INIHILIG ko ang magkabilang siko ko sa upuang kahoy na nasa likuran ko at saka ako tumingala, upang ibuga ang usok ng sigarilyong kahihitit ko pa lamang, paitaas. Narito kami ngayon ng kaibigan kong si Kit sa paborito naming tambayan, kung narito rin lang ako sa bahay niya. Sa tree house, na talagang ipinagawa niya upang mayroon daw kaming mapuwestuhan, kapag lumuluwas ako rito sa San Ignacio. Kapwa kami nakalupagi sa makintab na sahig ng tree house, kaharap ang isang bote ng mamahaling alak, na ayon kay Kit ay iniregalo sa kanya ng isa sa mga kliyente ng kumpanya. Matagal na raw ako umanong hinihintay ng alak na iyon, ayon sa tatawa-tawang kaibigan ko. Kanina nang ilabas iyon ni Kit ay kaagad kaming sinamaan ng tingin ni Marga at sinabihang hintayin munang matapos ang hapunan bago ka

