04 : Riley Juarez

1819 Words
"'Teh, sure na ba na wala ng puwedeng apply-an na trabaho sa bayan? Baka naman may alam ka, kailangang-kailangan lang." Nag-angat ng tingin sa akin si Ate Chuchay at pinanliitan ako ng mata. Hindi ko naman mapigilang mapaatras dahil sa tingin niya. Malakas siyang bumuntong hininga habang naiiling. "Alam mo, Riley, wala kang mararating kung hindi ka nag-iisip." "Si Ate naman, napaka-judgemental. Nag-iisip naman ako, ah? Naghahanap nga ako ng trabaho---" "Tanga ka ba? Ni hindi ka nga nakapasok ng kolehiyo tapos gusto mong maghanap ng trabaho roon sa bayan. Ke bata bata napakachoosy!" Bahagya akong natigilan at napasimangot dahil sa sinabi niya. Tama naman siya. Ilang beses na rin iyong sinabi sa akin ni Nanay kaya hindi na bago sa akin na marinig iyon mula sa ibang tao. Malakas akong bumuntong hininga. "Ate naman, gusto ko lang naman na may mas malaking kitain. Alam mo naman na halos lahat ng suweldo ko, napupunta kina Nanay at Tatay. Gusto kong mag-ipon para makapasok na ako sa pasukan." "Makapasok? Aba ineng, baka hindi mo alam kung gaanong kalaking halaga ang gagastusin mo para makapasok ng kolehiyo? Kahit na araw at gabi kang magtrabaho, hindi pa rin 'yon sapat. Tingnan mo nga 'yang anak kong si Michael, iginagapang ko sa kolehiyo, makapagtapos lang." "Kaya nga. Kung kaya niyong igapang ang anak niyo para makapagtapos siya ng kolehiyo, kaya ko ring igapang ang sarili ko!" Determinadong sambit ko at malapad na ngumiti. Muli naman siyang umismid at hindi nadala sa confidence ko. Napalabi naman ako at muling bumuntong hininga. "Dali na, Ate. Baka lang naman mayroon kang alam na trabaho sa bayan. Ayos na sa akin ang tindera o katulong." "Hindi ba ay nagtatrabaho ka na roon sa hacienda ng mga Ongpauco? Natanggal ka na ba roon at naghahanap ka na ng bagong trabaho?" "Eh kasi Ate, kulang 'yong suweldo ko roon, e. Hindi sapat 'yon para sa amin nina Nanay at Tatay. Saka pakiramdam ko, magbabawas sila ulit ng trabahador kaya baka makasama ako." Hindi ko mapigilang muling mapabuntong hininga dahil doon. Masaya namang magtrabaho sa hacienda pero hindi naman sapat ang suweldo ko. Ayaw ko namang magreklamo dahil kung tutuusin ay hindi dapat ako makakapagtrabaho roon ngunit nag-Maynila ang isa sa mga trabahador kaya't nakapasok ako. "Sus. Ang dali-dali na nga ng trabaho mo roon, nagrereklamo ka pa," matapobreng sambit niya kaya't napalabi ako. Gusto ko sana siyang sagutin na hindi madali ang trabaho sa hacienda kaso baka mas lalong hindi niya ako tulungang maghanap ng trabaho kapag sinagot ko siya. Malapad akong ngumiti sa kaniya at ipinulupot ang aking braso sa braso niya. Medyo malaking babae si Ate Chuchay at nasa mid-fifties na kaya naman ramdam na ramdam ko ang taba niya sa braso ko. Iginagapang daw niya 'yong anak niya sa hirap. . . parang hindi naman. Nagsusugal pa nga siya kasama ni Nanay, e. "Dali na, Ate Chuchay. Tulungan mo na akong makahanap ng trabaho sa bayan. Kahit anong trabaho, Ate, basta malaki ang sahod," pamimilit ko pa. Umiling siya at inalis ang braso ko sa katawan niya. "Oh siya, oh siya. Tutulungan na kita. Maganda ka naman at pang-mayaman 'yang kutis mo. . . papasa ka roon." Agad na nagliwanag ang mukha ko dahil sa sinabi niya. Excited akong tumingin sa direksyon ni Ate Chuchay at hinawakan ang kaniyang kamay. "Talaga, Ate? Saan? Ayos lang ako kahit na anong trabaho basta sa bayan!" Masayang sambit ko. Salamat naman sa Diyos! "Aalis ka na ba sa hacienda kung magtatrabaho ka sa bayan?" Mabilis akong umiling. "Ay hindi, Ate. Lagot ako kay Nanay kapag nalaman niyang hindi na ako nagtatrabaho sa hacienda. Huwag mo ring sasabihin kay Nanay na may bago na akong trabaho, ha? Para 'to sa pang-College ko, baka kunin niya na naman." Nawala ang ngiti sa labi ko nang maalalang dapat ay makakapasok na ako noong huling pasukan pero noong enroll-an, wala na ang ipon ko sa alkansiya ko. Pinang-sabong pala ni Tatay. Bumuntong hininga si Ate Chuchay at nagkibit balikat sa akin. "Kung ako kasi sa 'yo, bubukod na ako. Wala ka namang napapala riyan kina Marites at Jimboy. Hindi ka na nga pinag-kolehiyo, sa 'yo pa humihingi ng ipangkakain at ipangsusugal." Nag-iwas ako ng tingin at pasimpleng bumuntong hininga. Kahit naman bumukod ako ay alam kong ganoon pa rin ang mangyayari. Mas mahihirapan lamang ako kung sakali. Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi bago malapad na ngumiti at muling humarap kay Ate Chuchay. "Ano na, Ate? Ano bang trabaho 'yan? Kailan ako makakapagsimula?" tanong ko upang ibahin ang usapan. "Madali lang 'to, hindi ka naman mapapagod nang sobra. Anim na labo sa isang buwan tapos sa gabi ka lang magtatrabaho. Susundiin na lamang kita mamaya sa hacienda mamayang alas-siyete bago ka umuwi." Agad akong tumango bilang pagsang-ayon. Yes! Sa wakas! "Sige, Ate, ha? Hihintayin kita roon sa hacienda," nakangiting tugon ko. Napailing siya. "Oh siya, oh siya. Diyan ka na at may raket pa ako. Iniistorbo mo akong bata ka." "Salamat ulit, Ate!" sambit ko at magiliw na kumaway sa kaniya. Inismiran niya lamang ako bago siya naglakad paalis. Agad naman akong napabuntong hininga matapos niyang makaalis. Phew! Kakaibang pamimilit din iyong ginawa ko sa kaniya, ah? Sana lamang talaga at hindi niay maichismis kay Nanay na may bago akong trabaho. Medyo may pagkatsismosa iyon, e. "Napakagaling mo talaga, Riley," bulong ko sa aking sarili bago ko inilabas ang pabilog na salamin sa aking bulsa. Agad kong sinipat ang aking sarili at agad na napangiti nang makita ang aking itsura sa salamin. Bahagya kong inayos ang nakatirintas kong buhok at binasa ang aking pang-ibabang labi. "Naks naman, Miss Universe!" biro ni Mang Carding nang madaanan niya ako sakay ng pedicab niya. Malapad akong ngumiti sa kaniya at kumayon. "Naman, Mang Carding! Ako lang 'to," pagsakay ko sa biro niya. Tulad ng inaasahan ay natawa siya sa biro ko. "Babalik ka ba sa hacienda? Sumakay ka na at pauwi na rin ako." "Ay naku, Mang Carding, nakakahiya naman po. . . " pagpapabebe ko kaya't napailing siya. "Pumarine ka ng bata ka, huwag ka ng mag-inarte," natatawang sambit niya kaya't malakas akong tumawa at naglakad na palapit sa gawi niya. Walang kahirap-hirap naman akong sumakay sa pedicab niya na kaunting hangin na lamang siguro ay masisira na. . . char! "Let's go, Mang Carding! Let's go! Whoo!" Hyper kong sigaw. Wala naman siyang naging ibang sagot kung hindi ang mahinang pagtawa. Halos mapunit ang labi ko kakangiti buong biyahe pabalik sa hacienda. Dahil sa saya ay pati ang mga dumaraan na kakilala ko ay kinakawayan ko kahit na mukha silang mga badtrip. Basta ako, masaya ako. May trabaho na ako! Yes! Hindi ako magkamayaw sa pagkukuwenta ng maaari kong kitain sa loob ng isang taon. Dalawa na ang trabaho ko kaya naman paniguradong makakaipon ako kahit papaano. Hindi naman ako nagmamadaling makapasok kaagad sa susunod na pasukan dahil kulang pa ang perang kikitain ko bilang pang-tuition. Saka ang dahilan naman kung bakit hindi ako nakatuloy sa College ay dahil wala kaming pera na pang-tuition at kailangan kong magtrabaho para kina Nanay at Tatay. Kapag nakaipon na ako ng pang-tuition, kailangan ko namang pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral para hindi magalit sa akin sina Nanay. Bak abigla nila akong palayasin sa bahay, wala akong matutuluyan kung sakali. Nang makarating ako sa hacienda ay marami pa ring tao. Agad akong nagpaalam at nagpasalamat kay Mang Carding dahil sa paghahatid niya sa akin sa hacienda. Biniro niya pa nga ako na kailangan kong magbayad pero tinawanan ko lamang siya. Wala naman akong planong sumakay pauwi, ano. Siya ang nag-aya sa akin na sumakay. "Ate Andeng! What's up, good morning!" magiliw na bati ko sa nakasalubong kong si Ate Andeng. Tinaasan niya ako ng kilay. "Saan ka ba galing, ha? Kanina ka pa hinahanap doon sa loob! May ipapagawa yata si Ma'am Danielle." Muling nagliwanag ang ekspresyon ko sa aking mukha nang banggitin niya ang pangalan ng amo namin. Isa kasi sa rason kung bakit ako nagtrabaho rito sa hacienda ay dahil idol na idol ko si Danielle Fontanilla. Anak siya ng may-ari na si Ma'am Nellie Ongpauco pero siya na ngayon ang namamahala ng hacienda. Maganda at mabait si Ate Danielle. Nagtapos siya ng kolehiyo sa isang sikat na unibersidad sa Maynila kaya naman kahit saan siya pumunta ay matatanggap siya sa trabaho. . . hindi tulad ko na highschool lamang ang natapos. Kaya nga idol ko siya! Balang araw, kahit imposible, gusto kong maging katulad niya. Kahit mamatay pa ako sa kakatrabaho, ayos lang basta mayaman. Kaysa naman mamatay na nga sa kakatrabaho pero mahirap pa rin. "Ganoon ba? Sige, pupunta na ako!" Excited na tugon ko at patakbong nagtungo sa mansion ng mga Fontanilla. Akala ko ay makakapasok na ako nang matiwasay ngunit hinarang hinarang naman ako ni Mamang Ichi. Matanda na siya pero nasa hacienda pa rin siya. Ayon sa mga narinig ko, siya ang nagpalaki kay Ma'am Nellie noong namatay ang mga magulang nito. Dahil doon, parang pamilya na siya ng mga Ongpauco at Fontanilla. "Riley! Bata ka, lagot ka!" sermon niya at hinarang ako bago pa ako makapasok sa loob ng mansion. Taka akong tumingin sa kaniya. "Bakit po, Mamang Ichi? May pinuntahan lang po ako pero bumalik naman po ako kaagad. Hinahanap daw po ako ni Ma'am Danielle---" "Ay hindi!" Malakas na sigaw niya at iniharang ang mga braso sa pintuan. "Bawal kang pumasok sa loob." "Po?" Umubo siya kaya naman agad ko siyang inalalayan. Ilang segundo siyang umubo bago nag-angat ng tingin sa akin. "Sabi ni Danielle, huwag ka raw munang papasok sa mansion. Itago mo raw ang sarili mo." Agad na nagtagpo ang aking mga kilay dahil sa sinabi niya. "Po? Bakit naman po? May masama po ba akong nagawa?" "'Yong pinsan ni Danielle, dumating na. . ." "Ano naman po kung dumating na? Baka nga po mas lalo nila akong kailangan sa loob---" "Hindi!" Malakas na pigil niya kaya't mas lalo akong naguluhan. "'Yong pinsan ni Danielle, matanda at pangit na hukluban. Gusto kang asawahin!" "P-Po?" "Oo! Kaya magtago ka na bago ka pa niya makita. 'Yang si Iverson, pangit 'yan saka matanda na. G-Gusto ka yatang gawing sugar baby. . . O-Oo, sugar baby!" Saglit akong natigilan. "Iverson po?" Tumango siya at hinawakan ang balikat ko. "Kaya sumunod ka muna, ha? Huwa na huwag kang magpapakita sa Iverson Fontanilla na 'yon. Matandang hukluban iyon!" Wala naman akong nagawa kung hindi ang tumango at sumunod sa kaniya. Naguguluhan man ay tumalikod na ako at naglakad palayo sa mansion. "Iverson Fontanilla. . ." mahinang bulong ko sa aking sarili habang nakakunot pa rin ang noo. Muli akong lumingon sa gawi ng mansion pero pinaypayan lamang ako ni Mamang Ichi at binugaw na paalis. Bakit sinasabi niyang gusto akong asawahin ng matandang hukluban na iyon? Hindi niya pa naman ako nakikita, ah? Saka paano nagkaroon ng matandang hukluban na pinsan si Ma'am Danielle? "Hindi naman pangalang pang-matanda ang Iverson, ah?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD