“Sinong susundo sa ‘yo?”
Mahina ang boses ni Molly. Nanginginig.
Nakaupo silang dalawa sa plastik na upuan sa loob ng presinto. Magkadikit ang tuhod. Malamig at madulas sa pawis ang upuan. Ang sahig, may mantsa ng suka at putik.
Amoy kulungan ang hangin. Halo ang pawis ng lalaki, lumang sigarilyo, at pancit canton.
Nadamay na naman sila sa riot. Hindi naman sila kasali. Nasa party lang sila nang biglang maghagisan ng bote. Pagdating ng mga pulis, lahat ng kabataan sa loob, dinala.
Kasama siya at si Molly na naka-crop top at palda, may glitters pa sa pisngi na ngayon ay humahalo na sa pawis.
“Hindi ko alam,” sagot niya. Sinuklay niya ng mga daliri ang buhok. Lagkit na. Amoy usok at alak. May pink pa rin na confetti na nakasabit.
“Baka i-ground na ako ni Daddy nito,” sabi ni Molly habang kinakagat ang kuko. “Third time na ‘to this year.”
“Ako rin,” bulong niya. Yumuko siya.
1:17 AM na sa orasan sa pader. Sabi niya sa nanay niya, “Group study lang, Ma. Uwi ako ng 10 PM.”
Siguradong galit na ang tatay niya. Baka kunin ang susi ng kotse. Baka sunugin pa ang mga painting niya.
Ramdam niya ang mga tingin ng mga pulis. Maiksi ang suot nila. Ang crop top niya, may nakasulat na _Brat_. Halos lahat ng nasa presinto ay lalaki. Dumidikit ang mga mata nila sa balat niya. Sa hita ni Molly. Sa kanila.
Nauna ang Daddy ni Molly. Hinablot lang si Molly sa braso at halos kaladkarin palabas. Hindi na ito nakapagpaalam. Padabog na sumara ang pinto. Umalingawngaw ang tunog sa dibdib niya.
Siya na lang ang natira.
1:18 AM. Sampung minuto lang ang layo ng subdivision nila. Bakit wala pa ang tatay niya?
May umupo sa tabi niya. Isang pulis. Matanda. Lukot ang uniporme. Amoy sigarilyo at lumang alak ang hininga.
“Miss, taga-sa’n ka?” Ngumiti ito. Naninilaw ang ngipin. Dumikit ang tuhod nito sa tuhod niya.
Hindi siya sumagot. Tumayo siya at lumipat sa tabi ng basurahan. Amoy panis na mangga at suka doon, pero mas malayo sa hininga ng matanda.
May ingay mula sa entrance. Nagsitayuan ang mga pulis at sumaludo nang sabay-sabay.
Sumilip siya. Nanlaki ang mga mata niya nang magtama ang tingin nila ng lalaking bagong dating.
Bakit sa kanya nakatutok ang mga mata nito? Bakit ito naglalakad palapit?
Si Governor Kian Herrera.
Ang Governor ng bayan nila. Matalik na kaibigan ng tatay niya ang pamilya nito. Magkakilala sila, pero hindi close.
Mas matanda ito sa kanya. Eighteen pa lang siya.
“Amanda,” tawag ni Gov. Kian. Boses nito. Mababa. Hindi malakas, pero lahat sa loob ng presinto natahimik.
Napatuwid siya ng upo. “Governor,” bulong niya.
“Let’s go, Amanda. Pinasusundo ka ng Daddy mo,” sabi nito.
“Ah?” Napanganga siya. “Bakit…”
Bakit siya ipasusundo ng tatay niya kay Gov. Kian? Ganoon na ba ka-busy ang tatay niya para ang Governor pa mismo ang magsundo?
“Where is my Dad?” tanong niya.
Kulay kape ang mga mata ni Gov. Kian nang tumingin ito sa kanya. Malalim. Walang kurap.
“Wala ang Daddy mo,” sagot nito. Kalma. Pero may bigat ang bawat salita. “Nakiusap siya sa akin na sunduin ka rito.”
Walang ngiti. Walang ekspresyon. Hindi niya mabasa kung naiinis ito o hindi. Pero ramdam niya, hindi siya nito kinaiinisan.
“Nasaan siya?” tanong niya ulit.
Hindi agad ito kumibo. Isang mabilis na sulyap lang ang ginawa nito sa suot niya. Pang-party. May glitters pa.
Humugot ito ng malalim na hininga. Tiningnan ang paligid. Mga pulis na nakatitig pa rin sa kanya.
Hinubad nito ang itim na jacket.
“Wear this,” sabi nito. Inilapag nito ang jacket sa balikat niya. Inayos ang harapan.
“We need to go,” dagdag nito.
Tahimik siyang sumunod dito palabas ng presinto. Maraming pulis ang sumaludo. Nakipagkamay pa ito sa hepe. Maikli lang ang usapan. Diretso. Walang paligoy-ligoy.
Ganun pala ang dating ng isang Governor. Hindi kailangang sumigaw para pakinggan.
Pagdating sa parking lot, tumigil siya.
Nakatayo sa tapat nila ang isang itim na Porsche Cayenne. Makinis. Makintab. Walang plaka sa harap.
Governor’s car.
Pinagbuksan siya nito ng pintuan sa passenger side.
Ang ikinagulat niya, mag-isa lang ito. Walang driver. Walang bodyguard. Madaling araw na.
“Sumakay ka na,” sabi nito. Mahina pero may diin.
Pagkasakay niya, ito na rin ang nagsara ng pinto.
Tahimik sa loob. Amoy bagong leather at mamahaling pabango nito. Malamig ang aircon. Malinis. Walang kalat.
Umikot ito sa driver’s seat. Bumati pa ito sa pulis bago isinara ang pinto at pinaandar ang sasakyan. Walang ingay ang makina. Sobrang smooth.
Hindi niya napigilang sulyapan ito.
Sa ganitong lapit, mas ramdam niya ang presensya ni Gov. Kian. Hindi maingay. Hindi pa-show. Pero nandoon ang authority. Yung tipong isang salita lang, susunod lahat.
“Amanda,” tawag nito. Napapitlag siya.
“Tinatanong mo kanina kung nasaan ang Daddy mo,” sabi ni Gov. Kian. Mahigpit ang hawak sa manibela. “Pinakiusapan lang ako ng Daddy mo na sunduin ka sa presinto.”
Yumuko siya. Nahiya. Nakakahiya talagang magpasundo sa presinto. Para siyang kriminal.
“Bakit ikaw? Nasaan ba si Daddy?” tanong niya.
Tumigil sandali si Gov. Kian bago sumagot.
“Sumama ang pakiramdam ng Mommy mo. Sinugod siya sa ospital,” sagot nito.
Nanlamig ang mga kamay niya.
Hindi niya marinig ang sarili niyang paghinga.
Parang biglang naubos ang hangin sa loob ng kotse.
“Ano?!” bulalas niya. Boses niyang basag. “Saang ospital siya dinala? Ngayon din, Gov. Bilisan natin. Please.”
“Doon na kita ihahatid,” sagot nito. Mahinahon pa rin. Pero diin na ang hawak nito sa manibela.
Napagat siya ng labi. Kasalanan niya.
Nag-iisa lang siyang anak, pero puro sakit ng ulo ang binibigay niya.
At ngayon, baka huli na.
Nakarating sila sa Herrera Hospital. Private hospital na pagmamay-ari din ng pamilya ni Gov. Kian.
Nauna siyang bumaba. Papasok na sana siya nang maalala niyang hindi niya alam ang room number ng nanay niya.
Hinintay niya ito at sabay silang pumasok.
Napatingin ang mga nurse at guard sa kanila. Hindi dahil sa kanya. Kay Gov. Kian.
Isang lakad lang nito, gumagalaw lahat.
At sa unang pagkakataon simula nang madala siya sa presinto, bahagyang gumaan ang paghinga niya.