"MULA NANG araw na iyon, Hon, hindi ka na nawala sa isip ko." Umangat ang gilid ng mga labi ko. "Kapag naglalakad ako sa loob ng campus, pasimple akong lumilinga-linga... nagbabaka-sakali na makita kita sa tabi-tabi." Yumuko ako at masuyong hinalikan ang kamay nitong hawak ko pa rin. Saka muling tumingin sa magandang mukha ni Marga kahit walang malay. "Aminin mo, Hon, ginayuma mo ako, no?" Tukso ko pa. "Huy! Nakikiniig ka ba?" Untag sa akin ni Aki, na ikinalingon ko rito. "H-ha?" "Tss." Iling na lamang nito. "Ang sabi ko aatend ka ba ng Founder's Week?" Natigilan ako at saglit na nag-isip. Kapagkuwan, ay nagkibit ng mga balikat. "Bahala na. Ikaw?" Gaganapin ang Founder's Week sa susunod na linggo. At kapwa kami kasali ni Aki sa Math Club. Hinati sa dalawang grupo ang mga miyembro ng

