"Althea, may naghahanap sa iyo na customer sa labas at mukhang bigatin," sabi ni Princess na kasama ko sa trabaho.
Tinapos ko muna ang paglalagay ng mga plato sa lababo bago ako humarap sa kanya. Tiningnan ko muna siya para makasigurado na hindi siya nagbibiro. Kapag kasi may customer siya na ayaw niya ay madalas pinapasa niya sa ibang waitress. Nilakihan niya ako ng mata para iparating na seryoso nga siya.
"Sa akin?" paglilinaw ko at tinuro ko pa ang sarili ko.
"Unless na lang kung may iba pang Althea na nagtatrabaho rito." natatawa na tugon niya.
"Sino raw?" nagtataka na tanong ko at nagkibit-balikat lang siya.
Tumingin ako sa orasan at sakto na break ko na pala. Napaisip ako kung sino ang posibleng maghanap sa akin. Sa tagal ko na rito sa Bar ay may mga nakilala na akong mga customer at lahat ng iyon ay kilala ng mga staff kaya nagtataka ako kung sino ang tinutukoy ni Princess. Tinuro ni Princess ang table kung saan nandoon ang taong naghahanap sa akin. Hindi ko siya kilala at ngayon ko lang siya nakita.
"Good evening Sir. What can I do for you?" tanong ko sa lalaking naghahanap sa akin.
Wala akong maisip na dahilan para hanapin ako ng taong nasa harap ko. Tiningnan ko siya nang mabuti at sinubukan na alalahanin kung kilala ko ba siya pero kahit anong isip ko ay hindi ko talaga siya matandaan.
"Ms. Venus Althea Mendoza, right?" tanong niya at kunot ang noo nakatingin ako sa kanya.
"Paano kaya niya nalaman ang pangalan ko?" tanong ko sa sarili habang nakatingin sa kanya.
"Please have a seat, Ms. Mendoza." Itinuro niya ang katapat na bangko at umiling naman ako
"Sorry Sir, but we are not allowed to do that," hinging paumanhin ko.
"It's okay Althea, nagpaalam siya kanina sa akin dahil may mahalaga raw siya sasabihin sa iyo," sabi ng boss ko mula sa likuran ko at napalingon ako.
Nagulat ako ng marinig ko ang sinabi ng boss ko. Hindi ko namalayan na malapit na pala siya sa amin dahil na rin sa dami ng tao. Mukhang importante ang kailangan ng taong ito sa akin para payagan ako ng boss ko na makipag-usap sa kanya sa oras ng trabaho ko. Nakangiti na tumango ang boss ko kaya umupo na ako at umalis na siya.
"I'm Jay Tan of Rodriguez Group of Companies." Pakilala niya sabay abot ng business card sa akin.
Tiningnan ko ng mabuti ang card na inabot niya. Narinig ko na ang pangalan na iyon pero hindi ko matandaan kung saan at kung kailan. Napaisip ako kung ano ang maaring kailanganin ng mga ito sa akin.
"Rodriguez Group of Companies," basa ko sa calling card na hawak ko at biglang nagliwanag ang mukha ko ng may naalala ako.
"Hindi po ba iyon ang nag-organize ng charity ball kung saan po kami nag-perform," sabi ko at tumango naman siya bilang pagsang-ayon.
"Hindi kaya isa siya sa mga nagsulat ng letter na binigay sa akin after ng event?" tanong ko sa sarili habang tiningnan siya.
Pag-uwi ko ng gabing iyon ay binasa ko ang mga sulat. Ilan sa mga iyon ay mga papuri na hindi ko inaasahan. Nagulat ako ng may nabasa ako ng imbitasyon na may kasamang number. Never ko na imagine na pumatol sa mas nakakatanda sa akin. Ayaw ko manghusga pero sa tingin ko ay parang tiyuhin ko na siya. Hindi naman sa pagbubuhat ng sariling bangko pero maraming nagsasabi na maganda ako. Minsan ay hindi maiwasan na may mga customer kaming kinukulit ako na lumabas kasama sila at halos lahat sila ay may mga edad na. Pero base naman sa mukha niya ay parang hindi naman siya ang klase ng tao na nasa isip ko.
"Sir, pasensya na po pero -
"Last year November 28 may masamang trahedya ang nangyari sa Boss ko. Natagpuan siyang duguan sa isang madilim na eskinita," putol niya sa akin at natigilan ako.
Hindi ko pwedeng makalimutan ang araw na iyon dahil ilang gabi ko iyon napanaginipan. Nanlalamig ang buong katawan ko dahil biglang lumitaw sa imahe ko ang tagpo na iyon. Pinisil ko ang isang kamay ko para pakalmahin ang sarili ko. Naramdaman kong bumilis bigla ang t***k nang puso ko at parang nanuyo ang lalamunan ko. First time kong maka-encounter ng ganoon scenario sa buhay ko at sa tuwing naaalala ko 'yon ay hindi ko maiwasan na manginig sa takot. Bata pa lang ako ay takot na ako sa dugo pero nang gabi na iyon ay nilabanan ko ang takot ko para samahan ang lalaking iyon. Nagawa ko pang mag-donate ng dugo ng sabihin na kailangan niya masalinan ng dugo. Nagkataon naman na pareho pala kami ng blood type at Hindi ako nagdalawang isip na gawin iyon dahil sa kagustuhan ko na iligtas siya. Hindi ko makakalimutan ang gabing 'yon kahit pa nga mahigit isang taon na ang lumipas dahil kadalasan ay laman pa rin iyon ng mga panaginip ko.
"Ano kaya ang kailangan niya sa akin? Ano naman ang kinalaman ko sa nangyari sa boss niya? Posible kayang iniisip niya na kasabwat ako?" mga tanong ko sa sarili.
"Kinidnap ang Boss ko at iniwan siya sa isang lugar sa pag-aakala na wala na siyang buhay. Marami siyang tinamong sugat kaya naman nanganib ang buhay niya. Ang sabi ng mga doctor kung natagalan pa ay baka hindi na siya nakaligtas kaya salamat na lang dahil may isang taong tumulong sa kanya. Pero ang taong iyon ay hindi nakilala ng Boss ko dahil agad siyang umalis bago pa magkamalay ang Boss ko. Matagal ng hinahanap ng Boss ko ang taong iyon para pasalamatan.” salaysay niya.
“Hindi lahat ng tao ay gagawin ang ginawa mo. Hindi ka nagdalawang isip na tulungan siya kahit pa nga hindi mo alam ang buong kwento at kung sino siya. Dahil sa iyo ay nakaligtas siya sa panganib at nararapat lang na pasalamat ka niya," sabi niya at huminga ako nang malalim.
Kung kanina ang pakiramdam ko ay para akong manok na kakatayin ngayon ay nakahinga ako nang maluwag. Akala ko ay kung ano na ang dahilan kung bakit hinahanap nila ako. Hindi naman ako naghihintay o naghahangad ng kapalit sa ginawa ko. Naalala ko ang naging reaksyon ni Nikka ng sabihin ko sa kanya ang mga nangyari. Galit na galit siya sa akin dahil sa ginawa ko dahil hindi ko raw man lang iniisip na pwedeng may mangyari sa akin. Ang sabi pa niya paano kung isang kriminal ang tinulungan ko o masamang tao at pwede ako mapahamak. Hindi na pumasok sa isip ko ang mga bagay na iyon dahil ang mahalaga sa akin ay maligtas ko siya. Masaya akong malamang nakaligtas na siya.
"Iyon lang po ba? Pasabi po sa kanya na wala pong anuman dahil kahit sino naman na nandoon po sa ganoong sitwasyon ay gagawin ang ginawa ko. Ginawa ko lang po ang sa palagay kong tama. Masaya po akong malaman na naging okay na po siya. Hindi ko po na imagine na darating po ang araw na ito dahil hindi naman po ako nag-expect ng kung ano pa man. Pero sana ay hindi na po siya nag-abalang hanapin pa po ako. Sigurado po akong napaka-busy po niyang tao ang malaman ko lang po na okay na siya ay sapat na po sa akin," nakangiti na tugon ko at pinagmamasdan niya ako.
"Pero gusto ka sana niyang makilala Ms. Mendoza para personal na magpasalamat sa iyo. Hindi mo alam kung gaano kahalaga sa kanya ang makilala ka. Hindi biro ang ginawa mo at sa tingin ko hindi lahat ng tao ay gagawin iyon," nakangiti na sabi niya at napayuko ako.
"Kailangan pa po ba talaga iyon, Mr. Tan? Okay na po siya at hindi naman po ako humihingi ng kapalit. Kung ako po ang tatanungin ay mas mabuti po na huwag na kami magkakilala. Hindi naman po sa sinasabi ko na ayaw ko siya makilala pero hanggang maaari ay ayoko na po kasi maalaala iyon. Wala po akong pinagsisihan sa ginawa ko na pagtulong sa kanya pero hindi po naging madali para sa akin makalimot," paliwanag ko sa kanya.
Iba ang naging impact ng gabing iyon sa akin. Dati ay hindi ako natatakot maglakad mag-isa pero pagkatapos noon ay umiiwas na ako sa mga lugar na madilim at walang tao. Kapag naglalakad ako ay sumasagi sa isip ko na baka may sumusunod sa akin. Naging paranoid ako pero hindi ko iyon ipinaalam kahit kanino. Lagi ko napapanaginipan ang tagpo na iyon at sa tuwing nagigising ako ay nanginginig ang buong katawan ko. Ilang buwan din ako naging ganun bago ako bumalik sa normal kong buhay.
"Jay na lang ang itawag mo sa akin. Kung maaari sana ay pumayag ka para naman maging sulit ang paghahanap niya sa iyo. Sa loob ng isang taon ay hindi siya tumigil sa paghahanap sa iyo kaya sana ay pag-isipan mo muna," pakiusap niya at huminga ako nang malalim saka tumango.
"Pwede mo bang ikwento sa akin kung paano mo nailigtas si Axel?" tanong niya.
Bago ako magsalita ay tinawag niya ang isa sa kasama ko na waitress at umorder ng pagkain. Siya na ang umorder ng pagkain para sa aming dalawa. Tatanggi pa sana ako kaso umiling agad siya kaya hindi ko na nagawa.
"Galing po ako sa isang event kung saan po ako nag-part time. Sa eskinita po ako dumaan para mas makarating po ako ng mas maaga rito sa work ko. Naglalakad po ako ng bigla po bumuhos ang malakas na ulan kaya naisipan ko po na sumilong muna. Habang hinihintay ko po na tumila ang ulan ay may narinig po ako na humihingi ng tulong. Hinanap ko po at nagulat po ako nang makita ko po siya. Una ko pong napansin ang dugo sa buong katawan niya pati na rin po sa mukha niya. Hindi po ako makapaniwala na mararanasan ko iyon dahil sa mga palabas ko lang po nakikita ang mga ganoon na scenario. Akala ko nga po patay na siya pero ng lapitan ko siya ay narinig ko siya na dumaing. Sinubukan ko po siya kausapin pero nahihirapan po siya magsalita. Sa sobrang pagkataranta ko nga po nakalimutan ko gamitin ang phone ko para tumawag agad ng tulong. Naalala ko lang po ng pigilan po niya ako na umalis para humingi ng tulong. Hindi ko po alam kung ano at bakit siya nalagay sa ganoon na sitwasyon pero naawa po ako sa kanya. Pagdating po namin sa hospital hindi ko po alam ang isasagot ko sa mga tanong nila. Sinabi po niya sa akin kung sino ang tatawagan ko at iyon po ang binigay ko sa nurse. Aaminin ko po natakot ako sa mga oras na iyon lalo ng sabihin nila na kailangan ko humarap sa mga pulis. Naisip ko rin po ang trabaho ko kaya nagmamadali po akong umalis," kwento ko at tumango-tango siya.
"Maraming salamat Althea for saving him. Hindi na iba sa akin si Axel dahil pamilya na ang turingan namin sa isa't isa. Matagal na nagtatrabaho ang pamilya ko sa kanila," sabi niya at tumango-tango ako.
"Wala pong anuman Sir Jay pero sa palagay ko po ay mas maganda pong hindi na lang kami magkakilala," sabi ko na puno ng pag-aalinlangan.
Never kong na imagine na hahanapin pa ako ng taong tinulungan ko. Wala rin naman akong planong hanapin siya at kilalanin. Pagkatapos ko siya iwan sa hospital ay dumaan muna ako sa chapel para ipagdasal na maging ligtas siya. May mga oras na iisip ko kung nakaligtas ba siya o hindi dahil sinabi sa akin ng doctor na marami siyang dugong nawala. Ngayon habang kaharap ko ang taong nagtatrabaho sa taong niligtas ko ay hindi ako komportable sa ideyang magkikita kami.
"Sana Althea ay mapagbigyan mo ang kahilingan niya dahil gusto ka talaga niya na makilala. Kung may oras ka bukas pwede ka punta sa address na iyan at hanapin mo ako. Pwede mo rin ibigay sa akin ang phone number mo para matawagan ka niya," pakiusap niya at nakita kong sincere siya.
Nagtatalo ang isip ko kung dapat ba ako pumunta o hindi. Pero mukhang hindi niya ako titigilan kung hindi ako papayag. Base nga rito ay isang taon na niya ako hinahanap. Wala naman akong balak na ibigay ang number ko .
"Wala naman po sigurong masama kung makikilala ko siya. Sige po tutal naman po ay gabi pa ang trabaho ko kaya pwede po akong pumunta ng umaga," tugon ko at ngumiti siya.
"Maraming salamat, Althea." sabi niya.