PAULINE POINT OF VIEW
Maaga akong gumising kinaumagahan. Agad kong niligpit ang pinaghigaan ko. Tinupi ang kumot at pagkatapos ay kinuha ang tuwalya. Panibagong araw na naman at may klase pa.
“Magandang umaga, mundo!” nakangiting saad ko at nag-inat-inat ng katawan. Pagkatapos niyon ay pumunta na ako sa banyo para maligo. Mabilisan lamang dahil hindi ako nakapag-init ng tubig para ihalo sa tubig na pampaligo ko.
“Anak! Bilisan mo na riyan. Hinahanda ko na ang pagkain mo!” malakas na saad ni inay mula sa labas.
“Sige po, nanay! Matatapos na po ako rito!” malakas kong tugon. Naaamoy ko na rito pa lang sa banyo ang amoy ng pinipritong tuyo. Maging ang ginigisang bawang para sa pagsasangag ng kanin naaamoy ko na.
Nang mapunasan ko na ang basa kong katawan at matapis na ang tuwalya sa katawan ko ay agad akong lumabas. Mabilis akong bumalik sa kuwarto at saka nagbihis ng uniporme namin sa eskwelahan. Kulay puti ang itaas, hanggang pulso pa rin ang manggas. Mahabang palda naman ang pangbaba at kulay puti rin iyon na may pagkahalong asul. Nang lumabas naman ako ay nakita ko na si nanay at tatay na hinihintay na ako sa kusina.
“Malapit na matapos itong sinasangag ko, maupo na kayong dalawa. Ipagtitimpla ko na rin kayo ng kape kayo,” ani ni inay.
“Ako na po ang magtitimpla inay. Huwag niyo naman po masyadong pagurin ang sarili niyo. May trabaho pa po kayo ni itay mamaya,” sabi ko at kumuha ng tatlong baso.
“Salamat, anak!” Ngumiti ako nang matamis kay inay bilang tugon. Pagkatapos kong magtimpla ay maingat kong nilapag ang basong may lamang kape sa harap nila. Naglalagay na si inay ng sinangag sa aming plato. Naghugas din kami ng kanay at nanalangin.
Sarap na sarap kami habang pinagsasaluhan ang aming agahan. Ngayon na lang ulit kami nakakain ng agahan na ganito. Nasabik akong makakain ulit nito nang nakaraan.
“Mag-aasikaso na po ako. Baka po dumaan si Achiana rito,” magalang kong saad at saka tumayo na. Naghugas na rin ako ng kamay at nagsipilyo.
“Aalis na po ako inay, itay. Paalam po, mag-iingat po kayo!” Bago tuluyang umalis ay nanalangin ulit ako sa harap nila lolo at lola. Paglabas ko ay natanaw ko na agad si Achiana. Kumakaway-kaway na ito sa akin nang makita pa lang ako.
“Nagawa mo na ang takdang aralin mo, Pauline?” tanong ni Achiana na tila nagpatigil sa mundo ko. Nakalimutan ko pala gawin ang takdang aralin namin. Natulog ako kaagad, mayayari ako nito sa guro namin!
“M-may s-sagot k-ka na b-ba?” nauutal kong tanong sa kaniya.
“I-iyon nga eh, k-kaya ako nagtatanong k-kasi w-wala rin akong s-sagot,” nauutal niya ring sagot. Nalintikan na nga! Nakakainis!
“Mabilis lang naman 'yon, sagutan na natin agad. Doon tayo sa may tambayan. Mahaba-haba pa naman oras natin. Bilis!”
Dali-dali kaming tumakbo patungo sa may kubo kung saan nagiging tambayan tuwing tanghali. Wala namang tao kaya ayos na ayos para matapos agad kami sa takdang aralin. Nagtulungan na lang kami sa pagsagot. Ang kahulugan namang hinihingi ay pansarili lamang o ang mga natutunan namin sa mga aralin.
“Hala! Dalawampung minuto na lang natitira sa atin Pauline! Tara na! Baka mapalo na naman tayo sa puwet!” sabi ni Achiana at nagmamadali na kami pareho. Agad naming niligpit ang kuwaderno at panulat. Pagkatapos ay mabilis kaming tumakbo patungong eskwelahan. Hinihingal na kami at parehong nauuhaw. Nagpahinga muna kami saglit at uminom ng tubig bago tuluyang pumasok.
Nagpapasalamat na lamang kami dahil hindi kami nahuli. Sa pagpasok pa lang ay maririnig na ang iba na nag-aalala na dahil hindi rin daw agad natapos ang kanilang takdang aralin. Napailing-iling na lang ako at naupo na kami ni Achiana.
“Bilisan niyo na! Isang minuto na lang nandiyan na ang guro! Bili—”
“Magandang umaga kahit walang maganda sa umaga! Lahat ng mga hindi natapos ang takdang araling ibinigay ko, labas! Alam ko kung sino-sino kayo! Mag-uusap-usap tayo,” tuloy-tuloy na sabi ng guro. Hindi na kami nakabati pa sa kaniya pabalik. Nakayukong lumabas ang mga nahuling hindi pa tapos sa pinagawang takdang aralin.
“Hindi ko na kayo bibilarin pa sa araw! Pero may ipagagawa ako sa inyo. Gagawa kayo ng liham bilang paghingi ng paumanhin. At kailangan makikita ko ang pirma ng mga magulang niyo o kung sino man nag-aalala sa inyo! Naiintindihan niyo ba?!”
“Opo...”
“Hindi ko marinig ang sagot niyo. Ano ulit 'yon?!” saad ng guro namin.
“Opo!” malakas na sagot nila. Nagpapasalamat na lang ako dahil swerte kami ni Achiana ngayong araw.
“Pumasok na kayo at sisimulan niyo na ang paggawa ng liham. Ah, oo nga pala, paulit-ulit niyong isusulat ang liham hanggang sa matapos ang klase. Lahat din 'yon ay kailangan may pirma ng magulang niyo bukas,” mahinahong sabi ng guro pero batid sa kaniyang boses ang pagiging seryoso.
Natapos ang klase namin sa kaniya sa pagmamarka lamang sa mga nakagawa ng takdang aralin. Sa mga sumunod na klase ay puro diskusyon lang tungkol sa ninuno ng reyna at hari namin ngayon. Ito na ang huling klase namin. Malapit na naman ang uwian.
“Ang huling gagawin niyo lamang pagkatapos ng mga diskusyon ay magbibigay kayo ng opinyon. Bibigyan ko kayo isa-isa ng paksa at isusulat sa inyong papel ang opinyon. Pagkatapos ay ipapasa niyo sa akin. Limang minuto lamang ibibigay ko sa inyo. Nagkakaintindihan ba tayo?” saad ng guro namin na si Ginoong Wilyam.
“Opo, Ginoong Wilyam!” tugon naming lahat sa kaniya. Mahaba-haba rin ang naging diskusyon niya bago kami binigyan ng maliit na piraso ng papel.
“Sa maliit na piraso ng papel na ibinigay ko sa inyo ay nariyan ang paksang bibigyan niyo ng opinyon. Simulan niyo na ang pagsusulat. Bibigyan ko lamang kayo ng limang minuto kagaya nang sinabi ko kanina.”
Agad kong binuksan ang nakatuping papel at nabigla sa paksa. Patungkol ito sa young master.
'Sa tingin mo, ano ang itsura ng young master?'
“Ito talaga binigay sa akin na paksa ni Ginoong Wilyam. Grabe!” bulong ko at wala na akong nagawa. Sinulat ko na lamang ang sa tingin kong itsura niya.
“Tapos na ang limang minuto. Tapos o hindi tapos, ipasa na! Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, walo, siyam at sampo!” Sobrang bilis naming pinasa ang papel namin. Mabuti na lang walang nahuli magpasa.
“Paalam na sa inyong lahat!”
“Paalam na rin po, Ginoong Wilyam!” Pagkalabas na pagkalabas pa lang ng guro namin ay nagdadaldalan na agad ang iba.
Nagtatanungan ito kung anong paksa ang napunta sa kanila at saka kung ano naging opinyon nila. Ang iba naman naiinis dahil 'di pa raw sila tapos at limang minuto lang daw ang ibinigay para isulat ang opinyon. Kibit-balikat kaming lumabas ni Achiana sa silid-aralan at sabay ulit naglakad pauwi.