Chapter two

1030 Words
DESIREE Mataman kong tinititigan ang hawak kong cellphone. Halos mapudpud na ang keypad nito sa kakapindot ko, tinitingnan kung anong oras na. Quarter to five. Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko dahil sa matinding pagkainip. Kailangan kong makarating nang maaga sa coffee shop na pinagtatrabahuhan ko. Alas-singko y medya ang pasok ko. Kabibilin-bilin pa naman ni Sir Lexus na ang unang patakaran ay bawal ma-late. Pero mukhang sa umpisa pa lang, masisibak na agad ako sa trabaho. Mahina kong pinipitik ang aking mga daliri sa armrest ng upuan habang nakatingin sa unahan kung saan patuloy ang pagdi-discuss ng aming propesor. Pati ang takong ng suot kong sapatos ay tinutuktok ko na sa semento upang maibsan ang pagkainip. Mukhang wala yatang balak si Mrs. Villaruiz, ang huling subject teacher namin, na pauwiin kami nang maaga. Lihim akong nagdarasal na sana tapusin na ang klase. Grabe naman ang gurong ito—lagi kaming pinauuwi nang lampas sa oras. Naiinip na ako. Wala rin naman akong maintindihan sa lecture dahil lumilipad na ang isip ko. Kailangan ko talaga ang trabahong ito. Gusto kong makatulong kay Inay sa gastusin. Kahit may scholarship ako, mayroon pa rin kaming binabayarang miscellaneous fees sa paaralan. Ayokong sayangin ang pagkakataong ito—ilang buwan na rin akong paikot-ikot sa paghahanap ng trabaho, at ngayon lang may tumanggap sa akin. Karamihan kasi sa inaplayan ko ay ayaw ng working student. Kami na lang ni Inay ang magkasama sa buhay. Pumanaw si Itay noong ako'y nasa Grade 1 pa lamang. Malakas ang ulan noon at madilim na, pero hindi pa rin siya umuuwi. Maghapon siyang nagtatrabaho sa bukid, habang si Inay naman ay nasa bahay. Kinabukasan, natagpuan na lang namin si Itay—wala nang buhay. Natamaan siya ng kidlat. Labis kaming nagdalamhati. Nahihirapan si Inay na tanggapin ang pagkawala ni Itay. Kaya nagpasya siyang bumalik muna rito sa Maynila. Ngunit ramdam kong hindi kami tanggap ni Lola Esme. Napilitan kaming umalis sa bahay ng mga magulang ni Inay at nangupahan na lang sa isang maliit na silid. Kasya lang kaming dalawa ni Inay, kasama ang iilang gamit na meron kami. Binuhay ako ni Inay sa pagtatrabaho sa isang pabrika malapit sa inuupahan namin. Tuwing araw, iniiwan niya ako kay Ante Conching, ang aming kapitbahay na matandang dalaga. Minsan, naitanong ko kay Inay kung bakit ganoon na lamang ang trato ni Lola Esme sa amin—parang hindi niya ako apo. Lagi niya akong pinapagalitan. Si Inay naman, kita ko kung paanong palagi siyang minamaliit ni Lola. Pero dahil bata pa ako noon, hindi ko lubos naunawaan ang lahat. “Inay, bakit galit sa atin si Lola Esme? Hindi po ba, ang isang ina ay hindi pinapabayaan ang kanyang anak?” inosente kong tanong. Tumikhim si Inay at tumingin sa akin nang diretso. First year high school na ako noon kaya alam kong maiintindihan ko na ang sasabihin niya. “Anak, bata ka pa. Hindi mo pa maiintindihan ang lahat.” “Inay naman, twelve na nga ako! Tapos matalino naman ako, kaya alam kong maiintindihan ko na kung ano man ang sabihin ninyo,” pangungulit ko. Dahil sa kakulitan ko, napilit ko rin si Inay na magkuwento. “Ganito kasi 'yan, anak. Labing-walong taong gulang pa lamang ako noon. May nanliligaw sa akin—anak siya ng mayaman. Gustong-gusto siya ng mama at papa ko dahil tuwing dumadalaw siya, may dala siyang pasalubong. Sabi ng mga magulang ko, kapag siya ang napangasawa ko, hindi lang ako ang magiging reyna kundi pati sila ay aangat ang buhay. Mahirap lang kami noon kaya ganoon na lamang ang kagustuhan nilang makapangasawa ako ng mayaman.” “Mahal mo po ba 'yung mayamang nanligaw sa inyo, Inay?” singit ko. “Mabait siya, anak. Hindi siya mahirap mahalin. Pero hindi siya ang tinibok ng puso ko. Kay Itay Lando mo ako umibig. Labing-pito pa lamang ako noong nagsimula ang lihim naming relasyon. Kaya ganoon na lang ang galit ng mama at papa ko nang malaman nilang si Lando ang kasintahan ko. Pilit nila kaming pinaghihiwalay. Lalo pa silang nagalit nang malaman nilang nagdadalang-tao na ako—at ikaw 'yun. Nang malaman ng Itay mo na buntis ako, tinanan niya ako at dinala sa probinsya nila.” Kitang-kita ko ang pagluha ni Inay habang kinukuwento ito. Alam kong masakit pa rin sa kanya ang pagkawala ni Itay. Malungkot siyang tumingin sa akin at niyakap ako nang mahigpit. “Desiree, anak, ikaw na lang ang nag-iisang alaala ng Itay mo. Mahal na mahal kita.” “Hoy, besh! Bakit nakatulala ka riyan? Kanina pa umalis si Mrs. Villaruiz. Umuwi na tayo,” untag ni Valerie na nagpagising sa diwa ko. “Ha? Gano'n ba? Naku, besh, mauna na ako sa 'yo. Hindi ako puwedeng malate sa trabaho. First day ko pa naman ngayon.” “Naku, sige, mauna ka na. May dadaanan pa ako.” Halos madapa-dapa ako sa pagmamadali palabas ng gate ng paaralan. Kaagad akong nag-abang ng masasakyan. Punuan ang mga jeep ngayon—agawan ng sakay, lalo na sa ganitong oras. Nahihirapan akong sumakay, kaya hindi ko na inisip umuwi pa. Siguradong matatanggal ako sa trabaho kapag na-late ako. Wala na akong ibang choice kundi ang sumampa sa may pintuan ng jeep na huminto sa harapan ko. One ride lang naman, malapit-lapit kaya kinaya ko na lang. May dalawang lalaking estudyante ring nakasampa sa jeep. Pasipol-sipol pa sila. Inarapan ko sila ng masamang tingin—akala mo kung sino. Kung hindi lang ako nagmamadali, hindi ko sila kailangang makasama. Akala siguro nila natutuwa ako. Ang daming lalaki sa loob ng jeep pero wala man lang nagbigay daan. Ang babastos! May narinig pa akong nang-aalaska mula sa jeep sa likuran. “Miss, baka malaglag ka diyan! Sayang ang beauty mo kung magalusan. Dito ka na sa akin!” sigaw ng isang driver ng jeep. Ngunit embes na lingunin hindi ko sila pinapansin dahil sa malamang hindi naman sila totoong concern sa akin. Isa lang silang mga manyakis. Alam kong medyo lumihis ang suot kong palda ngunit wala na akong karapatan pagmag-inarti. Nag-hahabol ako ng oras kaya bahala silang magkadaduling sa pagsilip sa aking hita. May suot naman akong short na ginawa kong panloob.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD