Prologue
PAGBABA NG jeep ni Kate ay kaagad sumilay ang isang napakagandang ngiti sa kanyang mga labi. Kipkip ang mga libro, binilisan niya ang mga hakbang patungo sa kanyang eskuwelahan. Hindi pa naman siya nahuhuli. Sa katunayan ay maaga pa. Sabik lang siyang makita sa umagang iyon ang kanyang crush. Ang lalaki ang dahilan kung bakit palagi siyang maagang pumapasok. Ang masilayan ito kahit na sandali lang ay sapat na upang mabuo ang araw niya.
Isang doktor ang kanyang crush. Bago kasi makarating sa eskuwelahan niya, dadaanan muna niya ang isang pribadong ospital—ang Healing Hearts Medical Center. Iisa lang ang may-ari ng pribadong high school na kanyang pinapasukan at ng ospital. Hindi niya sigurado ngunit sa palagay niya ay residente ang lalaki. Alam niyang doktor ito dahil minsan ay dinala siya sa ospital sanhi ng aksidente sa hagdanan ng eskuwelahan. Nagkaroon ng malaking bukol sa ulo niya at ilang oras siyang inobserbahan sa Emergency Room. Hindi ang lalaki ang doktor na tumingin sa kanya ngunit naroon ito sa ER at sinusuri ang isang batang lalaki na sa kanyang palagay ay nabalian ng buto. Nang makita niya ang lalaki, biglang nag-iba ang t***k ng kanyang puso. Bumilis iyon nang sobra. Halos hindi kayanin ng dibdib niya.
Nang magawi ang tingin nito sa direksiyon niya ay tila biglang tumigil sa pag-inog ang mundo. May nag-iba sa kanya, sa buong pagkatao niya. Noon niya lamang naramdaman ang ganoon.
Sa palagay ni Kate ay hindi siya nakita ng lalaki, ngunit hindi niya gaanong inalintana. Masaya pa rin siya. Bahagya siyang nalumbay nang umalis ang lalaki sa ER. Ayaw pa sana niyang umuwi kahit na idineklara na ng doktor na maayos na ang kanyang kalagayan, ngunit wala na siyang nagawa dahil sinundo na siya ng kanyang mga magulang. Hindi niya nakalimutan ang lalaki. Laman ito palagi ng kanyang isipan.
Isang umaga, naisipan ni Kate pumasok nang maaga. Bigla siyang natigil sa paglalakad nang mapatapat siya sa parke na malapit sa ospital. Nanlaki ang kanyang mga mata nang matanawan ang isang pamilyar na bulto ng isang lalaki na paupo sa mahabang wooden bench. Ang crush niyang doktor!
Pinanood niya ang lalaki hanggang makahiga ito sa bench. Ipinikit nito ang mga mata at ilang sandali pa ay naging pantay na ang pagtaas-baba ng dibdib. Natutulog ang kanyang crush.
Noong una ay nag-atubiling lumapit si Kate, nahiya siya. Ngunit nadaig ang lahat ng iyon ng kyuryusidad. Naglakad siya patungo sa parke. Maingat siyang lumapit sa bench. Nakahanda siyang kumaripas ng takbo sakaling biglang magising ang lalaking hinahangaan. Ngunit nakalapit siya nang walang aberya, parang mantika itong matulog.
Pinagmasdan ni Kate nang husto ang mukha nito. Habang lumilipas ang bawat sandali ay lalong tumitingkad ang kaguwapuhan nito, lalong bumibilis ang t***k ng kanyang puso. Kapagkuwan ay nagawi ang kanyang mga mata sa white doctor’s coat na yakap nito sa dibdib. Nakaburda sa white coat ang pangalan nito. E. Altamirano, MD. Napangiti si Kate.
Mananatili sana si Kate roon buong umaga hanggang sa magising ang lalaki, ngunit kailangan niyang pumasok kaya napilitan siyang umalis. Buong araw na laman ng kanyang isipan ang lalaki. Nang pauwi siya ay tumambay muna siya sa parke bago umuwi, umaasa na muling masisilayan ang mukha nito kahit na sandali lang o kahit na sa malayo. Ngunit bigo siyang umuwi. Kinagabihan, hindi siya nakatulog sa pag-iisip sa lalaki. Panay-panay ang kanyang tanong kung kailan niya ito muling makikita. Hindi yata niya tatanggapin ang posibilidad na hindi na magtatagpo ang kanilang mga landas.
Kinabukasan ay inagahan niyang muli ang pasok. Hindi pa man siya bumababa ng jeep ay malakas na ang kabog ng kanyang dibdib. Naghahalo ang pananabik at kaba sa kanya. Sabik siyang makita uli ang lalaki. Kinakabahan siya na baka niya ito masilayan sa araw na iyon.
Pagtapat niya sa parke, tumigil siya sa paglalakad, at tumingin sa gawi ng wooden bench na hinigaan nito. Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi nang makitang may lalaking nakaupo roon. Ang kanyang crush. Humugot siya ng malalim na hininga at unti-unti iyong pinakawalan. Pakiramdam kasi niya ay parang nanikip ang dibdib niya. Parang nais niyang magtatalon sa tuwa ngunit hindi niya magawa dahil tila nanlalambot ang kanyang mga binti.
Hindi nakahiga at natutulog sa pagkakataong iyon si E. Altamirano. Nakaupo lamang ang lalaki at abalang nagbabasa sa isang napakakapal na hardbound book. Bahagyang nagsasalubong ang mga kilay nito, seryosong-seryoso marahil sa binabasa.
Si Kate naman ay nanatili sa kinatatayuan, walang kagalaw-galaw. Hindi niya maiwalay ang mga mata sa lalaki. Nang simulan nitong isara ang makapal na libro ay saka lamang siya natauhan. Ibinaling niya sa ibang direksiyon ang paningin. Sinimulan niya ang paghakbang palayo. Halos wala sa loob na napatingin siya sa kanyang relong-pambisig. Napasinghap siya nang matantong late na siya. Kaagad siyang kumaripas ng takbo. Nagmamadali man, hindi napagkit sa kanyang mukha ang magandang ngiti. Nanatili iyon doon buong hapon.
Sa loob ng dalawang buwan, araw-araw na inaabangan ni Kate si E. Altamirano sa parke tuwing umaga. May mga pagkakataon na wala ang lalaki siyempre. Iniisip na lang niya na day off nito o masyado itong abala sa ospital. Minsan ay natutulog ang lalaki sa bench. Minsan naman ay nagbabasa, minsan ay naroon lang, nakaupo, nakatitig sa kawalan habang may nakasalpak na earphone sa magkabilang tainga. Basta tuwing umaga ay tumatambay ang lalaki sa parke, sa isang partikular na bench.
Sa loob ng dalawang buwan, naging napakaganda ng bawat araw ni Kate. Palagi siyang masaya at maganda ang disposisyon. Tumaas ang mga grade niya sa eskuwela dahil araw-araw siyang inspired.
Sa paglipas ng mga araw ay ramdam ni Kate ang mas pagsidhi at paglalim ng kanyang nadarama. Sa palagay nga niya ay hindi na iyon simpleng crush, infatuation na. Kinakantiyawan siya ng ilang kaibigan sa eskuwela dahil hindi naman siya kilala ng crush niya. Ni hindi niya alam kung ano ang pangalan nito, tanging unang letra at apelyido. Hindi naman niya alintana na hindi siya nito nakikita, na hindi pa rin niya alam ang pangalan nito.
Matibay ang paniniwala ni Kate na darating ang takdang panahon para sa kanilang dalawa. Magkakaharap din sila at makikita siya nito. Matibay din ang paniniwala niya na sila ang nakalaan para sa isa’t-isa. Si E. Altamirano ang kanyang destiny, ang kanyang dream man.
Naririnig ni Kate ang ugong ng sirena mula sa ambulansiya habang naglalakad siya palapit. Karaniwan na ang tunog dahil may malapit na ospital. Tumingin siya sa parte ng parke na karaniwang tinatambayan ni E. Altamirano. Nanlaylay ang balikat niya nang makitang walang tao roon. Ngunit hindi niya hinayaan na lubusang malukob ng dismaya ang kanyang buong pagkatao. Naisip niya na masyado pa namang maaga, baka mayamaya lang ay dumating ang lalaking buong puso niyang hinahangaan. Mananatili siya roon, maghihintay.
Tila lumalakas ang ugong ng sirena at tila palapit sa kanya ang tunog, ngunit hindi niya iyon gaanong pinaglaanan ng pansin. Naisip ni Kate na nasa malapit siya sa ospital, natural lang ang mga ganoong uri ng tunog. Hindi nakakaalarma. Itinuon niya ang paningin sa wooden bench, nakangiting naghihintay.
“Move!”
Biglang napalingon si Kate sa pinanggalingan ng tinig. Namilog ang kanyang mga mata nang makita si E. Altamirano na prantikong palapit sa kanya. Nanlalaki ang mga mata nito, bakas ang hindik sa ekspresyon ng mukha. Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong malaman kung bakit ganoon na lang ang reaksiyon nito, dahil palakas na nang palakas ang ugong ng sirena. Napalingon siya sa gawi niyon. Lalong nanlaki ang kanyang mga mata nang matantong palapit sa kanya ang ambulansiya. Rumaragasa, tila hindi makontrol ng sinumang may hawak ng manibela.
Masasagasaan si Kate. Sasalpok sa kanya ang ambulansiya. Mamamatay siya. Iyon ang kasalukuyang tumatakbo sa kanyang isipan.
Nilukob ang buo niyang pagkatao ng hindi mapantayan at hindi maipaliwanag na takot. May munting tinig sa utak niya na nagsasabing igalaw niya ang kanyang binti, umalis sa kinatatayuan, ngunit hindi niya magawa. Para siyang paralisado, hindi makagalaw kahit na utusan niya ang kanyang mga kalamnan.
Parang naging slow motion ang lahat. Nabasa niya minsan na kapag nasa bingit ka ng kamatayan, magpa-flash sa harapan mo ang buong buhay mo. Tila totoo ang bagay na iyon. Sa loob ng ilang sandali ay nakita niya ang naging buhay niya kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan.
Kapagkuwan ay tila nag-fast forward ang mga pangyayari. Sa sobrang bilis ay halos wala siyang namalayan. May malakas na puwersang tumulak sa kanya—puwersang hindi niya alam kung saan nanggaling. Pakiramdam niya ay sandali siyang nasuspendi sa hangin bago lumagapak sa konkretong semento. Nakarinig siya ng nakakatakot na tunog ng pagsalpok pagkatapos. Nakakangilo. Nakakatakot.
Nagmulat ng mga mata si Kate. Hindi kaagad rumehistro sa isipan niya ang naganap. Wala siyang marinig na ingay. Tahimik na tahimik ang buong paligid. Kapagkuwan ay unti-unti niyang sinubukang bumangon. Ang unang tumambad sa kanya ay ang pulang sapatos na suot ng nakahandusay na lalaki—isang duguang lalaki. Patuloy ang pagtagas ng dugo mula sa katawan nito.
Ilang sandali muna ang lumipas bago tumimo sa isipan ni Kate na si E. Altamirano ang kanyang nakikita. Napansin din niya na hindi tumataas-baba ang dibdib nito. Hindi na humihinga si E. Altamirano.