“Sa may bahay ang aming bati…”
“Salamat po!”
Natapos na ang pangangarolling ng mga batang magkakaibigan para sa gabing iyon. Naglalakad na sila sabay-sabay habang masayang nakatitig sa mga nakuha nila.
"Buti naman hindi ka inasungot ngayong araw ng asungot mong ate noh." Puna ni Miguel kay Avah na hawak muli ang tambol bilang instrumento sa ginawa nilang pangangarolling.
"Kaya nga! Hindi ka tuloy nakasama kanina sa laro namin. Meron pa ngang bagong lote dito sa baryo kaming natagpuan. Magandang paglaruaanan! Sayang hindi mo nakita." Pagtatampo naman ni Ryza na may kasama pang pagnguso.
"Dapat ang ginagawa mo sa ate mo inaararo eh! Panira ng moment lagi! Kagigil!" Gatong ni Lorraine. Napailing na lamang si Avah sa pinagsasabi ng mga kaibigan niya tungkol sa kanyang ate. Sanay na ito sa kanilang mga salita laban sa kaniyang ate, palagi rin kasi nitong nasusungitan sila lalo na pag pupunta sa bahay.
Maraming natanggap na kendi at barya-barya ang magkakaibigan nang biglang may maalala si Avah. "Ay ou nga pala! Hindi pala ako maaaring magpapagabi ngayon Miguel, Ryza at Lorraine! Pasensya na. Ngayon kasi uuwi si lola ko!" Sa matinis na tonong turan niya na punong-puno ng pagkasabik.
Sinunod ang pangalan ng bata na si Avandine o sa palayaw nito na Avah sa kaniyang lola.
"Si lola Avah ba? Talaga andito siya ngayon sa lugar natin? Pwede rin ba kami mamasko sa kanya?" Saad ni Miguel na di alintana ang dungis ng mukha niya sapagkat nilantakan niya na agad ang ibang tsokolate na nakuha nila. Malakas siyang tinulak ni Lorraine na para bang nahihiya sa sinabi ng kaibigan na halos ikatilapon na nito.
"Pagpasensyahan mo na si Miguel Avah. Ahmmmm... Siguro mangangarolling na lang kami mamaya sa bahay niyo. Hehe." Sambit ni Lorraine na ikinailing din ni Miguel.
"Hahaha! Ou naman! Kayo pa ba? Oh sige sige. Wag kayo mag-alala! Si lola pa! Hindi kayo nun makakalimutan! Lalo na ngayong pasko." Saad ni Avah habang pakamot-kamot sa ulo.
"Tama ka. Kabaligtaran ni Lola mo si Tandang Gresa! Hahaha! Diba?! Diba?!" Sa sinabing iyon ni Ryza ay nagtawanan ang lahat maliban na lang kay Avah na bigla na lamang kinabahan nang muling marinig ang pangalan ni Tandang Gresa.
“Miguel, hindi ba may mga nabanggit kayo? Tungkol sa mga haka-haka sa katauhan ni Tandang Gresa? Aswang? Nangangain ng bata?” Panimula ni Avah.
Nakuha naman niya ang buong atensyon ng mga kaibigan. “Hah? Bakit tila interesado ka bigla Avah? Eh lagi mong pinagtatanggol yung matandang yun ah?” Wika ni Lorraine.
“Ou nga? Nabulyawan ka ba nung bruha na yun? Anong nangyari? Magkwento ka naman.”
Rumehistro nang mabilis sa isip ni Avah ang sinabi ng ate niya nung isang araw lamang…“Yan na naman tayo sa batang yan eh! Ang tagal-tagal na natin dito eh! Lalo na ko kumpara sa iyo! Wala pa kong nakitang bata sa bahay nay un! Walang bata ayos ba? Tsaka kung meron man, baka yun yung mga makukulit na kagaya mo! At sana nga kainin yun tapos ay isunod ka na nang mawala ka na nang tuluyan sa buhay ko."
.“W-wala! Sige aalis na ko! Mamaya na lang ulit! Asahan ko kayo sa bahay mamamaya hah!” Nagpaalam na siya sa kanyang mga kaibigan at umalis bitbit bitbit ang parteng nakuha niya mula sa pangangarolling. Kahit nagtataka ang mga kaibigan ay pinagbalewala na lamang nila iyon.
Naglalakad si Avah sa ilalim ng malaking buwan at mga bituing kumikislap. Payapa ito, ssumabay pa ang malamig na simoy ng hangin. Darating na ang kapaskuhang matagal nilang pinaghahandaan.
Malapit na siya sa kanilang bahay hanggang sa napakalakas ng bugso ng hangin ang halos tumangay sa munting katawan niya. Hinawakan niya anng mahigpit ang kaniyang pulang laso sapagkat ito ay isa sa mga pinakaimportanteng bagay na ayaw niyang mawala. Humakbang na siya palakad muli. Pilit niyang iniiwasan ng tingin ang bahay ni Tandang Gresa pero pakiramdam niya ay may nakamasid lamang sa kanya mula roon. Bahagyang mahamog na sa paligid na nagdadagdag ng kakaibang kilabot. Wala nang nagtatangkang dumaan pa sa tapat ng bahay ni Tandang Gresa.
"Malapit na ko sa bahay. Malapit na. Malapit na. Malapit na." Bulong niya na paulit-ulit para pakalmahin ang sarili. Sa bawat hakbang niya papalapit sa kanilang makulay na bahay ay papalapit din siya sa bahay ni Tandang Gresa.
Naririnig niya ang pagkalembang ng kanyang tambol na sumasabay sa paglakad niya. Nasa tapat na siya ng kanilang bahay at isang lingon lang ay makikita niya na agad ang kabuuan ng bahay ng tinaguriang bruha. "Pst..." Sa pagsitsit na iyon ay halos matigil ang kanyang hininga. Luminga siya sa paligid pero iniiwasan niya pa rin ang tumingin sa madilim na bahay ng matanda.
"Pst..." Hindi matigil ang pagsitsit na iyon kaya buong lakas ng loob na idinako niya na ang tingin sa kanina pa niya pinangingilagang direksyon. Nakita niyang muli roon ang batang babae, kumakaway ito sa kanya. Kahit sa kadilimang namumukod sa paligid ay para bang nagniningning sa puti ang bata.
Ang distansya sa pagitan nilang dalawa ay tila nais paiksiin ni Avah. Purong kyuryosidad ang bumabalot sa kaniya ngayon. Mga katanungan, mga namumuong haka-haka, at kaba hindi lamang para sakaniya kundi para na rin sa munting bata.
Hindi na namalayan ni Avah na palapit na pala siya sa bahay ni Tandang Gresa. Tila may sariling buhay ang mga paa. Nawala sa isip ang mga bilin ng kaniyang magulang at babala nito na huwag na huwag lalapit o sisilip sa bahay ng matanda.
Napakalapit niya na sa bata na tanging ang makalawang na gate na lamang ang pumapagitna sa kanila. Nagtagpo ang kanilang mga mapupungay na mata.
"Maglaro tayo." Sa masayang tono na panimula ng batang babae. Hindi nakatugon si Avah. Dama niya ang hindi pangkaraniwang lamig kaya napahimas siya sa sariling braso kahit pa doble doble ang suot nitong panlamig sa katawan.
Lumawak ang ngiti ng batang babae at iginewang ang kanyang ulo. Halatang nasasabik ito na makakita ng batang babae na kasing-edad niya lamang.
"Gusto ko maglaro..." Muling wika nito na hindi pa rin tinutugunan ni Avah. Nakatingin lang ito sa kanya. "Natatakot ka ba sa akin?" Nawala ang ngiti na kanina pa nakapinta sa mukha ng batang babae at napalitan ito ng lungkot.
"Hindi ka ba natatakot kay Tandang Gresa?" Sa pagkakataon na ito ay nagkaroon na ng lakas ng loob si Avah para magsalita.
“Tandang Gresa? Iyon ba ang tawag niyo sa kaniya?”
“Ou. Si Tandang Gresa. Kilala rin siya bilang bruha---“ Napatakip ng bibig si Avah gamit ang mga palad.
“Nakakatawa hihihi. Bruha.” Mapaglarong sambit nito.
“Pasensya na sa sinabi ko pero bakit ka nandito?”
"Hindi niya ko pinapayagang maglaro..." Imbis na sagutin siya ng bata ay iyon ang sinambit niya na para bang nagsusumbong.
"Bakit naman?" Tanong muli ni Avah na bahagyang nakaramdam ng awa para sa paslit.
"Hindi ko alam. Pati ang mga laruan ko. Ayaw niyang ipagamit. Ayaw niya. Hindi ko alam. Ayaw niya kong maging masaya. Bata lang naman ako hindi ba?”
Tumango si Avah, tuluyan nang nadala ang emosyon sa sinasabi ng bata na kaharap niya. Tila ramdam niya ang lungkot, o di kaya pagkukulang. Naisip niya ang kaniiyang ate na lagi siyang binubulyawan kahit wala naman siyang ginagawang masama ngunit dahil bata lamang siya ay wala siyang magawa.
“Basta gusto ko maglaro. Ikaw ba? Gusto mo?" Muling na tanong ng batang babae na para bang nagkakulay muli ang kanyang pagsasalita.
"Oo... Tsaka may mga kaibigan din ako. Gustong gusto din nila maglaro. Lagi silang nariyan para makipaglaro sakin kaya lang minsan hindi ako napapayagan ng kapatid ko maglaro…” Pahina nang pahina ang mga binibitawang salita nito.
“Kung ganun ay pareho lang naman pala tayo. Pinagbabawalan. Ano bang hindi nila maintindihan na natural sa bata ang paglalaro?” Sabay silang tumingala sa kalangitan. Nababalutan na ng ulap ang kinang ng buwan at mga bituin. Mas nagdidilim na ang paligid. “Maglaro tayo.”
“Sige. Pero pano tayo maglalaro kung nandiyan ka?" Saad ni Avah na nag-aalangan. Napangiti nang todo ang batang babae na ikinangiti rin ni Avah.
“Pulang Laso.” Mabilis na sagot nito.
"Laso?”
“Ou. Meron ka bang laso?”
Nag-aalinlangan na pinakita ni Avah ang laso na mahigpit nanakatali sa kaniyang buhok.
“Perpekto. Gusto ko iyang pulang laso sa buhok mo. Kapareha niya ang pulang laso ko. Magpalitan tayo... yan bilang regalo mo sa akin at ang laso ko naman ay sa iyo. At pag nakuha mo na yun, makakapaglaro na tayo... kahit kailan, kahit saan basta dapat lagi yung nasa iyo. " Mas palalim nang palalim ang boses niya.
"Pero itong laso ito ay bigay pa sa akin to ng lola ko eh." Pag-aalinlangan ni Avah habang tinatanggal ang kanyang pulang laso.
"Pumayag ka na Avah. Iisa lang naman ang hitsura ng mga laso natin. Wala nang makakapansin nun. Sige na bilang bagong kaibigan mo." Mapang-akit na tugon ni Rosa. Napatulala na lamang si Avah. May kung anong kasabikan ang pumapailanlang sa kanya bilang bata na ang laging nasa isip ay puro kasiyahan.
"Sige... Kung ito ang paraan para makapaglaro tayo." Sagot ni Avah na parang wala sa sarili.
"Ako nga pala si Rosa." Pagpapakilala ng bata sa kanya.
"Ako si Avandine. Pero ang tawag nila sa akin Avah. Kaya yun na lang din ang itawag mo sa akin." Masayang wika niya.
"Avah? Isang pamilyar na pangalan." Wika ni Rosa.
"Ganun ba? Teka. Ano nga pala ang dapat kong gawin Rosa?"
"Sasabihin ko sa iyo kung ano ang gagawin. Basta wag kang magpapahuli kay Gresa..." Turan ng bata sa kanya at inilahad ang kanyang kamay sa makalawang na gate dahilan para masira ang kandado at magbukas ito nang marahan.
Napaatras si Avah sa nasaksihan.
"Mas marami pa akong kayang gawin bukod dun Avah. Masisiyahan ka pag nagkita mo ang mga iyon. Halika, pumasok ka na." Pag-aanyaya ni Rosa. Nabitawan ni Avah ang kanyang tambol at hinayaan na lamang niya ito sa lupa.
Muling inilahad ni Rosa ang kanyang kamay para muling isarado at ibalik sa pagkakakandado ang gate. Hindi alam ng dalawang bata na sa pagkahalik na pagkahalik ng laruang tambol ay naglikha ito ng ingay na pagkalembang na tunog para maging alerto si Tandang Gresa. Mula sa pag-ugoy niya ng tumba-tumba ay itinigil niya iyon habang marahang minumulat ang mga mata. Mga nanlilisik na mata.
Otomatikong humakbang ang mga paa ni Avah papasok, di alintana ang kahaharapin.
"Nasan si Tandang Gresa?" Tanong niya kay Rosa habang tinatahak na nila ang daan papasok.
"Nasa loob." Sagot naman ni Rosa na nagpatigil kay Avah.
"Natatakot ako sa kanya. Baka kung anong gawin niya sa akin, sa atin, sa’yo. Huwag na lang kaya tayo tumuloy?" Turan niya at bahagyang umatras.
Masama siyang tiningnan ni Rosa.
"Avah. Kailangan mo itong gawin para sa akin. Para sa kalayaan ko. Kailangan ko ng tulong mo. Hindi ko alam bakit niya ito ginagawa sakin. Kailangan kita kundi habangbuhay niya na ako ikukulong. Walang saya, walang laro. Kailangan ko ng makakasama.”
Napatingin sa baba si Avah. Naaawa siya rito. Muli na siyang umabante at siya nang naunang pumasok.
"Habangbuhay." Dugtong ni Rosa na hindi niya pinarinig kay Avah.