3

2086 Words
HINDI NA kailangan ni Kate ng alarm clock, kusa nang nagising ang kanyang diwa pagsapit ng alas-tres ng madaling araw. Umusal siya ng maikling panalangin bago siya bumangon sa kama at nag-inat. Pagkasuot niya ng gomang tsinelas ay inabot niya ang tuwalyang nakasabit sa pintuan ng kanyang munting silid. Naghihikab na binuksan niya ang pinto at lumabas.  Tahimik na tahimik ang buong paligid. Kahit na madilim at hindi siya magsindi ng ilaw ay kabisado niya ang mga pupuntahan sa maliit na bahay. Dumeretso siya sa banyo. Pasipol-sipol na binuksan niya ang ilaw at naupo sa inidoro. Napapapikit na kinikilig siyang umihi. Nang gumaan ang kanyang pantog ay humarap siya sa salamin sa tapat ng munting lababo na nasa kabilang panig ng inidoro. “Magandang umaga, Kate,” nakangiti niyang pagbati sa sarili bago inabot ang toothbrush at toothpaste na nakalagay sa maliit na estante sa tabi ng salamin. Kalahating oras ang ginugol niya sa loob ng banyo. Marami ang nagsasabi na hindi siya dapat naliligo sa madaling-araw ngunit hindi naman maaaring pagkatapos niyang magtrabaho ay saka siya maliligo. Lalo siyang mapapasma. Nasanay naman na ang katawan niya sa panliligo nang ganoong oras at wala ng kaso sa kanya. Habang nagpapakulo ng tubig para sa kanyang kape ay inihanda na ni Kate ang mga kailangan sa paggawa ng puto flan. Negosyo iyon ng nanay niya bago ito nawala. Siya ang katu-katulong nito sa paggawa niyon kaya kabisadong-kabisado niya ang recipe. Hindi sila handang magkakapatid noong sabay na nawala ang kanilang mga magulang. Lalong hindi naging handa si Kate sa lahat ng responsibilidad na naiwan sa kanya. Uuwi sana ng Cagayan de Oro ang mga magulang niya dahil namatay ang kanilang lolo. Dahil may kamahalan ang pamasahe sa eroplano, nagbarko na lang ang mag-asawa. Hindi dumating ang barko sa dapat na patutunguhan. Nagkaroon ng problema ang barko at lumubog. Kabilang ang mga magulang ni Kate sa mga hindi natagpuan. Noon, ayaw niyang sumuko sa paghihintay. Naniniwala siya na buhay ang kanyang mga magulang at hindi lamang matagpuan ang daan pabalik. Ang sabi ng rescue team ay baka kinain na ng mga isda o pating ang mga labi ng kanyang mga magulang kaya walang natagpuang bangkay. Mas nais isipin ni Kate na napadpad sa ibang isla ang mga ito, maaaring nawalan ng memorya, ngunit babalik din sa kanila. Habang naghihintay, ginampanan ni Kate ang pagiging ama at ina sa kanyang mga kapatid. Bilang panganay, palagi siyang pinagsasabihan ng mga magulang na kung wala ang mga ito ay siya ang bahala sa mga kapatid niya. Nasa kanya ang responsibilidad ng magulang. Walang maaaring mangyaring masama kina Kristine at Karol. Nangako siya na hindi niya bibiguin ang mga ito.  Hanggang ngayon ay may maliit na parte pa rin ng puso ni Kate ang umaasa. Nais pa rin niyang paniwalaan na isa sa mga araw na ito ay babalik ang kanyang mga magulang. Mas nais niyang paniwalaan na nagkaroon ng amnesia ang mga ito kaya hindi makauwi sa kanilang pamilya. Malaking parte sa kanya na tanggap na ang kamatayan ng mga ito, ngunit hinahayaan niya ang sarili na umasa paminsan-minsan dahil nakakagaan kahit na paano ng pakiramdam. Noong nabubuhay pa ang mga magulang, simple lamang ang buhay para kay Kate. Nagigising siya ng alas-sais ng umaga. Wala siyang aalalahanin kundi ang pagtulong sa kanyang ina at mga gawain sa eskuwela. May nanay siyang nag-aaruga. May tatay siyang nagtatrabaho upang maibigay ang lahat ng kailangan nilang magkakapatid. Nang maulila sila, kinailangan niyang arugain ang dalawang nakababatang kapatid habang kumikita ng pera upang maibigay ang pangangailangan ng mga ito. Mahirap ngunit natuto na si Kate na huwag magreklamo. Mas nais niyang magpasalamat na kinaya niya ang lahat. Kasabay ng pag-andar ng mixer ni Kate ang paglabas ni Karol sa silid nito. Dumeretso ang kapatid sa banyo. Akala niya ay iihi lamang ito at muling babalik din sa patulog ngunit sinamahan na siya nito sa kusina. “Ba’t maaga kang nagising?” tanong niya habang nagtitimpla si Karol ng kape. “Tulungan na kita, Ate,” tugon nito. “Hindi na kailangan. May mixer naman.” Napatingin siya sa mixer niya at bahagyang lomobo ang kanyang dibdib sa pagmamalaki. Kahit na matagal-tagal na rin niyang karamay ang mixer na iyon, hindi pa rin mawala sa kanya ang pagmamalaki. Matagal niya iyong pinag-ipunan. Matagal na pinakaasam-asam. Dati ay mano-mano ang lahat ng paghahalo sa mga sangkap ng puto flan. Dati, mas maaga pa sa alas-tres ang gising niya. Sampu ang mga canteen na regular niyang pinagbabagsakan ng kanyang puto flan sa umaga at hapon. May ilang sari-sari store sa malapit din siyang binibigyan. Sa hapon ay sa mga karinderya naman siya nagbabagsak. Noong hindi pa marami ang binabagsakan niya, halos maghapon siyang gumagala upang ilako ang kanyang puto flan. “Matulog ka na uli,” utos niya kay Karol. Hindi siya pinansin ni Karol. Sa halip na bumalik sa silid nito ay inabot nito ang brush. Tinulungan siya nitong pahiran ng margarina ang maliliit na liyanera. Tahimik silang nagkape habang nagtatrabaho. Dahil araw-araw na niyang ginagawa, mabilis at sigurado ang bawat pagkilos ni Kate. Ang totoo ay kailangan talaga niya ng kasama sa paggawa at parami na nang parami ang umu-order sa kanya, ngunit kailangan muna niyang kayaning mag-isa dahil palaki nang palaki ang gastos sa pag-aaral ni Karol. Kaya naman niya ang trabaho. Saka na siya kukuha ng makakatulong. Pagsapit ng alas-seis ay inutusan na niya si Karol na maghanda na sa pagpasok sa eskuwela. Tumalima naman ang kapatid. Pagsapit ng alas-siyete y medya ay handa na para ibagsak ang mga puto flan. On time si Danilo, ang binatilyong tricycle driver na siyang kasa-kasama niya sa pagde-deliver. Wala siyang pambili ng sariling service kaya umaarkila muna siya. Mabait naman si Danilo. Magalang at masikap kaya naman nagkakasundo silang dalawa.  Alas-diyes y medya nang makauwi si Kate sa bahay. Panay-panay na ang paghihikab niya kaya ginantipalaan niya ang sarili ng isang oras na tulog. Masama raw pinagkakaitan ang sarili. Nagbukas lang siya ng sardinas bilang ulam sa tanghalian. Tinatamad na siyang magluto. Pagkakain ay inumpisahan na uli niya ang panibagong batch ng puto flan. Alas-dos nang balikan siya ni Danilo sa bahay at tulungan sa pagde-deliver. Dahil sa palengke ang huling stop niya,  namalengke na rin siya para sa hapunan. Pag-uwi ni Kate ng bahay ay nadatnan niyang nag-aabang sa labas si Kristine. “O, nadalaw ka uli?” Noong nakaraang araw ay bumisita rin ang kanyang kapatid. Binuksan niya ang pintuan at pinapasok si Kristine sa loob. Tinulungan na niya ito sa mga bitbit nitong grocery bags. “Ayaw mo ba akong nakikita, Ate?” tugon ni Kristine sa tinig na tunog-nagtatampo. Pinisil niya ang pisngi nito. “Tapos ka nang maglihi, bruha. Huwag mo na akong dramahan nang ganyan. Dapat ay ang mga biyenan mo ang dinadalaw mo nang madalas.” Pinatigil ni Andre si Kristine sa pagtatrabaho dahil natakot ang bayaw na baka muling duguin ang asawa. Kaya walang ginagawa si Kristine kundi ang alagaan ang sarili nito. Mukha namang maayos ang kalagayan ng kapatid. Mukhang malusog at masaya si Kristine. Perpektong larawan ng isang babaeng alagang-alaga ng asawa. “Nami-miss kita, eh.” Akmang yayakap sa kanya si Kristine ngunit natatawang lumayo siya. Sa mga kapatid niya, si Kristine ang talagang pinakamalambing. Palaging nakayakap at nakahalik. Nagsalin siya ng tubig sa isang baso at inabot ang lalagyan ng gamot. “Masakit uli ang ulo mo?” kunot ang noong tanong ni Kristine habang pinapanood siyang uminom ng paracetamol. Tumango si Kate. Kanina pa niya iyon nararamdaman ngunit tinitiis niya. Naupo muna siya sa harap ng hapag habang hinihintay na umepekto ang gamot na ininom. Hinayaan niyang maramdaman na ng katawan niya ang pagod. “Pakisabi kay Andre, salamat. Simula sa Lunes ay magbabagsak na ako ng puto flan sa canteen ng ospital. Isang daang piraso daw muna pagkatapos ay dadamihan ang order kung marami ang bibili.” Nilapitan ni Kristine ang lalagyan ng gamot at ininspeksiyon. “Hindi ka ba masyadong mahihirapan? Marami ka nang binabagsakan, `di ba?” “Oo nga pero mas maganda kung mas dadami pa sila. Kailangan ng ospital ang puto flan ko. Pustahan tayo, hindi masarap ang mga pagkain sa canteen. Bawi na lang sila sa panghimagas. Napasobra `yong nagawa kong mixture para sa flan kaya ginawa ko na lang leche. Nasa steamer. Tatlong liyanera. Iuwi mo na sa asawa mo para naman may maipalaman siya sa pandesal.” Sadya talaga niyang dinamihan ang mixture niya para maigawa si Andre ng leche flan. Paboritong almusal daw ni Andre ang pandesal na pinalamanan ng leche flan at mapait na mapait na black coffee. “Naubos mo na kaagad ang isang banig ng paracetamol,” puna ni Kristine na tila hindi pinansin ang kanyang sinabi. “Parang noong isang araw ko lang ibinigay sa `yo `to.” Madalas nga siyang panakitan ng ulo ngunit hindi niya gaanong pinagtutuunan ng pansin. Sa palagay niya ay kulang lang siya sa tulog at pahinga. Umeepekto naman ang paracetamol at ibuprofen. “Kung may mga sample pang matatanggap si Andre, ihiningi mo naman na ako.” Minsan ay may mga dalang gamot at food supplement si Kristine. Mga sample daw iyon na ibinibigay ng ahente kay Andre kaya malugod niyang tinatanggap. “Magpatingin ka na kaya, Ate? Baka iba na `yan.” May bahid ng pag-aalala sa tinig ni Kristine.  “Masakit lang ang ulo ko. O wala na, hindi ko na maramdaman.” Hindi iyon gaanong totoo ngunit kahit papaano ay hindi na katulad kanina na parang may pumupukpok ng martilyo sa kanyang ulo. “Pero, Ate—” “Masyado ka lang napapraning. Okay ako. Wala akong sakit. Kailan ba ako nagkasakit? Malakas na malakas ang ate mo.” Nilingon niya ang nakababatang kapatid at natagpuan niyang kagat-kagat nito ang ibabang labi at tila matamang nag-iisip. “Kay Andre ka naman magpapatingin kaya libre—” “Walang anuman ito.” Bahagya siyang nainis sa kakulitan ng kapatid ngunit kaagad niya iyong pinalis. Nag-aalala lang sa kanya si Kristine. Natural yata ang pagiging praning ng mga nurse na katulad nito pagdating sa mga mahal sa buhay na may dinaramdam. “Hindi mo kasi dapat na binabale-wala ang p*******t ng ulo lalo na at madalas nang sinusumpong. Alam mo bang baka hindi lang simpleng kirot ang nararamdaman mo? Baka sintomas na iyan ng mas malalang sakit. Hindi mo alam, stroke na iyan.” Naitirik ni Kate ang mga mata sa kisame. “Sinabi nang huwag kang praning. Wala akong tumor sa utak. Hindi ako magkaka-cancer. Hindi ako maii-stroke. Ni hindi ako magkakalagnat.” Marahas na nagpakawala ng hangin si Kristine. “Kung ikuha ka kaya namin ni Andre ng alalay sa paggawa sa puto flan para hindi ka gaanong napapagod?” “Ayos lang ako, Kristine. Hindi mo na kailangang abalahin ang asawa mo.” “Pero hindi naman a—” Hinarap niya ang kapatid, seryoso ang mukha. “Walang obligasyon sa amin ang asawa mo, Kristine. H’wag mong obligahin si Andre.” Tinapunan niya ng tingin ang mga grocery bag na hindi pa rin niya ginagalaw. “At tigilan mo na ang pagbibigay ng groceries sa amin. Kaya namin ni Karol. Hindi kami sumasala. Ipunin mo ang allowance na ibinibigay sa `yo ng asawa mo at ibili mo ng mga magagandang gamit ang magiging anak mo.” Alam niyang nais lamang nitong makatulong ngunit hindi siya komportableng tumanggap ng kahit na ano mula sa kapatid lalo na at alam naman niyang wala itong trabaho at binibigyan lang ng asawa nito ng malaking allowance. Marunong siyang mahiya kahit na madalas ay makapal ang mukha niya. Madalas nga siyang tuksuhin ng ilang binabagsakan niya ng puto flan. Bakit pa raw siya nagpapakahirap, nakapangasawa naman si Kristine ng isang mayaman. Ngumingiti lang siya sa tuwina. Mahirap ipaliwanag na iba na ang buhay ni Kristine at hindi na sila maaaring isama sa bagong buhay na iyon. Nagbaba ng ulo si Kristine at nanahimik sa loob ng ilang sandali. “Okay, Ate. Sorry.” Ngumiti na siya. Alam niya na sinusurot pa rin ng budhi nito si Kristine. Alam niyang iniisip ni Kristine na hindi dapat ito nagpabuntis kaagad, hindi muna nag-asawa. Kailangan siya nitong tulungan. Pakiramdam nito ay binigo siya nito. Alam niyang bahagyang nahihirapan ang kapatid sa kaalamang maayos ang buhay nito ngunit naiwan sila ni Karol na nahihirapan. “Anong oras ka susunduin ng driver mo? Dito ka na maghapunan.” Darating ang araw na magmamaliw ang anumang nadarama nito. Makikita nitong maayos at masaya sila ni Karol sa kasalukuyan nilang kalagayan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD