Takot na takot ang grupo ng mga kabataan. Hindi nila alintana ang kanilang duguang mga katawan, humingi sila ng tulong sa mga tao sa paligid habang ako ay nakasunod sa kanilang mga likod.
Sa takot din ng mga tao sa nasaksihang eksena doon ay madali rin silang umiwas at nagsitago.
Dahil sa ingay na dulot ng pangyayari ay mas nakapukaw ito ng pansin sa mga tao sa paligid. May isang tao na sadyang mahusay, mabilis ang kanyang mga kamay, di kalaunan ay naigapos na ako at napadapa sa sahig.
May mga ugong-ugong na tsismis sa mga tao, patuloy nila ako pinag-uusapan at sinasabing may halintulad daw ako sa isang beastman.
Sa huli, nalaman kong ang nangyari pala sa aking pagpalit-anyo ay tinatawag na beast transformation. Ang ganitong pagpalit ng anyo ay bibihira lang na mangyari.
Ang mga tao at ang mga beastman ay may kasaysayan ng ilang taong digmaan. Kung kaya’t kapag nababanggit ang mga beastman sa mga tao ay kakaiba ang emosyon na ipinapakita nila.
Hindi ko lang alam kung sino sa mga tao ang sumigaw ng “Sunugin na yan!” at nakuha namang maniwala ng lahat ng tao sa paligid. Maya maya lang saglit ay naririnig ko nang nagsisigawan sila ng “Sunugin na yan! Sunugin na yan!” na dinig sa buong lugar. Hindi nagtagal ay dinala na nga ako sa isang plaza at nakahanda na ang mga tuyong kahoy na gagamitin para sunugin ako.
Sa puntong iyon ay bumalik na ang aking anyo sa pagiging tao, ngunit hindi pa din naalis sa kanila ang kagustuhang sunugin ako hanggang sa ako’y mamatay. Nagkasundo-sundo sila na ako nga ay naiiba sa kanila.
Madali nila akong inilagay sa gitna ng mga ipinagpatong-patong na mga kahoy. Kahit na anong paliwanag ko o pag-iyak, ayaw nila akong pakawalan.
Muli na naman akong napahamak.
Takot ang bumalot sa aking puso. Tagos hanggang buto ang lamig na nararamdaman ko. Nanginginig ang buong katawan ko. Para bagang wala nang pag-asa na makaligtas sa ganitong sitwasyon.
At sisindihan na nila ng apoy ang mga kahoy na nakapalibot sa akin. Naghanda na akong ipikit ang aking dalawang mata at maghintay na lang na aking katapusan, bigla akong nakarinig ng sigaw sa isang tao ng “Itigil iyan!” Umalingangaw ang boses niya sa buong plaza. Isang lalaking nakasuot ng kulay silver na baluti ang parang bumaba galing sa langit, parang siyang isang diyos na bumababa galing dito.
Oo, parang isang diyos. Noong mga panahong iyon, ganoon ang paglalarawan ko sa kanya. Dahil sa pagkakataong iyon lamang ako nakaranas ng kawalan ng pag-asa.
Pinag-sisipa niya ang mga nasindihang mga kahoy at pagkatapos ay sinigawan ang mga ilang tao na gustong umakyat sa kinalulugaran ko. “Hindi niyo maaaring gawin yang bagay na yan! Ako si Leandro, ang pinuno ng Hukbong Naroku.”
Nagulat ang lahat ng tao pagkatapos marinig ang kanyang pangalan. Dahil ang Hukbong Naroku ang isa sa tatlong pangunahing tagapangalaga ng imperyo. Siya rin ang isa sa mga pinakamatapang at pinakamagaling sa pakikipaglaban. Si Pinunong Leandro ay kilala dahil pinamumunuan niya ang sandaang mga tao na sumusugod sa tribo ng mga beastman at iniligtas nya ang mayor ng lungsod na ginawang hostage ng Hukbong Karo. Bukod pa rito ay dinala pa niya pauwi ang ulo ng isang pinuno ng kalabang hukbo. Sa huli ay nakumpirma na ang ulo ay sa pinuno ng Hukbong Karo na si Yoshura.
Pagkatapos ng matagumpay na pagligtas na iyon, si Leandro ay itinalagang pinuno ng Hukbong Naroku, at naging mabuting kaibigan ng mayor.
Hindi ko maiwasang makaramdam ng magkahalong tuwa at ginhawa, sa wakas ay may magliligtas na sa akin. Dahil ang taong ito ay ang aking tiyo, ang aking kadugo na tito. Hindi kami ganoon ka-close ng tiyuhin kong ito dahil na din siguro sa aking pagkatao. Hindi rin kami ganoon kadalas na nagkikita. Ngunit sa pagkakataong ito na nasa alanganin ang buhay ko, masarap sa pakiramdam na malamang nariyan pa din ang kamag-anak mo para tulungan at iligtas ka.
Tumingin sa akin si tito ng walang anumang pagpapakita ng kanyang nararamdaman, hindi man siya nagsalita, ngunit bakas sa kanyang nakakunot na kilay ang pagkadismaya.
Isang pangkat ng mga kawal ang dumating kasama ni tito, pumila sila at tumayo sa magkabilang gilid ni tito. Dahil dito ay tumahimik ang mga tao.
May isang may edad ng lalaki ang lumabas mula sa grupo ng mga tao na nandoon. Tiningnan niya si tito sa mukha at sabay tanong.
“Leandro, ang taong ito ay unang nanakit ng mga tao. Kita rin ng mga tao rito na nagpalit-anyo siya. Maaaring hindi nga natin siya kauri. Maaaring isa siyang beastman. Napagpasyahan naming patayin na siya. Siguro naman ay hindi mo siya pagtatakpan?”
“Oo, nakita ko!”
“Nakita ko rin!”
Lahat ng mga tao na nandoon ay iisa lamang ang sinasabi. Ayaw nila akong pakawalan.
Tumingin muli sa akin si tito, pagtapos ay tiningnan muli yung nagsalita.
Itong nagsalita na ito ay bayaw ng vice mayor namin sa lugar na tiyak na may impluwensya sa aming lungsod. Hindi magkasundo ang mayor at ang vice mayor namin. May nagsasabi nga na ang pagdukot sa mayor noong nakaraan ng mga beastman ay kagagawan ng vice mayor. Siyempre ay si vice mayor ang papalit sa puwesto ni mayor kung sakaling ito’y nawala na. Mabuti na lamang ay dumating si Leandro at nagbuwis ng kanyang buhay para lamang mailigtas ang aming mayor. Simula noong insidenteng iyon, nagkaroon ng lamat ang relasyon ng mayor at ng vice mayor. Dahil sa malapit si tito sa aming mayor, kung kaya hindi rin talaga maiiwasang kumontra din itong bayaw ng vice mayor sa aking tito.
“Alex, ang lahat ng sinasabi mong ito ay kailangan ng ebidensya. Hindi mo puwedeng basta-basta siraan ang yaman ng imperyo.”
Natawa si Alex.
“Ha! Ha! Ha! Anong ebidensya ang kailangan mo? Hindi pa ba sapat ang anyo niya kanina para gawing ebidensya? Pulang mga mata, pula ang buong katawan, at tinubuan pa ng balahibo. Hindi ba katulad na rin iyon ng beastman?”
“Sinabi mo rin na kahalintulad lang ng beastman. Magkahalintulad lang?”
Huminto si tito at muling nagpatuloy.
“Narinig mo na ba ang mga berserkers?”
“Berserkers?”
Tiningnan ni tito si Alex ng may halong pagmamaliit dito.
“Mukhang hindi mo pa nga naririnig ito. Kung sa bagay, paano naman magkakaroon ng ideya sa mga ganitong bagay ang isang katulad mong walang ginawa kundi ang mainggit at pagdudahan lang ang mga kapwa. Ang mga berserkers ay nakasama na sa kasaysayan ng ating imperyo at bibihira lang ang tao sa ating imperyo ang nagtataglay ng ganitong katangian. Ang mga berserkers, matapos ang kanilang berserk transformation, ay nagpapakita ng pambihirang pampisikal na lakas sa oras ng kanilang kagipitan. Sige nga, hindi ba ito maituturing yaman ng ating imperyo? Tapos ay gusto mo pa siyang patayin? Hindi kaya baka espiya ka ng mga Beastman? Gusto mo bang mapasama ang ating imperyo?
Mukhang dahil sa sinabing iyon ng aking tito ay wala na din siyang magawa at masabi pa. Dagdagan pa riyan hindi pa niya nadinig ang tungkol sa mga berserkers.
“Oh, sige. Tandaan mo ito! Tingnan na lang natin!”
Sa huli ay galit itong umalis. Bago pa umalis, binigyan niya ako ng isang masamang tingin at nagbitaw ng salita: “Bata, huwag na huwag kang magpapahuli sa akin. Kung hindi ay mararanasan mo kung paano kita papatayin!”
Hinarang siya ni tito at paasar niyang sinabi kay Alex na: “Huwag ka munang aalis. Ikukuwento ko pa sa’yo ang kasayasayan ng mga berserker. Malay mo, mayroon din sa pamilya ninyo.”
“Hmph!”
Tinabig ni Alex ang kanyang manggas at saka siya lumakad papalayo sa amin habang sumunod na din sa likuran niya ang ilang tagasunod niya.