“Alam mo, kanina pa kita napapansing wala sa mood, Corine?” pagtatakang tanong ni Alli sa kaniya habang nakaupo silang dalawa sa may park.
Napabuntong-hininga siya habang nakapangalumbaba sa lamesa. Sino ba ang babaeng kinita ni Seb? Girlfriend niya? Napakaganda at sexy niyon at hinalikan pa niya. Baka naman isa lang din sa babaeng pararausan niya. Sabi na lamang niya sa kaniyang isipan. Napayuko siya at napahilamos ng kaniyang pagmumukha.
“Alli, may aaminin ako sa ‘yo.”
Nabaling ang tingin ni Alli sa kaniya habang kumakain ng french fries na nabili niya sa isang fastfood na dinaanan nila kanina.
“Ano ‘yon?”
Inayos niya muna ang kaniyang kinauupuan at pinagsalikop ang magkabila niyang kamay. “Kasi... ‘yong lalaking naka-one night stand ko, naalala mo?”
Napataas ang magkabilang kilay niya at may pagtataka sa mukha si Alli.
“Bakit? Nami-miss mo na ang lalaking ‘yon noh? Nasarapan ka siguro!” nakangising biro nito.
“Hindi. Sira ka talaga. Paano ang gagawin mo kung ‘yong lalaking ‘yon ay anak ng bagong asawa ni Liza.”
“H-Hah?! Anak?! You mean?”
Tumango ako habang siya ay napaawang ang bibig at sinapo iyon. Hindi makapaniwala sa sinabi ko.
“Stepbrother?!” dagdag pa ni Alli na halos hindi makapaniwala at napatayo.
“H-Hindi nga, Corine?! Pinagloloko mo yata ako!” tatawa-tawang sabi pa nito.
Hinatak niya ang kamay ng kaibigan para paupuin. “Umupo ka nga. Ang ingay mo pa.”
Bumalik sa pagkakaupo si Alli at ilang beses pa nitong sinuklay ang buhok. Kakaibang ngiti ang iginawad ni Alli sa kaniya.
“Paano ‘yan? Magkasama na kayo sa iisang bubong? Gosh! Paano kung yayain ka niya ulit? Wala ka bang picture ng step-brother mo? Ilang taon na siya? Matangkad ba siya? May anak na ba at asawa? Binata pa?” sunod-sunod na tanong nito habang malawak ang ngiti sa labi.
Hindi kasi namukhaan ni Alli si Seb nang gabing iyon sa bar kung saan sila nag-inom ni Corine kaya ganoon na lang ang tanong nito sa kaniya. Napabuntong-hininga siya at gumaan kahit paano ang kaniyang pakiramdam dahil nabawasan ang bigat ng kaniyang dinadala sa kalooban.
Gusto niyang sabihin sa kaibigan na ang lalaking nakita nila kanina na may kinatagpo na babae ay si Seb, ngunit hindi niya alam ang dahilan kung bakit hindi niya kayang sabihin sa kaibigan. Ayaw niyang malaman nito na gano’ng klase ng lalaki ang nakakuha ng kaniyang pagkabab*e. Siguro ay sasabihin niya sa tamang panahon.
“Kapag umuwi ka sa bagong bahay mo ay isama ko ‘ko, ha? Para makita ko nang personal ang stepbrother mo.”
Napayuko na lamang siya at lumapat sa lamesa ang kaniyang mukha. Hindi niya alam kung ano ang gagawin at gusto niyang iwasan si Seb.
“No way, Alli. Ayaw kong tumira ro’n.”
“Bakit?! Baka kayo ang nakatadhana sa isa’t isa, Corine! Grabe, hindi ako makapaniwala! Ang liit ng mundo!”
Pagkatapos nilang mag-usap ay naghanap pa sila ng maaring apply-an ngunit walang vacant. Pagod na pagod si Corine na umuwi sa kanilang bahay. Laking gulat niya nang makita ang ilang kalalakihan sa loob ng kanilang bahay at isang malaking truck.
“H-Hoy?! Ano’ng ginagawa n’yo?!“ Tumakbo siyang nagsisigaw papunta sa loob ng bahay at hindi makapaniwalang makita na binubuhat ang ilang kamagitan nila.
“T-Teka! Sino kayo?! Ano ‘to?! Trespassing ang ginagawa n‘yo! Idedemanda ko kayo!”
Huminto sa paglalakad ang isang lalaki na nakasuot ng black suit at mukhang siya ang sinusunod ng mga kalalakihan.
“Sorry, Ms. Corine. Mukhang hindi ka na-inform ni Ma’am Liza.”
Napakunot-noo siyang napatitig sa lalaking kaharap niya. Hindi niya rin maialis ang mga mata niya sa kaharap niya. Para bang may magnet na humihila sa kaniya. Bago pa man siya mawala sa ulirat ay ipinilig niya ang kaniyang ulo.
“S-Si Liza? Ang nanay ko?!” bulalas niya.
“If you don’t mind, you can talk to her,” sagot nito at nag-dial sa cellphone na hawak nito.
Ilang sandali pa ay ibinigay sa kaniya ang hawak na cellphone nito.
“Here.”
Sino ba ang lalaking ‘to at ang hilig pang um-Ingles! Sabi niya sa kaniyang isipan. Tinanggap niya ang cellphone at idinikit sa kaniyang kanang tainga.
“Hello,” bungad niya habang nakasimangot.
“Anak, kanina pa kita kino-contact pero hindi kita ma-reach. Saan ka ba galing?” nag-aalalang tanong nito.
Kinuha niya ang cellphone sa kaniyang bulsa at pinindot, pero low battery na pala iyon.
“Ahm... sorry, low battery na ang phone ko. N-Nakipagkita lang ako kay Alli.”
“Sumama ka na kay Troy pauwi. Ihahatid ka niya rito.”
Nadako ang tingin niya sa lalaking kaharap niya. Siya ba siya si Troy? Nagtataka niyang tanong sa isipan. Nakahalukipkip pa ang mga braso nito hababg seryoso itong nakatingin sa kaniya.
“Ano’ng ginagawa mo sa bahay ni Papa? Bakit inaalis nila ang mga gamit dito?”
“Wala na akong oras na magpaliwanag sa ’yo, anak. May lakad pa kami ni Armando. Si Troy na ang bahalang magpaliwanag sa ’yo. P'wede mo bang ibalik kay Troy ang phone?”
Napaawang ang labi niya at walang nagawa kun ‘di ibalik ang cellphone sa may-ari. Sinuklay niya ang kaniyang buhok paitaas at tinungo ang picture frame ng kaniyang ama na nakasabit.
“Can we talk?”
Napaigtad siya nang marinig ang boses sa likuran. Kaagad naman siyang lumingon at hinarap si Troy. Isang sulyap ang ipinukol ni Troy sa kaniyang hawak na picture Frame at muling naging blangko ang ekspresyon ng mukha nito.
“A-Ano ang sabi ni Liza?”
Napakunot-noo si Troy sa kaniyang tanong. Marahil ay nagtataka ito kung bakit Liza lamang ang tawag niya sa kaniyang ina.
“B-Bakit? May problema ba? Ano ang sinabi ni Liza?” naiinis niyang tanong.
Huminga muna ito nang malalim. “This house was already sold.”
Napitlag siya sa narinig at naningkit ang mga mata niyang nakatingin kay Troy. Isang pilyong ngisi ang gumuhit sa kaniyang labi at pinigilang matawa.
“S-Sold? Ano ang pinagsasabi mo?”
“Hindi ka naman siguro bingi. Ang bahay na ito ay naibenta na. Tagalog na ‘yan at siguro naman ay naiintindihan mo na, Ms. Corine?”
Aba! Ang lakas din pala ng apog nito para sabihin iyon sa kaniya. Pakiramdam niya ay kumulo ang kaniyang dugo sa pilosopong sagot nito.
“Naintindihan ko, ho, Mr. Troy! Hindi mo na kailangang Tagalugin!”
“Kailangan mong sumama sa ‘kin pauwi ng mansion.”
“Sa tingin mo ba, sasama ako sa ’yo?!” singhal niya at tinungo ang kaniyang kuwarto at isa-isang nag-empake ng kaniyang mga damit. Inilapag niya sa kama ang picture ng frame ng ama at malungkot ang kaniyang mga matang napatitig.
Umupo siya sa malambot na kama at niyakap iyon. Nagsimulang pumatak ang luhang kanina pa namumuo sa gilid ng mga mata.
“Pa... sorry... wala akong nagawa. Hinayaan ko si Liza na ibenta ‘to...” mangiyak-ngiyak niyang sabi.
Ilang sandali pa ay pumasok sa loob ng kuwarto si Troy at natigilan ito nang makita siyang umiiyak. Inangat niya ang mukha at nagtama ang titig nilang dalawa.
“Ms. Corine, sumama ka sa ‘kin.”
Tumayo siya at inayos muli ang mga damit sa maleta. Ipinasok niya rin ang picture frame ng kaniyang ama. Pinunasan niya ang luha sa kaniyang pisngi at huminga nang malalim bago hinarap si Troy.
“Pakisabi kay Liza, hindi ako makauuwi. Hindi ko siya kayang harapin matapos niya itong ibenta nang walang pahintulot ko. That’s illegal!”
“I’m sorry to tell you this, pero wala akong karapatang manghimasok sa alitan ninyong mag-ina. Ginagawa ko lang ang trabaho ko kaya sasama ka sa ‘kin, sa ayaw at gusto mo.”
Binuhat niya ang maleta at nilapitan si Troy. Buong tapang niya itong hinarap. “P’wes! Sabihin mo kay Liza na ako ang may desisyon na hindi ako sumama sa ’yo! Naintindihan mo? Hindi ko na siguro kailangan pang mag-Ingles para maintindihan mo, Mr. Troy!”
Matulin siyang naglakad at tinalikuran si Troy. Habang si Troy at napakuyom ang magkabilang palad at sinundan lang siya nang tingin habang papalayo.
“Sorry, Corine, ha. Wala kasing space rito ngayon sa bahay. Alam mo naman, dumating ang kamag-anak namin galinv probinsya para magbakasyon.”
Nagpakawala siya ng hangin at umupo sa kama ng isang motel. “Ayos lang. Maghahanap na lang ako bukas ng mauupahan ko. Pansamantala muna ako rito...” Iginala niya ang paningin sa loob ng maliit na silid habang hawak ang cellphone at nakikinig kay Alli.
Iyon ang unang beses niyang makapasok aa motel at hindi hamak na mas mura iyon kaysa sa hotel siya manatili.
“Alam mo, hindi ako makapaniwalang nagawa ni Tita na ibenta ang bahay n’yo.”
Pabalyang humiga siya sa kama at napapikit nang mariin.
“Kahit ako rin, Alli. Sumusobra na talaga siya. Kaya pala pinauwi niya na si Lola dahil may balak siyang ibenta. May karapatan din naman akong magdesisyon. Anak ako.”
Bilang lehetimong anak ng kaniyang ama at inang si Liza ay may karapatan siyang magdesisyon dahil nasa tamang gulang na siya. Alin man sa mga kagamitan o property na pagmamay-ari ng kaniyang ama ay hindi iyon maaring ibenta basta-basta ni Liza kahit matagal nang pumanaw ang ama.
“Corine, nag-aalala na ako sa ’yo. Bakit hindi ka na lang makipag-ayos kay Tita? Alam kong nasasaktan ka dahil wala na ang bahay n’yo, pero kailangan mong ayusin ang gusot na me’ron kayo ni Tita.”
Napako ang tingin niya sa Kisame at napabuntong hiningang muli. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin dahil ayaw niya munang makita ang ina. Malalim ang sugat na iniwan nito sa kaniyang puso na hanggang ngayon ay mahirap pahilumin. Habang tumatagal ay lalo iyong lumalalim at hindi niya alam kung bakit. Wala na siguro siyang natitirang pagmamahal sa kaniyang ina.
“H-Hindi ko alam, Alli. Babalitaan na lang kita kapag nakahanap na ako ng malilipatan. Siya nga pala, sasama ka ba sa ‘kin sa makalawa? May alam akong p’wedeng pag-apply-an. Nakita ko lang sa isang website na naghahanap pa sila ng mga sales associate. Baka sakaling makapasok tayo.”
“Sige, sige. Balitaan mo ako at i-text mo sa ‘kin ang ibang details.”
Pagkatapos nilang mag-usap ay nakatulog siya ng hindi man lang naghahapunan dahil wala siyang gana. Paggising niya sa umaga ay nakaramdam siya ng matinding hapdi sa tiyan at nagdesisyong lumabas. Naghanap siya ng makakainan at nagtanong-tanong na rin kung saan may malapit na mauupahan o kahit bed spacer man lang.
“Oh, Miss… bawal ang lalaki rito, bawal magdala. Naiintindihan mo ba? Kahit boyfriend mo pa o kaibigan. Bawal magdala ng lalaki rito,” paalala ng landlady habang umaakyat sila ng hagdan patungong second floor. Nakahanap siya ng bed space ngunit looban pa iyon. Okay na rin dahil malapit pa rin naman sa hi-way at may malapit na palengke. Nasa kabilang siyudad naman ang dati nilang tinitirhan. Malaki ang Caloocan at may malapit na LRT station kung sakaling gusto niyang pumunta sa malayong lugar na sakop lang ng Manila.
“Alli, nakakuha na ako ng bed space. P’wede kang dumalaw rito kapag gusto mo.”
“Ay, sige! Hindi ka ba nahihirapan d’yan? Paano ang mga gamit mo?”
“Mamimili na lang siguro muna ako mamaya.”
Bumaba na siya at pumunta ng mall upang mamili ng iilang kagamitan niya para sa pagluluto at pagkain. Nag-withdraw muna siya ng pera at bagsak ang kaniyang balikat nang makitang maliit na halaga na lang ang natitira sa kaniyang inipon. Mabuti na lang at may sariling kama ang naupahan niya at nilinis niya ang buong silid. Tamang-tama at may bintana at pinunsan niya rin iyon. Tanaw niya ang iilang mga batang naglalaro sa labas at matipid na ngumiti.
Sumapit ang makalawa at lulan ng bus sina Corine at Alli upang puntahan ang building kung saan sila mag-a-apply ng trabaho. Abala ang mga tao sa mula sa ground floor at pumasok sila sa elevator upang umakyat. Nasa ika-sampung palapag ang opisina na pupuntahan nila. Pagbukas ng pinto ng elevator ay bumungad sa kanila ang mga empleyadong nagkukumahog at bitbit ang kanilang mga papeles.
“Wow, ang daming tao. Sigurado ka bang hiring sila, Corine?” bungad ni Alli.
“Oo, nakita ko sa website nila. Subukan natin, wala namang mawawala.”
Naglakad sila patungo sa entrance at nakita ang isang sceurity officer na binuksan ang glass door.
“Good morning, po, Ma’am. Ano po ang kailangan nila?” tanong nito sa kanilang dalawa.
“Ah, good morning, po, Kuya. Mag-a-apply po sana kami. Nakita ko kasi sa website na hiring ang office.”
“Sandali lang, Ma’am. Itatanong ko sa HR nila kunng p’wede nang magpapasok.”
Iniwan sila ng security sa labas at umalis ito papunta sa loob. Iginala ni Corine ang paningin sa loob ng building floor na iyon at hindi niya alam kung bakit tila matindi ang kaba niya noong mga oras na iyon. Tila bago iyon sa kaniya dahil sanay naman siyang makipag-usap lalo sa interview.