IKALAWANG KABANATA

1159 Words
THIRD PERSON POINT OF VIEW “Ikaw pala 'yan, Pia. Magandang umaga sa’yo,” nakangiting saad ni Rolin. Dahil doon, pakiramdam ni Pia mas naging gwapo pa ito sa paningin niya. “Magandang umaga rin sa’yo Rolin. Tagapaghatid ka pala ng liham. Ibinilin sa akin ng kamahalan na ako raw ang kumuha ng liham,” tugon ni Pia at mas lumawak pa ang ngiti sa labi niya. Hindi niya akalaing magkikita silang muli sa laki ba naman ng palasyo. Maingat namang inabot sa kaniya ni Rolin ang sobre na may lamang liham. “Maraming salamat, nagpapasalamat ako kasi nagkita tayong muli. Sa uulitin.” Pagkatapos sabihin iyon ni Rolin ay nagpaalam na ito. Tinanaw ni Pia si Rolin hanggang sa mawala na ito sa paningin niya. “Sa uulitin, Rolin.” Tuluyan na siyang pumasok sa loob ng palasyo. Dumiretso siya sa isang kulay gintong kahon. Doon nilalagay ang mga padalang liham sa mahal na hari at reyna. Nilagay niya ito roon at saka nagsimulang maglakad patungong likod ng palasyo. Doon ang lugar kung saan naglalaba ang mga katulad niyang labandera. “Ycel, kanina ka pa ba riyan? Pasensya ka na at inutusan pa kasi ako ng kamahalan kunin ang liham. Ako na ang bahalang magsampay riyan. Magpahinga ka na.” Lumingon naman si Ycel kay Pia at ngumiti. “Sigurado ka ba?” tanong nito sa kaniya. “Oo, sigurado ako. Isa pa, mas maaga akong umuwi kahapon kaya isipin mo na lang pambawi ko ito,” nakangiting sagot niya kay Ycel. “Sige na nga. Salamat Pia, kapag may kailangan ka sabihin mo lang. Doon lang ako sa kusina at magluluto na rin ako.” Pagkatapos sabihin iyon ni Ycel ay umalis na ito sa may labahan. Si Pia naman ay tuluyang naglakad papuntang sampayan. Sinimulan niya nang sampayin ang mahahaba at mabibigat na kumot. Habang nagsasampay, parang hindi niya maramdaman ang pangangalay. Palagi niya kasing naaalala ang itsura ni Rolin. Parang kinikilig siya sa maginoo nitong pag-uugali. Ganoon ang mga tipo niyang lalaki. Hindi katulad ng kaniyang ama. Namatay ang ina niya dahil sa bugbog sarado ito ng kaniyang ama. Dahil doon ay nakulong ang kaniyang ama at nagkaroon ng malalang sakit. Namatay ito sa mismong kulungan na. Si Rolin naman ay nagpatuloy na sa paghahatid ng mga liham. Nang sumapit ang tanghali ay pumunta muna siya sa pahingahan ng mga tagahapaghatid ng liham. Kaagad siyang sinalubong ng kaniyang dalawang kaibigan na sila Samuelson at Andra. “Ngayon ka lang yata bumalik, Rolin? Huwag mong sabihin na may nililigawan ka na? Ipakilala mo naman sa amin ang napupusuan mo,” pabirong saad ni Andra at tumawa. Napailing-iling naman si Rolin sa sinabi ng kaibigan. “Oo nga naman Rolin. Ilang taon ka na rin. Lalagpas ka na sa kalendaryo pero wala ka pa ring napupusuan. Ang hina mo naman pagdating sa babae!” nang-aasar namang sabi ni Samuelson. “Alam niyo, kayong dalawa, nakakainis talaga kayo! Hindi lang ako ang lalagpas na sa kalendaryo. Kayo rin kaya!” tugon ni Rolin ngunit tinawanan lang siya ng dalawang kaibigan. Naglakad sila patungong silungan dahil sobrang init na. Tirik na tirik na ang araw. Parang masusunog ang kanilang balat kung mananatili sila sa walang silong. Napansin nila Samuelson at Andra na malalim yata ang iniisip ng kanilang kaibigan. Iniisip kasi ni Rolin kung sasabihin niya ang tungkol kay Pia. Malamang tutuksuhin siya ng mga 'to. Pero, naisip niyang mas maiiging malaman na ito ng dalawa. “Ano bang iniisip mo Rolin? Parang ang lalim naman yata niyan,” saad ni Andra. Huminga naman nang malalim si Rolin. “Alam niyo, may isang babaeng nakakuha ng atensyon ko. At saka—” “Talaga? Sino? Ipakilala mo naman kami? Anong pangalan? Saan nakatira? Nililigawan mo na? Kuwento ka naman, dali!” Napahingang malalim si Rolin sa inasta ng dalawa. Sabi na nga ba, magtatanong din ito nang sunod-sunod. “Puwede bang isa-isa lang ang tanong? Sasagutin ko rin 'yan,” ani ni Rolin. Napakamot naman sa ulo ang dalawa. “Kahapon kasi, noong pauwi na ako nakabanggaan ko siya. Tapos, ayon, nagkakilala kami. Nalaman kong Pia ang pangalan niya. Nagpakilala rin ako sa kaniya. Nagpapasalamat nga ako na parehong kukay-kape ang kaniyang mga mata. Puti kasi ang buhok niya. Alam niyo naman ang tradisyon 'di ba? Tapos, nang umuwi ako hindi na siya mawala sa isip ko. Halos pati sa panaginip ko yata naroon na siya. Kaninang umaga naman ay pumunta ako sa mismong palasyo para ihatid ang liham. Hindi ko akalaing isa pala siya sa mga nagtatrabaho sa loob ng palasyo. Hindi ko lang alam kung ano ang posisyon niya roon,” mahabang saad ni Rolin. Napatango-tango naman ang dalawang kaibigan. Kaya naman, nagtataka siya sa dalawa. “Bakit kayo napapatango-tango?” tanong kaagad niya dahil hindi na mapigilan ang sarili. “Mukhang tinamaan ka nga talaga kaagad sa kaniya. Ano? Ligawan mo na! Sige ka, baka mamaya may mauna pa sa’yo. Saka sinabi mo puti ang buhok niya. Malamang napakaganda n'on!” saad ni Samuelson na may paghanga at tinutulak siyang ligawan ito. “Oo nga, tama si Samuelson. Ligawan mo na! Sige ka, ligawan namin 'yon!” saad naman ni Andra na may pagsang-ayon kay Samuelson. May halo rin iyong pananakot para ligawan nga ito ni Rolin. “Oo na, liligawan ko na siya. Naisip ko na rin iyan. Ano, tulungan niyo ako?” nakangiting tugon ni Rolin. “Oo naman! Kami pa ba? Gumawa tayo ng plano kung paano mo siya mapapa-ibig. Sisiguraduhin naming sasagutin ka niya,” kaagad na sagot ni Andra. Napangiti naman si Rolin. Sa isip niya'y sobrang swerte niya dahil may mga kaibigan siyang katulad nila Andra at Rolin. Pagkatapos nilang kumain ng pananghalian ay wala na silang ihahatid na mga liham. Kaya naman napagdesisyonan na nilang simulan na ang plano. Dahil nagtatrabaho sila sa loob ng Faith Palace, lalo na si Pia, kailangan nilang magpaalam sa hari at reyna. Hinintay nilang sumapit ang alas tres. Nang makita ito'y kaagad silang lumuhod at yumuko bilang paggalang. “Magandang hapon po, aming kamahalan.” Sabay-sabay silang bumati. Napangiti naman ang hari at reyna. “Tumayo na kayong tatlo. Ah siya nga pala, Rolin, nahatid mo na ba ang liham?” tugon ng mahal na hari. “Opo, mahal na hari. Inabot ko po ito kay Pia, isa sa mga tauhan sa inyong palasyo,” magalang niyang tugon. Medyo nabigla naman ang kamahalan dahil kilala ni Rolin si Pia. “K-kilala mo pala si Pia?” tanong ng mahal na reyna at medyo nautal pa. “O-opo, mahal na reyna. Kamahalan, may nais po sana akong itanong. Nais ko po kasi ng inyong pahintulot,” saad ni Rolin. “At ano naman iyon?” “Maaari ko po bang ligawan si Pia?” kaagad na tanong ni Rolin. Nabigla naman ang kamahalan ngunit kalauna'y napangiti. “Sige, pinahihintulutan ka na namin Rolin. Bagay na bagay nga kayo. Ligawan mo siya at galangin. Sige, kailangan na namin umuwi. Baka hinahanap na kami ng young master.” Umalis na ang kamahalan pagkatapos niyon. Ang tatlo naman ay nagkasiyahan dahil doon. Hindi pa rin makapaniwala si Rolin. May pahintulot na siya. Sana lang nga ay pumayag si Pia na ligawan niya ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD