Kakauwi lamang ni Andrea sa kanilang bahay mula sa doktor upang ipatsek muli ang mga sugat na natamo. Naghilom na ang ilan sa mga mabababaw na sugat na nag-iwan ng marka. Abala ang lahat pagkapasok niya.
“Andito na ako!” Bungad niya.
“Oh kamusta? Anong sabi ng doktor?” Panimula ng lola nito at itinabi muna ang mga platong dala dala. Kaniyang nilapitan ang apo at inusisa ang mga sagot nito.
“Lola ayos lang po ako. May binigay lang po pampahid. At sa mga susunod mga araw ay mas mabibilisan ang pagkahilom po ng mga ito.”
“Mabuti naman kung ganun. Hala sige. Magpahinga ka na muna Andrea apo sa taas.”
Nang matapos ang ilan pang mga bilinan ay dumeretso siya paakyat sa hagdan, sa silid. Akmang papasok na siya ay may kung anong nag-udyok sa kaniya na sumilip muna at tingnan kung ano ang ginagawa ni Avah. Marahan niyang pinalaki ang awang ng pinituan at pasimpleng dumungaw.
"Ayaw ko nang maglaro." Pagbubulakbol ni Avah at binitawan ang mga laruan gaya na lamang ng lutu-lutuan. “Gusto kong maghanda para sa pasko. Gusto kong tulungan sina lola.”
Napansin ni Andrea ang ilan pang nagkalat na laruan sa sahig sa loob ng kanilang silid. Pati rin ang bola na nasa labas lang at katabi niya. Kinuha niya iyon, inalala saglit ang sinabi ng matanda na kapitbahay lamang nila at muling itinuon ang atensyon sa kapatid. Ganun na lamang din ang paglaki ng kaniyang mga mata nang makita na lumulutang ang mga laruan na kanina ay binitawan ni Avah.
"Gusto ko pa maglaro Avah. Maglaro pa tayo." Balik na pagbubulakbol ni Rosa hawak-hawak ang ilang laruan.
"Mas gusto ko talagang tumulong kanila lola! Hindi ka ba napapagod?" Tanong ni Avah habang inaayos ang pulang laso niya sa leeg. Binagsak ni Rosa ang mga laruan na siyang pagkasira ng mga ito at pagkagulat ni Avah sa nangyari.
"Bakit mo ginawa yun? Masisira ang mga laruan ko!" Maiiyak na tanong niya at pinulot ang mga laruan.
"Alam mong hindi ako nakakaramdam ng kahit ano, ng pagod! ng gutom! o ng kahit ano! Laro lang ang gusto ko at hindi mo pa ako mapagbigyan!" Singhal niya pero maya-maya ay ngumiti rin ito sa kaniya.
Binawi ni Andrea ang paningin kasabay ng isang pagpipigil ng isang pagsinghap. Pinagsisihan niya nang lubos ang nakita. Tumataas ang kaniyang mga balahibo.
"Hindi ito totoo." Bulong niya sa sarili. Si Avah naman ay hindi alam ang itutugon kaya ipinagsiksikan niya na lamang ang mga braso sa dibdib at nagpakawala ng buntong-hininga.
"Ikaw ba Avah? Hindi mo ba pinangarap na maging kagaya ko?" Mapanuksong tanong ni Rosa at tinabihan ang kaibigan.
"Huh? Anong kagaya mo?" Takang-tanong niya. Tumango si Rosa at hinawakan ng maigi ang magkabilang dulo ng laso na nasa leeg ng kausap.
"Yung kagaya ko na laging laro lang ang nasa isip. Yung palaging bata pero walang magbabawal. Basta puro laro at kasiyahan lang. Pagkatapos ay hindi ako napapagod, nagugutom. Puro laro lang gaya talaga ng isang bata!" Nakabibinging katahimikan ang namalagi sa buong silid bago nagawang tumugon ni Avah.
"Parang, parang ang hirap naman nun." Sa mga salita niya ay binitawan nang marahan ni Avah ang pulang laso.
"Tama ka mahirap. Sobrang hirap." Turan ni Rosa na para bang may pasaning mahirap angkinin. Tumayo ito at inayos ang bistidang suot-suot.
"Rosa..."
Lumingon siya at binigyan ng matamis na ngiti ang kaibigan. "Pero magmula ng makilala kita Avah ay naging madali ang lahat. Kaya sisiguraduhin ko sayo na hindi ka magsisisi kapag sumama ka sa akin."
"Saan tayo pupunta?"
Mas lalong nakita ang namumuting ngipin ni Rosa sa kaniyang pagngiti. "Sikreto iyon Avah. Malalaman mo sa pasko pag ibinigay ko na sa iyo ang regalo."
"Regalo? Iyong regalo na lagi mong binabanggit sa akin Rosa?" Puno ng pananabik na tanong ni Avah.
"Oo naman. Iyon nga. Ikaw pa ba?"
"Pero... Pero wala akong kahit anong regalo sa iyo." Nahihiyang wika niya.
"Hindi ko kailangan ng kahit ano bukod sa isang bagay at yun ay ang pagtanggap mo ng buong-buo sa regalo ko. Ilang beses ko bang kailangang ulitin sa iyo?" Sa bawat salitang sinasabi ni Rosa ay padiin ito nang padiin.Sa gitna ng pag-uusap nila ay pareho silang napalingon nang may pamilyar na talbog ng bola silang narinig. Unti-unting kumurba ang gilid ng labi ni Rosa at naglaho na lamang sa paningin ng kasama.
Patalbog-talbog ang kulay rosas na bola nang madulas sa kamay ni Andrea. Hindi niya agad iyon namalayan sapagkat abala siya sa pagpoproseso ng kababalaghang nakita. Nang mapagtanto naman na naglilikha ng ingay ang bola sa bawat paghalik nito sa sahig ay agad niya iyong hinabol pero bahagyang napamaang siya nang parang nagkaroon ito ng sariling buhay. Patuloy sa pagtalbog ang bola kahit walang pwersang nagpapagalaw dito. Nagsimula nanamang umiling si Andrea sa paniniwalang hindi iyon totoo.
Nakailang lunok na siya sa sariling laway. "Tumigil ka n-na." Maging siya ay hindi na rin alam ang dapat sabihin o ikilos. Buti na lamang ay nagbukas ang pintuan na siyang pagbungad ni Avah.
"Ate?" Banggit nito at napatingin sa bola na pahina nang pahina ang talbog hanggang sa tumigil na din ito.
Nilapitan ng bata iyon at sabik na kinuha. "Ate ayos ka lang ba?"
Hindi nakatugon si Andrea. Hindi niya alam kung paano sisimulan. Pumasok na rin naman sila sa silid nila para dun ituloy ang pag-uusap.
Nais niyang komprontahin ang kapatid sa mga nakita. Pero natatakot siya sa maaaring malaman. Hahakbang na sana siya papunta sa kama niya ay nahinto siya sapagkat maraming nakakalat na laruan ni Avah.
"Avah pwede mo bang linisin yung-yung mga kalat na to? E-este itong mga laruan. Hindi kasi magandang tingnan." Saad niya at dumiretso na sa kama habang iniiwasang tingnan ang mga iyon. Bahagyang nagduda si Avah sa kakaibang kinikilos ng ate niya dahil madalas kapag makalat ang silid nila ay lagi siyang binubulyawan pero sa oras na ito ay parang maamong tupa ito.
Ginawa pa rin naman niya ang utos nito.
Ang magkakaibigang sina Lorraine, Ryza at Miguel naman ay nahinto sa paglalakad nang madaanan nila ang bahay ng kaibigan nilang si Avah.
Dala-dala nila muli ang mga laruang instrumento para sa gagawing pangangarolling. Huling araw na bukas ng pangangarolling at nais nilang makasama ang kaibigan. Nakakaramdam sila ng pangungulila kay Avah sapagkat ang huling araw na kasama pa nila ito ay nung araw na may kakaibang nangyari nung nagkukulay sila. Totoong natakot sila sa kababalaghan na iyon at medyo nag-aalala sila kay Avah. Nang kumatok na sila ay agad silang pinagbuksan ng katukayong matanda ni Avah na si Lola Avah.
Nakangiti ito at may mga mumunting tsokolate na nasa palad at handang ibigay sa kanila.
"Eto na mga bata oh." Wika niya nang abutin iyon nila Miguel.
"Ah Lola Avah pwede po ba naming yayain si Avah sa pangangarolling?" Tanong ni Ryza. Napabuntong hininga ang matanda at sa kabila ng pag-aalangan sa pagsagot ay ginawa pa rin niya.
"Natanong na din namin si Avah tungkol sa bagay na iyan. Ngunit ang sabi niya ay mas gusto niya raw muna maglaro mag-isa. Hindi ko nga alam sa batang iyon. Wala naman siguro siyang nakaaway sa inyo noh?" Sabay-sabay na nag-ilingan ang mga paslit at bakas din sa mga mukha nila ang pagtataka sa ikinikilos ng kaibigan.