ILANG SANDALING hindi nakakibo si Don Bendicto sa sinabi ko. Sandali pa nitong nilingon si Aki sa harapan ko, na sa kanya rin nakatuon ang paningin. Kapagkuwan, ay muling bumalik sa akin ang tingin. Ibinuka nito ang bibig ngunit muli ring itinikom. Marahil ay nag-iisip ng tamang salitang sasabihin. Maging si Aki ay bakas sa hitsura ang kaba. Pigil din nito ang hininga habang hininhintay kung ano ang sasabihin ng kanyang ama sa ipinagtapat ko rito. Kung titingnan ay para kaming mga bata na nakagawa ng kasalanan at naghihintay ng magiging hatol at parusa sa amin. Isang tikhim ang pinakawalan ng Don. Kapwa pa kami napitlag ni Aki. Hindi ko alam kung ngiti ba ang nakita kong sumilip sa gilid ng mga labi nito na kaagad din nitong pinalis. Pormal pa rin ang mukha nito nang sa wakas ay magsa

