NANG MULI KONG imulat ang mga mata ko ay umaga na. Buhat sa nakasarang bintana ay kita ko na ang pagkalat ng liwanag sa labas. Hindi ko alam kung anong oras na akong nakatulog kagabi matapos kong gunitain ang mga nakaraan namin ni Marga. May ngiti sa mga labing masuyo ko munang hinalikan ang kamay ng asawa kong hawak ko pa rin, at hindi binibitiwan kahit mahimbing akong natutulog. Kapagkuwan ay nag-angat ako ng tingin dito. "Good morning, Hon. How was your sleep?" Abot hanggang tainga ang ngiti sa aking mga labi, bagaman naroon pa rin at naging permanente na yata ang panglaw sa aking mga mata. Tumayo ako at yumukod dito upang kintalan ito ng masuyong halik sa noo. "Wake up, sleepyhead!" Patuloy ko pa ring pagkausap dito. "It's Maki's birthday today. And we can't afford to be late." Kaus

