Kabanata 1. Bastardo!
“Hoy Daniel! Itong bastardo na ito. Tingnan mo lang kung paano ka namin patutumbahin!”
Nilapitan at pinalibutan ako ng mga batang masasama ang tingin sa akin.
Bastardo. Itong salitang bastardo na naman. Sa buong buhay ko, ito ang salitang pinakaiinisan ko. Tinitigan ko silang lahat ng masama at saka sumigaw. Hindi ko na alintana ang bilang nila. Itinaas ko ang ang aking manggas at saka tumayo.
“Lalabanan ko kayo!”
Nagngingitngit ako sa galit na parang gusto ko silang kainin ng buhay.
Ngunit sa bandang huli ay napatumba nila ako sa lupa, binugbog at tinadyakan. Sadyang walang laban ang aking dalawang kamao sa kanilang mga kamay.
Nagpumiglas ako sa kanila, ngunit sadyang wala akong magawa. Di nagtagal ay nagtatalsikan na ang aking dugo na siya pang lalong nagbigay tuwa at sigla na lalo pa akong bugbugin.
Nanghihina at wala nang akong lakas sa pambubugbug nila. Marahil ay ito na ang araw na lilisanin ko ang mundong ito. Masakit pero parang hindi naman ako nalulungkot.
“Hoy, mga bata! Ano ang ginagawa ninyo?” May isang tao sa di-kalayuan ang sumita sa amin.
Marahil dahil sa takot ay isa-isa silang nagtakbuhan.
Pinilit kong makatayo at madaling hinabol ang huling bata na tumakbo at dinakma sya. Buong lakas ko siyang pinagsusuntok.
“Baliw, baliw ka! Bitawan mo ako!” May ilang bata ang bumalik at sinugod ako para tanggalin ang kamay ko na nakahawak sa batang hinabol ko. Sinipa ako at saka sila naglakad papalayo.
Tinakpan ko ang mga sugat at nakangising naglakad pauwi.
Sa totoo lang, pakiramdam ko ay wala naman mali sa mga pangungutya nila sa akin. Isang aksidente lang na isinilang ako sa mundong ito. Isa talaga akong “bastardo.” Ganito ang madalas kong marinig na sinasabi ng mga tao sa akin. Pero sadyang yun ang aking pagkatao.
Sino ba ko? Paano nga ba ako naging isang “bastardo”? Sino ang aking ama? Ito ang mga katanungang nais kong malaman ang mga sagot. Sa tuwing itatanong ko ito sa aking nanay ay luluha na lamang siya sa kalungkutan, wala nang sasabihin. Sa tuwing nakikita ko siyang ganito, lubos akong nasasaktan. Dahil dito, hindi ko na din ninanais na tanungin pang muli ang aking inay.
Ngunit habang ako’y lumalaki at nagkakaisip, madami din akong naririnig sa mga tao sa paligid namin. Mga tsismis patungkol sa aking ama na siya raw ay isang orc. Oo, tama, hindi raw siya tao. Ito rin ang dahilan kung bakit nila akong tinatawag na “bastardo.”
“Bakit ka na naman nakipag-away? Grabe ang mga sugat mo.”
Habang tinitingnan ni lola ang aking mga sugat, hindi ko matiis kundi makaramdam ng labis na kalungkutan.
“Wala lang po ito, lola. Maliliit lang po na mga sugat ito. Sa susunod na makita ko sila ay bubugbugin ko ulit sila.”
May mga salitang hindi ko masabi sa aking lola. Ngunit ito ay pang-ilang beses na ding nangyayari sa akin. Ngunit mas kalmado na ang aking lola kumpara sa mga naunang pagkakataon.
“Daniel, bakit ka na naman ba nakipag-away? Halika dito, umupo ka. Lagyan natin ng gamot yang mga sugat mo.”
Pinaupo ako ni tita at madali siyang kumuha ng ointment upang ipahid sa mga sugat ko.
“Naku, medyo malaki ang sugat na ito, ah. Kailangan talagang gamutin ito.”
Si lola at si tita ang dalawa sa pinakamalapit sa aking damdamin. Kung sana ay kasama din si nanay…
“Maraming salamat po, tita.”
Salamat kay tita at nakayanan kong tiisin ang sakit ng aking mga sugat.
Mula sa kaibuturan ng aking puso, ako’y lubusang nagpapasalamat sa kanila. Kung hindi dahil sa ipinaglaban nila ang buhay ko noong ako’y bata pa, baka matagal na ako namatay sa kamay ng sarili kong ina.
Oo, ang aking ina. Mahal niya ako, pero may galit din siyang nararamdaman sa akin. Sa mga panahong malambing siya sa akin ay talagang nararamdaman ko ang kanyang pagmamahal. Ngunit sa panahong siya’y galit, halos gusto na lang niya na mamatay na lang ako nang sa gayon ay hindi na niya patuloy pang danasin ang kahihiyan dulot ng pagsilang sa isang “bastardo.”
Pero ayaw kong mamatay, gusto ko pang ipagpatuloy ang aking buhay. Kahit na patuloy akong mamuhay sa kahihiyan, nanaisin ko pa ding mabuhay upang balang araw ay malinis ko din ang aking pagkatao.
Sa isang maliit na nayon dito sa kabundukan kung saan ako nakatira, masasabing ito na ang pinakamagulo bayan dito sa buong imperyo. Palibhasa ay nasa dulo na kami ng kanilang nasasakupan kung kaya’t hindi na gaanong napapansin. Ito na marahil ang lugar kung saan talamak ang nakawan sa buong taon.
Dito sa aming malawak na kalupaan, kasama ng mga taong naninirahan dito ay ang mga orcs, duwende, zombie, at kung anu-ano pang nilalang. Bakit kailangang mayroong apat na malalaking kontinente na nasa silangan, kanluran, hilaga, at timog ang bubuo sa isang malaking mundo natin? Bakit kailangang tawaging “hybrid” ang mga ipinanganak na galing sa isang tao at isang orc? Bakit?
Sabihin na nating may alitan sa pagitan ng mga tao at orcs sa nakaraang isang daang taon, bakit kailangang ako ang magpasan nitong galit nila sa isa’t-isa?
Wala din naman kinaibahan ang aking hitsura sa mga tao, maliban na lamang siguro sa mas matangkad at mas malakas ako kumpara sa mga kaedad ko. Kung kaya lagi akong tampulan ng tsismis. Magkakamukha naman kami, pero bakit kailangang hybrid ako? Kailangan kong patunayan. Kailangan kong ipakita sa lahat na hindi ako isang “hybrid!”
Kung hindi dahil sa aking tito na isang chief security ng bayan, baka matagal na akong napatay ng mga tao.
Kung tutuusin ay wala lang itong nangyari sa akin ngayong araw. Mas malala pa yung pangyayari noon sa may palengke na naka-engkuwentro ko ang grupo ng mga kabataan na halos ay kaedaran ko lang. May ilan sa kanila na mas matangkad pa sa akin ng halos kalahating ulo, halatang mas matanda na ng ilang taon kaysa sa akin.
Nakita nila akong nag-iisa at maayos ang pananamit, inakala nilang madami akong dala na pera. Kung kaya’t kinaladkad nila ako sa isang lugar na walang tao at sabay kinuha ang lahat ng dala ko sa katawan.
Buong lakas ko silang nilabanan ngunit sadyang napakadami nila. Karamihan pa sa kanila ay mas matanda sa akin. Wala naman akong laban sa kanila, pero matapos ang insidenteng iyon ay inulit pa nilang akong nakawan.
Nabugbog ako at napadapa ang aking mukha na puro pasa sa lupa. Ang akala ko ay tapos na ang pangyayaring iyon nang sila ay mag-aalisan na. Pero umalis sila dahil sa nakita nilang suot ko sa leeg ko.
Ito ay isang kakaibang bato. Bukod sa hitsura, wala naman na akong nakikitang espesyal sa batong ito. Pero ito ay ibinigay sa akin ng aking ina. Sinabi niya na importante raw ang bagay na ito at binilin niya na paka-ingatan ko ito, huwag na huwag ko itong mawawala.
Lagi kong tinatandaan ang sinabi ng aking nanay.
Tiningnan ko ang magnanakaw ng may hinagpis sa aking damdamin. Sumigaw siya ng malakas at sabay tanong kung ano raw ang nakasabit sa aking leeg. Dali-dali kong tinakpan ito ng aking mga kamay at sinubukan kong maibaling na lang ang atensyon nya sa iba at nang hindi na ito mapansin. Ngunit nakapukaw na ng atensyon ito sa iba pa niyang kasamahan na naglalakad na ng palayo at muling lumapit sa akin.
Tumayo ako at binalak kong sumugod sa kanilang grupo ngunit sugatan na ang aking katawan sa pagkakabugbog nila. Nakatutok ang mga tingin nila sa akin. Hindi pa ako nakakaabot ng pangalawang hakbang ay muli na naman nila akong itinumba sa sahig at tig-isa nilang hinawakan ang aking mga kamay, habang yung kaninang nagtanong sa akin ay tinapakan ang mukha ko habang nakangisi.
“Sige, takbo pa!”
Habang sinasabi niya iyon, gamit ang isa niyang kamay, ay tiningnan niya ang batong nakasabit sa aking leeg at mabilis niyang hinila ito. Sinubukan kong bawiin sa kanya ang bato. Halatang may halaga ang batong iyon. Nakangisi niya akong tiningnan habang nakikitang naghihinagpis ako, pilit kong kumawala sa kanila. Lumapit siya at sinabing:
“Oh, hybrid. Kinuha na ng lolo mo ang bagay. Anong magagawa mo sa akin?”
Habang ako’y galit na galit ay hinampas ng malakas ang ulo ko. At nang marinig kong muli ang kinasusuklaman kong mga salita, ay nakaramdam ako ng kakaibang galit sa aking puso, lubos na mas matindi kaysa noong una.
Sa pagkakataong ito, pakiramdam ko ay tahimik ang kapaligiran. Sa aking mga mata, wala nang ibang tao sa paligid maliban sa taong pinagsasalitaan ako ng masama. Biglang naging pula ang aking mga mata, ang balat ko sa katawan ay naging asul, at pagkatapos ay nagbagong muli at ito’y naging pula. Hindi pa dito nagtatapos. Tumubo din sa aking balat ang madaming maninipis na kulay brown na balahibo.
Hindi ko alam kung natakot ba sila sa hitsura ko o kung sa ano pa mang kadahilanan pero nakuha kong makawala sa pagkakahawak nila sa akin. Sa ilang saglit pa ay nagawa kong sugurin at patumbahin sa lupa yung isang bata.
Sa mga sandaling iyon ay galit lang ang nasa isip ko. Hindi ko na maalala ang eksaktong detalye kung paano ko nagawang umatake sa kanila. Nung huli ay nagsitakbuhan ang grupo nila at yung tarantadong bata na iyon naputol ko ang isang braso niya.