“ARE YOU feeling okay?”
Nakangiting nilingon ni Kate si Eric. Maaliwalas ang mukha nito at nakatingin sa kanya. Kapagkuwan ay unti-unting sumilay ang isang magandang ngiti sa mga labi nito. Banayad ang mga mata nito. Napakaguwapo ni Eric. Wala na yatang mas kikisig pa sa lalaki.
“You’re not feeling okay,” ang tugon nito sa sariling tanong habang nakatingin sa kanyang mga mata.
Tumango si Kate bago nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. “Hindi ko na alam kung paano paplanuhin ang bukas.”
“Kung mamamatay ka na, bakit ka pa mag-aabalang magplano para sa kinubukasan? Shouldn’t you just seize every moment?”
“Carpe diem.”
Tumango si Eric. “And live each day to the fullest. Be happy. Do whatever you wanna do in life.”
Ilang sandaling natahimik si Kate, matamang inisip ang mga tinuran ni Eric. Kapagkuwan ay muli siyang nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. “Iyan din ang sinasabi ko sa sarili ko at maniwala ka, gustong-gusto ko iyang gawin. Pero napagtanto ko na hindi ko alam kung paano. Hindi ko alam kung paano magplano na sariling kaligayahan ko lang ang iniisip. Mula nang mawala sina Nanay at Tatay, palaging mga kapatid ko muna bago ang sarili ko. Palaging kaligayahan muna nila bago ang kaligayahan ko. Hindi puwedeng ako lang ang masaya. Ang kaligayahan nila ay kaligayahan ko, ang palagi kong sinasabi sa sarili ko.”
“Mas iniisip mo ba ang magiging kalagayan nila kapag nawala ka na? They’ll be fine.”
“Hindi mo alam ang bagay na iyan.”
Naismid si Eric at hindi malaman ni Kate kung matatawa, maiinis o maiinsulto siya. “You think they won’t survive without you? You raised weaklings, is that it?”
“Siyempre hindi!” Pinrotektahan ni Kate ang mga kapatid sa abot ng kanyang makakaya ngunit hindi niya pinalaking mahina sina Kristine at Karol. Kayang lumaban ng kanyang mga kapatid sa bawat hamon ng buhay.
“Of course, because you’re their ate. They’ll live. They’ll be okay, Kate.”
Hindi siya kaagad nakatugon. Hindi mabura ang mga agam-agam sa kanyang puso at isipan.
“Okay lang, Kate,” muling wika ni Eric. “Okay lang maging selfish. Okay lang na sarili mo lang ang isipin mo, ang paligayahin mo. Okay na okay lang.”
Humugot si Kate nang malalim na hininga. “Okay lang,” gagad niya.
Tumango si Eric. “Yes. So do something fun, something crazy, or even something stupid. You’re dying, Kate. Seize every moment. It’s okay.”
Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Kate, napatango. “It’s okay,” muli niyang gagad, ngunit sa pagkakataong iyon ay mas may sigla, diin, at determinasyon. Hindi sumibol ang pag-asa sa kanyang puso, ngunit kahit na paano ay nakadama siya ng kaunting ligaya dahil mayroon siyang kinapanabikan sa unang pagkakataon sa loob ng napakaraming taon.
Hinawakan ni Eric ang kanyang kamay at banayad iyong pinisil. “And I’m just here.”
“PARANG bagay sa akin ang bestidang iyon. Bilhin mo nga para sa akin, Tin.”
Kamuntikan nang matawa si Kate nang makita ang reaksiyon ng dalawa niyang kapatid na nakatingin sa kanya. Tila nagugulat at nababaghan sina Kristine at Karol at tila hindi malaman ng mga ito kung matutuwa o magtataka. Niyaya niya ang dalawa sa mall nang araw ng Linggo na iyon. Sa pagyayaya lang na iyon ay labis nang nagtaka sina Kristine at Karol. Hindi kasi siya nagmo-mall. Paminsan-minsan lang at sandaling-sandali lang siya pumapasok. Kung may kailangan lang siyang bilhin na sa mall lang matatagpuan. Kapag nabili na niya ang gusto ay kaagad na siyang lumalabas at hindi na nag-iikot tulad ng kinagigiliwang gawin ng marami. Sasama lamang kasi ang kalooban niya kung makakakita siya ng bagay na gusto niya, ngunit hindi naman niya mabibili dahil may pinaglalaanan siyang iba ng pera.
Sampung taon na yata ang nakaraan noong huli siyang manood ng sine. Kaya naman dalawang pelikula ang pinanood niya kasama ang mga kapatid. Si Kristine ang pinagbayad niya. Nagyaya siya sa isang restaurant at um-order ng lahat ng pagkaing nais niyang matikman. Si Kristine muli ang nagbayad. Ngayon naman ay nag-iikot-ikot sila at tumitingin ng kung anong mabibili. Nakita niya ang isang magandang bestida na nakasuot sa isang mannequin.
“Okay ka lang, Ate?” tanong ni Kristine pagkatapos bayaran ang gusto niyang bestida. Tila hindi na nakatiis ang kapatid at kailangan na siya nitong tanungin.
“Bakit naman ako hindi magiging okay?” ganting tanong niya imbes na direktang tugunan ang tanong nito. Sinikap niyang panatilihin ang sigla sa kanyang mukha. Anuman ang sabihin ni Andre, hindi pa siya handang sabihin sa mga kapatid ang totoong kalagayan. Hindi niya ipagsasapalaran ang pagbubuntis ni Kristine at bata at masyadong emosyonal si Karol.
Sinalat ni Karol ang kanyang noo. “Parang wala ka sa sarili mo, Ate, eh. Talaga bang nasa mall tayo? Talaga bang nagpabili ka kay Ate Kristine ng damit?”
“Bakit? Masama ba?” tugon niya sa inosenteng tinig. Binalingan niya si Kristine. “Ayaw mo ba akong bilhan ng damit?”
“Hindi, Ate, okay lang,” ani Kristine, nakangiti. “Gusto ko nga, eh. Karol, ikaw baka may gusto kang ipabili. Binigyan ako ng debit card ni Andre. Hindi ko gaanong nagagalaw ang laman kaya kaya kong bilhin ang kahit na anong gusto n’yo ngayon.”
“Ganoon naman pala, tara tumingin pa tayo ng magagandang damit,” aniya sa nananabik na tinig. Arte lamang iyon at sa totoo lang ay mahirap gawin ngunit pinagsumikapan ni Kate maging makatotohanan.
“Ate!” nababaghang bulalas ni Karol. “Ano ba talaga ang nangyayari sa `yo? Hindi ba, hindi ka komportable na ginagastusan tayo ni Ate Kristine dahil hindi naman sa kanya ang perang mayroon siya ngayon? Ano ka ba, Ate, nawalan ka na ba ng hiya?”
Pinukol ng masamang tingin ni Kristine ang bunsong kapatid. “Huwag mo ngang pagsalitaan ng ganyan si Ate, Karol. Ano ba ang masama kung magpabili siya ng kung ano-ano. Okay lang naman.”
“Hindi okay! Hindi na—”
“Huwag kayong mag-away sa harapan ko,” ang mariin niyang pananaway sa dalawa.
Parehong natahimik at nagyuko ng ulo sina Kristine at Karol. Muling ipinaskil ni Kate ang ngiti sa mga labi. Hindi siya papayag na may makasira sa araw nilang magkakapatid. “Alam na alam ninyong ayaw kong nag-aaway kayong dalawa. Ano ang madalas sabihin nina Nanay at Tatay noon? ‘Magmahalan kayong magkakapatid. T-tatlo na nga lang tayo, mag-aaway pa ba tayo?’” Darating ang araw na magiging dalawa na lang kayo. Dapat ay mas mahalin ninyo ang isa’t isa.
“Sorry, Ate,” sabi ni Karol kay Kristine sa munting tinig.
Nakangiting tumango si Kristine at hinawakan na ang kamay ng kapatid. Nakahinga nang maluwag si Kate. Inakbayan niya ang dalawa. “Maging masaya na lang tayo sa araw na ito, okay? Huwag mo na munang isipin ang gastos, Karol.”
Napagtanto ni Kate na ayaw niyang maging katulad siya ng bunsong kapatid. Ayaw niyang tipirin nito masyado ang sarili. Nais niyang matutunan ni Karol kung paano tanggapin ang ibinibigay ng ibang tao. Hindi nito kailangang paghirapan ang lahat ng mayroon ito. Minsan kasi ay mayroon magbibigay ng walang hinihinging kapalit. Nais niyang makahanap din si Karol ng isang Andre.
“Ikaw ba talaga `yan, Ate?” nakangiting tanong ni Kristine. Pinisil pa ng kapatid ang kanyang pisngi.
“Bakit ba? Kuripot ba akong talaga dati?” Nagsimula na uli silang maglakad.
Sabay tumango ang dalawang kapatid niya. “Sobra. Kahit na sa Jollibee, hindi tayo kumakain kasi sabi mo puwede naman tayong bumili ng isang kilong manok at breading. Pareho ring deep fried chicken. Hindi tayo namimili sa mall. Big deal na sa `yo ang pagpunta sa Divisoria. Halos lahat ng damit mo, galing sa ukay-ukay,” ani Kristine.
Muling tumango si Karol. “Bawat sentimo ay pinahahalagahan mo. Makunat ka pa sa makunat. Kaya talagang nakakagulat ka ngayon, `Te.”
Nagpakawala ng banayad na tawa si Kate. Tila nais niyang mainis sa kanyang sarili dahil sinikil niya ang mumunting kaligayahan ng mga kapatid niya noon. Palagi silang nasa bahay lang, palaging nagtitipid. Palagi niyang sinasabi na wala silang pera. Sana pala ay pinakain niya paminsan-minsan ang dalawa sa Jollibee. Sana ay nagtutungo sila sa mall kahit na tuwing Pasko lang upang manood ng sine o mag-window shopping.
“Alam n’yo na kinailangan kong magtipid nang sobra para makaraos tayo sa araw-araw, hindi ba?” ani Kate sa munting tinig. Kung hindi siya masyadong naghigpit ng sintrun noon, hindi sila makakatagal. Hindi niya mapag-aaral ang mga ito. Napagtanto ni Kate na ayaw na niyang pagsisihan gaano ang lahat ng mga naging paghihirap niya. Ginawa niya ang lahat para sa mga kapatid niya. Wala man siyang gaanong nagawa para sa kanyang sarili, masaya na siya na napakain at napag-aral niya sina Kristine at Karol sa loob ng mahabang panahon.
“Para rin makapag-aral kami,” sabi ni Karol. “Okay lang, Ate. Alam namin na ginawa mo ang lahat para sa amin ni Ate Kristine.”
Pinamasaan ng mga mata si Kate, ngunit sinikap niyang huwag paalpasin ang mga iyon. Hindi siya iiyak sa harapan ng mga kapatid. “Magmahalan kayong magkapatid, ha? Palagi kayong magmamahalan. Alam ko na hindi maiiwasan ang pag-aaway at samaan ng loob pero palagi sana ninyong aalalahanin na mahal ninyo ang isa’t isa. Anuman ang mangyari sa mundo, magkapatid kayo. Huwag ninyong susukuan ang isa’t isa.”
Natigil sa paglalakad sina Kristine at Karol at nagsasalubong ang mga kilay na tumingin kay Kate. “Ano ba talaga ang nangyayari sa `yo, Ate?” tanong ni Kristine, may bahid ng pagdududa sa tinig. Tila nais ding matakot ng mga mata nito.
Batid ni Kate ito na ang panahon upang tumigil. Ayaw niyang takutin nang husto ang mga kapatid. “Bakit, masama bang magdrama paminsan-minsan?” saad niya sa magaang tinig.
Tila nakahinga nang maluwag ang dalawa. “Meron ka, `no?” wika ni Karol.
Natawa na lamang si Kate.