ROME'S POV
PAGKABABA ng bangka ay tahimik akong sumunod sa masungit na babaeng katabi ko kanina. Hindi ko alam kung anong mayro'n sa babaeng iyon at ganito na lang ang paghahangad ko na mapalapit sa kaniya.
Sa edad ko na 40 ay ngayon lang ulit ako nagkaro'n ng interest para sa isang babae. Almost one year na rin mula nang magkahiwalay kami ng dati kong live in partner dahil nahuli ko siyang may ibang lalaki. Simula noon ay hindi na ulit ako nagkaro'n ng girlfriend. Ayoko na sana ulit pumasok sa isang relasyon sa takot na masaktan ulit. Subalit biglang nagbago ang ihip ng hangin nang makita ko ang babaeng iyon kanina. Agad akong na-attract sa kaniya kahit na sobrang sungit niya.
Sobrang ganda niya naman kasi. Heart-shaped ang makinis niyang mukha. Wala iyong bahid ng kolorete maliban sa red lipstick, ngunit angat na angat ang kaniyang kagandahan. Matangos ang kaniyang ilong. Almond-shaped ang itim niyang mga mata na binagayan ng mahahabang pilik mata. Ash brown naman ang alon-alon niyang buhok na hanggang balikat ang haba.
Siya na marahil ang pinakamagandang babaeng nakita ko. Kaya naman gagawin ko ang lahat para mapalapit sa kaniya habang nandito kami sa Puerto Galera.
Mukhang umayon naman sa akin ang kapalaran dahil iisa lang ang resort na aming pinuntahan.
Tahimik akong nakamasid sa babae sa di-kalayuan habang kausap niya ang isang staff ng resort sa may reception area. Mayamaya pa ay inabot na sa kaniya ang susi ng magiging kwarto niya tapos ay naglakad na siya papalayo.
Lumapit na ako sa reception. Ilang beses na akong nag-check in sa resort na ito kaya naman kilala na ako ng ilang tauhan dito.
"Sir Rome, nandito ka pala. May reservation ba kayo ngayon? Parang hindi ko kasi nakita ang name n'yo sa guest list namin," wika ni Jason na isa sa mga naka-assign sa reception area.
"Wala pa."
Nilapit ko ang mukha ko sa teynga nito at bumulong. Ayoko kasing marinig ng ibang tao sa paligid ang sasabihin ko. "Pero puwede mo ba akong i-book sa katabing room ng babaeng iyon?" pabulong kong tanong sabay turo sa direksyon ng babaeng naglalakad papalayo.
"Oo naman, sir! Basta ikaw!" agad nitong tugon. "Sakto bakante iyong silid sa tabi niya. Kaya lang economy lang iyong room. Okay lang ba 'yon sa inyo?"
Napangiti ako sa narinig. Mukhang umaayon talaga sa akin ang pagkakataon. Tumango-tango ako. "Kahit anong room pa 'yan basta magkatabi kami."
Natawa na lang ito. Kadalasan kasi ay VIP room ang kinukuha ni Rome sa tuwing nagpupunta sa resort na ito.
"Mukhang tinamaan kayo sa babaeng 'yon, ah."
"Nakita mo naman kung gaano siya kaganda, 'di ba?"
"Sabagay." Inakaso na nito ang reservation ko. Two days and three nights muna ang pina-book ko.
"Thank you." Mayamaya ay muli ko siyang binulungan. "Puwede mo bang alamin para sa akin ang name and contact number ng babaeng 'yon?"
Napakamot ito sa ulo. "Sorry, Sir Rome. Pero labag na po sa policy namin 'yan. Mahirap na baka matanggal ako sa trabaho."
Malungkot man ay tumango-tango ako. Naiintindihan ko naman ito, pati na rin ang policy nila sa resot. "It's okay. I understand."
Mayamaya pa ay inabot na sa akin ni Jason ang susi ng magiging silid ko. Nagpresinta pa itong buhatin ang mga gamit na dala ko.
Umakyat na kami sa hagdan. Nasa third floor ang magiging silid ko. Sa room 303 ako, habang sa room 302 naman ang silid ng masungit na babaeng katabi ko sa bangka kanina.
"Enjoy, sir! Tawag lang po kayo sa reception kung may kailangan kayo," wika nito nang huminto sa tapat ng aking silid.
"Thank you," nakangiting wika ko sabay abot sa kaniya ng tip na one thousand pesos.
"Wow! Thank you, Sir Rome! Ang bait n'yo talaga." Inabot na sa akin ni Jason ang dalawang bag ko tapos ay umalis na rin agad.
Napatingin ako sa kabilang silid. Sarado ang mga bintana at pintuan kaya naman hindi ko namataan ang babaeng gustong-gustong masilayan ng aking mga mata.
"Malalaman ko rin ang pangalan mo," bulong ko sa sarili habang patuloy na nakatingin sa silid nito. Ilang sandali pa ay pumasok na ako sa loob ng aking silid.
LACEY'S POV
NANG makaramdam ng gutom ay tinigil ko ang pagbabasa sa librong hawak ko. Napatingin ako sa orasan na nakasabit sa dingding. Pasado alas sais na ng gabi. Sandali akong pumikit para ipahinga ang aking mga mata. Halos apat na oras din pala akong nakahiga at nagbasa.
Bumangon na ako sa kama. Lumapit ako sa tapat ng aparador na may nakadikit na salamin at nag-ayos ng sarili. Naglagay lang ako ng foundation sa mukha at sinuklay ang aking buhok. Simple lang talaga akong mag-ayos. Wala akong hilig sa mga make-up.
Mayamaya pa ay lumabas na ako ng silid bitbit ang isang pouch kung saan nakalagay ang cellphone at pera ko.
"Nice," hindi ko mapigilang bulalas habang naglalakad at naghahanap nang makakainan. Buhay na buhay kasi ang lugar na iyon kahit gabi na. Nagkalat ang mga fire dancers at performers sa tabing dagat. At bawat resort at restaurant na madaanan ko ay kaniya-kaniyang patugtog ng malalakas na music, habang ang iba naman ay may tumutugtog na live bands.
Nakarating ako sa pinakadulo ng shoreline. Kaunti lang kasi ang taong naroroon at medyo tahimik ang lugar.
"Good evening, ma'am!" Salubong sa akin ng waitress nang makapasok ako sa loob ng isang restaurant.
Nginitian ko siya. "Good evening. Table for one, please."
"This way, ma'am." Nagpa-una siya sa paglalakad palapit sa isang bakanteng lamesa.
Naupo na ako at agad na tinignan ang menu. Java rice, inihaw na pusit at orange juice ang in-order ko.
Habang hinihintay ang pagkain ko ay nilibang ko muna ang sarili sa pagmamasid sa paligid. Maganda ang loob ng restaurant. Nautical ang theme niyon kaya naman nag-enjoy ako sa mga naka-display sa paligid. Sa kisame ay may mga nakasabit na mga fish nets at mga chandelier na gawa sa sea shells. Sa mga dingding naman ay may nakakabit na surf boards. May mga glass cabinets din kung saan naka-display ang mga magagandang shells at mga naka-preserve na star fish.
Ilang sandali pa ay dumating na ang order ko. Nagbayad na rin ako agad para mamaya ay makakalabas agad ako ng restaurant. Napansin ko kasing unti-unti nang dumadagsa ang mga tao.
Papatapos na akong kumain nang may huminto sa tapat ng table ko.
"Excuse me, miss. Puwede bang maki-share ng table?"
Natigilan ako dahil parang pamilyar sa akin ang tinig na iyon. Agad akong nag-angat ng tingin. Hindi nga ako nagkamali, siya nga ang makulit na lalaking nakatabi ko sa bangka kanina.
Umarko pataas ang kilay ko. "Ikaw na naman."
Nakapakamot siya ng ulo. "Pasensya na. Occupied na kasi lahat ng tables. Since mag-isa ka lang naman, okay lang ba kung maki-share ako ng table?"
Nilibot ko ang mga mata sa paligid. Totoo naman ang sinabi niya. Okupado na ng mga customers ang lahat ng lamesa sa restaurant na iyon.
"Okay," napilitan kong wika.
"Thank you." Unti-unting pumunit ang matamis na ngiti sa mga labi ng lalaki. Dali-dali na siyang naupo sa bakanteng silya na nasa tapat ko at nilahad ang kamay sa harap ko. "By the way, I'm Rome."
Nag-alangan akong tanggapin ang pakikipagkamay niya. Mabuti na lang at tumunog ang cellphone ko na nakapatong sa ibabaw ng lamesa. Kaya naman naiwasan kong makipag-usap sa lalaking nasa harapan ko.
Agad kong sinagot ang tawag ni Ma'am Melai, ang head ng rehab department sa hospital na pinagtratrabahuhan ko.
Habang abala ako sa pakikipag-usap ay binigay na ng lalaki sa waitress ang order niya.
"Hello, Lacey?
"Hello, Ma'am Melai!"
"I apologize for interrupting your vacation, may importante lang talaga akong kailangang i-discuss sa iyo."
"Okay lang po, ma'am. Ano po ba 'yong sasabihin n'yo?"
"Aware ka naman sa opening ng branch natin sa Pampanga next week, 'di ba?"
"Yes, ma'am."
"Nagkaro'n kasi ng problema sa staffing nila. Nagre-request sila ng dalawang staff from our department. Nag-meeting kami rito kanina kaya lang isa lang ang pumayag na ma-transfer sa Pampanga."
"I see."
"Lacey, I just want to ask kung willing kang magpa-transfer sa Pampanga? Two months lang naman ito at malaki ang incentives ang ibibigay sa inyo. Mayro'n kayong meal and relocation allowance. Malaking tulong sa iyo ito financially. Saka para na rin malayo ka sa bahay n'yo ng dalawang buwan."
Natawa ako sa huling sinabi ni Ma'am Melai. Magka-close kasi kami kaya naman minsan ay nakukwento ko rito ang mga problema ko sa bahay at kay daddy.
"Please pumayag ka na. May bahay kami malapit sa hospital. Doon na lang kayo mag-stay para libre ang pagkain at accommodation n'yo. May mga maids naman doon na mag-aasikaso sa inyo."
"Naku, ma'am! Nakakahiya naman po."
"Okay lang 'yon. Mas mapapanatag ang kalooban ko kung doon kayo mag-stay sa bahay," giit pa nito. "Nagbabakasyon sa U.S. ang parents ko kaya walang ibang tao sa bahay kundi ang mga maids."
Hindi na ako nagdalawang isip pa. Hanggang ngayon ay nagtatampo pa rin ako kay daddy kaya gusto ko munang lumayo sa bahay namin. Mabuti na siguro ito, tutal ay lagi rin naman akong iniiwan mag-isa ni daddy sa apartment. At tulad nga ng sabi ni Ma'am Melai ay malaking tulong sa akin ito financially.
Ilang minuto pa kaming nagkuwentuhan. Pasimple kong sinulyapan ang lalaki sa harapan ko na noon ay abala na sa pagkain.
Bahagyang napa-awang ang bibig ko habang pinagmamasdan siya. Parang lalo siyang nagmukhang attractive dahil bagong ahit siya ngayon. Maging ang suot niya ay agaw pansin din kahit simple lang. Nakasuot siya noon ng light blue na board shorts. Tinernuhan niya iyon ng itim na sando kaya naman nakalabas ang muscles niya.
Napukaw lang ang isipan ko nang marinig sa kabilang linya ang paulit-ulit na pagtawag ni Ma'am Melai sa pangalan ko.
"Lacey, are you still there?" muli nitong tanong sa akin.
"Yes, ma'am. I'm still here." Inalis ko na ang tingin sa magandang tanawin na nasa harapan ko para maka-iwas na rin sa distractions.
"So, final na ba ang decision mo? Kailangan ko na kasing ipasa ang names n'yo."
"Yes, ma'am. Sure na po."
"Thank you so much. Nabawasan ng isa ang problema ko. By the way, may shuttle na maghahatid sa inyo sa Pampanga. Wednesday morning ang alis n'yo."
"Okay, ma'am."
"Thanks, Lacey. Enjoy your vacation. Mag-ingat ka." Nagpaalam na ito at tinapos na ang tawag.
Pinatong ko na ang cellphone sa ibabaw ng lamesa.
"Ang lambing talaga ng boses mo. Ang sarap pakinggan," papuri ng lalaki habang nakatingin sa akin.
Hindi ko pinansin ang sinabi niya.
Bolero! sa loob-loob ko tapos ay muli nang pinagpatuloy ang pagkain.
Sa totoo lang ay naaasiwa ako sa presensya niya. Oo nga gwapo siya at maganda ang pangangatawan. Pinagtitinginan nga siya ng ibang kababaihan sa paligid. Ngunit halata ang laki ng agwat namin sa isa't isa. Sa tantiya ko ay na sa late 30's na siya. Sa hitsura at sa edad niyang iyon ay siguradong pamilyadong tao na siya. Kaya naman hanggang maaari ay gusto ko siyang iwasan.
Matapos kumain ay agad kong dinampot ang cellphone ko at tumayo na.
"Aalis ka na?" takang tanong niya habang nakatingin sa akin.
Tumango lang ako tapos ay dali-dali nang lumabas ng restaurant.
"Miss, wait!"
Hindi ko pinansin ang ilang beses na pagtawag niya sa akin.