Hindi tumigil ang pang-aasar at panliligalig ni Waylan sa akin araw-araw. Ngunit may isang bagay na napansin ko—ang kanyang pagiging makulit ay biglang naglalaho at napapalitan ng maayos na pag-uugali sa tuwing nasa paligid o nakatingin si Hameyla. Sa halip na siya ang manggulo, siya pa ang nagiging huwarang mag-aaral at mabait na binata. At sa mga sandaling iyon, kitang-kita ko rin sa mukha ni Hameyla ang matinding inis at pagkainis tuwing nahuhuli niya akong kasama o nakikipag-usap man lang kay Waylan.
Minsan, habang inaayos ko ang aking mga gamit pagkatapos ng klase, bigla na naman siyang dumaan at inagaw ang aking kwaderno.
“Waylan, ibalik mo ‘yan!” singhal ko habang inaabot ito.
Tinaas niya ito nang mataas habang nakangisi nang nakakaloko, ang kanyang mga mata ay kumikinang na tila may ibang iniisip. “Bakit ba laging seryoso ang mga nakasulat dito? Parang walang kulay ang buhay mo, Ichen. Hayaan mo, babasahin ko baka may matutunan akong sikreto mo.”
“Wala kang karapatan!” sagot ko nang mariin.
Nang magtagal ang aming pagtatalo, biglang narinig namin ang boses ni Hameyla mula sa pintuan. “Waylan, anong ginagawa mo diyan? Bakit ka ba laging nakikisali sa mga bagay na wala namang kabuluhan?”
Sa isang iglap, nagbago ang anyo ni Waylan. Ibinaba niya ang kwaderno at ibinalik sa akin nang mabilis, ang ngisi sa kanyang mga labi ay napalitan ng kalmadong tingin.
“Wala lang, nagbibiruan lang kami,” sagot niya, ngunit may bahid ng panunukso pa rin sa kanyang boses habang mabilis na bumulong sa pandinig ko bago lumayo: “Huwag kang mag-alala, babalik tayo sa laro natin kapag wala na siya.”
Lumapit si Hameyla sa kanya at sumulyap sa akin nang masama. “Mas mabuti nang huwag ka nang makipag-usap sa kanya. Walang magandang maidudulot ang mga taong laging nagtatago sa dilim.”
Sa halip na sumagot, tumango lang si Waylan, ngunit sa gilid ng kanyang mga mata ay nahagip ko ang mabilis na pagsulyap sa akin—tingin na puno ng misteryo at tila may gustong ipahiwatig.
Isang araw, walang pasok sa paaralan. Ako lang ang naiwan upang magbantay sa tindahan ng bigasan ni Tita Letlet habang siya ay umuwi sandali sa bahay upang maghanda ng aming pagkain. Tahimik ang paligid at walang gaanong mamimili, kaya napadako ang aking paningin sa malawak na parke sa kabilang kalsada. Doon, nakikita ko ang mga batang masayang naghahabulan, tumatawa, at naglalaro nang walang alalahanin.
Habang pinapanood ko sila, unti-unting bumigat ang aking dibdib. Minsan ay naaawa ako sa sarili ko. Wala akong maalalang panahon na naranasan ko ang ganitong kalayaan at ligaya. Ang aking pagkabata ay puno ng takot, hirap, at bigat ng mga pangyayaring hindi ko naman hiningi.
“Bakit parang ang lungkot mo naman? Parang nakatingin ka sa isang bagay na hinding-hindi mo na maibabalik,”
Napatalon ako sa gulat. Akala ko mag-isa lang ako, ngunit may tumunog na boses mula sa gilid ng bintana. Nang lumingon ako, nakita ko si Waylan na nakasandal sa poste sa tapat ng tindahan, nakatingin din sa parehong direksyon.
“Anong ginagawa mo rito?” tanong ko nang mabilis, pilit itinatago ang gulat.
Tumawid siya at sumandal sa gilid ng mesa, ang kanyang mga kamay ay nakasuksok sa bulsa ng kanyang pantalon. Ang ngising laging nasa kanyang mukha ay wala ngayon; sa halip, mayroong malalim na seryosong ekspresyon.
“Wala lang. Naghahanap ng tahimik na lugar na hindi ako tinatawag ng mga magulang ko o binabantayan ni Hameyla,” sagot niya nang mahina, ngunit may katusuhan pa rin sa kanyang tono. “Di ko alam makikita pala kita dito na nagtitinda ng bigas.”
Hindi ako sumagot. Sa isang iglap ay bigla siyang nawala sa paningin ko noong may bumili na costumer. Muli ay ibinaling ko ang tingin sa parke, at doon ko nakita na nakaupo na siya sa ilalim ng malaking puno ng mangga. Sa malayo, kitang-kita ko ang kanyang mukha—malungkot, pagod, at puno ng mga tanong, tila ibang tao sa kilalang Waylan na laging mapagbiro.
Sa sandaling iyon, biglang bumalik ang isang matandang alaala mula sa kaibuturan ng aking isipan. Ang pangyayari noong bata pa ako, noong araw na nagugutom at naliligaw ako ay may isang masayang pamilya na nag-alok sa akin ng pagkain. May isang batang lalaki noon na kasing-edad ko, masigla, nakangiti, at mapagbigay. Vlad ang pagpapakilala sa kanya ng ina kahit hindi ko sinabi ang pangalan ko.
Bagama't lumipas na ang maraming taon, ang mga katangian ng batang iyon ay tumutugma sa mukha ng lalaking nakatayo sa harap ko ngayon. Ang hugis ng mga mata, ang linya ng panga, at maging ang kakaibang kislap sa paningin—hindi ako nagkakamali. Si Waylan ay si Vlad. Bakit ngayon ko lang to napagtanto.
Pero lalong bumalot ang pagtataka sa aking isipan. Kung siya nga ang batang iyon, bakit ibang pangalan na ang gamit niya ngayon? Ano ang nangyari sa masayahing pamilyang iyon? Bakit ang dating batang puno ng sigla ay naging isang lalaking tuso, mapagbiro, at may dalang matinding lungkot sa likod ng kanyang ngiti?
Tumingin ako nang diretso sa kanya, pilit na hinahanap ang mga sagot sa kanyang mga mata kahit malayo siya sa kinaroroonan ko.
Ilang oras pa ang pananatili niya sa ilalim ng punong iyon bago ko napansin na naglaho na naman bigla.
Nang gabing iyon, pagkauwi ko sa aming munting tulugan, agad kong binuksan ang kahong matagal ko nang itinatago sa ilalim ng aking higaan. Doon, maingat na nakabalot sa malinis na tela ang pares ng puting sapatos—ang sapatos na ibinigay sa akin noon ng batang si Vlad.
Hinaplos ko ang makinis nitong balat gamit ang aking mga daliri, habang ang mga tanong ay patuloy na umiikot sa aking isipan. Bakit ka nagbago? Anong nangyari sa iyo? At bakit tayo muling pinagtagpo ng tadhana sa ganitong paraan?
Sa tuwing tinititigan ko ang sapatos, tila bumubulong ito sa akin na ang sagot sa lahat ng aking pagtataka ay nakatago sa likod ng tusong ngiti at misteryosong pagkatao ni Waylan.