"Oh, Riley? Bakit hindi ka pa umuuwi? Baka abutin ka ng gabi sa daan." Lumingon ako kay Ate Andeng nang tawagin niya ako. Buhat niya ang anak ni Nero at mukhang pauwi na rin matapos ang trabaho sa hacienda.
Tipid ko siyang nginitian. "Hinihintay ko pa kasi si Ate Chuchay. Parating na rin 'yon mayamaya."
"Ha? Ano namang kailangan mo roon kay Chuchay? Alam mo naman kung anong klaseng tao iyon. Baka mamaya, hindi ka na makauwi---"
"Ay si Ate napaka-judgemental. Baka marinig ka ni te Chuchay, hindi ka niyon pauutangin sa 5/6 kapag kailangan mo. Nako ka," agad na pigil ko sa kaniya nang chikahin niya pa ako. Baka mamaya marinig pa siya ni Ate Chuchay at hindi pa matuloy ang trabaho ko.
Napailing si Ate Andeng bago nagpaalam paalis. Nagkibit balikat na lamang ako at nanatiling nakatayo habang hinihintay si Ate Chuchay. Kinagat pa ako ng lamok habang naghihintay sa may gate pero hindi iyon naging dahilan upang tumigil ako. Hindi nga ako tumigil kanina kakakulit sa kaniya para lang bigyan niya ako ng trabaho, ngayon pa kaya?
Abala ako sa pagmumuni-muni nang may narinig akong tumikhim. Agad akong nag-angat ng tingin ngunit agad na napasimangot nang makitang hindi iyon si Ate Chuchay.
"Riley baby, sakay ka na---"
"Ayaw ko," mabilis na pagputol ko sa kung ano mang sasabihin niya. Nag-angat ako ng tingin at tipid siyang nginitian. "Salamat nalang."
Napawi ang ngiti sa mga labi niya matapos marinig ang sinabi ko. "Ikaw na nga ang inaaya, nagmamagaling ka pa. Maglakad kang mag-isa," inis na turan niya at pinaharurot na nag mamahaling sasakyan.
Umismid ako nang makaalis siya. Iyon si Matthew. Isa siya sa mga mayayaman na nakatira rito sa hacienda. Konsehal ang ama samantalang prinsipal naman sa unibersidad ang ina. Kahit na may mataas na pinag-aralan, patapon naman ang ugali ng lalaking iyon. Nagbibigay siya ng motibo na interesado siya sa akin pero sa halip na kiligin ay nandidiri lamang ako. Nakakatakot siya lalo na kapag nakangiti kaya naman kahit na anong lapit pa ang gawin niya ay lumalayo ako.
"Riley! Riley, dali! Sakay!"
Naputol ang pagmumuni-muni ko nang sumigaw si Ate Chuchay na sakay sa van. Kumaway siya at sinenyasan akong lumapit sa may kalsada kaya agad akong tumakbo palapit.
"Ate, bakit ngayon ka lan---"
"Sakay," sambit niya at binuksan ang pinto ng van.
Kunot noo ko siyang tiningnan. "H-Ha?"
"Ano ka ba naman? Dali na, mahuhuli ka na sa trabaho," tila nagpapanic na utos niya kaya't naguguluhan man ay sumakay pa rin ako sa van.
Inilibot ko ang paningin doon at nakitang kami lamang ang sakay. Asawa niya ang nagd-drive samantalang nasa tabi siya. Umayos ako ng upo at tumingin kay Ate Chuchay. "Papunta na ba tayo sa bayan, ate?" tanong ko.
Mabilis siyang tumango. "Maghanda ka na, baka mamaya umiyak ka dahil bago ang trabaho," prenteng utos niya.
Agad na sumilay ang ngiti sa aking labi at malapad siyang nginitian. "Salamat, Ate! Huwag kang mag-alala, kayang-kaya ko kahit na ano pang trabaho 'yan."
Nagkbit-balikat lamang siya sa akin kaya't umayos na rin ako ng upo. Tumingin ako sa labas ng sasakyan at malapad na ngumiti. Thank you, Lord! May trabaho na ako!
Kinuha ko mula sa aking bulsa ang dala kong salamin at muling tiningnan ang aking sarili roon. Aayusin ko pa sana ang nakatirintas kong buhok nang magsalita si Ate Chuchay.
"Maglugay ka ng buhok, Riley," utos niya.
"Po?"
Tumikhim siya at nag-iwas ng tingin. "Para hindi ka agad makilala ng kung sino man doon. Baka isumbong ka sa nanay mo."
Napatango naman ako nang makuha ang nais niyang iparating.. Inilugay ko ang aking buhok kaya naman lumaglag ang hanggang baywang kong buhok. Dahil palaging nakatirintas ay kumulot na iyon kaya naman bahagya akong nagsuklay gamit ang aking mga daliri.
Inayos ko pa ang itsura ko dahil baka maturn off sa akin ang magiging amo ko. Nang masigurong mukha na akong presentable ay saka ko itinago ang aking salamin sa bulsa ko.
Tahimik lamang ang buong biyahe namin. Hindi nag-uusap si Ate Chuchay at ang asawa niya kaya naman hindi ko mapigilang ma-awkward-an. Inobserbahan ko lamang sila hanggang sa tumigil na ang pagtakbo ng sasakyan.
Nag-angat ako ng tingin at agad na sumilip sa bintana ng van. Awtomatiko namang nagsalubong ang aking kilay nang mapagtanto kung nasaan kami.
"A-Ate Chuchay, anong. . . a-anong ginagawa natin dito?" Kinakabahang tanong ko at tumingin kay Ate Chuchay.
Sa halip na sagutin ako ay lumabas na siya ng sasakyan at binuksan ang pintuan kung saan ako nakaupo. "Gusto mo ng trabaho, hindi ba? Eto na. trabaho."
"P-Pero Ate hindi mo naman sinabi na rito ako magtatrabaho. . ."
Umirap siya at hinawakan ang aking palapulsuhan. Napasigaw naman ako nang pilit niya akong hinila palabas. "Sabi mo, kahit na anong trabaho basta may pera, kaya mo. Oh heto na. Binibigyan na kita ng trabaho."
"A-Ate. . ."
Tinaasan niya ako ng kilay nang makalabas na ako ng sasakyan. Agad ko namang inilibot ang aking paningin sa kabuuan ng lugar. May mga nagsusuka na sa daan samantalang may iba namang naghahalikan sa gilid.
"Huwag kang mag-inarte, okay? Hindi naman kita ibinubugaw. May anak din akong babae, ano. Narito ka lamang para maging waitress," naiiling na sambit niya.
Gusto ko mang huminga nang maluwag dahil sa sinabi niya pero hindi ko magawa. Paano naman ako makakahinga nang maluwag kung nasa bar ako na puno ng mga taong wala sa katinuan dahil sa presensiya ng alak.
"P-Pero kasi, Ate. . ."
"Ano? Ayaw mo na?" Ipinagkrus niya ang dalawang braso at mataray akong tiningnan. "Akala ko ba gusto mong mag-ipon ng pera para makapag-kolehiyo ka? Ito na ang trabahong hinahanap mo para makapag-ipon ka ng pera. Ano pang iniinarte mo riyan?"
Napalunok ako bago dumungaw sa lugar na nasa likod niya. Masakit sa tainga ang tunog sa loob at may nagsisigawang mga tao habang sumasabay sa musika.
"Ano na? Gusto mo ba?" tanong muli ni Ate Chuchay.
Kinagat ko ang aking ibabang labi bago ako marahang tumango. "G-Gusto ko po, Ate. K-Kailangan ko ng. . . ng p-pera."
Bumuntong hininga siya at tinaasan ako ng kilay. "Oh ano na? Tara na sa loob. Huli na tayo," sambit niya at tumalikod na sa akin.
Para bang sanay na sanay na siya sa pasikot-sikot sa lugar na iyon nang dire-diretso siyang pumasok sa loob. Walang kibo naman akong sumunod sa kaniya. Napangiwi ako nang salubungin kami ng nakakasilaw na ilaw sa loob. Pasayaw-sayaw ang mga kulay ng ilaw habang nagsisigawan ang mga tao at sumasabay sa nakabibinging tugtog mula sa malalaking speaker na nakapalibot doon.
Muli akong napalunok. Ito ang unang beses kong pumunta sa lugar na ganito kaya naman lahat ay bago at hindi normal sa akin. Muntik na naman akong mapasigaw nang muntik na akong matumba dahil may bumunggo sa aking balikat. Lasing na ang babae at matutumba na ngunit nasalo siya ng lalaki. Kikiligin sana ako ngunit agad din akong napangiwi nang maghalikan sila na parang walang bukas.
"Mars! Ito na ang sinasabi ko sa 'yong nag-aaply na waitress. Anak 'to ng kaibigan ko kaya alagaan mo, ha," magiliw na sabi ni Ate Chuchay sa baklang kausap niya.
Napalunok naman akong muli nang tingnan ako nito mula ulo hanggang paa. Mayamaya pa ay ngumiti ito. "Maganda 'yang batang 'yan, Mars, ah? Ayaw ba niyang maging parte ng mga alaga ko?"
Agad na nagsitayuan ang balahibo ko dahil sa sinabi niya. Hindi man ako nakapagtapos ng kolehiyo pero alam ko ang nais niyang iparating at kung sino ang mga alagang tinutukoy niya.
Malakas na tumawa si Ate Chuchay at hinampas ang balikat ng baklang kaibigan na mukhang may-ari ng bar kung nasaan kami. "Hindi na. Kuntento na 'yang batang 'yan sa waitress," sambit niya kaya naman nakahinga ako nang maluwag.
"Ay sure ka na, neng? Ayaw mong mag-dream higher?" tanong niya sa akin kaya't agad akong napaatras.
"Ano ka ba naman, Mars, ayos na 'yan. Medyo takot lang 'yan dito ngayon kasi ito ang unang beses niyang pumunta sa ganitong lugar," pigil ni Ate Chuchay.
Malakas na tumawa 'yong bakla at hinampas ang balikat ni Ate Chuchay. "Ano ka ba naman, Mars? Hindi ako nagbubugaw, ano! Kung makapagsalita ka naman diyan, akala mo masama akong tao." Lumingon sa akin ang bakla at malapad na ngumiti. "Huwag kang mag-aalala, Ineng, hindi ako ganoong tao."
Agad naman akong nagbaba ng tingin dahil sa takot at hiya. I pinched my fingers while I can't focus my eyes on only one thing. Nahihilo ako sa ganiitong lugar.
"Oh siya, sige na. Neng, pumunta ka roon sa may bartender at sabihin mong ikaw ang bagong waitress. Bibigyan ka niyon ng apron tapos puwede ka ng magtrabaho," utos ng may-ari kaya't mabilis akong tumango.
Nagpaalam na naman sa akin si Ate Chuchay at sinabing magsakay na lamang ako pauwi. Nang makaalis na siya ay sinunod ko naman ang utos ng may-ari at nagpunta sa may bartender.
"U-Uh Kuya, sabi ng may-ari, lumapit daw ako sa 'yo tapos kunin 'yong apron. . ." Kinakabahang sambit ko sa bartender na abala sa paghahalo ng iba't-ibang alak.
Nag-angat siya ng tingin sa akin kaya't agad akong napaatras. Mukhang kaedad ko lamang siya at hindi gaanong katanda tulad ng inaasahan ko. May tattoo ang buong kanang braso niya at may hikaw na itim sa kaliwang tainga. Napalunok ako habang nakatingin sa kaniya.
"Wala namang sinabi sa akin si Dad na may bagong waitress," malamig na tugon niya.
Ilang beses akong napakurap. "A-Ah 'yong bakla kasi 'yong nagsabi sa akin---"
"That's my Dad, Miss."
Nanlaki ang mga mata ko at wala sa sariling napatakip sa aking bibig matapos marinig ang sinabi niya. "T-Tatay mo 'yon?" Hindi makapaniwalang tanong ko.
Taas kilay niya akong tiningnan. Muli naman akong napakunot nang mag-igting ang panga niya. He propped his chin on his palm on top of the table before he leaned closer to me. "May problema ka ba sa Tatay ko, huh, Miss?"
Mabilis akong umiling bilang sagot. "W-Wala naman. Pasensya na," agad na paghingi ko ng paumanhin.
Akala ko ay pagagalitan niya ako ngunit unti-unting sumilay ang ngiti sa labi niya. Muli naman akong napaatras. Nagulat na lamang ako nang batuhin niya ako ng kung ano. Nang tingnan ko naman kung ano iyon ay apron iyon.
"I'm Izaak Delas Alas," pagpapakilala niya at inilahad ang kamay sa akin.
Taka ko naman siyang tiningnan. "U-Uh. . ."
Mahina siyang tumawa bago siya na mismo ang kumuha ng aking palad upang makipag-handshake sa kaniya. "What's your name, huh, little woman?"
"R-Riley. I am Riley, Sir."