5

2886 Words
“KUMUSTA NA si Kristine?” tanong niya habang nauupo sa isa sa dalawang upuan sa harap ng desk ni Andre. Hindi kalayuan sa kanya ang isang examination bed. Family Medicine ang pina-practice ni Andre. Ang ama nito ay isang tanyag na siruhano sa kanyang pagkakaalam. “Maayos naman. Nababagot. Noong isang araw ay sinabi niyang parang ayaw mong nagpupunta siya sa bahay ninyo.” Natawa si Kate. “Wala akong sinasabing hindi ko siya gustong nagpupunta sa bahay. Ang sinabi ko ay mas paglaanan niya ng panahon ang mga biyenan niya. Dapat ay mas mapalapit siya sa mommy mo dahil siya ang makakatulong niya pagkapanganak.” “Nag-a-adjust pa si Kristine. Saka hindi pa rin nawawala ang guilt sa kanya.” “Guilt? Ganoon ba ang lahat ng mga buntis, Andre? Masyadong maramdamin?” Nakangiting tumango si Andre. “Hormones are acting up. Kaunting kibot ay naluluha. Masyadong sensitibo ang pakiramdam.” “O, sige na. Sabihin mo sa kanya, maaari na siyang bumisita sa bahay kahit na araw-araw.” “At hahayaan mo siyang magdala ng groceries?” “Andre—” “Pangarap n’ya `yon, Kate, eh. Pangarap niyang ipag-grocery kayo. Ipagkakait mo pa ba iyon?” Tila may mariing pumisil sa puso niya. “Ang babae talagang iyon,” aniya sa munting tinig. Napapabuntong-hininga na sinalubong niya ang mga mata ni Andre, seryoso ang kanyang mukha. “Andre, ilang beses ko bang sasabihin sa `yo na hindi mo kami obligasyon? Hindi por que pinakasalan mo ang kapatid ko ay aasa na ang buong pamilya namin sa `yo.” Kung pumayag siya ay aakuin sana ng doktor niyang bayaw ang pagpapaaral kay Karol. Nais pa siya nitong bigyan ng puwesto sa mall noong simula. Nagalit siya at natagalan bago nito napayapa ang galit niya. Ang sabi niya noon ay hindi niya ipinagbibili ang kapatid niya. Nagpakawala rin ng buntong-hininga si Andre. “I know I ruined Kristine’s life plan. I—” “Hindi iyan totoo,” mariing tanggi ni Kate. “Isa kang malaking biyaya na dumating sa buhay ng kapatid ko. Ikaw ang perpektong lalaki para sa kanya. Ikaw ang kanyang dream man. Iyan ang mga gusto kong paniwalaan.” “Alam kong nasira ko rin ang ilang mga plano mo.” “Mas maganda naman ang kinahinatnan,” aniya na walang kakurap-kurap. “Wala sa plano ni Kristine na umibig at magpakasal sa edad niya. Marami siyang plano para sa amin ni Karol. Marami siyang nais gawin. Marami siyang pangarap na nais tuparin. Pero mas maganda ang plano ng Diyos sa kanya. Mas maganda ang inihain ng tadhana para sa kanya. Tigilan na natin itong pag-uusap na ganito at nakokornihan na ako, Andre, sa totoo lang. Tigilan na ninyong mag-asawa ang guilt-guilt na `yan. Maayos kami ni Karol. Hindi kami nagdarahop. Kung umabot na sa puntong ganoon, makakaasa kang ikaw ang unang-unang lalapitan ko para sa tulong.” “Okay, pero magpapa-check up ka.” Nagsalubong ang kanyang mga kilay. “Ha?” Inabot ni Andre ang kanyang kamay. Hinila niya iyon ngunit hindi siya nito hinayaan. Ipinatong nito ang dalawang daliri sa palapulsuhan niya at tumingin sa relo. Pinalipas na lang ni Kate ang isang minuto at hindi na nagpumiglas. Hindi naman siya naging maagap sa pagtayo dahil mabilis na naibalot ni Andre ang BP cuff sa kaliwa niyang braso. “One thirty over ninety. Medyo mataas. Kahit ang cardiac rate mo medyo mataas.” “Nakakabahala ba iyon?” Iniiwas niya ang mukha nang akmang aabutin siya nito. “Ano ba?” reklamo niya. Hindi siya komportable sa mga doktor. Hindi naman siya takot sa ineksiyon noong bata siya. May panahon din na pinangarap niyang maging asawa ng doktor. Nagbago lamang ang lahat sa paglipas ng panahon. Nakaka-trauma lang minsan dahil sa tuwing nagtutungo siya sa doktor ay gumagasta siya. Nakaka-trauma rin ang ilang mga naranasan niya noong nagkakasakit ang mga kapatid niya. Hindi niya mailarawan ang kanyang takot at pangamba. “Hindi naman gaano. Pero hindi rin dapat ipinagwawalang-bahala. Maputla ka. Ang sabi ni Kristine ay madalas kang panakitan ng ulo. Mabilis ka raw makaubos ng paracetamol at ibuprofen.” “Ganyan ba ang lahat ng doktor at nars? Praning? Okay ako.” Pinandilatan pa niya ng mata si Andre. “Hindi dapat basta-basta na lang ipinagwawalang-bahala ang p*******t ng ulo. At hindi rin dapat basta-basta umiinom ng ibuprofen. May laman ba ang tiyan mo sa tuwing umiinom ka n’on?” Naitirik niya ang mga mata sa kisame. “Ayoko nang marinig ang mga lecture mo dahil narinig ko na `yan kay Kristine. Kung wala na tayong pag-uusapan, uuwi na ako at gagawa pa ako ng puto flan para sa mga babagsakan ko ng meryenda.”  Tatayo na sana si Kate ngunit inagapan siya ng bayaw. “Wait, Kate. Please, let’s just do some tests. Hindi mapakali si Kristine. Minsan ay nahihirapan siyang matulog dahil sa kaiisip at sa pag-aalala sa `yo. She’s stressed.” “Andre—” “Please? Pagbigyan mo na. Para mapanatag na ang kalooban niya. Ilang tests lang. Wala namang mawawala. Please? Please? She’s pregnant.” Maging ang mga mata nito ay nakikiusap na rin sa kanya. “Sige na, sige na. Pero magbabayad ako.” “Kate—” “Magbabayad ako.” “Bahala ka, mahal ang CT scan.” “Fine. Ikuha mo `ko ng fifty percent discount.” Natawa na si Andre. “Thank you.” PAGKATAPOS maibigay kay Kate ni Aling Len ang bayad sa mga puto flan niya ay kaagad na siyang nagpaalam. Nagmamadali ang kilos ngunit nakangiting tinungo niya ang pinakamalapit na comfort room. Natutuwa si Kate dahil palagi raw nauubos ang puto flan na ibinabagsak niya sa ospital. Sa mga doktor at nurse pa lang daw ay ubos na ang mga iyon. Dinagdagan na ni Aling Len ang order sa kanya.  Pagpasok sa loob ng banyo ay kaagad inilabas ni Kate ang maliit na polbo at humarap sa salamin. Bahagya siyang napangiwi nang makitang naglalangis na ang kanyang ilong. Kaagad niyang pinolbohan ang sarili. Inilabas na rin niya ang maliit na suklay na kanyang dala. Inalis niya ang ponytail at bahagyang napangiwi. Kailangan na niyang palitan ang panali niya ng buhok, masyado nang luma. Sana ay maalala niyang bumili mamaya sa palengke.  Pinakatitigan ni Kate ang sarili sa salamin pagkatapos niyang mag-ayos. Okay naman ang gayak niya. Simpleng pulang T-shirt at maong na pantalon. Hindi naman siya masasabing pangit, ngunit hindi siya sigurado kung maituturing siyang maganda. Hindi bale na. Lumabas na si Kate sa palikuran at umakyat sa ikatlong palapag, puno ng pananabik ang buong pagkatao. Hindi niya mapigilan ang pagguhit ng matamis at malapad na ngiti sa kanyang mga labi. Kahit na isang linggo na ang nakalipas ay namamangha pa rin siya sa nararamdaman. Masarap pa rin palang makaramdam nang ganoon. Nakakagaan pa rin pala ng pakiramdam ang pagkakaroon ng crush. Parang teenager na kinikilig si Kate. Naisip niyang medyo matanda na siya para sa mga ganoong bagay, ngunit hinayaan pa rin niya ang sarili sa munting kaligayahan. Wala namang masama sa pagkakaroon ng crush. Nagkakaroon siya ng kakaibang sigla. Mas sabik siya sa bawat paggising sa umaga dahil alam niyang makikita niya sa araw na iyon ang kanyang crush. Parang noong seventeen siya... Bahagyang ipinilig ni Kate ang ulo. Bakit nadadalas yata ang pagbabalik-tanaw niya sa kanyang nakaraan? Pagdating sa ikatlong palapag ay naupo si Kate sa hall bench na may katabing malagong halaman. Mula roon ay natatanaw niya nang maayos ang nurse’s station, ngunit hindi siya gaanong nakikita. Inilabas niya ang cell phone at kunwari ay abala sa pagte-text ngunit ang totoo ay palinga-linga siya sa paligid. May inaabangan si Kate, may hinihintay. Hindi naman nagtagal ay dumating na ang kanyang hinihintay.  Isang matangkad na lalaki ang lumapit sa station. Nahigit ni Kate ang hininga. Kahit na isang linggo na niya itong nakikita araw-araw ay hindi pa rin nagmamaliw ang epekto nito sa kanya. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya. Kung guwapo na ito nang tulog, mas guwapo ang lalaki kapag gising at nakatindig. Napakakisig ng tindig nito. Tila mas tumangkad ang lalaki dahil sa paraan ng pagtayo o. Puno ng kumpiyansa ang buo nitong pagkatao ngunit hindi sa paraang arogante kaya lalo siyang naaakit. Tipid ang ngiting ibinigay nito sa nurse na nag-abot dito ng isang chart, ngunit sapat na iyon upang mas gumuwapo ito sa kanyang paningin. Hindi mukhang masungit ang lalaki, mukha lamang misteryoso. Parang nais tuklasin ni Kate ang lahat ng misteryo sa pagkatao nito. Sa pagkakataon na iyon ay nakasuot ang doktor ng navy blue scrub suit. Marahil ay nanggaling ito sa Operating Room. Hindi pa niya nakukumpirma ngunit halos nakakasiguro siya na isang siruhano ang lalaki. Brain surgeon, ang ispesipikong hula ni Kate. Noong unang beses makita ni Kate ang lalaki, hindi siya nakatulog sa kaiisip. Hindi niya alam kung bakit hindi ito mawaglit sa kanyang isipan. Hindi niya gaanong maipaliwanag kung bakit pinag-aaksayahan niya ng panahon ang isang lalaking hindi niya kilala. Pakiramdam kasi niya ay pamilyar sa kanya ang lalaki, hindi lang niya maalala kung kailan at saan niya ito nakita dati. Kinabukasan, habang gumagawa ng ilang daang puto flan, napagpasyahan niyang hanapin ang lalaki sa ospital upang mapagbigyan ang kyuryusidad na nadarama. Habang nasa tricycle ay inisip ni Kate kung ano kayang klaseng doktor ang lalaki. Katulad ba ito ni Andre? Nasa Family Medicine kaya ito? Internal Medicine? Hindi naman maaaring Ob-Gyn. Wala sa hitsura nito kahit na alam niyang may mga lalaking Ob-gyn. Parang hindi rin ito isang Pediatrician. Psychiatrist? Surgeon. Isang siruhano ang lalaki. Bagay na bagay sa imahe nito ang pagiging isang siruhano. Kaya naman matapos niyang maibigay ang mga order na puto flan kay Aling Len ay kaagad siyang nagtungo sa surgical floor, na nasa ikatlong palapag ng malaking gusali. Hindi siya maaaring magtungo sa Operating Room dahil hindi naman pinapayagang pumasok ang ibang tao roon. Naisip niya na magra-rounds ang mga siruhano sa mga naoperahan at ooperahan pa lamang na pasyente. Nagpapasalamat siya kay Kristine na mahilig magkuwento tungkol sa mga gawain at kalakaran sa ospital. Nakatulong din ang hilig niya sa panonood ng mga medical drama. Hindi nagkamali si Kate, nasa surgical floor nga ang lalaking hinahanap niya. Natagpuan niya itong nakaupo sa bench na kinauupuan niya sa kasalukuyan at seryoso ang mukhang binabasa ang kung anong nasa chart ng isang pasyente. Mula sa distansiya ay pinanood niya ang lalaki, hindi niya nilubayan ng tingin. Hindi siya umalis hanggang sa hindi nito natapos ang ginagawa sa chart, at tumayo upang ibalik iyon sa nurse. Nang umalis ang lalaki ay hindi niya ito sinundan kahit na gusto niya. May kinailangan siyang puntahan at gawin. Nang sumunod na araw ay umakyat uli si Kate sa ikatlong palapag upang masilayan sandali ang guwapong doktor. Madalas na may pinagkakaabalahan ito sa chart ngunit hindi siya nababagot sa lihim na pagmamasid. Gusto niya ang ligayang dulot niyon sa kanya. Parang napapalis kahit na paano ang pagod niya. Gusto niya na kahit na sandali lang ay nakakalimutan niya ang maraming alalahanin sa buhay, nakakalimutan niya ang mga kailangan niyang gawin. Kontento na siya sa pagmamasid mula sa malayo. Hindi niya sigurado kung hanggang kailan siya makokontento, ngunit sa ngayon ay wala siyang planong mas lumapit o makipagkilala. Wala siyang lakas ng loob. Hindi rin niya sigurado kung handa na siyang makita siya nito. Karapat-dapat ba siyang makita ng isang katulad nito? Nais malaman ni Kate ang pangalan ng lalaking kinahuhumalingan ngunit pinipigilan niya sa tuwina ang sarili sa pagtatanong. Kontento pa siya sa pagtawag niya rito bilang kanyang “dream man.” Perpekto ang lalaki sa kanyang pamantayan kung pisikal na aspeto ang pag-uusapan. Walang kaso sa kanya kahit na nananatiling misteryo ang pangalan at ugali nito. Magaan ito sa mata at masarap pagmasdan. Crush. Hanggang doon na lang muna sa ngayon. Baka kasi kapag nakilala na ni Kate nang lubos ang lalaki ay mauwi iyon sa mas malalim na damdamin. Napapangiting napapailing na lang si Kate sa itinakbo ng kanyang isipan. Masarap lamang isipin, ngunit hindi talaga niya sineseryoso. Magaan ang pakiramdam na tinungo ni Kate ang klinika ni Andre. Sa araw na iyon siya magpapa-CT scan. Araw-araw, bago siya umalis ng ospital ay may ginagawang test sa kanya. Paunti-unti dahil hindi siya maglalaan ng isang buong araw upang magawa ang lahat ng kailangan sa kanya. Natapos na siya sa lahat ng blood tests, urines tests, X-rays at ultrasound. Ang natitira na lang ay ang CT Scan. Talagang ipinahuli niya iyon dahil sinusubukan niyang kumbinsihin si Andre na hindi na iyon kailangan. Base sa mga resulta ng mga eksamin na isinagawa sa kanya ay wala namang problema sa katawan niya. Maging ang presyon niya ay nagnormal na—halos steady na sa 110/70. Hindi na rin mataas ang cardiac rate niya dahil pinabawasan ni Andre ang kape niya. Dati ay umaabot sa apat na mug ang nakokonsumo niyang kape sa umaga lang. Kailangan kasi niyang magising nang husto. Ngayon ay kontento na siya sa dalawang mug. Palagi naman kasi siyang masigla paggising kaya hindi na niya kailangan masyado ng pampagising. Nasisiguro ni Kate na walang makikitang anumang diperensiya sa ulo niya. Nang magkita sila ni Andre ay muli niya iyong sinabi ngunit ayaw nitong makinig. Iginiit pa rin nito ang gusto. Kaya naman sandaling-sandali lang siya nanatili sa klinika nito at kaagad siyang pinapunta sa dapat puntahan. Habang inihahanda siya ng nurse ay pinakikinggan niya ang mga bilin nito sa kanya. Pagkakita niya sa dambuhalang makina na pagpapasukan sa kanya ay hindi niya sigurado kung nais pa niyang ituloy ang kagustuhang pagbigyan ang kapatid at bayaw. Parang nakakatakot. Natanong na siya kung claustrophobic siya o takot sa mga makikipot na lugar, ang sagot niya ay hindi. Ngunit ngayon ay tila nais niyang magbago ng isipan. Paano siya nakasisiguro na hindi siya claustrophobic, hindi pa naman niya nararanasang makulong sa isang makipot na lugar maliban sa elevator? Pinayapa naman siya ng nurse. Sinubukang palisin ni Kate ang naramdaman niyang kaba dahil wala iyong katuturan. Hindi na siya mag-iinarte upang matapos na sila at makauwi na siya. Kailangan pa niyang gumawa ng puto flan. Papahiga na siya nang magawi ang kanyang mga mata sa booth, sa gawi ng mga technician. Seryoso ang mga ito habang nakatingin sa mga aparatong nasa harapan. Nahaharangan ang mga ito ng isang salamin. Natigilan siya nang mapansin ang matangkad na lalaki sa likuran ng mga ito. Ang lalaking crush niya. Ano ang ginagawa nito roon? Nakatingin din ang lalaki sa tinitingnan ng mga technician na hindi ito nililingon. Nag-angat ng tingin ang lalaki at nahuli siya nitong nakatingin. Ginawaran siya nito ng isang matamis na ngiti bago ibinalik ang pansin sa mga monitor. Pumitlag ang puso ni Kate. Nginitian siya nito! Nginitian siya ng crush niya. Nakita siya nito! Napansin! Nginitian! Inihiga siya ng nurse dahilan upang mawala sa kanyang paningin ang lalaki. Hindi napigilan ni Kate ang pagguhit ng isang nasisiyahang ngiti sa kanyang mga labi. Kung mag-isa lang marahil siya ay baka matawa siya sa itinakbo ng kanyang isipan. Baka humagikgik siya na parang disi-siyete anyos siya. Ganoon na ganoon siya noong disi-siyete anyos siya. Kalmado na siya kahit na mabilis ang t***k ng kanyang puso. Kinakabahan pa rin siya ngunit hindi na sa dambuhalang makina na pagpapasukan sa kanya. Iniangat niya ang ulo habang may inaayos ang nurse sa kanya. Nais uli niyang masilayan ang kanyang crush. Naroon pa rin ang lalaki, mataman na nakatingin sa monitor. May tiningnan marahil itong scan ng isa sa mga pasyente nito. Tingin ka uli sa akin, sige na, ang kanyang piping hiling. Tila narinig siya nito dahil kaagad itong tumingin sa kanyang gawi. Muli siya nitong nginitian. Hindi nito kaagad ibinalik ang tingin sa monitor sa pagkakataon na iyon, nanatili ang mga mata nito sa kanya habang hindi nabubura ang ngiti sa mga labi. Parang sandaling tumigil sa pagtibok ang kanyang puso at nang muli iyong tumibok ay wala na sa kontrol. Ayaw sana niya itong lubayan ng tingin ngunit inayos ng nurse ang kanyang pagkakahiga at may inilagay na kung ano sa ulo niya. “Okay na po?” Tumango si Kate kahit na bahagyang nadismaya. Nang masiguro ng nurse na komportable siya ay ipinasok na siya sa loob. Nagbalik ang kanyang kaba. Medyo nakakaligalig pala talaga ang makulong sa ganoon kakipot na lugar. Sinabi na sa kanya na may ingay siyang maririnig sa loob at huwag siyang mabahala, ngunit napapitlag pa rin siya at bahagyang nabahala. Hindi niya mapigilang isipin na para siyang nasa kabaong habang nasa loob niyon. Hindi nakatulong na hindi siya maaaring gumalaw sa kinahihigaan. Ipinikit na lang niya ang mga mata at pinalinaw sa kanyang balintanaw ang lalaking nagpapitlag ng kanyang puso. Napakaguwapo nito lalo na kapag nakangiti. Nakahinga lang si Kate nang maayos nang ilabas na siya sa makina. Ilang minuto lang marahil ang itinagal ngunit pakiramdam niya ay napakatagal niya sa loob. Kaagad hinanap ng kanyang mga mata ang lalaking hinahangaan paglabas niya. Nadismaya siya nang hindi na niya ito nakita. Kinonsola na lang niya ang sarili sa kaalamang makikita naman niya itong muli kinabukasan. Pagkatapos magpalit ng damit ay dumaan sandali si Kate sa klinika ni Andre. Hindi na siya gaanong nagtagal dahil may mga pasyente na ang bayaw na kailangang tingnan. Nagpaalam na siya matapos sabihin na magiging normal din ang resulta ng CT scan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD