"LOVE..." Ramdam ko kaagad ang pamimikig sa lalamunan ko, sa iisang salita pa lamang na lumabas sa bibig niya. Awtomatiko rin ang pangingilid ng mga luha ko. Tila ba, isang kalabit lang, at para iyong gripo na masaganang aagos palabas sa mga mata ko. Huminga ako ng malalim at nag-iwas ng tingin. Ikinurap-kurap ko rin ang mga mata ko, upang pigilang pumatak ang namuong mga luha roon. Tiyak na maghihisterikal ang baklang nag-ayos sa akin kapag bumalik ito, at nakitang nasira ang creation niya, nang dahil sa pag-iyak ko. "Love, please, mag-usap tayo," punung-puno ng pagsusumamo ang tinig, gayon din ang anyo na wika nito. "Huwag namang ganito. Mag-asawa tayo--" "Mag--hrmp," tumikhim muna ako bago magpatuloy. Pakiramdam ko ay may nakakulapol na buhangin sa lalamunan ko, at nahihirapan akon

