HULI NA ang Healing Hearts Medical Center sa binagsakan ni Kate ng mga puto flan nang umagang iyon. Pamilyar na pamilyar siya sa lugar dahil malapit lang sa ospital ang dating high school na pinasukan niya. Habang sakay ng tricycle ay naramdaman niya ang tila paninikip ng kanyang dibdib. Lalo nang mapadaan sila sa parke na malapit sa ospital.
Isang malungkot na ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi noong maalala ang highschool days niya, noong hindi pa ganap na nag-iba ang ikot ng kanyang mundo. Walang gaanong ipinagbago ang parke kahit na sampung taon na ang nakalipas. Marami pa ring mayayabong na puno. Parang nakita niya ang sariling sampung taon na mas bata, nakaupo sa isa sa mga wooden bench na nagkalat at palinga-linga. Mayroon siyang inaabangan. Sabik ang ekspresyon ng kanyang mukha, kinikilig ang ngiting nakapaskil sa mga labi. Isa siyang tipikal na kabataan na walang gaanong alalahanin sa buhay. Ang pagkakaroon ng malaking pimples sa ilong ang tanging kinatatakutan niya. Paglampas nila sa parke ay nagpakawala siya ng buntong-hininga.
Bata pa siya kung tutuusin sa edad na beinte-otso, ngunit pakiramdam niya ay napakalayo na ng batang Kate sa Kate ngayon. Hindi na niya mahanap ang dating siya. Hindi niya sigurado kung nakakangiti pa rin siya ng katulad noon. Sumibol ang pag-asam sa kanyang puso. Tila nais niyang balikan ang Kate sa kanyang kabataan.
Pinalis na ni Kate ang anumang mga nararamdaman at kakaibang kaisipan. Hindi ito ang panahon upang magpaka-senti. Kahit na ano ang gawin niya, hindi na niya maibabalik ang anumang lumipas na.
Mabait ang matandang babaeng in-charge sa canteen, si Ate Len, kaya kaagad silang nagkasundo. Ang totoo ay bibihira naman talaga ang mga taong hindi niya nakakasundo.
Naramdaman ni Kate ang pamimigat ng pantog kaya pagkatapos niya sa canteen ay nagtungo muna siya sa pinakamalapit na comfort room. Kaagad naman siyang natapos. Palabas na siya ng ospital nang mapukaw ang kanyang pansin ng isang lalaking nakaupo sa hall bench. Natigil siya sa paghakbang at napatitig sa lalaki. Hindi niya gaanong maipaliwanag, ngunit tila biglang pumitlag ang kanyang puso.
Nakasandal ang lalaki sa pader, nakapikit ang mga mata. Wala itong kagalaw-galaw. Hindi niya sigurado kung natutulog ito o nakapikit lang at sinusubukang mag-relax. Pinagmasdan niya ang kabuuan nito. Sa palagay niya ay isa itong doktor sa ospital dahil sa suot na puting doctor’s coat at may nakasabit ding stethoscope sa leeg nito. Kahit na nakaupo, nasisiguro niya na matangkad ang lalaki. Lalampas marahil sa anim na talampakan ang taas nito. Sa ilalim ng white coat ay nakasuot ito ng puting polo, khaki slacks, at ang sapin nito sa paa ay isang pares ng makinang na—pulang Chuck Taylors. Nangunot ang noo ni Kate. Paano niya inakala na makinang na leather shoes ang nasa mga paa nito? Siguro ay naisip niyang iyon ang dapat at angkop nitong suot. Ngunit nang pakatitigan niyang maigi ay isa palang pulang pares ng Chuck Taylors ang suot ng lalaki. Namalikmata lamang marahil siya.
Humakbang siya palapit. Hindi niya mapigilan ang kanyang sarili kahit na alam niyang kailangan na niyang lumabas ng ospital dahil naghihintay na sa kanya ang kanyang service. Mas lumalago ang interes na nadarama niya habang lumilipas ang bawat sandali. Hindi na gaanong banyaga sa kanya ang pakiramdam, sa totoo lang. Isa pa rin siyang normal na babae kaya napopogian siya sa ilang artista sa TV. At minsan, noong unang panahon, nakaramdam din siya ng kakaibang damdamin sa isang lalaking hindi niya kilala.
Mukha naman nito ang pinagtuunan ni Kate ng pansin. Tisoy ang lalaki. Matangos ang ilong nito at mapupula ang mga labing tila kay sarap hagkan. Tila hindi pa ito nakakapag-ahit dahil bahagyang nangingitim ang panga nito. Mas lumapit pa siya. Mahahaba ang mga pilikmata nito. Makinis ang mukha at tila hindi pa kailanman tinutubuan ng pimples.
Habang mas pinagmamasdan ni Kate ang mukha ng estranghero, tila lalong nagiging kakaiba ang t***k ng kanyang puso. Hahakbang pa sana siya palapit ngunit narinig niya ang pangalan na tinatawag ng kung sino. Nilingon niya ang pinanggalingan ng pamilyar na tinig.
Napangiti si Kate nang makita si Andre na palapit sa kanya. Hindi niya kabisado ang schedule nito sa ospital ngunit ang alam niya ay isang oras pa bago ang clinic hours nito. “Narito ka pala,” nakangiting wika niya habang humahakbang palapit. “Akala ko ay mamaya ka pa.”
“Nag-rounds ako. Pinuntahan kita sa canteen, ang sabi nakaalis ka na raw. Akala ko nga hindi na kita maaabutan.”
“Ahh, paalis na sana ako. May—” Nilingon niya ang lalaking kanyang tinititigan kanina at kaagad na nagsalubong ang kanyang mga kilay nang makitang wala na ang lalaki sa kinauupuan. Bigla na lang nawala. Parang bula. Ni hindi niya naramdaman ang pag-alis nito samantalang ilang hakbang lang ang inilayo niya.
Naramdaman ni Kate ang pagtabi sa kanya ni Andre. “May...?”
Ipinilig ni Kate ang ulo. “Wala. Oy, salamat talaga, ha?”
“Saan?” nagtataka nitong tanong.
“Sa canteen. Alam ko na may kinalaman ka kung bakit nagbabagsak na ako ngayon ng puto flan.” Hindi siya komportableng tumanggap ng tulong sa totoo lang. Dumami ang mga customer niya dahil sa sarili niyang sikap. Ngunit napagpasyahan niyang wala namang mangyayari sa kanya kung paiiralin niya ang kanyang pride. Lahat ng tao ay nangangailangan ng tulong ng iba. Magpapasalamat na lamang siya kay Andre sa tulong nito.
Banayad na natawa si Andre. “Bakit ka nagpapasalamat? Wala naman akong ginawa. Nasarapan ang medical director sa puto flan na ibinigay mo n’ong kasal. Tinanong niya sa `kin kung sino ang gumawa. Sinabi kong ate ni Tin. Hayun, kinausap si Ate Len na kontakin ka.”
Mataman niyang pinagmasdan ang mukha ng bayaw. “Nagsasabi ka ba ng totoo?”
Inakbayan siya nito at iginiya patungo sa kung saan. “Bakit naman ako magsisinungaling sa `yo?”
“Sige, pakisabi sa medical director, maraming salamat. Saan tayo pupunta ngayon?”
“Sa clinic.”
Hindi naman siya gaanong nagmamadali kaya hinayaan niya si Andre na igiya siya patungo sa clinic nito. Nagpadala na lang siya ng text kay Danilo na nagsasabing matatagalan siya nang bahagya dahil mag-uusap sila ni Andre. Habang naglalakad palayo ay hindi niya napigilan ang mapalingon nang ilang beses.
Sino kaya ang lalaki? Ano kaya ang pangalan nito? Saan ito nagtungo?
Magkikita pa kaya silang muli? Sana.