"Avah? Avah! Nasaan si Avah?" Pagbungad ni Andrea nang makapasok siya sa bahay. Kahit malamig ang simoy ng hangin ay tagaktak ang pawis niya.
"Oh Andrea nandiyan ka pala. Akala ko nasa taas ka---" Hindi na pinatapos ni Andrea ang pagsasalitah ng ama at agad umakyat sa kanilang silid.
"Avah!" Sambit niya nang mabuksan ang pinto ngunit bigo siya na makita kahit ang anino ng kapatid.
Agad siyang bumaba. "Nasaan si Avah? Ma? Nasan siya?!" Madiing tanong niya.
Inilahad naman ng kaniyang ina ang mga kamay sa balikat nito para pakalmahin.
"Bakit ka ba nagkakaganyan--"
"Ma! Sagutin mo na lang ako! Nasaan siya?" Paghihisterikal niya. Dumating ang lola niya na nagtataka rin sa mga nangyayari at nakisali sa pagpapakalma sa apo.
"Apo. Kumalma ka."
"Lola. Nasan si Avah?" Paghinga nang malalim ni Andrea. Nagtinginan ang kaniyang ina at kaniyang lola na hindi pa rin makuha kung bakit kailangang magkaganun ni Andrea.
"Akala ko nasa taas lang si Avah." Pagsingit ng kaniyang ama na may dala-dalang lighter at isa kahon ng sigarilyo. Napatingin si Andrea sa hawak-hawak na lighter ng kaniyang ama at walang sabi-sabing hinablot sa kaniya.
"Teka--" Pahabol ng ama pero agad kumaripas ng takbo si Andrea palabas ng kanilang bahay.
"Avah. Avah. Avah." Parang baliw at paulit-ulit na sabi niya habang tinatahak ang daanan kahit wala siyang ideya kung nasaan ang kapatid.
"Tama na yan Miguel. Hindi naman natin alam ang pinagdadaanan ni Avah eh."
Nang marinig ni Andrea ang maliliit na boses ay napahinto siya at napalingon sa mga bata na kaibigan ng kaniyang kapatid. Tumakbo siya papunta sa kanila sa pag-asang malalaman niya ang kinaroroonan ni Avah. "N-nakita niyo ba yung kapatid ko? Nasan siya?" Puno ng pag-asang tanong niya. Nagkatinginan muna sila bago tinugon si Andrea.
"Nasa kabilang kanto po---" Hindi pa nila natatapos ang sinasabi ay kumaripas na muli ng takbo si Andrea sa direksyong tinukoy nila.
Kasulukuyan pa ring nakatungo si Avah.
"Ayokong nakikita kang malungkot Avah." Sa boses na malumanay, mapang-akit at palakaibigan na turan ni Rosa na dahilan para iangat ng kasama ang ulo sabat tumayo. Nasa magkabilaang dulo sila ng kalye.
"Ibibigay ko na ang regalo ko sayo Avah at pag natanggap mo na. Pinapangako ko! Hindi ka na malulungkot! Ito ang regalo ko!" Sigaw ni Rosa at pinatalbog ang kulay rosas na bola sa gitna ng daan.
Gaya ng inaasahan ay napatakbo si Avah sa gitna para habulin ang bola. Ngunit lingid sa kaalaman niya ay ang isang sasakyan na papalapit sa kaniya. Rinig na rinig ang mabilis na pag-andar ng sasakyan na palapit na nang palapit sa kaniya na kahit ang nagmamaneho ay nabigla sa pagsulpot sa gitna ni Avah.
"Kamatayan." Isang salitang sambit ni Rosa nang naaabot tanaw niya na ang hangarin ngunit naglaho sa isang kislap ang lahat nang iyon nang may humatak palayo kay Avah sa gitna.
Nagpagulong-gulong si Avah at ang sumagip sa buhay niya.
"A-ate? Ate Andrea." Naiiyak na sambit ng bata at hinagkan ang kapatid na tinugunan din naman nito.
"Hindi!" Sigaw ni Rosa at tinapunan ng masamang tingin ang magkapatid. Buong lakas na binuhat ni Andrea si Avah dahil gasgas lang naman ang nakuha nito. Kailangan nilang makalayo kay Rosa. At isa lamang ang naisip na puntahan ni Andrea.
"Tandang Gresa! Tandang Gresa!" Sigaw ni Andrea nang makarating na sila pero wala ang matanda. Binaba niya na muna ang kapatid.
"Akala niyo matatakasan niyo ako?" Biglaang pagsulpot ni Rosa, pero napangiwi siya ng makita na nasa poder sila ni Tandang Gresa. Hindi niya na ninais na makabalik pa dito.
"Walang makakapigil sa akin! Akin ka Avah! Akin ka!" Sigaw niyang muli at nagpakita na rin kay Andrea dahil kontrolado niya kung kanino niya gustong magpakita. Napaigtad si Andrea pero hindi siya nagpasindak. Itinaas ni Rosa ang nakayukom na kamay at ngumisi.
"Tatanggalin ko yang pulang laso sa leeg mo." Saad ni Andrea at akmang aalisin niya na ay nahinto siya sa pagsigaw ni Avah.
"Aahhh-hhh!" Kapit na kapit ito sa kaniya.
"Avah? B-bakit? Ano? Anong nangy-yayari?" Taranta at puno ng tensyon ang dalaga. Hindi niya magawang matanggal ang laso sapagkat mas humihigpit ang pagkakalagay nito sa leeg ng kapatid.
"Ano bang nangyayari?" Nakasabunot na siya sa sariling buhok. Hindi alam ang gagawin.
"Hindi ikaw. Hindi sila. Walang makakapigil sa akin! Akin ka lang Avah! At habangbuhay na tayong magkasama!!! Hindi na ako mag-iisa pa! Bwahahaha!" Parang demonyong sigaw ni Rosa habang mas hinihigpitan ang yukom ng kamay na siyang dahilan ng mas lalong pagkakasakal ng pulang laso sa leeg ni Avah.
"Tumigil ka na Rosa sa kalokohan mo." Sa garalgal at pamilyar na boses na iyon ay nawala sa konsentrasyon si Rosa dahilan para mawala ang higpit ng laso. Napalingon siya at bumungad si Tandang Gresa.
"Ate Rosa." Muling sambit ni Tandang Gresa na pansamantalang nagpawala ng tensyon sa paligid.
"G-gresa..."
"Nakikiusap ako. Ako na lang ang kunin mo. Huwag na ang batang si Avah. Diba ako naman talaga ang pakay mo noon pa man? Hindi ba ate?" Pakiusap ng matanda at inilahad nito ang kaniyang kamay. Hindi makapaniwala si Rosa sa naririnig.
Akmang aabutin niya na ang kamay ng kapatid ay bigla na lang siyang nagliwanag, at hindi lang pala yun ordinaryong liwanag sapagkat nagliliyab na siya.
"Aaaaaaah!" Sigaw niya at napalingon sa magkapatid na kasalukuyan nang sinusunog ang pulang laso.
"Hindi maaari!!!" Sigaw niya at tuluyan nang nilamon ng apoy hanggang sa maglaho siya pati ang liyab.
Tanging ang mga malalalim na paghinga ang maririnig sa buong lugar. Sa kadilimang taglay ay kitang-kita ang mga gulat na pagmumukha ng magkapatid ma hindi makapaniwala sa nasaksihan. Si Tandang Gresa na walang ekspresyon ang mukha pero kita ang isang luhang galing sa isang mata niya.
Lumapit si Avah sa matanda.
Hinawakan nito ang kaniyang kamay at nagwika. "Tandang Gresa, kayo yung bata na karga-karga ng lalaki dun sa litrato diba? Kayo yung nakababatang kapatid ni Rosa?" Napasinghap si Andrea sa narinig sa kapatid. Naalala niya ang litrato na puti at itim ang pagkakaimprenta. Hindi sumagi sa isip niya na maaaring si Tandang Gresa iyon.
Sinalubong ng matanda ang titig ng paslit at ngumiti. Isang ngiti na napakatagal na panahon niyang hindi nagawa. Isang ngiti na hindi aakalain ng magkapatid na masisilayan pa.
"Ako nga." Pagkumpirma niya at hinawakan sa bunbunan si Avah. Lumapit din si Andrea sapagkat may mga katanungan pa rin siyang nais masagot.
"Tandang Gresa. Ibig bang sabihin si Rosa yung kausap mo sa mga pagkakataong nakikita ka na may kausap daw?"
"Oo. Siya nga. Mahilig siya sa laro. Nagpupumilit pero hindi dapat. Matagal na siyang patay. Hindi niya matanggap at ang manika na nakita niyo sa aking silid ay ang pinakaunang laruan na nilaro niya bilang kaluluwa. Dun niya napagtanto na hindi na siya ang bata na nanaisin pa kalaruin." Paliwanag niya at tumingin sa mga parol na nakasabit sa ibang bahay.
"Siya rin ba ang dahilan kaya ito ka? Mag-isa." Mahinang wika ni Andrea na nakikidalamhati sa kaniya.
Nagtagal din bago nagawang tumugon ni Tandang Gresa. "Nais niya nang kalaro. Buong buhay ko iniwas ko siya sa mga tao lalo na sa mga bata. Tuwing pasko, araw ng kamatayan niya, dun mas lalong sumisidhi ang pagnanais niya na makapaglaro at gagawin lahat kahit pa ang pumatay." Saad niya at kumawala nanaman ang mga luha sa kaniyang mga mata.
"P-patawad po Tandang Gresa." Wika ni Avah.
"Hindi. Salamat sa inyo. Malaya na ako."
"Teka! Meron pa 'kong tanong! Hindi talaga kayo galit sa mga bata?" Tanong ni Andrea.
"Hindi kahit kailan. Ang totoo. Ang mga bungisngis ng mga bata ay masayang pakinggan kaysa sa bungisngis ni Rosa. Kailangan ko lang silang ilayo sa kaniya." Biro pa nito.
"Pero isa rin po ba yun sa mga dahilan kaya pinili niyo maging nakakatakot at galit sa pasko?" Dagdag ni Avah hawak-hawak ang leeg na muntikan na niyang ikamatay.
Tumango ang matanda. "Ngunit hindi ako galit sa Pasko. Matagal ko nang inasam iyon. Ang magkapasko." Pailing-iling na turan ni Tandang Gresa habang pinupunasan ang mga luha. Nagkatinginan ang magkapatid at nilapitan ang matanda.
"Hindi pa naman huli para magsya para sa pasko." Saad ni Andrea at nginitian si Avah. Hindi makapaniwala ang mga magulang nina Avah sa nakikita. Nakikipagbungisngisan si Tandang Gresa kay Lola Avah. Tsaka lamang din nalaman ng iba na naging magkababata ang mga matatanda pati na rin sina Gresa at Rosa kung saan ay uso sa kapanahunan nila ang pulang laso.
Sina Lorraine, Ryza at Miguel naman ay nakisalo rin bago umuwi sa kani-kanilang mga bahay. Siguradong magmula ngayon ay maiiba na ang lahat para sa buhay ng matanda. Bumalik na sa dati ang lahat, may mga pagbabago ngunit magagandang pagbabago.
Sa gitna ng kasiyahan. Napansin ni Avah ang pagtalbog ng kulay rosas na bola niya pababa ng hagdan. Bahagya siyang nagtaka sapagkat wala namang naglalaro nun at walang tao sa ikalawang palapag. Kinuha niya iyon at naistatwa siya nang iangat ang ulo sa direksyon ng hagdan pataas. Nandun nakaupo sa unang baitang sa pinakataas ang isang manika na animo'y magkasalubong ang kanilang titig... Hindi iyon sa kaniya...Yun ang manika na nasa bahay ni Tandang Gresa at ang nabanggit nito na unang laruan na nilaro ni Rosa bilang kaluluwa.
-wakas-