Ikaanim na Yugto

1426 Words
Purong kadiliman at katihimikan, yan ang mga bubungad sa pagpasok mo sa bahay ng tinaguriang Bruha ng lugar. Patuloy lamang ang ginagawang paghakbang nina Avah at si Rosa na siyang nangunguna sa paglalakad. Halos lahat ng mga muwebles sa loob ay antigo at mukhang hindi madalas na nagagamit. Ito ay mukhang malilinis at wala man lang bahid ng kahit anong alikabok. Ang pader na nagsisilbing haligi ay may makalumang ukit pati na rin ang mga nakasabit na larawan ay puti't itim pa ang pagkakaimprenta. Imbis na takot ang manaig sa walang kamuwang-muwang na paslit na si Avah ay mangha ang kanyang mga mata na para bang nagniningning. Tila ang bahay ni Tandang Gresa ay museo ng mga lumang kagamitan na hanggang ngayon ay napepreserba na nagpapatunay na may halaga para sa matanda ang mga bagay-bagay. "Iba ang inaasahan ko.” “Bakit? Ano bang inaasahan mong makikita mo Avah?” “Sa totoo lang kasi akala ko mangkukulam si Tandang Gresa. Pero wala naman palang mga manika---" Natigil sa pagsasalita si Avah nang pahintuin siya ni Rosa na nakadikit pa ang hintuturo sa labi. "Pshhh... Wag kang maingay. May pararating. Mukhang si Gresa yan." Bulong ni Rosa at pilit tumakbo nang magaan papunta sa likod ng sofa na nababalutan ng kulay kapeng tela. Sinundan naman siya ni Avah na nakatago na rin. Sa pagkakataong ito ay nakadama siya ng kung anong kaba nang makarinig ng mga mabibigat na yabag pababa ng malawak na hagdanan. Tahimik lamang na naglalakad si Tandang Gresa. Seryoso at hindi mabasa ang mukha ng matanda na dere-deretso lamang patungo sa pintuan. Akmang lalabas na siya ay napatigil siya sa paglalakad. Palalim nang palalim ang tensyon na bumabalot sa buong paligid. Pumapatak na ang pawis mula sa noo ng kawawang batang si Avah. Pakiramdam niya, kahit anong oras ay mawawala na siya sa mundong ibabaw. Ngayon pa lang ay nagsisisi na siya sa ginagawa. Masyado siyang padalos-dalos at nadala sa bugso ng damdamin dahil sa tukso ng bagong kaibigang si Rosa. Ngunit kabaligtaran ang pinapakita ni Rosa na siyang nakangiti at tila ba nasisiyahan sa mga nangyayari. Para sa kanya ay laro ang kritikal na sitwasyon. Luminga-linga sa paligid si Tandang Gresa, naniningkit ang mga mata at nakikiramdam sa tahimik na tahanan. Ilang saglit lang ay binawi niya na ang paningin at lumabas na. Halos marinig na ni Avah ang sariling pagtibok ng puso sa sobrang bilis nito. "Umakyat ka sa ikalawang palapag. Nag-iisa lang ang kwarto roon at nais kong pasukin mo yun. Nandun ang munting regalong ibibigay ko sayo." Saad ni Rosa. Umiling ng mabilis si Avah. "Ayoko na. Di baleng wala na akong regalo. Gusto ko nang umalis dito. Gusto ko nang umuwi Rosa. Natatakot ako kay Tandang Gresa baka... baka mahuli niya ko. Ayoko na." Turan nito na parang maiiyak na. Naging seryoso ang mukha ni Rosa. Nawalan ng buhay ang kanyang mga mata. Naikuyom niya rin ang mga kamay. "Kunin mo ang regalo ko sa iyo. Kunin mo ang pulang laso na nakakabit sa tumba-tumba ng matandang yun at ipalit mo iyang sa iyo. Yun lang ang kailangan mong gawin." Matigas na utos ni Rosa. Ang boses niya ay umalingawngaw na nagpaatras kay Avah. Malalim at galit na galit ang pananalita niya. Biglang nag-iba ang ihip ng hangin. "Gawin mo na Avah. Ako ang bahala kay Gresa." Muli niyang utos at pilit na pinakalma ang sarili. Muli siyang ngumiti na para bang walang nangyari. Gulong-gulo na si Avah kaya wala siyang nagawa kundi tumango at sundin si Rosa. Maingat siyang humahakbang. Bago pa man siya makaakyat sa hagdan ay muli siyang lumingon kay Rosa ngunit wala na ito sa kinatatayuan. Tinuloy na lamang niya ang pag-akyat. Napalunok si Avah habang pinipihit ang malamig na seradura ng natatanging pintuan sa ikalawang palapag. Isang may katamtamang laki ng silid ang bumungad sa kanya. Gaya ng unang nakita ay antigo rin ang mga muwebles. Inikot-ikot niya ang paningin. May nakapukaw sa kaniyang paningin at yun ay isang manika na hindi niya inaasahang makita. Lalo na sa ganitong bahay kung saan isang kagaya ni Tandang Gresa ang nakatira. Isang manikang panglaruan at malayo sa hitsura ng pangkulam. Inobserbahan pa ni Avah ang paligid. Simple lamang ito ngunit ang nakakuha ng kanyang pansin ay ang nag-iisang litratong nakapatong sa isang aparador. Kahit may kadiliman ay kita niya ang puti at itim na pagkakaimprenta ng litrato. Isa itong pangpamilyang litrato, isang babaeng kulot ang buhok na malaki ang pagkakahawig kay Tandang Gresa na parang pinabatang bersyon nito katabi ang lalaking may kargang batang babae at sa gitna nila ay isa pang batang babae. Halos manlaki ang kanyang mga mata ng makita na ang batang nasa gitnang iyon ay si Rosa. Napaatras siya at natabig niya ang isang kahoy na tumba-tumba. Agad niyang nakita na may nakakabit ditong pulang laso. “Andrea! Andrea Andito na ang lola niyo. Bumaba ka na rito. Dalian mo!” Nirolyo ni Andrea ang kaniyang mga mata nang marinig iyon. Kung dati ay sabik na sabik siya sa tuwing dadalaw ang lola niya sa bahay ay ngayon ay pagkadisgusto ang tanging nararamdaman niya. “Mamaya na. Nag-aayos pa ko ng gamit!” Pabalik na sigaw niya. Ayaw niya lang talagang bumaba at makita ang lola niya kaya dinahilan niya iyon. “Bumaba ka pagkatapos!” “Whatever.” Bulong nito at muling umirap. Umupo siya mula sa pagkakahiga sa kama. Luminga siya sa kama ng kapatid at kaniyang naalala ang mga sinabi sa kapatid. “Yan na naman tayo sa batang yan eh! Ang tagal-tagal na natin dito eh! Lalo na ko kumpara sa iyo! Wala pa kong nakitang bata sa bahay nay un! Walang bata ayos ba? Tsaka kung meron man, baka yun yung mga makukulit na kagaya mo! At sana nga kainin yun tapos ay isunod ka na nang mawala ka na nang tuluyan sa buhay ko." Napabuntong hininga siya nang napakalalim. Napadako ang tingin niya sa kaniyang mga gamit. Pinanindigan niyang ayusin ang mga iyon. Kaniyang nakita ang kwaderno ng kaniyang mga kaibigan kung saan nakatala ang ilang mga pagsasaliksik tungkol baryo at kabilang na ang kasaysayan ng bahay ni Tandang Gresa. “Naiwan pala sa akin ‘to. Ibabalik ko na lang bukas. Istorbo naman ‘to.” Isinuksok niya iyon muli sa bag ngunit may nahulog mula roon na larawan na tila matagal nang nakasipit duon. Inabot niya iyon nang marahan at napasingkit ang mga mata nang may mapagtanto. Nakaimprenta sa litratong iyon ay tatlong batang babae na magkakapit kamay at isa sa kanila at namumukhaan niya kung sino. “Lola Avandine?” Samantala, ang seryosong si Tandang Gresa ay abala sa pagpapalayas ng mga bata na dumadaan lamang sa tapat ng kanyang bahay. "Bilisan niyo na ang paglalakad palayo rito! Gabing-gabi na! Hindi niyo alam na may dalang panganib ang dilim!" Bulyaw niya nang paulit-ulit. Inaasikan niya pa ang ilan sa mga ito para hindi na magtangka pang sumilip sa bahay niya. Maya-maya ay may nakaakit ng kanyang paningin sa lupa. Pilit na inabot niya ang maliit na laruang tambol sa na nasa labas lang ng gate. Masama ang tingin niya rito at marahan niya ring idinako ang tingin sa bahay nina Avah. "Gresa... Nais ko nang maglaro." Pagsulpot ni Rosa sa tabi ng matanda. Pumikit nang saglit si Tandang Gresa at sa pagmulat ng mata niya ay parang baliw na sinira nito ang tambol sa paghahampas at pag-aapak sa lupa. "Tumigil ka na Rosa. Huwag ka nang magtangka pa. Hindi ka maglalaro kahit kailan o kahit saan." Wika niya at pumasok na ng bahay. Nakangisi lang naman si Rosa sa kanya nang lagpasan na siya nito. Nang makapasok na ay gagawa na sana ng hakbang si Tandang Gresa sa pag-akyat sa hagdan ay napatigil siya. Sa paglingon niya ay nakita niya ang batang si Avah na mabilis na binubuksan ang pintuan. Napatigil din naman ang bata at nagkatitigan sila. Halos tumigil ang oras, ang mundo at ang paghinga ng dalawang indibidwal na nagtatagisan ng tingin. Hindi inaasahan ni Avah na lilingon ang matanda at ganun din si Tandang Gresa na isang paslit ang nakapuslit sa kanyang bahay. "Paano ka nakapasok? Anong ginagawa mong bata ka sa  loob ng pamamahay ko?" Mahina ngunit malalim na tanong ng matanda. Marahang humakbang si Tandang Gresa papalapit sa kanya. Samantalang siya ay malikot ang mga mata na para bang naghahanap pa ng ibang pagtataguan o di kaya tatakbuhan. Napailing na lamang ang bata at hindi tumugon. Bakas na bakas na sa mukha ng matanda ang galit sapagkat ang ugat nito sa mukha ay kitang-kita na. Nakikita na rin ang nagdidilaw nitong mga ngipin sa sobrang gigil. Mga matang nanlalaki at ang nakahandang sumugod na mga kamay ay nakataas na rin. Sa sobrang pagkataranta ni Avah ay halos masira niya na ang seradura ng pintuan. Makakalabas na sana siya ngunit bigla siyang nahablot ng matanda sa kanyang manggas.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD