HINDI maampat ang mga luha ni Kate habang nakatingin sa mga ikinakasal. Pinaghalong saya at lungkot ang dahilan ng mga luhang iyon. Pigil-pigil ang sariling mapahagulhol, panay ang punas niya ng tissue sa kanyang mga mata. Wala siyang gaanong pakialam kahit na masira ang makeup na inilagay sa kanya kanina. Hindi niya mapigilan ang pagragasa ng damdamin kahit na paano niya pagsabihan ang sarili.
“Ate, tahan na po,” anang bunsong kapatid niyang si Karol na katabi niya sa upuan. “Nakakahiya na. Pinagtitinginan na po kayo ng mga tao.”
“Kung kaya kong tumahan, kanina ko pa ginawa,” tugon niya sa munting tinig habang patuloy sa pagbukal ang kanyang mga luha. “Gusto ko bang maging kahiya-hiya? `Palagay mo?”
Bihira siyang umiyak. Marami ang nagsasabi na isa siyang matatag na babae. Mabibilang lamang sa daliri ang mga pagkakataon na hinayaan niya ang sariling umiyak. Ngunit kapag nagsimula na ang pagpatak ng mga luha ay mahirap na iyong patigilan. Para iyong nakabukas na gripo. Tila may sariling isip ang kanyang mga mata. Oras ang itinatagal ng pag-iyak niya.
Hindi naman niya inakala na aakto siya nang ganoon sa espesyal na araw na iyon. Alam niyang magiging emosyonal siya ngunit hindi naman niya inakala na iiyak siya nang ganoon sa pagsisimula pa lang ng seremonya.
Bakit ba ako naiiyak? Okay na ako, hindi ba? Hindi na masama ang loob ko. Tanggap ko na. Isa pa, wala naman na akong magagawa pa. Wala na. Kahit na umiyak pa ako ng isang balde o isang ilog ay wala nang mga magiging pagbabago.
Hindi iyon nakatulong. Mas bumalong pa nga ang kanyang mga luha. Naglabas pa ng tissue si Karol at inabot sa kanya na malugod niyang tinanggap. “Masaya lang ako, be,” aniya matapos suminga. “Masayang-masaya lang ako para sa Ate Kristine mo.”
Tinuyo ni Kate ang mga mata upang malinaw na makita ang nakababatang kapatid na si Kristine. Ikinakasal ito sa lalaking pinakamamahal nito. Masyado pang bata ang kapatid upang ikasal sa kanyang pamantayan—beinte-kuwatro lamang si Kristine—ngunit wala na siyang magagawa. May laman na ang tiyan ng kanyang kapatid.
Pinagmasdan din ni Kate ang lalaking pinakakasalan ni Kristine, si Andre Lastimosa. Guwapo ang lalaki. Limang taon ang tanda nito kay Kristine ngunit hindi gaanong mahahalata dahil sa pagkakaroon ng baby face. Tisoy ang lalaki at may maamong mukha. Mabait ang mga mata nito. Hindi lamang sa hitsura mabait si Andre, mabait din talaga ang magiging bayaw. Noong una ay hindi sila nagkasundo dahil hindi niya hinayaan ang sarili na makita ang kabutihan ng kalooban nito, ngunit hindi rin naman nagtagal ay natanggap na niya. Inamin din niya sa kanyang sarili na mapapabuti ang kanyang kapatid sa isang lalaking katulad nito. Perpekto si Andre para kay Kristine.
Inilibot ni Kate ang paningin sa buong paligid. Napakaganda ng pagkakaayos ng malaking simbahan. Napakaraming mga sariwang bulaklak. Napakaperpekto at napakaelegante. Labis siyang natutuwa na perpekto ang lahat ng bawat detalye sa kasal ng kapatid. Pinakaperpekto para kay Kate ang wedding gown ni Kristine. Hindi mahahalata na tatlong buwan na ang nasa tiyan nito. Dapat lang naman dahil likha iyon ng isang tanyag na designer sa bansa. Nang sabihin sa kanya ni Kristine ang presyo ng gown ay kamuntikan na siyang himatayin. Munting kayamanan na iyong maituturing sa mga katulad nila.
Galing sa isang mayaman at prominenteng pamilya si Andre. Isang doktor ang bayaw sa isang malaking pribadong ospital, ang Healing Hearts Medical Center. Nagkakilala sina Kristine at Andre sa ospital. Isang nurse si Kristine.
Isang bagay na inayawan ni Kate noong una ay ang estado sa buhay ni Andre. Nag-alala siya sa magiging kalagayan ng kapatid. Kahit naman lagi siyang abala ay madalas pa rin siyang nakakapanood ng teleserye. Naging OA marahil siya sa pag-iisip noong una, ngunit may posibilidad naman talaga na kawawain si Kristine ng pamilya ni Andre.
Ngunit mali ang naging akala ni Kate. Napakabait ng mga magulang at pamilya ni Andre. Galing din sa hirap ang ama nito at nagsumikap maging doktor kaya gumanda ang buhay at estado sa buhay. Hindi matapobre ang pamilya. Madaling makasundo ang mga magulang ni Andre. Madaling tinanggap ng mga ito si Kristine. Alagang-alaga ang kapatid niya hindi pa man kasal ang dalawa. Sadyang napakapalad ni Kristine.
Kaagad sinupil ni Kate ang inggit na papasibol pa lamang sa kanyang puso. Magiging masaya lang siya para sa kanyang kapatid sa espesyal na araw na ito. Hindi niya hahayaan ang sarili na makaramdam ng kahit na anong negatibo. Hindi siya magpapadaig sa mga hindi magagandang kaisipan. Mahal niya si Kristine kaya magiging masaya siya sa kaligayahan nito. Nasisiguro na niyang mapapabuti ang kanyang kapatid.
“You may now kiss the bride.”
Muli siyang napatingin sa mga ikinakasal. Parang eksena sa ending ng isang teleserye ang tagpo sa kanyang harapan. Napakaganda. Napakaperpekto. Naglandas na naman ang mga luha sa kanyang mga pisngi. Pasinghot-singhot na pinunasan niya ang mga iyon at saka pumalakpak.
“Natapos din,” ang napapabuntong-hiningang sabi ni Karol na umabot pa rin sa kanyang pandinig sa kabila ng ingay ng palakpakan. “Tatahan ka na siguro, Ate.”
Inismiran niya ang bunsong kapatid. “Magtigil ka. Masaya lang naman kasi ako, eh. Masama ba iyon?”
“Halos bahain na tayo rito, Ate.”
“Sa kasal mo, talagang babaha sa simbahan.”
Inirapan siya ni Karol. “Matagal pa mangyayari iyon.”
“Paano ka nakakasiguro? Ganyan din ang sinabi ng Ate Kristine mo sa akin at tingnan mo kinahantungan niya. Buntis.”
Disi-siyete pa lamang si Karol at nasa unang taon ng kolehiyo. Mechanical Engineering ang kinukuha nitong kurso. Panlalaking kurso ngunit iyon talaga ang nais nito, ang talagang hilig nito. Hinayaan na ni Kate kahit na alam niyang mahihirapan siya sa pagpapaaral dahil palaging in-demand daw ang mga mechanical engineer. Maraming maaaring maging trabaho. Maraming maaaring puntahan. Ang nais lang talaga niya sa buhay ay mapabuti ang mga kapatid niya. Iyon ang ipinangako niya sa kanilang mga magulang.
“Ate, huwag mo naman po akong itulad kay Ate Kristine,” ang nakasimangot na sabi ni Karol, bakas sa tinig nito ang hinampo.
Napangiti na sa wakas si Kate. “Totoo ba ang sinasabi ng ilan na tibo ka?” panunudyo niya.
“Oo, Ate. Kaya wala kang dahilan para mag-alala.”
Banayad na natawa si Kate. Alam niya na hindi nagsasabi ng totoo ang kapatid. Kilala niya si Karol. Anim na taong gulang ang kapatid nang sabay na mawala ang kanilang mga magulang. Siya na ang naging ina nito mula noon. Siya ang nag-alaga at nagpalaki sa mga kapatid niya. Medyo haragan kung kumilos si Karol ngunit hindi tibo ang kapatid. Maluluwang na T-shirt ang palagi nitong suot at mahilig sa baseball cap. Mahusay ito sa basketball. Kaya nitong makipagsuntukan sa isang lalaki. Ngunit alam niya na babaeng-babae ang kapatid.
Siguro ay nais ni Karol protektahan ang kanilang pamilya at dahil walang lalaki sa kanila, naisip nitong magpakalalaki. Kung aakto itong matigas at maton, pakiramdam nito ay kaya nitong protektahan ang kanilang pamilya. Pakiramdam marahil nito ay nagkakaroon sila ng lalaki na magtatanggol sa kanila. Isang lalaki na hindi lang sila poprotektahan kundi mag-aaruga rin at papasan ng lahat ng bigat na dalahin niya. Alam ni Kate dahil ganoon din ang pakiramdam niya.
Alam niyang babae pa rin si Karol dahil hindi nito ipinapaputol ang mahabang buhok. May mga kaartehan din ito sa katawan. Napatunayan niyang babaeng-babae ang kapatid nang malaman niya ang pagkakaroon nito ng crush sa isa nitong tropa. Natakot noon si Kate ngunit kaagad ding nauwi sa pagkaaliw ang takot na iyon. Sinubukan kasing itanggi ni Karol ang katotohanan kahit na sa sarili nito. Hindi nito matanggap na nagkakagusto ito sa isang lalaki. Tila crush lang naman talaga ang naramdaman nito dahil pagka-graduate nito sa high school ay napayapa na ang pakiramdam nito. Tinanggap na nito marahil na babae itong talaga. Hindi niya alam kung ano na ang nangyari sa crush nito. Napagpasyahan niyang huwag nang gaanong mag-alala tungkol kay Karol at sa pagkakaroon nito ng crush. Normal namang pinagdadaanan iyon ng bawat kabataan. Maging siya ay nagkaroon ng crush noong disi-siyete siya. Ang crush na ayaw niyang alalahanin hanggang sa maaari.
Inakbayan ni Kate si Karol at banayad na hinaplos-haplos ang balikat nito. “Walang ginawang masama ang Ate Kristine mo. Nagmahal lang siya.”
Sandaling natahimik si Karol. Kapwa sila nakatingin sa bagong kasal na napapaligiran ng mga taong nais bumati. Nanatili silang magkapatid sa kinaroroonan at hinihintay na kumunti ang tao bago sila lumapit at bumati.
“Nasaktan ka,” ani Karol sa munting tinig.
“At hindi naman niya sinasadyang saktan ako. Isa pa, mas ako ang may kasalanan kung bakit ako nasaktan. Masaya na ang ate mo at dapat tayong maging masaya para sa kanya.”
“Masaya ako para sa kanya. Magkakaroon na tayo ng pamangkin.”
Mas lumapad at mas tumamis ang ngiti ni Kate. “Tama. Napakaraming dahilan upang maging masaya.”
Lumapit na silang magkapatid kina Kristine at Andre. Hindi na nila kailangang sumingit dahil nang mamataan sila ni Kristine ay kaagad itong lumapit at naluluhang yumakap sa kanya.
“Maraming salamat, Ate. Maraming maraming salamat sa lahat,” anito sa gumagaralgal na tinig habang pahigpit nang pahigpit ang mga braso nitong nakayakap sa kanya.
Muling bumalong ang luha sa mga mata ni Kate. Sinikap niyang ngumiti sa kabila niyon. Banayad niyang hinagod ang likuran ni Kristine. “Walang anuman.” Siniguro niyang batid ni Kristine na ganap na niyang naiintindihan ang lahat. Ganap na niyang tanggap ang sitwasyon. Naging makasarili siya ngunit mas nakakapag-isip na siya ngayon. Anuman ang naramdaman niya nang hindi umayon sa kanyang kagustuhan ang mga nangyari, nakalipas na iyon.
Magbibigay siya nang walang hinihinging kapalit. Hindi siya aasa ng anumang kabayaran sa lahat ng nagawa niya. Mahal na mahal niya ang kanyang mga kapatid at gagawin niya ang lahat upang maging masaya at mapabuti ang mga ito.
Nang kumalas sa kanya si Kristine ay si Andre naman ang yumakap sa kanya at nagpasalamat. Hindi niya hinagod ang likuran ng bayaw, tinapik-tapik niya iyon. Hindi nito napigilan ang mapaigik dahil nilagyan talaga niya ng puwersa ang bawat tapik.
“Naalala mo ang usapan natin?” tanong niya pagkalas nito sa kanya.
Tumango si Andre. “Hindi ko sasaktan si Kristine, Kate.” Kung tutuusin ay halos magkasing-edad lamang sila. Ilang buwan lang itong mas matanda sa kanya. “Hindi ko siya sasaktan sa pisikal o emosyunal na paraan. Magiging mabuti at tapat akong asawa. Ibibigay ko ang lahat ng makakapagpaligaya sa kanya.”
“Dahil kung hindi...?”
“Dahan-dahan mo `kong babalatan nang buhay,” ang nakangiti nitong tugon. Magaan ang pagkakasabi ni Andre ngunit may kaseryosohan sa mga mata nito na ikinasiya ni Kate. Ayaw niyang gawing biro ang naging usapan nila. Babalatan niya talaga ito nang buhay kung hindi nito tatratuhin nang maayos ang kanyang kapatid.
Banayad niyang nginitian ang mag-asawa. “Maging masaya kayo sa piling ng isa’t isa.”