“MAYAMAYA ay aalis na tayo. Bulungan mo ang Ate Kristine mo na ipagbalot na tayo ng mga pagkain,” pabulong na sabi ni Kate kay Karol.
Nababaghang tiningnan siya ni Karol. “Ate! Balot? Nakakahiya!”
“Anong nakakahiya? Kapatid natin ang ikinasal, may karapatan tayong magbalot. Nang madami.” Nginitian niya ang ilang mga kasama sa mesa. Hindi sila naririnig ng mga ito dahil magkadikit na magkadikit ang ulo nila ni Karol at mahinang-mahina ang kanilang tinig.
Nasa reception na sila. Ginanap iyon sa isang malaking events place. Napakarami ring bulaklak doon at ayaw na niyang isipin kung magkano ang ginastos sa mga bulaklak pa lamang. Nasa tatlong daan ang mga bisita. Napakarami kasing kaibigan ng pamilya ni Andre. Naimbitahan din ang lahat ng mga kaibigan at kaklase ni Kristine. Naroon din ang ilang malalapit na kapitbahay nila. Kahapon ay nagpapancit at nagpaputo na siya sa munti nilang tahanan para sa mga taong hindi makakadalo ngayong araw.
“Wala kang karapatang magbalot dahil hindi ka naman gumasta sa kasalang ito,” saad ni Karol.
“Dapat lang na mas ang lalaki ang gumasta sa kasal, ano? At, hoy, may parte ako sa handa. Akin ang mga puto flan.” Dahil puto flan ang halos ipinambuhay niya sa dalawang kapatid, hindi maaaring wala niyon sa reception. Walang nagreklamo nang sabihin niyang siya ang gagawa ng panghimagas. Kahit pa marahil may magreklamo ay magbibigay pa rin siya ng puto flan para sa reception. Maigi na lang at gustong-gusto ng mga biyenan ni Kristine ang puto flan niya. Walang naging problema.
“Babawiin mo ang ginastos mo sa puto flan, gan’on?”
Kinurot ni Kate sa tagiliran si Karol. “Masarap iyong roast beef. Hindi pa kaagad masisira. Puwede mong baunin sa eskuwela bukas. Sige na, sabihin mo na sa ate mo.”
“Bakit hindi na lang po ikaw ang magsabi? Kayo naman po ang may gusto. Nakakahiya kaya.”
“Sige na, sige na. Ako na ang magsasabi kung talagang nahihiya ka. Tumayo ka na riyan.” Napapailing na inalis ni Kate ang napkin sa kanyang kandungan nang lumayo na sa kanya si Karol. “Hindi ka mabubuhay nang wala ako, Karol, sinasabi ko sa `yo. Palaging hiya ang paiiralin mo.” Muli niyang nginitian ang mga kasama sa mesa. “Excuse me po.” Halos magkapanabay silang tumayo ni Karol upang hanapin ang bagong kasal.
Nagsasayaw sina Kristine at Andre sa dance floor kaya naghintay muna sila at pinanood ang mga ito. Para uling eksena sa isang romantikong pelikula. Napakaganda ni Kristine at napakakisig naman ni Andre. Nakapatong ang ulo ni Kristine sa balikat ni Andre at nakapikit ang mga mata. Panaka-nakang dinadampian ng halik ni Andre ang sentido ni Kristine. Makikita ng sinuman na labis na nagmamahalan ang bagong kasal.
Nanikip ang dibdib ni Kate sa labis na kaligayahan. Nakalimutan na niya ang planong pagpapabalot ng pagkain. Labis ang pasasalamat niya sa magandang suwerte na ipinagkaloob ng Panginoon sa kapatid niya. Hindi na kailanman mag-aalala si Kristine. Hindi na makakaramdaman ng hirap. Hindi na mararamdaman ang kasalatan sa maraming bagay. Ang pinakanakakatuwa sa lahat ay magkakaroon ng magandang buhay ang anak nito, ang pamangkin niya. Hindi mararanasan ni Kristine ang naranasan niya. Napakalaking biyaya na rin iyon kay Kate.
“Namumula na naman ang mga mata mo. Iiyak ka na naman, ano?” tudyo ni Karol.
“Maghanda ka na ng tissue,” ganti niya.
Napabuntong-hininga si Karol. “Nalulungkot pa rin ako, Ate.”
Naiintindihan ni Kate ang dahilan ng lungkot ni Karol. “Dahil tuluyan nang nagbago ang lahat? Dahil hindi na natin makakasama sa iisang bubong si Kristine?”
Tumango si Karol. “Tayong dalawa na lang. Hindi kita iiwan, Ate.”
Natawa si Kate sa kabila ng pamamasa ng mga mata. “Paano kung ako naman ang mag-asawa? Ako ang mang-iiwan sa `yo,” pagbibiro niya. Siyempre ay hinding-hindi niya gagawin ang bagay na iyon. Kahit na marami ang nagsabi sa kanya noon, kahit na minsan ay hindi sumagi sa isipan ni Kate na ipaampon si Karol. Sa edad na labing-pito noon ay pilit niyang ginampanan ang responsilidad ng ina at ama sa dalawa niyang kapatid. Kung sakali mang may dumating na iibigin niya, kailangan nitong tanggapin ang kapatid niya. Kailangan nitong maintindihan na kailangan niyang mapagtapos sa pag-aaral si Karol.
Lumabi si Karol. “Magpapakasal. Wala ka ngang boyfriend, eh. Wala kang manliligaw. Wala kang crush. Walang nagkaka-crush. Wala.”
“Malay mo naman. Ang ganda ko kaya.”
Imbes na matawa sa biro ni Kate ay natahimik si Karol. “Sabagay. Sana nga may dumating na para pasayahin ka, Ate. Deserve mo `yon. Dapat ikaw ang naunang magpakasal,” anito sa seryosong tinig.
“Hindi maaaring maghintay si Kristine. Lalaki na masyado ang tiyan niya.”
May mga pagkakataon na naiisip ni Kate kung kailan titibok ang kanyang puso. Minsan lang siya umibig. Sa palagay niya ay pag-ibig na iyon ngunit baka iba ang pananaw ng iba dahil bata pa siya nang mangyari iyon. Marami ang nagsasabi na maganda naman si Kate, hindi lang palaayos. May mga pagkakataon na tila nais niyang maranasan kung paano ang umibig, kung paano magmahal ng isang lalaki. Minsan ay inilalarawan niya sa kanyang isipan na may naglalambing sa kanya—iyong paglalambing na malayong-malayo sa ibinibigay sa kanya ng kanyang mga kapatid. Ano ba ang pakiramdam ng mahagkan? Mukhang masaya at nakakawala sa sarili ayon sa mga nababasa niya sa Tagalog pocketbooks na hinihiram niya sa isang kapitbahay na addict sa mga ganoong libro. Nakakawala kaya ng pagod kapag may nag-text ng ‘I love you?’ Nakakagaan kaya ng pakiramdam kung may yayakap at hahalik sa kanya? Masarap daw umibig. Masarap nga ayon sa kanyang alaala ngunit mapait din.
Nais niyang maranasan iyon. Nais niyang umibig. Sino ba namang babae ang hindi? Kaya nga mabenta ang pocketbooks at romantikong pelikula. Lahat ng tao ay nais gumanda ang pakiramdam. Nais ng lahat na magkaroon ng mamahalin at magmamahal.
Ngunit madalas na natatabunan ang kagustuhan niyang iyon ng mga mas importanteng bagay. Sa tuwing tinatanong si Kate kung bakit wala pa siyang nobyo, palagi niyang sinasabi na wala siyang panahon upang magkaroon ng buhay pag-ibig. Hindi pa dumarating ang para sa kanya. Totoo rin marahil ang mga palusot na iyon. Masyado siyang abala upang pagtuunan ng pansin ang ibang mga bagay. Ngunit naisip din ni Kate, kahit ba mayroon siyang panahon sa pagkakaroon ng lovelife, may lalaki bang mag-aabalang maglaan ng panahon sa kanya?
At aaminin niyang minsan ay natutukso siyang hilingin sa Panginoon na bigyan siya ng mayamang lalaki na aako sa lahat ng responsibilidad niya. Isang lalaki na mamahalin siya nang buong-buo at mamahalin din niya sa kaparehong paraan. Iyong mga madalas na nangyayari sa mga teleserye. Ngunit sa tuwina ay ikinakatakot niya na baka ibigay sa kanya ang kanyang hiling. Hindi niya gaanong maipaliwanag kung bakit, ngunit natatakot siyang talaga sa mga magiging pagbabago sa buhay niya kung saka-sakali.
Napailing-iling na lang si Kate. “Mukhang mauunahan mo pa si Ate na magpakasal, Karol.” May mga tao sigurong nakatadhana upang mag-isa. Nakakatakot isipin ngunit wala naman na siyang magagawa kung iyon ang buhay na laan para sa kanya. Kampante naman siya na hindi siya pababayaan ng mga kapatid niya.
“Hindi nga kita iiwan, Ate. Promise ko sa `yo, mag-aaral akong maigi. Makakatapos ako at makakahanap ng magandang trabaho. `Tapos magbubuhay donya ka na. Ipapagawan kita ng malaking bahay. Hihilata ka na lang buong araw. Wala kang ibang gagawin kundi ang magpasarap.”
Lalong lumawak ang ngiti sa mga labi ni Kate. “Ang sarap pakinggan, be. Sige, push mo `yan,” tugon niya sa magaang tinig.
Bahagyang nalukot ang mukha ng kapatid. “Seryoso ako. Tutuparin ko ang lahat ng ipinangako ko sa `yo.” Tumingin si Karol sa bagong kasal na nasa dance floor pa rin. “Ibibigay ko sa `yo ang hindi naibigay ni Ate Kristine.”
“Karol...” Banayad ang kanyang tinig ngunit nananaway. Hindi tuloy niya napigilang maalala ang ilang mga pangakong binitiwan sa kanya ni Kristine.
“Mag-aaral akong maigi, Ate. Huwag kang mag-alala dahil hindi ako matutulad sa iba na maagang nagbuntis at nag-asawa. Magiging nurse ako, Ate. Magkakaroon ng magandang trabaho sa abroad. Sa Amerika. O kaya sa Europe. Dadalhin kita roon. Makakakita ka na ng snow. Darating ang araw, Ate, na hindi ka na gaanong mahihirapan. Wala kang ibang gagawin sa buong araw kundi ang magpahinga dahil ako na ang magpapatapos kay Karol.”
Nginitian siya ni Karol, puno ng determinasyon ang mga mata. “Basta, maniwala ka lang sa akin. Kaya ko, Ate.”
“Alam ko naman na kaya mo. Magiging engineer ka, naniniwala ako. Pero gawin mo para sa sarili mo. Wala naman akong ibang hinangad kundi ang mapabuti kayo ni Kristine. At tinupad naman ni Ate Kristine mo ang lahat ng ipinangako niya sa akin, Karol. Nag-aral siyang mabuti at naging nurse siya.” Hindi matatawaran ang ligayang nadama niya nang mapagtapos niya si Kristine sa kursong Nursing. Kaagad kumuha ng Nursing Licensure Exam ang kanyang kapatid at pinalad naman. Kaagad itong naghanap ng trabaho. Nakahanap naman ngunit isa lamang volunteer at walang suweldo.
Ganoon daw talaga sa simula. Lahat ng nurse ay pinagdadaanan iyon kaya pinagtiyagaan ni Kristine ang volunteer job sa loob ng walong buwan. Nang makakuha ng certificate ay sinubukan ng kapatid na mag-apply sa isang pribadong ospital. Maraming kinailangang requirements at training ngunit pinagpursigehan nitong makapasok. Tinustusan ni Kate ang ilang trainings na kailangan nito. Sadya yatang ipinanganak na mapalad si Kristine dahil natanggap ito. Maliit muna ang suweldo—allowance lamang ang tawag—ngunit mas maigi na kaysa naman sa talagang wala. Pagkatapos naman daw ng tatlong buwan ay mai-evaluate ang performance nito at kung pumasa ay magiging isa ng staff nurse. Nakilala ni Kristine si Andre at napalapit ang kapatid niya sa doktor.
Naging staff nurse si Kristine. Tumaas na ang suweldo nito. Natuwa nang labis si Kate dahil nagbubunga na ang paghihirap ng kapatid. Ngunit hindi pa man natatagalan ang promotion nito ay napansin na niyang may kakaiba. Palaging matamlay si Kristine at balisa. Madalas din niya itong mahuli na nakatingin sa kawalan at tila lumilipad ang isipan. Sa tuwing tinatanong naman niya ay palagi nitong sinasabing walang problema. Nag-aalala man, hindi na gaanong pinilit ni Kate si Kristine na magsabi sa kanya. Naisip niya na baka nais ng kapatid na ayusin ang lahat sa sarili nitong paraan kaya hinayaan na lamang niya.
Ngunit hindi maipaliwanag ang nadama ni Kate nang isang umaga ay nakita niyang nagsusuka sa lababo si Kristine. Ang lakas ng sasal ng kanyang dibdib. Kaagad nabuo ang isang hinala sa kanyang isipan. Naisip niya noon na sana ay mali siya, na sana ay masyado lang siyang nanonood ng mga teleserye at nagbabasa ng mga pocketbook. Maaaring may nakain lang si Kristine na hindi kasundo ng tiyan nito. Bakit agad niyang iisipin na buntis ang kapatid samantalang wala namang ipinapakilalang nobyo sa kanya?
Sa kasamaang-palad, tama ang naging hinala ni Kate. Kaagad umamin si Kristine sa kanya. Hanggang sa kasalukuyan ay malinaw pa rin sa kanyang isipan ang hitsura ng kapatid nang sabihin nito ang pagbubuntis. Takot na takot si Kristine at kaagad na napahagulhol.
Natulala sa loob ng mahabang sandali si Kate. Hindi niya kaagad maitimo sa kanyang isipan ang ginawang pag-amin ng kapatid. Hindi niya mapaniwalaan. Hindi niya matanggap. Nang magawa niyang maigalaw ang mga paa ay tinalikuran niya si Kristine na patuloy sa paghagulhol. Hindi niya ito inalo. Nagkulong siya sa kanyang silid. Hindi siya lumabas hanggang sa kinailangan na niyang gumawa ng puto flan.
Nakaabang na si Kristine sa labas ng kanyang silid. “Ate, I’m sorry. Hindi ko sinadya. Patawarin mo `ko,” ang sumasamo nitong sabi sa kanya habang naglalandas ang mga luha sa mga pisngi nito.
Hindi pinansin ni Kate si Kristine, nagtuloy-tuloy siya sa kusina, at ginawa ang kailangan niyang gawin. Halos dalawang linggo niyang hindi kinibo si Kristine. Dalawang linggo siyang wala sa sarili. Dalawang linggo ang kinailangan upang mapayapa niya ang sari-saring emosyon na sinubukan niyang ikulong sa kanyang kalooban.
Ang totoo ay hahaba pa sana iyon kung walang tumawag sa kanya upang ipaalam na nasa ospital ang kapatid. Dinugo si Kristine dahil sa stress. Maigi na lang at nasa duty ito kaya kaagad na nabigyan ng lunas. Ligtas ang nasa sinapupunan nito. Lahat ng naramdaman ni Kate, lalo na ang pagiging makasarili niya, ay pinalis niya at sinugpo. Tinulungan at sinuportahan na lang niya ang kapatid.
Dahil sa insidente, nalaman ni Andre ang pagbubuntis ni Kristine. Hindi pala talaga sinabi ng kanyang kapatid sa lalaki ang totoong kalagayan dahil inakala nitong may ibang karelasyon si Andre. Parang eksena uli sa mga teleserye nang magkaaminan ang dalawa. May isang babae sa buhay ni Andre na epal. Ginulo nito ang kanyang kapatid at sinabihan ng kung ano-ano. Kesyo hindi raw nababagay ang isang katulad ni Kristine sa isang katulad ni Andre. Kesyo masyadong ambisyosa ang kanyang kapatid. Si Kristine naman na may kagagahan minsan ay nagpapaniwala. Nang makita niya ang babaeng epal sa ospital upang makita si Andre ay kaagad niya itong sinugod at pinagsasabunutan. Hindi niya pinalaki at pinaaral ang mga kapatid upang laitin lang ng kung sinong maarteng babae.
Kung hindi siya pinigilan ng guard ay malamang na mas nasaktan niya ang babae. Sa totoo lang ay naibaling niya pati ang galit niya sa sarili sa babae. Nagagalit siya sa kanyang sarili dahil alam niya na kasama siya sa mga dahilan kung bakit na-stress ang buntis niyang kapatid. Kamuntikan na itong makunan dahil nagmatigas siya, dahil naging makasarili siya. Nakalimutan niya ang sagradong pangako na binitiwan niya sa mga magulang nila.
“Huwag kang magtatampo sa Ate Kristine mo,” sabi ni Kate kay Karol. “Kaya nating dalawa. Kinaya ko noon, mas kakayanin ko ngayon.”
Tumango si Karol. “Siyempre kakayanin nating dalawa.”
Natapos na sa pagsayaw ang bagong kasal. Kaagad silang lumapit sa mga ito. Kaagad silang nginitian ng mag-asawa pagkakita sa kanila.
“Kumain na kayo?” tanong ni Kristine.
“Oo, nagpakabusog na kami ng sobra para hanggang bukas na,” aniya sa nagbibirong tinig. “Mauuna na sana kami, Kristine, Andre,” pamamaalam niya kapagdaka.
“Ha? Kaagad?” Kaagad bumalatay ang dismaya at lungkot sa mukha ni Kristine.
“Maaga ang pasok ni Karol at ihahanda ko pa ang mga kailangan ko para sa pagrarasyon ko bukas,” ang kanyang tugon.
“Sandali, magpapahanda ako ng mga pagkain na maaari ninyong iuwi,” ani Andre.
Napangiti nang malawak si Kate. “Nakapuntos ka na naman sa akin, bayaw,” aniya na ikinatawa ni Andre. “Ayoko na sanang mag-abala ka pero padamihan mo na n’ong roast beef kung hindi gaanong nakakahiya. Masarap, eh. Saka padamihan mo rin ng gravy, kahit na iyon lang. Puwede nang pang-ulam sa kanin sa sarap.”
Siniko siya ni Karol. “Ate!” pananaway nito.
Natatawang nagpaalam sa kanila si Andre upang maipahanda na nito ang mga pagkaing iuuwi nila.
“Hindi ba puwedeng sa bahay na lang kayo matulog?” ani Kristine na matamlay pa rin ang mukha at tinig.
Muling natawa si Kate. “Ano ka ba naman? Bagong kasal kayo ni Andre. Kailangan ninyo ng pribadong panahon at lugar. Hindi mo naman mami-miss ang bahay natin, ang laki-laki ng bagong bahay mo.”
Isa pang bagay na ikinatutuwa ni Kate ay ang pagkakaroon ng sariling bahay ni Andre. Dalawang palapag iyon na may apat na malalaking silid bukod sa master’s bedroom. Hindi iyon kasinglaki ng mansiyon ng mga magulang ng bayaw ngunit malaki pa rin sa pamantayan ng isang ordinaryong mamamayan. Nasa loob iyon ng isang respetado at guwardiyadong subdivision. Ang nakakatuwa, sariling pundar ni Andre ang bahay at hindi lang basta ibinigay ng mga magulang nito. Bukod sa pagiging doktor, may share pa raw si Andre sa ilang diagnostic centers na nakakalat sa buong bansa kaya malaki ang kinikita nito. Ipinagawa nito ang bahay para talaga sa mapapangasawa nito.
Hindi na kailangang mag-alala ni Kate na baka mahirapan si Kristine sa pakikisama sa mga biyenan nito. Kahit pa marahil wala pang pundar na bahay si Andre ay hindi niya kailangang mag-alala dahil napakababait ng mga “balae” niya. Tatratuhin ng mga ito nang tama si Kristine. Nakita kaagad niya na kinagiliwan ng mag-asawang Lastimosa ang kanyang kapatid. Nakita niyang totoo ang pagkagiliw na iyon at hindi lang kunwari.
“Dito nga muna tayo habang hinihintay si Andre,” ani Kristine sabay hawak sa kamay nila ni Karol. Hinila sila nito sa isang pribadong silid na ginagamit nito upang mag-ayos. Nagpadala na lang si Kristine ng mensahe kay Andre upang malaman ng asawa kung saan sila pupuntahan mamaya.
Pagkasara ng pintuan ay niyakap sila ni Kristine. Bahagyang yumugyog ang mga balikat nito.
“Umiiyak ka ba?” nagtatakang tanong niya.
“Tears of joy na naman?” ani Karol. Kahit na hindi niya nakikita sa kasalukuyan ang bunsong kapatid, nasisiguro niyang itinirik nito ang mga mata.
“Mahal na mahal ko kayo,” sabi ni Kristine sa basag na tinig. “Pagbigyan na ninyo ako at kasal ko naman ngayon.”
Pareho sila ni Karol na natatawang gumanti sa yakap nito. “Mahal na mahal ka rin namin,” bulong ni Kate sa tainga ng nakababatang kapatid.