”
Hindi alam ni Andrea ang sasabihin o gagawin sa mga oras na iyon nang malaman ang totoo. Buong akala niya niya ay balewala na siya sa kaniyang lola, ngunit iba pala ang totoo.
“Naisip ko ring ipamana sa iyo iyon, ngunit nakita ko na malakas ka, hindi lang sa kalusugan kundi sa pagiging ikaw mismo. Malaki ang tiwala ko saiyo Andrea. At alam kong kahit mawala ako sa mundong ito, mananaig ang pagiging ate mo upang protektahan ang kapatid mo.”
Hindi tumugon ang dalaga at sa halip ay muling yumakap sa kaniyang lola. Ang pagiging masungit, mataray, at matigas niyang puso lalo na para sa kapatid ay alam niya sa sarili niya na hindi ito agad agad maalis. Ngunit susubukan niyan nang iwan sapagkat binuo lamang ito ng isang hinuha patungkol sa pulang laso.