SA ENIX Hotel ginanap ang company's anniversary party ng kompanya ni Kuya Melvin. His company was Red Prime Holdings, Inc., the largest shopping mall and retail operator in the Philippines. Kuya Melvin opened the ceremony with a short speech, and proceeded to discussing the company's success over the year.
Tinapos ni Kuya Melvin ang programa sa pag-i-introduce ng future plans to expand Red globally. After that, the party started. Napalitan ng romantic songs ang kaninang company hymn at mas mukhang relaxed na ang mga tao sa party.
Habang nababali naman ang leeg ni Umi kahahanap kay Pete. Napakarami naman kasing dumalo sa party.
"Umi, sino ba'ng hina-hunting mo diyan, ha?" usisa ni Ate Genna.
"Si Pete, Ate Genna." Napahawak siya sa leeg nang sumakit iyon. "Nasaan na ba 'yong guwapong nilalang na 'yon?"
"Err... kanina pa niya kasama si Alaude, Umi," parang nag-aalangan pang pagbibigay-alam ni Ate Melou.
"Ha?"
"There." Itinuro ni Ate Melou ang isang sulok ng hotel, malapit sa nakahilerang cocktail drinks sa mahabang mesa.
Kumunot ang noo ni Umi. Magkadikit ang mga braso nina Alaude at Pete. At sa kanyang opinyon, hindi normal sa mga lalaki ang magtabi nang ganoon, lalo na at napakaluwang naman ng espasyo. Alaude looked uncomfortable, too, especially since Pete kept touching his arm.
"I smell something fishy," naiiling na komento ni Ate Charly.
"No... It can't be..." nanghihinang kontra ni Umi. Nagmartsa siya palapit sa dalawang lalaki.
Alaude looked relieved when he saw her, while Pete looked disappointed. Juskopo. Tama pa yata ang kutob nilang magkakaibigan.
Pilit ngumiti si Umi. "Hi, Pete. Can we—"
"Oh, excuse me but I have to go," mabilis na paalam ni Pete na mukhang nababasa ang plano niyang pagyayayang sumayaw, pagkuwa'y humarap kay Alaude at nakipagkamay. "'Happy to meet you, pare."
Agad binawi ni Alaude ang kamay. "Yeah, same here," halatang labas sa ilong na sabi ng lalaki. Napapiksi rin nang tapikin ito sa braso ni Pete, tapik na may kasamang kurot.
Napabuga ng hangin si Umi habang pinapanood ang pag-alis ni Pete at paglapit sa grupo ng mga katrabahong lalaki. Hindi rin nakaligtas sa kanyang paningin ang pasimpleng paghawak ni Pete sa braso ng mga kasamahan.
Confirmed.
Kung ganoon, si Alaude ang nginitian ni Pete noon sa Kahit Saan at hindi siya?
"Err—Umi..." parang nag-aalangang tawag ni Alaude.
Tinapunan niya ng masamang tingin ang lalaki. He looked so handsome in his crisp three-piece suit. Kaya siguro hindi napigilan ni Pete ang sarili na magpaka-"out" sa piling ni Alaude.
And the women around could not take their eyes off of Alaude. Hindi na siya magtataka kung makipag-flirt dito ang mga babae roon.
Inirapan niya si Alaude. "I hate you."