"IYAN! IYAN NA NGA BA ANG SINASABI KO!" Nanggigipuspos na malakas na wika ni Nanay nang sabihin ko rito ang tungkol sa pagbubuntis ni Marga. Tila tinakasan din ng lakas ang mga tuhod nitong napaupo sa isang silya sa harap ng hapag kainan. Itinukod ang isang siko sa mesa at sinapo ng kamay ang sa wari ba, ay biglang nanakit na ulo. Bakas na bakas ang sama ng loob sa anyo at tinig nito. Gayundin, ang kabiguan. Nasa sala naman ako at yuko ang ulo na mag-isang nakaupo sa mahabang kahoy na sofa. Nasa pagitan ng mga hita ko ang magkasalikop kong mga kamay. Para akong pinitpit na luya sa harapan ngayon ng nanay ko. Pag-uwi ko kanina ay tiyempong nasa bahay ito at nagluluto ng ulam namin para sa hapunan. Tapos na raw magluto ang mga kasambahay sa malaking bahay at naghihintay na lamang ng oras

