"Saan ka galing kagabi?"
Napatigil ako sa pag-inom ng kape nang marinig ang tanong ni Nanay na kalalabas lamang mula sa kuwarto nila ni Tatay. Halatang bagong gising ngunit nakabusangot na agad ang mukha.
Nag-iwas ako ng tingin at tahimik na uminom ng kape. Hindi ko naman maaaring sabihin sa kaniya na nagtrabaho ako sa bayan, ano. Unang gabi ko pa lamang kagabi at ayaw kong iyon na ang maging huli.
"Tinatanong kitang bata ka, bakit ayaw mong sumagot? Binabastos mo na ako, ha? Ganiyan ba kita pinalaking gaga ka?"
Kinagat ko ang aking ibabang labi upang pigilan ang aking sarili na sagutin siya. Ayaw kong magkataasan na naman kami ng boses tulad noon.
"Riley! Sumagot ka sabi. Saan ka galing, ha? Natuto ka na bang maglakwatsa, ha?!" Malakas na sigaw niya kaya't hindi ko mapigilang mapangiwi. Nakasisiguro kong maging ang mga kapitbahay ay dinig na rinig ang malalakas na sigaw ni Nanay.
Pasimple akong bumuntong hininga bago nag-angat ng tingin patungo sa direksiyon niya. Tipid ko siyang nginitian. "Pasensya na po, 'Nay. Marami po kasing trabaho sa hacienda kaya sinabihan po ako ng amo ko na mag-overtime."
Tila napintig ang tainga niya nang marinig ang sinabi ko. Marahas siyang tumingin sa direksiyon ko bago ako tinaasan ng kilay. "Overtime?"
"Opo," maikling sagot ko sa kaniya.
"At magkano naman ang dagdag diyan sa overtime mo na 'yan?"
Natigilan ako matapos marinig ang tanong niya. Lihim akong napangwi dahil sa inis sa sarili ko. Bakit hindi ko naisip iyon? Pasimple akong nag-iwas ng tingin para itago ang aking frustration kay Nanay. Nang makabawi ay saka ako muling nag-angat ng tingin sa kaniya.
Tipid ko siyang nginitian. "Daragdagan ko na lamang po ang ibibigay ko sa katapusan," pagsuko ko.
Tila nagliwanag naman ang mukha niya dahil sa sinabi ko. Nakangiti siyang nagkibit-balikat sa akin bago prenteng umupo sa harap ko. "Ipagtimpla mo nga ako ng kape. Inaantok pa ako," utos niya.
"Pero 'Nay, may trabaho pa ho ako---"
"Hindi ka susunod?" pagputol niya sa dapat ay sasabihin ko. "Hindi ka susunod o riyan kita sa labas patutulugin mamayang gabi?"
Nagbaba ako ng tingin bago walang ganang tumayo upang kunin ang tasa niya. Para namang makakatanggi ako roon. Ilang beses na rin akong natulog sa labas ng bahay namin tuwing nag-aaway kami ni Nanay at ayaw ko na iyong mangyari pa.
Madilim. Malamok. Malamig.
Walang imik akong nagtimpla ng kape upang sundin ang iniutos ni Nanay. Mayamaya pa ay lumabas na rin si Tatay mula sa kuwarto nila ni Nanay. Mukhang hindi rin maganda ang naging tulog niya dahil tulad ni Nanay ay nakabusangot din ang mukha.
"Hindi pa rin ba nagpapadala, Marites?" tanong ni Tatay kay Nanay na siyang ikinakunot ng noo ko.
Malakas na bumuntong hininga si Nanay. "Kung nagpadala na 'yon, e 'di sana good mood ako, ano? Mag-isip ka nga."
Inilapag ko ang tasa na may kape sa harap ni Nanay at nag-iwas ng tingin sa kanila nang kapwa sila nag-angat ng tingin. "Aalis na ho ako, 'Nay, 'Tay," pagpapaalam ko.
"Mabuti pa ngang umalis ka na. Agang-aga, mukha mo ang nakikita ko," padaskol na sambit ni Tatay kaya't agad akong tumalikod upang iwan sila.
Kung tulad noong bata pa ako, baka umiyak na ako dahil sa sinabi niya. Pero iba na kasi ngayon, e. Sanay na ako na ganoon ang trato nila sa akin ni Nanay. Wala na namang magbabago kung magrereklamo pa ako.
"Psst, Riley!"
Napatigil ako nang tawagin ako ni Ate Andeng. Tumakbo siya papunta sa gawi ko kaya't agad na kumunot ang noo ko. "Bakit galit na naman 'yong Nanay mo? Anong sabi? Sa labas ka na naman ba patutulugin?"
"Hindi naman, At--"
"Kapag hindi ka pinatulog sa inyo, pumunta ka sa bahay namin, ha? Masikip man doon pero atleast, hindi ka sa labas matutulog," pagputol niya sa sasabihin ko.
Tipid akong ngumiti sa kaniya. "Ayos lang naman ako, Ate Andeng. Hindi naman kami gaanong nag-away ni Nanay," tanging sagot ko.
Magsasalita pa sana siya pero umiyak na ang anak niyang iniwan niya sa asawa niya kaya't din siyang nagpaalam at tumakbo pabalik sa bahay nila. Malakas naman akong bumuntong hininga bago ako nagpatuloy sa paglalakad.
Medyo malayo ang hacienda sa bahay namin pero nilalakad ko pa rin. Sayang ang pamasahe kung kaya ko namang lakarin araw-araw. Kapag sinusuwerte ay pianapasakay pa ako nina Mang Carding o ng kung sino mang tricycle driver na taga-sa amin.
Pero tulad ngayon na minamalas ako, walang nagpasakay sa akin. Idagdag pa na puyat ako dahil alas-dos na ako ng madaling araw nakauwi mula sa trabaho sa bar. Ayos naman pala roon. Medyo nakakatakot pero kaya naman. . . kakayanin ko naman.
Tahimik kong binaybay ang daan mula sa bahay namin hanggang sa hacienda. Nang makarating naman ako ay agad akong sinalubong ni Mamang Ichi. Taka ko siyang tiningnan nang harangin niya akong muli.
"Bakit po, Mamang Ichi?"
"Hindi ba't sinabi kong bawal ka pang pumasok sa mansion?"
Bumuntong hininga ako. "Pero Mamang Ichi, isa po sa trabaho ko ang tumulong sa paglilinis---"
"Marami ka pa namang puwedeng gawin sa hacienda, hindi ba? Hindi lamang naman paglilinis ang maaari mong gawin," mabilis na pagputol niya sa dapat ay sasabihin ko.
Napalabi ako. "Oo nga po. . . sige na po, magpapakain na lamang po ako ng mga kalabaw---"
"Hindi rin puwede!" segunda niya na mas lalong ikinakunot ng noo ko. "Huwag ang mga kalabaw."
"Mamang Ichi, lagot po ako kay Ma'am Danielle kapag hindi ko ginawa ang trabaho ko," mahinahong kontra ko sa kaniya.
Malakas siyang bumuntong hininga at sunod-sunod na umiling. "Hindi nga sabi puwede, maliwanag ba? Utos iyon ni Danielle kaya sumunod ka kung ayaw mong magalit iyon sa 'yo at tanggalin ka sa trabaho."
"Pero Mamang Ichi, paano ang suweldo ko? Hindi po iyon puwedeng mabawasan kaya hayaan niyo na po ako. . ."
"Hindi nga sabi puwede," pirming sambit niya at akmang ipapamalo sa akin ang dalang tungkod. "Makinig ka sa aking bata ka, nako sinasabi ko sa 'yo."
Napalabi ko at nagmamakaawa siyang tiningnan. "Mamang Ichi, please na po, huh? Hindi naman po ako gagawa ng gulo---"
"Roon ka na lamang sa likod ng bahay at mag-pake ng asukal. Sumama ka kina Andeng at iyon na lamang ang tulungan mo," muling pagputol niya sa dapat ay sasabihin ko.
Malakas akong bumuntong hininga at napailing bilang tanda ng pagsuko. Agad akong sumunod sa kaniya at nagpunta sa may likod ng mansion kung saan ipinapake ang mga ayos ng asukal. Ang Hacienda de Ongpauco ay isang hacienda na puno ng taniman ng tubo o sugar cane. Karaniwan ay dito sa hacienda galing ang mga asukal na dinadala patungo sa Maynila.
Nang makarating ako roon ay hindi naging mainit ang pagtanggap sa akin ng mga nagtatrabaho roon. Akala kasi nila ay aagawan ko sila ng trabaho dahil mas bata ako kaysa sa kanila. . . na hinding-hindi ko naman gagawin. Halos lahat ng mga nagtatrabaho upang mag-pack ng asukal ay medyo may kaedaran na. Karaniwan kasi ay wala ng tumatanggap sa mga medyo katandaan ng naghahanap ng trabaho kaya naman siniguro ni Ma'am Nellie na bigyan sila ng kahit na kakaunting trabaho nang hindi sila masiyadong napapagod pero kumikita pa rin sila ng pera.
Halos wala naman akong ka-edaran na nagtatrabaho rito sa hacienda dahil karamihan sa kanila ay nag-aaral sa kolehiyo o may mga trabaho na sa magagandang lugar.
"Riley, pumunta ka nga roon sa loob ng mansion at humingi pa ng plastic. Sabihin mo ay kulang," utos ni Lola Luisa matapos ang mahabang katahimikan sa pagitan namin.
Hindi ko naman alam ang isasagot ko dahil binilinan ako ni Mamang Ichi na huwag pumasok sa mansion. Sasabihin ko sanang bawal akong pumasok sa loob ngunit agad din akong sumunod sa utos niya nang magtagpo ang mga mata namin. Tiningnan niya kasi ako nang masama na para bang isang maling kilos ko lamang ay ipapakulam niya ako.
Palinga-linga ako nang makapasok sa loob ng mansion gamit ang back door. Mukhang nasa unahang pinto naman si Mamang Ichi dahil hindi ko siya nakita nang pumasok ako sa loob ng kitchen.
"Ate, pinapasabi po ni Lola Luisa na kulang na raw po ng plastic para po sa pagbabalot ng tubo," mahinahong sambit ko sa isa sa mga katulong sa mansion.
Tinanguan niya naman ako at nagpunta na sa kuwarto kung saan naroroon ang hinihingi ko. Naiwan naman akong mag-isa sa kitchen nang umalis siya. Uupo sana ako sa upuan na malapit sa puwesto ko nang may tumawag sa aking pangalan na naging dahilan upang ma-estatwa ako sa aking kinatatayuan.
"Riley! Anong ginagawa mo rito?"
Nag-angat ako ng tingin at agad na napasimangot nang makita kung sino iyon. Si Matthew lamang pala ang tumawag sa akin, akala ko naman ay nahuli na ako ni Mamang Ichi.
Walang emosyon ko siyang tiningnan. "Dito ako nagtatrabaho," maikling sagot ko at nag-iwas ng tingin.
"Talaga? Dapat pala, palagi na akong bumisita rito---"
"Matthew! Andiyan ka lang pala. Kanina ka pa hinahanap ni Yvvo, magro-roadtrip daw tayo." Sabay kaming napatingin sa bagong dating. Si Mickaela iyon. Pamilyar ang mukha at pangalan niya dahil sikat siya sa bayan namin. Bukod kasi sa pagiging maganda ay mayaman din siya tulad ni Matthew. Hindi nga lamang siya kasing yaman ni Ma'am Danielle.
Mahinang tumawa si Matthew at kumindat muna sa akin bago humarap sa gawi ni Mickaela. "Nag-iikot-ikot lamang ako rito sa mansion nila," sagot niya at naglakad na papunta sa gawi nito.
Muli naman akong naiwang mag-isa tulad kanina ngunit may naglalaro pa ring katanungan sa aking isipan.
Sino ang Yvvo na tinutukoy nilang dalawa? Wala naman akong kilalang ganoon ang pangalan na nakatira rito sa mansion ng mga Ongpauco.