Hindi pa lumulubog ang araw. Parehong iba ang kinikilos ng magkapatid para sa isa't-isa. Napansin ni Avah ang kapatid na nakadungaw sa bintana na halos ang tapat ay ang bahay ni Tandang Gresa. Nais niya pa sanang umusisa pero umalis din siya agad. Ang dalaga naman ay napalingon nang umalis na ang kaniyang kapatid sa silid.
Otomatikong napatingin din siya sa orasan na nakasabit sa dingding. Malapit nang sumapit ang alas-dose na hudyat na Pasko na.
"Makinig ka. Delikado si Avah sa araw ng kapaskuhan. Ang pulang laso---"
"Makinig ka. Delikado si Avah sa araw ng kapaskuhan. Ang pulang laso---"
Parang sirang plaka na paulit-ulit sa isip ni Andrea ang sinabi ni Tandang Gresa na nahinto dahil sa pagbulyaw niya. "Aaaah!" Bahagya tuloy siyang nag-alala. Kahit inis siya sa kapatid ay hindi niya naman pwedeng hayaan lang ito. Umalis siya sa kinapupwestuhan. Kinuha niya ang panlamig at lumabas ng silid.
"Kaya ko ito." Bulong ni Andrea sa sarili nang nasa tapat na siya ng bahay ni Tandang Gresa. Hindi niya maiwasang mataranta at dumadagdag pa ang lamig na dumadampi sa magkabilang pisngi niya.
Ngayon na lang uli niya nagawang makatayo sa harap ng animo'y abandonadong bahay na ito. Hindi niya na matandaan kailan ang huling beses pero aminado siya sa sarili niya na malaki ang takot niya sa tinaguriang Tandang Bruha sapagkat nabulyawan na rin siya nito sa kyuryosidad. Luminga muna siya sa kanan at kaliwa at nang masiguradong walang tao sa paligid ay pinahaba niya ang leeg para masulyapan ang matanda.
"Tandang Gresa!" Pagtatawag niya habang nakahawak sa nangangalawang na gate. Akmang uulitin niya ang pagtawag ay napasingkit siya ng mata nang makita na bumubukas nang marahan ang pintuan at iniluwa nun ang isang matanda na kanina niya pa gustong makausap.
Para siyang naputulan ng dila nang makalapit na si Tandang Gresa sa kaniya. Patuloy lang ito sa paglapit at nagulat siya ng bahagya nang alisin nito ang pagkakakandado sa gate na para bang inaasahang darating siya. Tumalikod na rin ito sa kaniya para pumasok nang bahay na siyang ikinadalawang-isip ni Andrea kung susundan siya sa loob.
"Tatayo ka lang ba diyan hanggang pumatak ang hatinggabi o aalamin mo kung paano mo mapipigilan ang isang trahedya na nagbabadya sa iyong kapatid?" Sa sinabi ni Tandang Gresa ay agad din sumunod sa kaniya si Andrea sa loob. Hindi na sila nagpaligoy-ligoy pa. Nasa silid na sila ng matanda at kung kanina ay hindi maalis ang takot ni Andrea, ngayon ay kabaligtaran na ang pinapakita niya. Kalmado at walang ekspresyon ang mukha. Kitang-kita ang pagnanais na malaman ang isang bagay.
Nadako ang tingin ni Andrea sa manika sa ibabaw ng isang aparador, nagtagpo ang kilay niya at akmang kukunin niya na ay nahinto siya sa tinuran ng matanda.
"Ito ang kinatatakot ko. Pero hindi ko inaasahan na hahantong sa ganito. Napakasama, talagang masama."
Nakatingin pa rin ng matalim si Andrea sa manika. "Ang mga laruan ni Avah. Parang nagkaroon ng buhay." Sabi niya at di inaasahang sasagot ng mabilis ang matanda.
"Mahilig siya sa laruan. Tanging laro lang ang nasa isip niya." Naupo si Tandang Gresa sa kanyang paboritong upuan.
"Kung magsalita ka parang kilalang-kilala mo ang kapatid ko. Ibalik mo siya sa dati dahil nasisiguro kong may kinalaman ka sa nangyayari." Matapang na tugon ni Andrea sa matanda na kasalukuyang inuugoy ang sarili.
"Hindi siya ang aking tinutukoy hija." Hindi inaasahan iyon ni Andrea kaya nagtagpo na ng tuluyan ang kaniyang mga mata. "Ang batang babae na nasa gitna ng litrato. Sabihin mo siya ba?" Dagdag ng matanda. Kusang naghanap ang mga mata ni Andrea ng litrato at nakita niya sa malapit lamang ang tinutukoy ng matanda.
Isang litrato na puti at itim ang pagkakaimprenta.
Nanlaki ang kaniyang mga mata sa isang realisasyon.
"Ang bata. Siya nga iyon. Siya nga si Rosa. Siya yung nakita ko. Siya yung nanggugulo sa amin.” Natatarang turan niya na hindi na naituloy sa biglaang pagtayo ng matanda.
"Kung ganun. Tama nga ang hinuha ko. Si Rosa ay kasama ng iyong kapatid." Pagtapos nitong sabihin iyon ay nagpakawala ito ng buntong hininga.
"Sino ba talaga si Rosa? Anong kinalaman niyan sa kapatid ko? Ano bang nangyayari? Hindi ko na maintindihan?!" Paghihisterikal ni Andrea. Lumapit sa kaniya si Tandang Gresa at ipinakita ang isang pamilyar na pulang laso.
"Ang pulang laso ito ay tunay na sa kapatid mo. At ang pulang laso na suot ng kapatid mo ay pagmamay-ari ng kapatid ko na si Rosa. Sa kaniya ipinamana ang pulang laso sapagkat sakitin siya…”
Naalala ni Andrea ang kuwento ng kaniyang lola tungkol sa pagpapamana ng pulang laso sa kung sino ang sakitin sa pisikal o di kaya sa ispiritwal na aspeto.
“Matagal ko na dapat itong ginawa pero hindi ko kaya sapagkat kapatid ko pa rin siya." Nagpipigil ng iyak ang matanda. "Pakiusap. Gawin mo ito para sa kapatid mo. Sunugin mo ang pulang laso bago mahuli ang lahat. Dun nakakabit ang kaluluwa ng kapatid ko kaya kung nasaan man ang laso ay nandun din siya." Dagdag na utos ng matanda sa kaniya at tuluyan na ngang kumawala ang iyak na siyang patunay na tao pa rin si Tandang Gresa na nakakaramdam.
Kahit naguguluhan si Andrea at marami pang naglalarong mga katanungan sa isip niya ay isinantabi niya muna at agad kumaripas ng takbo.
"Si Avah ba yun?" Kalabit ni Ryza kay Miguel nang makita nila ang kaibigan sa kalsada na parang may hinahanap. Agad nila siyang pinuntahan at binati. "Merry Christmas Avah!" Sabay-sabay nilang sigaw. Bahagyang nagulat si Avah sa pagsulpot at binati niya rin pabalik. "Merry Christmas din!"
"Teka? Akala namin hindi ka mangangarolling?" Tanong ni Miguel na nakapostura at handang-handa dahil huling araw na para sa pangangarolling. Mabilis na umiling si Avah. "Hindi nga. May hinahanap lang akong bola." Wika niya. Napakamot naman ng ulo ang mga magkakaibigan.
"Eh kung ganun, sinong kasama mo? Kalaro mo!" Pagtataka ni Lorraine. Napailang kurap ng mata si Avah. Ang atensyon ng buong grupo ay nasa kaniya.
"Paalis mo na lang sila kung hindi ako ang gagawa ng paraan." Mataray na utos ni Rosa.
Napayuko si Avah at nagwika. "Umalis na kayo."
Nagtagpo naman ang kilay ng kaniyang mga kaibigan. Nagkatinginan sila at hahawakan na sana nila siya natigilan sila sa biglaang pagbulyaw ni Avah.
"Layuan niyo na nga ako sabi!!!" Napaatras sila sa hindi inaasahang nangyari. Mukhang maiiyak na si Miguel. Si Lorraine naman ay napalungayngay ang bibig na kahit anong oras ay maaaring may pumasok na insekto sa bibig niya. At si Ryza naman ay nagtitimpi. Nabitawan niya na nga rin ang instrumento para sa ginagawa nilang pangangarolling.
"Magaling. Tama ang ginagawa mo. Dapat ako lang ang kaibigan mo." Papuri at sulsol ni Rosa habang patalon-talon pa.
"Ano bang nangyayari sayo?" Tanong ni Ryza.
"Wala." Isang salitang sagot ni Avah.
"Nagbago ka na!" Sigaw ni Miguel at tumakbo palayo na hinabol naman nina Ryza at Lorraine.
"Wala silang pakialam." Bulong ni Rosa at nginitian muli ang kaibigan. Halos huminto ang mundo ni Avah nang mapagtanto ang mga sinabi niya at sinabi sa kaniya ng mga kaibigan.
Napaupo siya sa tabi ng kalsada. Nagbago ang ekspresyon sa mukha ni Rosa at tumawid siya sa kabila nang makita na nandun lang ang bola.
"Maglaro na uli tayo Avah!" Sigaw niya sa kabila pero nanatiling nakaupo ito at hindi siya napapansin.
"Sabi ko na nga ba. Ang mga kaibigan niya, lahat sila! Ginugulo ang plano ko! Ginugulo si Avah!" Galit na sabi niya at pinatalbog-talbog ang bola.
"Pwes! Hindi ako papayag. Sawa na akong mag-isa! Sawa na!" Dagdag niya. Bumalik nanaman siya sa pagiging tuso. Ang mga mata niyang animo'y nagliliyab at ang mga ngiting nagnanasa, nagnanasa sa isang pangyayaring matagal niya nang pinagplanuhan.