Ikapitong Yugto

2159 Words
Nais sumigaw ng batang si Avah nang mahablot siya ni Tandang Gresa. Napapaluha na siya at kung anu-ano na lamang ang pumasok sa isip niya, pakiramdam niya ay katapusan niya na.  "Rosa." Pagtawag niya sa pangalan ng kaibigan habang nakapikit. Lumipas ang ilang segundo ay wala pa ring nangyayari at ang mahigpit na kapit ng matanda ay unti-unting lumuwang hanggang sa bitawan na siya nito. Marahang nagmulat si Avah at nakita niya si Tandang Gresa na balisa at naguguluhan na kahit siya ay ganun din. "Kilala m-mo si-si Rosa?" Natatarantang tanong ng matanda sa kaniya habang pailing-iling pa. Hindi na hinintay ni Tandang Gresa ang tugon ng bata sapagkat agad siyang kumaripas ng takbo paakyat sa kanyang silid. Madapa-dapa siya nang makaabot sa kwarto. Kinandado niya ang pintuan at mahahalata sa kilos ang kung anong bumabagabag sa kanya. Tinungo niya ang sariling tumba-tumba at dun ay nakahinga siya nang maluwang. Manginignginig niyang inalis ang pagkakakabit ng pulang laso rito at niyakap ito. Malalim ang paghinga niya na tila dinarama ang bawat hibla ng sinulid na bumubuo sa laso. Ang nanghihina namang si Avah ay halos hindi na maigalaw ang mga paa at ang mga tuhod na halos mamanhid na. Napakapit pa siya sa pintuan dahil muntikan pa siyang masayad sa lupa sa sobrang pagkahingal at takot. Nang makaipon ng sapat na lakas at makabalik sa sarili ay nakahinga siya ng maluwang. Iyon ang ginamit niyang pagkakataon para makatakas kaya ibinuhos niya ang buong lakas sa pagtakbo. Inakyat niya ang gate sapagkat nakakandado ito. Habang tumatakas si Avah ay nakamasid lamang si Tandang Gresa sa kanya mula sa bintana. Walang ekspresyon ang mukha nito at mahigpit ang hawak niya sa pulang laso. Patuloy pa rin sa pagtakbo si Avah at agad siyang nakarating sa kanilang bahay. Nang makapasok siya ay walang alinlangan niyang isinarado ang pintuan na nakakuha ng atensyon ng lahat. "Oh andyan ka na pala Avah. Gabi na hah. Tapos na kayo mangarolling sa wakas." Bati ng ina na itinigil muna ang pagbabalot ng ilang regalo para salubungin siya. Lumingon si Avah sa kanila at tila siya na lang pala ang hinihintay para sa isang munting salo-salo. Andun ang tatay niya na abala sa pagsasarado ng mga bintana. "Talagang nagpagabi siya. PaVIP naman yan kahit kailan eh!" Maarteng saad ni Andrea na nakahiga sa sofa at abala sa muling pagkakalikot sa cellphone. Bumaba siya kahit labag sa loob niya sapagkat ilang beses siyang kinulit ng kaniyang ina sa pagbaba para salubungin ang lola nila. "Anak? Parang namumutla ka hah? Masama ba ang pakiramdam mo? Ayos ka lang ba? Ano bang nangyari?" Halos mapapitlag si Avah nang tapikin siya ng ina. Ngayon lang niya namalayan na nakapinta pa rin sa mukha niya ang takot. Dala-dala pa rin ang panginginig ng buong katawan at kahit anong pilit na pagpapakalma sa sarili ay hindi magawang tugunin ang ina. Ilang saglit lang ay may mga yabag na palabas galing sa kusina kasunod ang tunog ng kahoy na humahalik sa lupa na para bang tungkod. "Avah! Apo andyan ka na pala!" Masayang bungad ng isang matanda sa kanya. Nakasuot ito ng pormal at eleganteng kasuotan. Ang mga linya sa mukha ng kanyang lola ay nagpapaalala sa kanya ng mukha ni Tandang Gresa, galit at halos umusok ang ilong. Napapikit si Avah at kumaripas ng takbo sa sariling kwarto. Hindi niya na rin nagawang batiin ng pabalik ang lola niya. Napatigil ang lahat sa pagiging abala ng gawin iyon ni Avah, nagkatinginan sila at mukhang alam nilang may hindi tama. "Anong drama nun?" Pailing-iling na tanong ni Andrea. "Baka inaway mo na naman yun Andrea kanina." Mailing-iling na hinuha ng kanyang tatay. "Tsk. Bakit ako? Kita niyong kanina niyo po ako kasama rito? Hindi naman ako umaalis sa bahay na ‘to Okey lang ba kayo?” Iritang saad ni Andrea. “Alam mo ba bakit ganun na lamang ang asta ng kapatid mo?” Ang lola naman niya ang nagtanong. Magkasalubong na kilay na tinapunan niya ng tingin ang direksyon ng matanda. “Kailangan bang alam ko ang bawat galaw at ibig sabihin ng hininga paborito niyong apo?” Tumayo siya at pumunta sa kusina. Ayaw niya rin kasi sa taas sapagkat nandoon ang kapatid niya na mas kinaiirita niya. “Tsk. Sigurado akong may ginawa kalokohan si Avah kaya ganyan umasta. Haha! Hindi na ko makapaghintay na mapagalitan siya." Hirit niya pa. “Andrea!” Pagtawag sa kaniya ng ina dahil sa inasta nito. Napahawak siya sa sintido dahil sa mga nangyayari ngayon sa kaniyang mga anak. “Ang mga batang ‘to! Hays. San ba ko nagkukulang?” Umupo siya saglit sa sofa at patuloy na hinilot ang sintido. "Ma. Pagpasensyahan mo na sana. Hindi naman ganun si Avah eh. Si Andrea naman ewan ko bakit mas lumala ang ugali. Hindi naman ganun yan dati. Baka may kung anong nangyari sa kanilang dalawa. Kakausapin ko lang muna si Avah." Turan ng kanilang ina sa matanda ngunit pinigilan din siya nito. "Ayos lang Amanda. Ako na lang ang kakausap kay Avah. Puntahan mo sa kusina si Andrea. Sa tingin ko ay kailangan niya rin ng kausap." Tugon naman nito. "Ahhhh, ganun po ba sige po... pero sigurado ba kayo? Baka kasi may problema si Avah baka---" Nag-aalalang wika na nahinto sa pag-angat ng palad nang matanda paharap sa kaniya na tila inaamo. “Ayos lang. Apo ko siya. Kilala ko ang mga apo ko.” “Sige po. Sabihin niyo agad sakin kung may problema hah. Nag-aalala rin ako lalo na’t magpapasko eh.” Pagpayag niya. Kasalukuyang nagtatago ngayon si Avah sa ilalim ng kumot niya. Nakapikit at pilit kinakalimutan ang karanasang iyon. Wala rin siyang balak sabihin ang nangyari kahit kanino sapagkat bukod sa takot na mapagalitan ay hindi niya rin kayang harapin pa si Tandang Gresa pag nagkataon. "Wag kang mag-alala Avah. Magiging masaya tayo. Wag ka nang matakot." Sa boses na iyon ay agad lumabas si Avah mula sa kinatataguang kumot.  Bumungad sa kanya si Rosa na masayang-masaya sa mga nangyayari, pahimas-himas pa ito sa mga gamit niya na para bang ngayon lang nakakita ng ganun. Nanlalaki naman ang mga mata ni Avah na gulat na gulat at gaya ng una ay hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari. "Rosa? Papaanong nandito ka? Ba't ka nandito? Baka baka makita ka nila mama, nila papa lalo na ni ate. Malalagot tayo. Baka makita ka rin ni-ni... Tandang Gresa..." Tarantang turan niya. Tumayo siya at siniguradong sarado ang dungawan. "Ayaw mo ba kong kaibigan?" Nagtatampong tanong ni Rosa at siya nang nakiupo sa higaan nito. "Siyempre gusto. Diba nga magkaibigan na tayo?" Tugon naman niya at tinabihan ito. "Oo. Eh, ayaw mo ba akong makasama?" Muling tanong ni Rosa. "Gusto rin." "Ayaw mo bang maglaro tayo?" "Gusto." "Yun naman pala eh. Basta, kasama mo na ako lagi---" Napatigil sa pagsasalita si Rosa nang lumingon si Avah sa pintuan. "Avah. Apo. Teka. May kausap ka ba?" Bungad ng kanyang lola. Nilinga ni Avah ang paningin pero wala na muli ang kaibigan. Hindi niya na lamang sinagot ang matanda. Lumapit ito sa kaniya at tinabihan siya. "Hindi mo man lang ba ako babatiin?" Tanong nito sa kaniya. Hindi na lang muli umimik si Avah at yumuko na lamang. Hinawakan siya ng kanyang lola sa baba at itinaas naman iyon para magkatinginan sila. "Avah. Ayos ka lang ba? May masakit ba sa iyo? May nangyari ba? Magkwento ka naman Avah apo." Umiling siya at iniiwasan ang tingin ng matanda. Napabuntong hininga naman ito sa ginagawang pagsisinungaling ng apo. Kung tutuusin ay kabisado niya na ito kaya alam na alam at basang-basa niya kung nagsisinungaling na ito. "Sige Avah apo. Hindi na lang kita tatanungin dahil halata namang hindi ka pa handa. Pero kung ano man yan, nandito lang ang lola mo hah." Malumanay na wika niya. Hindi pa rin kumikibo si Avah. Hinagod-hagod naman ng kanyang lola ang kanyang buhok at hindi niya na lamang din yun pinapakialaman.  "Ay teka apo. Nasan nga pala yung tali mong pulang laso na ibinigay ko sa iyo? Huwag mong sabihing…" Usisa ng matanda. Marahang inilabas ni Avah ang pulang laso na tinutukoy nito mula sa bulsa ng kaniyang panlamig. Napangiti ang matanda. "Aahhh... Yan pala. Akala ko ay hindi mo na ‘to nasusuot o di kaya nawala mo na. Masaya akong makitang inaalagaan mo pa iyan. Gusto mo bang itali ko sa buhok mo hija? O sa leeg bilang palamuti?" Nakangiting tanong ng matanda. Marami siyang abubot na suot-suot gaya ng bracelet na mabibigat dahil sa tunay na mga batong nakasuot dito. Talagang mahilig ang matanda sa mga pangdekorasyon kaya masayang-masaya siya habang tinatalian sa buhok ang apo gamit ang pulang laso. "Alam mo ba Avah na nung araw ay uso sa lugar na ito ang pulang laso..." Ilang beses na narinig iyon ni Avah sa kaniyang lola ngunit tila tuwang-tuwa talaga ito sa pagkukuwento sa kaniya. “…Lalo na sa aming magkakaibigan.” Sa kusina. “Andrea. Mag-usap nga tayong dalawa. Ina sa anak. Bakit ganun ka umasta sa harap ng lola mo?” Deretsahang tanong ng ina nagn maabutan ang anak sa kusna na nagtitimpla ng juice. Nirolyohan lamang ni Andrea ang tanong na iyon. Nang makita iyon ng ina ay kinuha ang basong may timpla at nilayo sa dalaga. “Sasagutin mo ang tanong ko o ibubuhos ko ito sa iyo ngayon? Mamili ka Andrea. Huwag mo ko hayaang magalit nang tuluyan.” Malaotoridad na saad nito. Nagbuntong-hininga si Andrea at hinarap ang ina. “Sinabi ko lang naman yung totoo. Paboritong apo niya yun at hindi ko obligasyon na alamin ang bawat kilos ng pinakamamahal niyong bunso.” Mailing-iling na napamaang ang ina sa naririnig. “Andrea. Hindi ko maintindihan. Bakit galit na galit ka sa kapatid mo at itong mga nakaraang taon mas malamig ang pakikitungo mo sa lola mo. Hindi na gaya ng dati na sobrang malapit kayo sa isa’t-isa. Anak. Sabihin mo nga, kung tama ang hinuha ko ay nagseselos ka sa kapatid mo?” Ngumisi si Andrea nang matiim ang pagkakasarado ng mga kamay na halos ikasugat na ng palad sa pagkakabaon ng kuko rito. “Anak? Tama ako noh?” “Hindi ako nagseselos. Bakit naman ako magseselos sa batang yun. Pakialam ko ba sa kaniya at kay lola. Magsama silang dalawa. Magsama kayong lahat.” Pagtanggi niya. Yumuko siya upang huwag ipakita ang namumuong mga luha sa kaniya mga mata. Ibinalik ng ina ang baso ng juice sa tapat ng anak. “Patawad anak kung yun ang naramdaman mo.” Tila hindi kumbinsido sa tugon ng dalaga. “S-sabing hindi nga sabi eh!” Tuluyan nang tumulo ang luha ni Andrea. Hinawakan nang mahigpit ng ina ang kaniyang mga kamay. “Walang paborito ang lola mo o kahit kami. Hindi namin alam kung saan ang-ugat iyang nararamdaman mo anak pero nasisiguro kong pantay ang tingin ng lola niyo sa inyong dalawa ni Avah.” Kumalas sa pagkakahawak si Andrea na tila hindi rin naman kumbinsido. “Kung ganun bakit sa kaniya ibinigay yung pulang laso na pinakatatangi ni lola. Lagi kasama ni lola sa kwento niya noon pa man yung pulang laso niya pero sa huli si Avah pala ang pamamanahan niya nun!” Tuloy tuloy ang kaniyang mga luha. Hindi agad nakasagot ang ina at sa halip ay mas nagulat nang malaman na iyon pala ang ugat ng mabigat na dinadamdam ng dalaga para sa kapatid at para sa lola. “Ako yung laging kasama ni lola na papasyal at dadayo sa ibang bayan. Pinagmamalaki sa mga kaibigan niya. Ang dami dami niya pang kwento sakin tungkol sa kabataan niya at kung paanong ang pulang lasong iyon yung nagging halos kakambal niya magmula nung lumaki…” Huminto siya sa pagsasalita upang punasan ang luha. “Ang ibig ko lang naman sabihin, iyon ang pnakamahalagang materyal na bagay para sa kaniya at umasa ako na magkakaroon din ako ng ganung bagay at akala ko sa akin ibibigay yun pero hindi. Nung pagkasilang na pagkasilang ni Avah, tinali agad ni lola ang pulang lasong iyon sa paa ni Avah. At alalang-alala ko na lahat kayo nagpalakpakan nun, tuwang-tuwa masaya na natanggap niya yung pulang laso. Bata pa ako nun kasing edad lang ni Avah ngayon pero alam ko at naiintindihan ko na hindi ako yung pinamanahan kasi ang paborito niya ay si Avah!” Napaluhod siya nang matapos niyang aminin ang mga iyon. Muling rumehistro sa isip niya ang nakaraang kaniyang binanggit sa ina. Lumuhod ang ina upang makapantay ang humahagulhol na anak. “Ang pulang laso yun. Hindi sumisimbulo sa kung sino ang marangal, sa kung sino ang karapat-dapat at kung sino ang paborito.” Nag-angat si Andrea ng paningin. Basang-basa ang kaniyang mukha ng mga luha. “At ang mga sinasabi mong palakpakan, tawa at tuwa, hindi rin simbolo nun na si Avah ang paboritong anak o apo.” “Pero klaro sa akin lahat yun. Alalang alala ko ma.” “Hindi ko tinatanggi ang mga nakita o narinig mo. Pero ang pag-intindi mu mula pa nun ay ibang-iba.” “Hindi ko maintindihan.” “Harapin mo ang lola mo at itanong mo sa kaniya mismo kung bakit kay Avah ipinamana ang pulang laso.” Tumayo sila nang sabay. “Hindi ko kayang harapin si lola ma. A-ayoko.” Mabilis na iling ni Avah. “Parang inayawan mo rin na malaman ang totoo at makulong ka sa maling paniniwala mo. Naniniwala akong malakas ka Andrea at kahit ano pang mali mo, ang tunay na lakas ay ang panghawakan ang oportunidad upang malaman ang totoo at itama ang mali. Hindi pa huli ang lahat.” Marahang tumungo si Andrea. “Pero hindi ko maipapangako pa.” Animo’y may dumaang anghel sa pagitan nilang dalawa.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD