CHAPTER 1
HINDI mapuknat ang ngiti sa mga labi ko habang isa-isang binabasa ang mga birthday greetings sa aking social media accounts. Matapos ma-replayan ang aking mga kaibigan at katrabaho ay bumangon na ako sa kama. Pumasok ako sa banyo na nasa loob mismo ng aking silid para maligo.
Ngayong araw ang ika-24 birthday ko. Bilang selebrasyon ay nagpa-book ako sa isang resort sa Puerto Galera. Gusto kong i-celebrate ang espesyal na araw na ito kasama ang aking ama. Siya na lang kasi ang kaisa-isa kong kapamilya at ang tanging kasama ko sa apartment na tinitirhan namin.
Namatay ang mommy ko sa panganganak sa akin at simula noon ay mag-isa akong tinaguyod ni daddy. Bata pa lang ako ay wala na kaming contact sa mga kamag-anak namin, kaya kaming dalawa lang talaga ang magkatuwang sa buhay.
Matapos makapagbihis ay lumabas na ako ng silid.
"Dad? Gising ka na ba?" pasigaw kong tanong habang naglalakad palapit sa silid ni daddy. Kumatok ako sa pinto. Nang walang sumasagot ay pinihit ko ang door knob. Bumukas iyon ngunit walang tao sa loob.
Nanaog na ako sa hagdan at hinanap si daddy sa bahay. Subalit wala rin siya sa sala at kusina. Sumilip ako sa bintana. Kumunot ang aking noo nang makitang wala roon ang motor niya.
"Saan na naman kaya nagpunta 'yon?" naiinis kong tanong sa sarili.
Nagtungo na ako sa kusina para magluto ng almusal. Habang nagpi-prito ng hotdog ay tinawagan ko si daddy sa cellphone niya.
"Hello, dad? Nasaan ka?" agad kong tanong nang sagutin niya ang tawag.
"Hello, Lacey. Nandito ako ngayon sa Pampanga, sa resort ng barkada ko. Tulog ka pa kanina no'ng umalis ako kaya hindi na ako nagpaalam sa 'yo."
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. "Seryoso? Anong ginagawa n'yo riyan? Kailan kayo babalik?"
"Birthday kasi ng kumpare ko, 'nak. Magbabakasyon muna ako rito ng mga isa or dalawang linggo."
Bigla akong nanlumo sa sinabi ni daddy. Siya lang ang gusto kong makasama sa importanteng araw ng buhay ko, ngunit umalis siya nang walang paalam at mas inuna ang birthday ng barkada niya kaysa sa akin na sarili niyang anak.
"Dad, birthday ko rin ngayon pero mas inuna n'yo pa ang ibang tao kaysa sa 'kin," buong pagdaramdam kong wika. Bigla akong nakaramdam ng pagka-inis sa aking ama. Labis din akong nagtatampo sa kaniya ng mga sandaling iyon. "Sana sinabi n'yo agad sa akin na aalis pala kayo para hindi na ako nagpa-book sa resort."
"Sorry na, Lacey. Biglaan kasi ang lakad namin."
"Buti pa iyong ibang tao sasamahan n'yong mag-celebrate, samantalang ako na sarili n'yong anak iniwan n'yong mag-isa rito sa bahay," maluha-luha niyang wika.
"Huwag ka nang magtampo sa akin. Mag-celebrate na lang tayo pagbalik ko, okay? Promise babawi ako sa 'yo pag-uwi ko."
Isang marahas na hininga ang kumawala sa bibig ko. Ano pa nga ba ang magagawa ko? Naka-alis na siya.
"Mag-ingat ka lagi, anak. Tawagan mo ako agad kapag may problema."
Magsasalita pa sana ako ngunit bigla na niyang tinapos ang tawag. Naiinis kong nilapag ang cellphone sa ibabaw ng lamesa.
Hindi ko maiwasang maiyak habang mag-isang nag-aalmusal. Nagpa-book pa naman ako sa resort para makapag-bonding kaming mag-ama. Bihira lang kasi kaming mag-out of town ni daddy dahil busy ako sa trabaho at siya naman ay busy rin sa mga barkada niya.
Kung sabagay ano pa nga ba ang aasahan ko sa kaniya? Simula pa man ay mabarkada na si daddy. Bata pa lang ay madalas na niya akong iniiwan mag-isa sa bahay. Marami rin siyang bisyo tulad ng alak at sugal. Subalit malaki pa rin ang pasasalamat ko kay daddy dahil napag-aral niya ako hanggang senior high school sa isang private school.
Nang mag-college ay sinikap kong maging working student para makatulong sa kaniya sa mga gastusin sa bahay, pati na rin sa pag-aaral ko.
Ngayon ay isa na akong physical therapist. Isang taon na akong nagtatrabaho sa isa sa pinaka-malaking private hospital dito sa Manila. Simula nang makapag-trabaho ako ay tumigil na si daddy sa pagtratrabaho bilang office clerk. Akala ko ay pipirmi na siya sa bahay ngunit sa halip ay lalo lang lumala ang bisyo niya. Kadalasan ay isang araw niya lang nauubos ang allowance na binibigay ko sa kaniya sa tuwing sumasahod ako. Madalas din kaming maputulan ng tubig at kuryente dahil lagi niyang nagagastos ang perang pambayad namin ng mga bills.
Matapos makapag-almusal ay bumalik na ako sa kuwarto para ihanda ang mga gamit na dadalhin ko. Non-refundable ang pina-book kong accommodation at nabayaran ko na iyon nang buo. Nakakapanghinayang naman kung hindi ko iyon gagamitin. At isa pa, naka-leave ako sa trabaho ng two days. Sasamantalahin ko na ang bakasyon na ito para makapag-relax at makapag-unwind sa dami ng stress sa trabaho, lalo na sa sarili kong bahay at sa sarili kong ama.
Tinext ko ang mga malalapit kong kaibigan para ayain silang samahan ako sa Puerto Galera. Ngunit dahil biglaan ang lakad ay wala akong nakumbinsi ni isa sa kanila.
Habang sakay ako ng taxi papuntang bus terminal ay magkahalong emosyon ang nararamdaman ko. Nae-excite ako sa bakasyon ko dahil mahigit isang taon na ang lumipas noong huling beses na nakapag-beach ako, at iyon ay noong graduation ko sa college kasama ang mga kaibigan ko sa school. Sa kabilang banda ay kinakabahan ako dahil first time kong magtra-travel nang mag-isa.
"THIS is it," bulong ko sa sarili habang naglalakad papalapit sa malaking bangka na sasakyan ko papuntang Puerto Galera.
Pinili ko ang upuan sa gilid para mamaya ay kitang-kita ko ang dagat at ang mga magagandang tanawin na daraanan ng bangka.
Habang hinihintay ang pag-alis ng bangka ay nilabas ko muna ang cellphone ko para basahin ang mga updates sa trabaho na pinadala sa email ko. Mayamaya ay naramdaman kong may huminto sa tapat ko.
"Excuse me, miss. Is this seat taken?" tanong ng lalaking baritono ang tinig.
"Nope," tugon ko ngunit hindi man lang nag-abalang tapunan ng tingin ang lalaki.
Naupo siya sa tabi ko. Habang ako naman ay patuloy pa rin sa pagbabasa ng mga work emails.
"Are you traveling alone?"
Mayamaya ay narinig kong tanong ng lalaki. Marahas akong napabuntong hininga. Pakiramdam ko ay biglang nag-init ang ulo ko dahil muli na namang sumagi sa isip ko ang ginawa ng aking ama. Kung mas priority niya lang sana ako kaysa sa barkada niya ay hindi sana ako mukhang tanga ngayon na nagtra-travel mag-isa.
Tumango lang ako bilang tugon sa katanungan niya.
"Parehas pala tayo."
Hindi ako sanay makipag-usap sa estranghero kaya hindi ko inintindi ang iba pang sinabi ng lalaki. At isa pa, hanggang ngayon ay naiinis pa rin ako kay daddy. Sorry na lang sa lalaking ito at pati siya ay nadamay sa init ng ulo ko.
"First time mo bang pumunta sa Puerto Galera?"
Bahagya nang nalukot ang noo ko. Sa totoo lang ay nakukulitan na ako sa kaniya. Ayokong sagutin ang tanong niya. Kinuha ko ang earphone sa loob ng aking shoulder bag at kinabit iyon sa magkabilang teynga ko. Sinadya kong lakasan ang volume para iparamdam sa katabi ko na wala ako sa mood makipag-usap sa kaniya.
Mayamaya ay napatingin ako sa gawi niya. Guwapo ang lalaki. Matangos ang ilong. Pangahan ang mukha. Makapal ang kaniyang mga kilay. Malamlan ang itim niyang mga mata, na tila may tinatagong lungkot at misteryo. Kayumanggi ang balat kaya naman pinoy na pinoy ang dating. At bakas ang magandang hubog ng katawan niya sa suot na itim na dri-fit shirt.
Natigil lang ako sa pagmamasid sa mukha niya nang napansin ang kakaibang ngiti sa kaniyang mga labi. Tila tuwang-tuwa siya na nahuli niya akong pinagmamasdan ko siya. Muli ko nang binalik ang atensyon ko sa binabasang mga emails.
Ilang sandali pa ay umandar na ang bangka. Matapos basahin ang mga emails ay pinahinga ko ang aking mga mata. Pumikit ako at nilanghap ang sariwang hangin.
Habang nasa biyahe ay inabala ko ang sarili ko sa pagtingin sa asul na karagatan. Kalmado ang dagat kaya naman nakaka-relax iyong pagmasdan. Laking pasalamat ko na nanatiling tahimik ang lalaking katabi ko ngunit madalas ko siyang nahuhuling nakatingin sa akin.