Malungkot at magulo ang isip niya nang pumanhik sa silid. Hindi siya makapaniwala sa sinabi ng ama. Bakit siya pinagkakasundo sa isang Saavedra? At bakit pati ang personal niyang buhay ay kailangan panghimasukan ng ama? Bakit kailangang ito ang pumili ng lalaking pakakasalan niya?
May nobyo siya — si Glenn — at mahal niya si Glenn. Mahal din siya ni Glenn at naniniwala siyang makakapagtapos ng pag-aaral si Glenn sa medisina. Alam niyang hindi ganoon kayaman ang pamilya ni Glenn. Isang nurse ang ina nito sa Saavedra Santillan Hospital at ang ama naman nito ay isang professor sa Colegio de San Sebastian. May dalawa pang kapatid si Glenn na parehong nasa kolehiyo na.
Alam din niyang madalas kinakapos ang nobyo sa pera dahil hindi raw sapat ang allowance na binibigay ng mga magulang, dahil tatlo ang mga itong nag-aaral sa kolehiyo. Kaya nga sa tuwing kakain sila sa labas ay siya na ang nagbabayad para sa kanila. Madalas siyang sawayin ni Glenn pero agad niyang sinasabi na kapag nakapagtapos na ito ay solo na nito ang lahat ng gastusin sa date nila.
Nahiga siya sa kama at tumitig sa puting kisame. Paano kung seryoso ang ama sa sinabi nitong kailangan niyang ma-engage kay Gab Saavedra at ikakasal sila ni Gab soon? Anong gagawin niya pag nangyari iyon? Paano na sila ni Glenn? Paano ang mga pangarap nila ni Glenn? Ang daming tanong sa isip niya na hindi niya makitaan ng sagot.
Napapitlag pa siya nang biglang may kumatok sa pintuan. Liningon niya ang pinto at bumukas iyon. Ang Yaya Loren niya ang sumungaw sa pinto.
“Yaya, bakit po?” tanong niya at bumangon mula sa pagkakahiga.
“Lianne, pinapatawag ka ng Daddy mo,” sagot nito.
“Bakit daw ho?” kunot-noong tanong niya.
“Ang sabi lang niya, tawagin kita. Nasa Library siya. Puntahan mo na,” sagot nito.
Sumimangot siya at tumayo mula sa pagkakaupo sa kama. Pagbaba niya, tumuloy siya sa library kung saan naghihintay ang ama.
“Dad,” tawag niya sa ama. Habang nakaupo ito at nakangiting hawak-hawak ang cellphone. Baka may good news na natanggap, bulong ng isip niya.
“Lianne, hija, come here,” excited na tawag sa kanya ng ama.
Lumapit siya sa kinauupuan ng ama. “Maghanda ka. Susunduin ka ni Gab maya-maya lang,” sabi ng ama.
Nagulat siya at hindi makakilos. Nakatitig lang sa ama. Pakiramdam niya, lumaki ang ulo niya.
“Wear your best, Lianne. Isang Saavedra si Gab. Hindi ka dapat niya makitaan ng ano mang hindi niya magugustuhan,” patuloy ng ama, habang tahimik lang siya at hindi makakibo. Alam niyang wala siyang karapatang tumanggi ngayon sa ama. Nakita naman niya kanina ang naging reaksyon nang subukang sawayin ang ama.
“Sige po,” tanging sagot niya.
“Great,” masiglang sabi ng ama. At tumayo pa mula sa kinauupuan at lumapit sa kanya. “Gab Saavedra is the man for you, Lianne. Make sure na hindi malalaman ni Gab na may nakarelasyon ka.”
“Bakit ho?” tanong niya. Alam niyang nakita ni Gab ang paghahalikan nila ni Glenn sa loob ng kotse ni Glenn, kaya hindi niya maitatanggi ang pagkakaroon niya ng relasyon.
“I want you to be perfect for him. Ayokong magkaroon pa ng alinlangan sa iyo si Gab Saavedra,” sagot ng ama.
Nanatili siyang walang kibo. Ano ba ang dapat niyang sabihin?
“This is for your future, Lianne. Para sa success ng negosyo natin,” alanganin siyang tumango kahit hindi naiintindihan ang ama.
Matapos ang pag-uusap nila ng ama ay tila lalo siyang naguluhan. Bakit ba hindi niya kayang sawayin ang ama? Bakit ba hindi niya kayang sabihin sa ama ang lahat ng gusto niya? Na hindi siya pwedeng ma-engage kay Gab Saavedra, dahil mahal niya si Glenn.
Sinabi ng ama na susunduin siya ni Gab sa bahay nila, kaya pinaghahanda na siya nito. Kung saan sila pupunta ni Gab ay hindi niya alam at hindi siya interesado. Na-stress siya sa pag-uusap nila ng ama at nais mag-relax at huwag munang isipin ang mga plano ng ama sa kanya.
Naisipan niyang mag-swimming sa ibaba. Pumili siya ng two piece na isusuot at nagbihis. Mare-relax muna siya habang wala pa ang bisita ng Daddy niya.
Bitbit ang roba, muli siyang bumaba ng bahay. Halos may bente minutos na rin siyang lumalangoy sa tubig. Nasisiyahan siya dahil tama lang ang lamig ng tubig sa katawan niya. Nakailang balik na siya sa katamtamang laki ng swimming pool.
Nang mag-angat siya ng ulo ay may nakitang lalaking nakatayo sa gilid ng pool. Nahinto siya sa paglangoy at muling sinulyapan ang lalaking nakatayo sa may gilid ng pool. Agad niyang nakilala ang lalaki. Kahit isang beses pa lang niyang nakita si Gab Saavedra ay hindi na niya nakalimutan ang gwapong mukha nito. Kung sa bagay, ang gwapong mukha ni Gab Saavedra ay ang mukhang mahirap kalimutan agad.
“Hi,” walang ngiting bati nito sa kanya.
Bumuntong-hininga siya. “Hi,” bati din niya kay Gab at bumalik sa gilid ng pool para umahon na. Sumunod naman si Gab sa kanya at binitbit nito ang roba niya.
“How’s the water?” tanong nito. At iniabot ang roba sa kanya. Hindi nakaligtas sa kanya ang pasimpleng pagsuri ng kaharap sa katawan niyang halos wala na ring natatakpan. She’s wearing a yellow two piece na tamang natatakpan lang ang mga dapat takpan.
Nakaramdam siya ng pagkailang sa uri ng pagtingin ni Gab sa katawan niya. Glenn never seen her in her swimsuit. Wala kasing pagkakataon na makapag-swimming sila ng nobyo. At dahil sa pagka-disgusto din ng ama sa nobyo ay hindi ito basta-basta nakakapasok sa bahay nila. Unlike Gab Saavedra na mukhang welcome na welcome na sa bahay nila. Well, hindi na siya magtataka dahil botong-boto ang ama kay Gab.
“Good,” tipid na sagot niya at isinuot ang roba sa katawan. Napapansin kasi niyang nag-e-enjoy ang kaharap sa pagtingin sa katawan niya.
Naglakad siya para maiwasan si Gab nang hindi sinasadyang madulas ang isang paa niya bago pa man siya makalayo kay Gab.
Napatili siya sa pag-aakalang babagsak sa semento, nang biglang may mga kamay na sumalo sa bewang niya bago pa man siya bumagsak sa semento.
Nanlalaki ang mga mata niyang napatitig kay Gab habang nakatunghay ang gwapong binata sa kanya, at nakahagapay ang mga kamay nito sa bewang niya.
“Hello there, Mrs. Saavedra.”