Ilang minuto na ang nakakalipas ng maiparada ni Calvin ang bagong sasakyan sa garahe ng kanilang may kalakihang bahay, ngunit sa nakalipas na minuto ay hindi pa rin niya magawang makababa at para pa siyang baliw dahil sa hindi niya mapigiling mga ngiti. Kahahatid lang niya sa matalik na kaibigang si Kasandra at talaga nga namang napasaya siya nito ngayong kaarawan niya. "Lagi naman," masayang sang-ayon ng isip niya. Ganoon ang kaibigan sa tuwing alam nito na malungkot siya, o hindi naman kaya ay bored o ayaw niya sa isang tao o lugar. At alam nito na ayaw na ayaw niya sa mga party, tanging ang kanyang ina lamang ang mahilig sa mga pagtitipon. Kaya sa mga pagkakataon na ganoon ay si Kasandra ang maaasahan niya.
Naaalala pa niya noong mga bata pa sila. Kaarawan niya din iyon at nag pa-party din ang kanyang Ina sa kanilang garden. Dahil sa dami nang naaaliw na bisita sa kanya, dahil may katabaan nga siya noon, ay hindi sila makatakas sa party para pumunta sa playground ng kanilang village upang makapaglaro. Nagsakit-sakitan si Kasandra ng tiyan at nakiusap na magpapahinga na lang muna ito sa kanyang kwarto. Nag-alala siya ng husto sa kaibigan kaya agad niya itong dinaluhan at sinamahan sa kanyang kwarto. Ayaw niya itong iwan kaya napilitan ang kanilang mga magulang na bumalik sa party ng hindi sila kasama.
Nang kamustahin niya itong muli pagkaalis ng kanilang mga magulang ay nagsimula na itong tumawa. Nakakatawa daw kasi ang kanyang reaksyon at inamin nito sa kanya na nagkukunware lang ito na masakit ang tiyan. Nagalit siya ng husto sa kaibigan dahil labis ang pag-aalala at takot niya sa kung anong nang-yari dito pero ang sinabi nito sa kanya, "Sorry na. Ginawa ko lang naman 'yon kasi alam kong naiinis ka na sa mga magulang na tanong ng tanong at kurot ng kurot sa 'yo, 'di mo lang sinasabi pero nasasaktan ka na. Kaya ginawa ko 'yun para ilayo ka at maging komportable ka na. Sorry na." Wala na siyang nagawa kung hindi ang patawarin ito. Ginawa nito ang bagay na iyon para sa kanya, isa pa pagod na din siya. Sa huli ay humiga na din siya at tinabihan ito saka sila nagkwentuhan. Kung tutuusin ay mas na-enjoy pa niya ang ganoon kaysa sa party na inihanda ng kanyang ina. Ginagawa ni Kasandra ang lahat para maging masaya siya. Kapag nasa paligid ito ay alam niyang magiging okay siya. At makasama lang niya ito ay nagiging masaya na siya. Isang dahilan kung bakit napaka lapit nito sa puso niya.
Pagpasok niya ng bahay ay tahimik ang lahat at mukhang tulog na rin ang mga tauhan nila nang biglang bumukas ang mga ilaw. Bumungad sa kanya ang kanyang mga magulang na agad niyang ikinangisi. Gising pa pala ang mga ito at tiyak na lagot siya sa ginawang pagtakas. Napahawak siya sa kanyang batok. "'Ma, 'Pa, bakit gising pa kayo?" wika niya bago lumapit at humalik sa pisngi ng mga ito.
"Hay naku, hijo... Ang lalaki n'yo na ni Kasandra hanggang ngayon tumatakas pa rin kayo? Kailan ba kayo titigil?" Naiiling na sabi ng kanyang Ina.
"'Ma, naman..."
"Ano? Totoo naman."
"'Hon, tama na," awat ng kanyang Amang si Victor kay Elsa. "Huwag mo nang pansinin ang Mama mo. Nagtatampo lang iyan dahil hindi ka niya naipakita sa iba pa niyang amiga. The reason why we wait for you here is because of this." Inilabas nito ang isang maliit na kahon mula sa bulsa nito.
"Huh? What's this? A gift? Hindi ba 'yung Infiniti Q50 na iyong gift ninyo sa akin?"
"This is another thing, hijo. A special one."
"Ano po ba ito?"
"Nasa tamang edad ka na kaya nararapat lang na ibigay na namin iyan sa iyo." Binuksan niya ang kahita. "Isa iyang traditional na sing-sing ng ating pamilya mula pa sa kaninu-ninuan natin na ibinibigay lamang sa anak na lalaki."
"Kung kanino mo man iyan ibibigay, siguraduhin mong iyon na ang babaeng karapatdapat dahil pagnapunta iyan sa kanya, siya na ang babaeng pakakasalan at makakasama mo habang buhay," paalala ni Elsa.
"At hindi mo pwedeng baliin ang tradisyon na iyon," seryosong sabi naman ni Victor.
Napakamot siya sa ulo. "Matutuwa ba ako o matatakot?" Tanging makahulugan na ngiti ang naging tugon ng kanyang mga magulang bago siya bigyang daan ng mga ito patungo sa kanyang silid.
Pagpasok niya sa kanyang kwarto ay naupo siya sa gilid ng kama at muling tinitigan ang mukha niyang iginuhit ni Kasandra. Hindi niya matukoy kung anong mali o kakaiba sa larawan ngunit may bagay doon na hindi niya maintindihan o maipaliwanag. Sa huli ay mas pinili niyang namnamin ang sayang dulot niyon at nang iba pang ginawa ni Kasandra para sa kanya kaysa ang alamin ang gumugulo sa kanyang isipan.
Inilagay niya ang frame sa bedside table at sunod naman niyang tinignan ang sing-sing sa kahita. "Kanino ko naman ito ibibigay? Wala naman akong girlfriend ngayon at kahit na meron hindi ko ito ibibigay. Ayoko pang magpakasal," usap niya sa sarili. Muli siyang napatingin sa drawing ni Kasandra. Matagal niya iyong tinitigan bago batukan ang sarili at mapabuga ng hangin. "Ano bang pumapasok sa isip ko. Magtapat nga ng damdamin ay hindi ko magawa, ang mag proposed pa kaya?" aminado siya sa lihim na damdamin para sa kaibigan ngunit ang posibilidad na maaari din itong mawala sa kanya oras na umamin siya ay ang mas ikinatatakot niya. Kaya mas pinili niyang isang tabi na lang muna ang isipin at inilapag sa maliit na mesa ang kahon.
Kinabukasan ay tinanghali nang gising si Calvin. Natural na iyon sa mga araw na wala siyang pasok. Lumabas siya ng kwarto at narinig ang kanyang Ina.
"Kasandra!"
"Hello po, Tita Elsa!"
Sumilip siya sa hagdan upang kumpirmahin ang presensya ng dalaga. Bilang sagot ay nakita pa niyang nakipagbeso-beso si Kasandra sa kanyang Ina.
"Ito na po ang pinabibigay ni Mama."
"Salamat, Hija."
"Wala po iyon, saka pasensya na po kung tumakas ulit kami kagabi. Napansin ko po kasing hindi na nakakain si Calvin sa sobrang abala niya."
"Naku! Talaga ba?" Napahawak ito sa pisngi. "Oo nga, hindi ko nga siya nakitang nakasubo man lang."
Nahihiyang napahawak si Kasandra sa batok. "Kaya po sinamahan ko na s’yang makakain sa ibang lugar."
"Naiintindihan ko. Pero sa uulitin ay magsabi kayo dahil nag-aalala din naman kami para sa inyo."
"Opo, Tita. Siya nga po pala nandyan po ba si Calvin?" Nang marinig ang paghahanap ng dalaga sa kanya ay dalidali siyang nagtungo sa banyo at naligo. Sigurado naman siyang papapuntahin na lang ito ni Elsa sa kanyang kwarto. Hindi nagtagal ay narinig na niya si Kasandra mula sa pintuan ng kanyang kwarto. "Taba!" sigaw nito.
Hindi siya kumibo ngunit isang pilyong ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi. Pagbabayaran nito ang muling pagtawag nito sa kanya ng 'Taba'. Tinapos na niya ang pagligo saka nagtapis habang ang isa pang towel ay ipinang pupunas niya sa kanyang buhok. Nang buksan niya ang pito at agad na sumigaw ang dalaga at nagtakip ng mga mata, ngunit sa pagitan ng mga daliri nito ay malaya pa rin itong nakakasilip.
"Pwede ba? Magdamit ka nga!" Pabirong binato niya ito ng towel na ikinasinghap nito.
"Papasok-pasok ka sa kwarto ko ng walang paalam, tapos mag-iinarte ka ng ganya? Halikan kita d’yan, eh..." reklamo din niya ngunit sa pabulong na paraan.
"Oo na! Sige na! Magbihis ka na!"
Napahinto siya sa sinabi nito. Ang akala niya ay narinig nito ang huli niyang sinabi at pumayag na halikan niya ito. Mabuti na lamang at hindi. Kikilos na sana siya upang magbihis nang mapansin niya ang nasa palasing-singang kamay nito. Suot nito ang sing-sing! Agad siyang lumapit dito at hinawakan ang kamay nito upang makasigurado. At hindi nga siya nagkakamali. Ang sing-sing na ibinigay ng kanyang Ama nga ang suot nito!
"Bakit suot mo ‘yan? Tanggalin mo ‘yan!"
"Ang OA mo, parang sinukat lang." Nagsalubong ang mga kilay nito habang tinatanggal ang sing-sing.
"Bilis! Akin na." Inilahad niya ang kamay.
"Wait lang, ang sikip--- Ayaw matanggal..."
"Ano!?" Kinuha niya ang kamay nito at pilit na tinatanggal ang sing-sing sa daliri nito.
"Aray naman! Masakit na," mangiyak-ngiyak na ito dahilan para mapahinto siya.
"Bakit ayaw matanggal?" malumanay na tanong na niya.
Kinuha na nito ang kamay mula sa kanya. "Malay ko! Bakit ba galit na galit ka na agad! Parang sing-sing lang!" inis na wika ni Kasandra.
"Sing-sing lang!? Naiintindihan mo ba ang sinasabi mo? Hindi yan basta sing-sing lang! Buhay nating dalawa ang nakasalalay dyan!" Nafu-frustrate na siya.
"Ano? Hindi kita maintindihan?"
"’Yang sing-sing na ‘yan, ‘di lang basta sing-sing. Mula pa ‘yan sa kaninu-ninuan ng pamilya namin na ipinapasa sa anak na lalaki. Ibinigay iyan kagabi nila Papa sa akin at kabilinbilinan nila na sa babaeng pakakasalan ko lang iyan pwedeng isuot. Dahil siya na ang mapapangasawa ko at makakasama ko HABANG BUHAY!"
"Ano!?"
"Tsk! Pakialamera kasi." Nakapamewang na sabi niya.
"Hindi ba ‘to pwedeng mapag-usapan?" Bakas na ang pag-aalala sa mukha nito.
"Hindi ko alam kung makikinig sila. Kilala mo naman ang mga iyon lalo na ang Mama. Pag nakita niyang suot mo iyan siguradong sasabihin agad niya iyan sa madla at mag-a-arrange agad ng kasal."
"Hindi pwede!"
Biglang bumukas ang pinto ng kwarto at sumilip si Elsa. Nanlaki ang mga mata nila. "Mama!", "Tita!" sabay na sigaw nilang dalawa.
"Ay! Ano ba kayong dalawa? Aatakihin ako sa inyo sa puso. S’ya... Bumaba na kayo para mananghalian," sabi lang nito at umalis na.
Nakahinga sila ng maluwag at nag katinginan. "Anong gagawin natin?" malungkot na sabi nito pero sa kanyang paningin ay napaka-cute nitong tignan habang labis na nag-aalala.
"Sorry kung nasigawan kita kanina. Alam ko namang hindi mo sadya ang mga nangyayari. Kung itinago ko lang sana agad ‘yan... pero... tsk... Pakialamera ka kasi, eh!"
Hinataw siya nito sa braso. "Akala ko ba nag-so-sorry ka?"
"Oo na nga... Sorry na nga... Pero may kasalanan ka din."
"Alam ko... Sorry din."
Napabugtong hininga na lang ako at ginulo ang buhok nito, "Siguro namang may magagawa pa tayong paraan."
"Anong paraan?" Nag-isip siya at dinala ito sa banyo. "Teka... Anong gagawin natin dito?" Natatarantang tanong nito sa kanya tapos bumaba ang tingin nito sa katawan niyang tanging piraso lang ng tela ang takip.
Isang pilyong ideya ang naisip niya habang seryosong hinawakan niya ang kamay nito. "Subukan nating maglagay ng pampadulas."
"Ha!?"
Inilapit niya ang mga labi sa tenga nito. "Don't worry I'll be gentle and I'll make sure you won't feel any pain."
Itinapat na niya ang kamay nito sa gripo saka nilagyan ng sabon. Kasabay niyon ay sinusubukan niyang unti-unting tanggalin ang sing-sing sa kamay nito pero sa kabila nang ginagawa niya ay hindi niya maiwasang matawa sa reaksyon na meron ito isama pa ang namumulang mukha nito. Lalo siyang lumapit sa dalaga at pumuwesto sa likuran nito. Habang patuloy siya sa pagsubok na matanggal ang sing-sing ay lihim pa rin niyang pinapanood, ang hindi na mapakaling kaibigan, mula sa salamin ng banyo. Sa huli ay hindi na niya napigilan ang tumawa hanggang sa napapahawak na siya sa kanyang tiyan. Samantalang si Kasandra ay takang-taka ang napakainosenteng mukha nito.
"Ba- haha! Bakit- hahaha... ka na m-mumula?" tanong niya sa kabila ng hindi niya mapuknat na tawa.
Sa sobrang pikon nito sa kanya ay binato siya nito ng toothpaste. "Baliw ka ba? Makadikit naman kasi! Magbihis ka kaya muna!"
"Bakit? Naaakit ka ba sa akin?" patuloy na panunukso niya.
"Duh! Kadiri! Lumabas ka na nga! Ako na ang bahala dito!"
"Haha! Totoo, noh!"
Itinulak na siya nito palabas ng banyo. "Che! Ewan ko sa 'yo! Doon ka na sa labas! Labas!" sigaw nito at pinagbagsakan siys ng pinto.
Tawa lang siya nang tawa. Ang kulit talaga ng mukha ni Kasandra sa tuwing inaasar niya ito. Ngunit sa kabila nang nag-uumapaw niyang kaligayahan ay ang nag-iinit na din niyang katawa. Natawa siya sa sarili. Mukhang kahit siya ay kailangan na ding magpakalma. Ipinangako niyang hindi na muling gagawin ang bagay na iyon dahil sa susunod ay baka hindi na niya mapigilan ang sariling damdamin.
~o0o~
"Oh! Hija, ano iyang nasa kamay mo?" tanong kay Kasandra ni Elsa ng mapansin nito ang kanyang kamay dahilan upang agad na magrigodon ang puso niya.
"'Ma! Gloves po ang tawag d’yan," pagsalo ni Calvin sa tanong ng sarili nitong Ina. Ngunit dahil sa pilosopong sagot nito ay naka tanggap ito ng batok mula kay Elsa.
"I know that's a glove! Batang ‘to! Pipilosopohin mo pa ako. What I mean is, I didn't notice it a while ago."
Yes. That's right. May suot na nga siyang gloves ngayon. Matapos niyang kalmahin ang sarili mula sa kalokohan ng buwiset na bestfriend niya ay sinimulan niyang sumubok ng iba't-ibang paraan upang matanggal ang sing-sing sa kanyang kamay. Sinubukan din niyang maglagay ng oil, lotion, soap, cream, gel pati toothpaste! Lahat na! Lahat ng pwedeng ilagay na pampadulas sa kamay niya nilagay na niya matanggal lang ang lintek na sing-sing. Pero wala. Walang nangyari. Bigo siya at nasa daliri pa rin niya ang sing-sing. Kaya naisip ni Calvin na ipagpaliban na muna ang pagtatanggal sa sing-sing at mag-gloves na lang muna siya upang maitago iyon. Wala naman siyang magawa kahit na para siyang tanga na naka gloves. Eh, hello! Ang simple-simple lang ng suot niya, pero hayun siya at naka suot ng gloves.
"Pero hija, para saan nga ba talaga ‘yang gloves mo?" tanong na rin ni Victor.
"A-ah..." Nataranta na siya. Hindi niya alam kung anong palusot ang sasabihin niya. "Ahm... Ano po kasi Tito." Wala na siyang maisip idahilan kaya bahala na kung ano ang masabi niya. "Ang totoo po kasi, Tito, ay hiniram ko po mula kay Calvin ang gloves na ito p-para po sa work ko! Tama! Para sa work ko. Alam n’yo po kasi medyo confidential yung hawak kong assignment ngayon kaya iniingatan ko po yung finger print ko na makuha ng iba. Meron po kasi kaming high classified information na iniingatan." Lihim na binatukan niya ang sarili sa mga kalokohang sinabi niya.
Tinignan niya si Calvin upang humingi ng suporta sa dahilang sinabi niya ngunit sa iba nakatuon ang pansin nito at tila malalim ang iniisip. Habang ang Ama nito ay tumango-tango na.
"Kung sabagay. Mabuti na iyong maingat," pagtanggap din ni Elsa sa sinabi niya. Sa wakas ay nakahinga na siya ng maayos, ngunit nakakailang subo pa lang siya ay may muling itinanong ang mga ito. "Hija, matanong ko nga may nobyo ka na ba?"
"Naku! Wala pa po, Tita!" agad na sagot niya.
"Ma, pano po magkakaroon ng boyfriend iyan? Eh, napaka isip bata n’yan- Aray!"
Sinipa niya si Calvin mula sa ilalim ng mesa dahil sa muling pagsingit nito sa usapan. Pagtingin nito sa kanya ay pinanglakihan niya ito ng mata. Siya pa ang isip bata samantalang ito nga ay binabakuran siya mula sa iba nitong kaibigan.
"Bakit? Totoo naman, ah! Isip bata ka rin at amasona pa!" tumatawang sagot pa rin ni Calvin.
"Abat---" Pasalamat ito at nasa harap sila ng mga magulang nito kung hindi ay nagrambulan na muli sila.
Napatingin siya sa binata ng akbayan siya nito. "Kung gusto mo, Yahoo, tuturuan kita ng mga dapat mong gawin para may magkagusto naman sa iyo." Patuloy na pang-aasar nito sa kanya ngunit hindi na lang niya pinansin habang ang mga magulang nito ay napapailing na lang sa kalokohan ng kanilang anak. "Alam mo kasi ang mga lalaki ang gusto nila sa babae ay iyong matured mag-isip at babaeng-babae. Tignan mo nga ang sarili mo? Hindi ka marunong mag-ayos, ni hindi ka man lang magsuklay!"
"Sinasabi mo ba ‘yan dahil iyan ang gusto ng mga lalaki o dahil sa iyan talaga ang gusto mo..." punto niya sa sinasabi nito at makahulugang tinignan ito. "Para sa sarili mo?"
Nakita niya ang pagsasalubong ng mga kilay nito at nang ma-realize nito ang kahulugan nang sinabi niya ay nanlaki ang mga mata nito. Lihim siyang nagbunyi sa pagkabawe niya mula sa pang-aasar nito sa kanya.
"Anong ibig mong sabihin? Na bak--- Aba! Kasandra Ruiz! Baka gusto mong patunayan ko sa iyo ang p*********i ko!" Namula siya at napatingin dito. Hindi niya akalaing magagawa nitong sabihin ang mga bagay na iyon sa harapan ng mga magulang nito
Sa kabilang-banda ay malakas na pagtawa naman ang naging tugon ni Victor, "That's my boy!"
"Calvin Glein! Nasa harap ka ng hapagkainan!" reklamo naman ni Elsa.
"Sorry, Ma!" natahimik na rin ito. Pareho silang napatungo sa hiya sa mga sinabi nito.
"Pero napag-usapan na din lang..." muling bukas ni Elsa dahilan upang makuha nito ang atensyon ng lahat. "Bakit ba kasi hindi kayong dalawa na lang ang magkatuluyan? Naku! Siguradong matutuwa kami ni Miko, Kasandra." Masayang saad nito. Mga bata pa lamang kasi sila ay gusto na ng mga ito na magkatuluyan sila. Ngunit hindi naman ganoon kadali ang bagay na iyon.
"S'ya nga naman, hijo. Na kay Kasandra na ang lahat. Maganda, matalino, mabait, masipag, at higit sa lahat malambing." Hindi niya alam sa sarili ngunit bawat papuri sa kanya ni Victor ay tumatango siya bilang pag sang-ayon.
"Tama. Ikaw din, Kasandra. Wala ka nang hahanapin pa sa anak namin. Napakaswerte mo na sa kanya."
"Alam naman po namin iyon," biglang seryosong sagot ni Calvin. "Alam namin kung gaano kami kaswerte sa isa't-isa. At sa ngayon ay masaya kami sa kung anong meron po kami. Kaya huwag ninyo pong ipresure si Kasandra."
"Hijo, we didn't mean that way-"
"Sige po. Aalis na po kami ni Kasandra." Hinawakan nito ang kamay niya. "Tara na!" Natatarantang nagpaanod na lang siya dito. Narinig pa niya si Elsa nang sabihin nitong tapusin muna nila ang pagkain. Hindi niya alam kung ano ba ang nangyari at nauwe sila sa ganoong eksena. Isinakay na siya ni Calvin sa sasakyan nito at pinaharurot palabas ng mansion.
"Okay ka lang? Ano bang nangyari? Bakit bigla tayong umalis?"
Matagal bago ito sumagot, "Wala naman. Kung saan-saan na kasi napupunta iyong usapan. Saka anong palusot iyong finger print at confidential information? Kalokohan..."
Sinuntok niya ito sa balikat. "Ang yabang mo! Ikaw nga, wala kang nagawa sa pagpapalusot natin! Kung ano-ano pang gusto mong patunayan!"
Tumawa ito ng malakas. At nang tumigil ang sasakyan sa stoplight ay humarap ito sa kanya at yumakap. "Hayaan mo na nga. Ang mahalaga nalusutan na natin iyon." Matapos siya nitong yakapin ay ginulo naman nito ang buhok niya. "Ang cute mo talaga."
Hindi niya alam kung anong kakaiba ngayon sa kaibigan ngunit dahil sa tila namula niyang mukha ay lumingon na lamang siya sa labas ng bintana at itinungkod ang kamay sa kanyang pisngi.
~o0o~
Higit isang linggo na ang nakakaraan mula ng huling magkita si Kasandra at Calvin. At para kay Kasandra ay kakaiba ang ganoong bagay. Napatingin siya sa sing-sing na nasa kamay niya. Talagang maganda ang sing-sing na iyon. Tila iyon isang maliit na gintong ugat ng halaman na humahawak sa tatlong diamante dahilan upang mamangha siya at subukang isuot ang munting alahas.
Iniiwasan kaya siya ng kaibigan? Mayroon na kayang babae naisip si Calvin na pagbigyan nito? Kaya ba ganoon na lang ang pagkagalit nito nang makita nito sa kamay ang bagay na ito? Agad niyang pinalis ang mga naiisip niya.
Hapon na at katatapos lamang niya sa isang meeting mula sa bago nilang client. Malapit lang ang gusaling pinagpulungan nila sa opisina ng accounting firm nila Calvin kaya naisipan niyang magtungo na doon at kamustahin ang kaibigan. Sa mga araw na nagdaan ay masuwerteng hindi napansin ng kanyang mga magulang ang nasabing sing-sing. Tanging si Juvy lang ang nakapuna nito at bago pa nito masabi sa mga magulang ang nakita ay nagawa niyang pigilang ito at ipaliwanag ang mga nangyari.
Pagdating sa isang building sa Makati ay agad siyang dumiretso sa palapag na okyupado ng firm nila Calvin. At tulad ng inaasahan ay naroon nga ang kaibigan. Alam niyang mas madalas ito sa sariling negosyo nito kaysa sa business nang Ama nito.
"Hello!" bati niya kay Donna, ang secretary ni Calvin. Kilala na siya nito at maituturing na niya itong isa sa kanyang mga kaibigan. Madalas ay ito ang kakwentuhan niya sa tuwing nagpupunta siya doon. Ito rin ang siyang nagbibigay ng impormasyon sa kanya sa mga schedule ng kaibigan at sa tuwing nasosobrahan si Calvin sa trabaho. Kung iisipin ay tila pala siya girlfriend na ng binata ngunit alam niyang nakasanayan lamang nila ang ganoong bagay.
"Kasandra! Mabuti na lang at dumating ka. Naku! Si Sir, hindi pa nag-la-lunch. Naghahakot na naman ng kayamanan ang lolo mo." Natawa siya sa beking paraan ng pagsusumbong nito. Kasabay niyon ay ang pag-aalala niya sa binata.
"What! 'Di pa siya nag-la-lunch? Eh, maghahapunan na, oh! Tsk!"
"Kaya nga, 'teh. Ilang araw na iyang nagpapaka buro sa trabaho. Naiistress na din ang ganda ko. Kaya ikaw na ang bahala."
"Okay, salamat." Pumasok na siya sa loob ng opisina ni Calvin. "Hoy, Taba!" Pumunta siya sa likuran ng gulat na binata at nag-cross arm sa balikat nito. "Bakit hindi ka pa kumakain, ha!? Nagpapasaway ka na naman," sita niya habang pinupush niya ito pababa.
Ngingiti-ngiti lang ang kaibigan, "Sorry na. Tinatapos ko lang ito. Alam mo naman ang season namin."
"Puwes, tapusin mo na iyan dahil gutom na ako!"
“Sige na nga. Tara na at kumain na tayo. Baka mangayayat ang pisngi ng Yahoo ko.” Hinarap siya nito at agad na pinanggigilan ang kanyang pisngi.
Kakatapos lang kumain nang magkaibigan sa isang kainan malapit sa opisina ni Calvin. Masayang nagkukwentuhan silang dalawa habang nagpapababa ng kinain nang tumunog ang kanyang telepono.
"Hel---"
"Ate! Nasan ka na!?" agad na bungad ni Juvy.
"Bakit ba---"
"Umuwe ka na! Bilisan mo! Nagkakagulo na dito sa bahay!"
"What!? Bakit---" Bago pa niya matapos ang tanong ay naputol na ang tawag.
Nag-aalalang tumingin siya sa nagtatakang si Calvin. "Calvin... Kailangan na nating umuwe. Nagkakagulo daw sa bahay."
~o0o~