Lumipas ang sampung buwan mula noong dumating si Hameyla sa aming paaralan. Halos tapos na ang taong panuruan, at abala na ang lahat sa pag-aayos ng mga huling gawain, pagrerepaso para sa pagsusulit, at pagpaplano kung ano ang gagawin sa bakasyon. Ngunit sa gitna ng pagiging abala ng lahat, may isang balitang biglang pumutok na tila kidlat na gumising sa buong paaralan—at higit sa lahat, sa aking kalooban.
Nagsimula ang lahat sa mga bulungan sa pasilyo, sa loob ng silid, at sa mga sulok ng bakuran. Mula sa mga usap-usapan, unti-unting nabunyag ang katotohanang matagal ko nang pinagtataka. Ang mga magulang nina Waylan at Hameyla ay magkakilala na matagal na panahon pa. Pareho silang kabilang sa mga pamilyang mayaman at maimpluwensya sa aming bayan, at ang kanilang pagkakaibigan ay umabot na ng ilang henerasyon. Higit pa rito, nalaman ng lahat na mayroong kasunduan sa pagitan ng dalawang pamilya: mula pa noong sila ay mga musmos pa lamang, napagkasunduan na ang dalawa ay magiging mag-asawa balang araw.
Nang marinig ko ang balitang ito, parang may malaking pira-pirasong palaisipan na biglang magkakaugnay sa aking isipan. Kaya pala ganoon na lamang ang pagdidikit ni Hameyla kay Waylan mula pa sa unang araw ng kanyang pagdating. Kaya pala kahit saan magpunta si Waylan ay laging nasa kanyang tabi ang dalaga, na parang karapatan niyang manatili sa kanyang panig.
Isang hapon, habang nagliligpit ako ng aking mga gamit, narinig ko ang usapan ng dalawa kong kaklase na nakaupo sa malapit, tila sinasadya nilang marinig ng sinumang makikinig.
“Totoo ba ang narinig mo? Magkakasalang sila balang araw?” tanong ng isa, ang kanyang mga mata ay nagniningning sa kuryosidad.
“Oo naman! Sabi ng pinsan ko na nakatira malapit sa bahay nila. Ang mga magulang nila ang nagplano noon pa man. Pareho namang mayaman at maayos ang pamilya, kaya angkop na angkop sila para sa isa’t isa,” sagot naman ng kanyang kasama habang tumitingin sa direksyon kung saan nakaupo ang dalawang pinag-uusapan.
Hindi ko sinasadyang mapalingon din doon. Nakita ko si Waylan na nakasandal sa pader, habang si Hameyla ay komportableng nakahawak sa kanyang braso at nakangiti nang matamis. Sa tuwing may ibang kaklase na dadaan o sa tuwing may magtangkang lumapit, agad na hihigpitan ni Hameyla ang hawak niya, at si Waylan naman ay tahimik lamang na hahayaan ito.
Madalas kong masaksihan ang mga ganitong tagpo. Nakikita ko kung paano siya laging nakaposisyon sa harap o sa tabi ni Hameyla, tila isang matibay na panangga laban sa anumang bagay na maaaring makasakit dito. Minsan, kapag may tumawid sa daanan at muntik nang mabangga ang dalaga, mabilis na hihilahin ni Waylan si Hameyla palayo, ang kanyang mga kamay ay marahang hahawak sa balikat nito upang siguraduhing ligtas ito.
Isang tanghali, habang kumakain sa kantina, muli kong nasaksihan ang ganitong pangyayari. May isang mag-aaral na hindi tumitingin sa dinadaanan habang may dalang mga baso ng tubig, at muntik nang matapon ang mga ito sa damit ni Hameyla. Bago pa man makagalaw ang dalaga, mabilis na iniharang ni Waylan ang kanyang sarili. Ang ilang patak ng tubig ay tumama sa kanyang uniporme, ngunit agad niyang inalalayan si Hameyla palayo sa gulo.
“Mag-ingat ka naman sa paglalakad!” mariing sabi ni Waylan sa lalaking nakabangga, bago ibinaling ang kanyang paningin sa kasama. “Ayos ka lang ba? May nabasa ka ba?”
“Wala, salamat sa iyo, Waylan,” sagot ni Hameyla habang nakangiti nang may paghanga. “Kung wala ka, basang-basa na sana ako ngayon.”
Tumango lang si Waylan at pinunasan ang kaunting tubig sa kanyang braso. “Huwag kang mag-alala, hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa iyo.”
Nang marinig ko ang kanyang mga salita at makita ang tingin nito kay Hameyla, biglang may tumusok na kirot sa aking dibdib. Isang matalim ngunit mabigat na sakit na dahan-dahang kumalat sa buong katawan ko. Hindi ko maipaliwanag kung bakit, ngunit sa tuwing nasasaksihan ko ang mga ganitong pangyayari, parang may mahigpit na kamay na humahawak sa aking puso at unti-unting pinipiga ito.
Sinubukan kong ipagsawalang-bahala ito. Paulit-ulit kong sinasabi sa aking sarili na wala akong karapatang makaramdam ng ganoong sakit. Si Waylan ay kaibigan ko lamang, kung maituturing man. Mayroon siyang sariling buhay, at ayon sa balita, nakatakda siyang makasama si Hameyla habambuhay. Sila ang magkapareho ng antas sa buhay, magkapareho ng katayuan, at ang kasunduan ay matagal nang itinakda bago pa man kami magkakilala.
Ngunit ang sakit ay hindi nawawala. Lalo lamang itong tumitibay sa tuwing makikita ko silang magkasama.
Isang hapon, habang naglalakad ako pauwi mula sa tindahan ni Tita, nadaanan ko sila sa gilid ng kalsada. Nakita nila ako, at agad na lumapit si Waylan, habang si Hameyla ay sumunod sa likuran niya.
“Patikim ako nito” sabi ni Waylan na may kasamang pang-iinis sabay hablot sa kinakain kung fishball na kakabili ko lamang sa gilid ng kalye.
Hindi ako sumagot at hinayaan ko lang siyang kaiinin yon.
Bigla namang hinablot nito ni Hamela at ito'y binabalik sa akin.
"Oh ayan ! Binabalik ko na! Tsaka pwede ba pag nakita mo kami eh umiwas ka na!" inis at tila galit na sabi nito sabay hila kay Waylan .
“Waylan, tara na? Baka mahuli tayo sa usapan ng ating mga magulang,” sabi nito habang mahigpit na nakahawak sa braso ng lalaki.
Tumingin si Waylan sa akin sandali, parang may gustong sabihin ngunit napigilan.
Humakbang na din akong palayo habang tinatanaw sila na papalayo rin. At sa bawat hakbang ko, lalong tumitindi ang bigat sa aking dibdib.
Sa loob ng aking isipan, paulit-ulit kong tinatanong ang aking sarili: Bakit ganito ang nararamdaman ko? Wala naman akong hinihintay mula sa kanya. Wala naman akong maibibigay sa kanya kumpara sa buhay na maibibigay ni Hameyla. Ako ay isang simpleng dalaga lamang, may dalang mabigat na sumpa at madilim na nakaraan.
Ngunit kahit anong pilit kong itanggi, kahit anong pilit kong ipaliwanag, ang sakit ay nananatili. Sa tuwing nakikita ko silang magkasama, tila may lihim na sugat na muling nabubuksan, at ang bawat ngiti nila ay parang asin na ibinubuhos sa hapdi nito.
Sa gabing iyon, habang nakahiga ako sa aking higaan, tumingin ako sa bintana kung saan kitang-kita ang maliwanag na buwan. Inamin ko sa aking sarili ang katotohanang ayaw kong tanggapin: mayroon na palang puwang si Waylan sa aking puso, at ang balitang kanilang pag-iisang-dibdib ay tila sumpa na mas mabigat pa kaysa sa pasan ko noon pa man. Hindi ko pa lubos na naiintindihan ang bigat ng aking nararamdaman, ngunit alam kong sa bawat paglipas ng panahon, ang sakit na ito ay lalo lamang lalalim—kasabay ng mga lihim na unti-unti nang handang lumabas.