6

2803 Words
MALI ANG prediksyon ni Kate. Siguradong-sigurado siya na walang mali sa kanya. Sigurado siya na normal ang lahat ng parte ng katawan niya. Wala siyang gaanong nararamdaman maliban sa paminsan-minsang p*******t ng ulo. Ni minsan ay hindi niya inakala na magkakaroon siya ng ganoong uri ng kondisyon. Kagaya ng nakagawian, nagtungo si Kate sa ikatlong palapag ng ospital matapos niyang maibigay ang mga puto kay Aling Len. Pinanood niya ang kanyang crush habang abala sa mga chart ng pasyente nito. Tila kagagaling lang nito sa OR nang araw na iyon dahil nakasuot pa ito ng navy blue scrub suit. Hindi pa nito nahuhubad ang cap at mask na nakababa sa baba nito. Napangiti siya nang makitang isang pares ng pulang Chuck Taylors ang nasa mga paa nito. Hindi marahil akma ngunit sa paningin niya ay mas nagpakisig sa hitsura nito. Nang matapos ang maikling oras ng panonood, nagtungo na si Kate sa klinika ni Andre. Pagkakita pa lang ng tiim na ekspresyon ng mukha ng bayaw ay nakaramdam na nang kakaiba si Kate. Dahil na rin marahil kinailangan siyang suyuin ni Andre bago nito mapakasalan ang kapatid niya, nagkaroon sila ng kakaibang koneksiyon ng bayaw. Sa maikling panahon ng pagkakakilala nila, hindi lamang sila in-laws. Nakabuo na rin sila ng isang espesyal na pagkakaibigan. Kahit na paano ay kilala na niya si Andre. Alam na niya kung ano ang ibig sabihin ng ekspresyon ng mukha nitong ganoon. Naupo siya sa harapan nito. “May problema?” halos hindi na patanong ang kanyang pagkakasabi. Alam niya na mayroong problema. Ilang sandali muna ang lumipas bago nagawang magsalita ni Andre. “I don’t know how to tell you this, Kate.” Napakawala ang bayaw ng malalim na buntong-hininga. “Pinagsisisihan ko na kinuha ko ang responsibilidad sa neurologist. Sana ay hinayaan ko na siya na ang magsabi sa `yo ng resulta ng scan mo.” Nagsalubong ang mga kilay niya. Sa mga nakaraang eksaminasyon niya ay si Andre ang nagsabi ng mga resulta niyon sa kanya. Hindi niya kailangang makita ang ibang mga doktor dahil puro normal naman ang resulta. Humugot si Kate nang malalim na hininga. “Sabihin mo na. Deretsahin mo na ako, Andre.” Labis na siyang natatakot at kinakabahan ngunit pilit niyang nilalabanan. Paulit-ulit niyang sinasabi sa kanyang sarili na anuman ang problema sa katawan niya ay malulunasan iyon. Magagawan niya ng paraan. Palagi niyang nagagawan ng paraan ang lahat ng problema. Palagi niyang nalalampasan ang lahat ng pagsubok at suliranin. Magiging maayos ang lahat.  “This is harder than I expected.” Iniharap ni Andre sa kanya ang monitor ng computer sa desk nito. May itinuro ang bayaw. Pinakatitigan iyon ni Kate. Sinabi ni Andre kung ano iyon. Napalunok siya nang sunod-sunod. Hindi niya gaanong mapaniwalaan ang narinig, ang nakikita. Hindi niya matanggap. Naririnig ni Kate ang eksplinasyon ni Andre ngunit hindi talaga tumitimo sa kanyang utak. Iisa lang ang tumatakbo sa kanyang isipan sa kasalukuyan.  Bilang na ang mga araw na ilalagi niya sa mundo. NANGHIHINANG napaupo si Kate sa isang wooden bench na nasa parke na malapit sa ospital. Doon siya dinala ng mga binti niya pagkagaling ng ospital. Parang wala sa sarili na lumabas siya sa klinika ng isa pang doktor kanina. Isang doktor na espesyalista sa kanyang kalagayan ngunit kaagad niyang nakita ang pagkabigo sa ekspresyon ng mukha nito nang makita ang lab result niya. Kaagad siyang sinundan ni Andre, bakas ang labis na pag-aalala para sa kanya.  “Hayaan mo muna akong mapag-isa, Andre, pakiusap,” samo ni Kate. “At huwag mo muna sanang ipapaalam sa asawa mo ang tungkol sa bagay na ito.” Ayaw sana siya nitong pagbigyan, nakita ni Kate ang masidhing pagtanggi sa mga mata nito, ngunit kalaunan ay wala na ring nagawa ang bayaw sa kanyang kagustuhang mapag-isa. Kailangan niyang maiproseso sa kanyang isipan ang lahat ng nalaman niya. Hindi niya alam kung paano mag-uumpisa ngunit ang tanging sigurado siya ay nais niyang mapag-isa. Binalikan ng isipan ni Kate ang naging buhay. Masaya ang naging kabataan niya. Masaya ang kanilang pamilya. Sa loob ng mahigit labing-pitong taon ay naranasan niya ang tipikal na buhay. May mapagmahal siyang mga magulang, maayos na pamumuhay at masayang kapaligiran. Nang mawala ang kanyang mga magulang, naranasan na yata niya ang lahat ng hirap. Hindi siya nakapag-aral ng kolehiyo dahil kailangang niyang unahin ang pangangailangan at pag-aaral ng kanyang dalawang kapatid. Nagtrabaho siya nang walang humpay. Hindi siya nagreklamo.  Hindi natupad ni Kate ang kanyang pangarap dahil naging abala siya sa pagtupad ng mga pangarap ng mga kapatid niya. Hindi siya nagreklamo. Walang ibang hiniling si Kate sa buhay niya kundi ang mapabuti ang mga kapatid niya at manatiling malusog ang kanyang pangangatawan upang masiguro ang bagay na iyon. Sa lahat ng hirap na pinagdaanan niya, hindi siya nagreklamo at humiling ng kung ano. Iyon lang ang hiniling niya para sa sarili niya, ang magiging matatag at malusog. “Bakit?” ang pabulong niyang usal habang namamasa ang mga mata. “Bakit ako?” Babagsak na sana ang mga luha sa kanyang mga mata nang may tumabi sa kanya sa bench. Marahas siyang napalingon at akmang sasabihin sa kung sinuman na maghanap na muna ng ibang mauupuan, ngunit napasinghap siya sa halip. Umurong ang mga luha at napaawang na lamang ang kanyang mga labi. Hindi niya mapaniwalaan na nasisilayan niya nang malapitan ang lalaking hinahangaan. Nilingon siya nito at ginawaran ng tipid na ngiti sa mga labi. “Do you mind?” Hindi makatugon si Kate. Nakatitig lang siya sa guwapong mukha ng lalaki. Nais niyang pisilin ang kanyang pisngi upang makasiguro na nangyayari nga talaga ang bagay na iyon. Kontento na siya sa pagmamasid sa malayo, ngunit kusa na itong lumapit sa kanya. Gantimpala ba ito ng Panginoon sa kanya? Kung gantimpala nga ito, o pampalubag-loob, magpapasalamat na rin siya kahit na paano. Ganoon siya nabuhay sa nakalipas na sampung taon. Pinasasalamatan ang lahat ng mumunting biyaya na ibinibigay sa kanya. Mga mumunting biyaya na malaki ang nagagawa para sa kanya at sa kanyang mga kapatid. Hindi niya hinahayaan ang sarili na maghangad ng labis. Hindi na niya hinahangad ang mga bagay na hindi para sa kanya, ang mga bagay na hindi ibinibigay sa kanya. Sa loob ng sampung taon, hindi niya gaanong inisip ang sariling pangangailangan, ang sariling kaligayahan. Palaging sa kapatid muna niya bago siya. Ang kaligayahan ng mga ito ay kaligayahan niya.  Sinalubong ng lalaki ang kanyang mga mata. “I’m Eric.” Nagawa na niyang ngumiti. “Kate.” May kaunting ligaya na umusbong sa kanyang puso. Palagi niyang sinasabi na kontento na siyang mapagmasdan ang lalaking hinahangaan sa malayo, hindi na niya kailangang malaman ang pangalan nito. Ngunit hindi pala gaanong totoo ang bagay na iyon. Pinipilit lamang niya ang sarili na magpakakontento. Bahagya kasi siyang natatakot na baka kapag nalaman niya ang pangalan nito ay mas mapalapit siya sa lalaki. Mas lumalim ang anumang nararamdaman niya. Ngunit sa kaibuturan talaga ng kanyang puso, gustong-gusto niyang malaman ang pangalan nito.  Eric. Bagay na bagay ang pangalan. “It’s okay, you can cry.” Bahagyang nagsalubong ang kanyang mga kilay. “Ha?” “Mas mahihirapan ka kung kikimkimin mo ang lahat. Mas mahirap kung hindi mo hahayaan ang sarili mong mailabas kahit na paano ang nararamdaman mo. Baka sumabog ka.” Natawa si Kate. Kahit na sa kanyang pandinig ay punong-puno ng pait ang tawang kanyang pinakawalan. Tama si Eric. Sasabog siya. Mamamatay. Marahas siyang nagpakawala ng buntong-hininga. “Wala namang magbabago kung iiyak ako, Eric. Walang mangyayari bukod sa mamamaga ang mga mata ko.” Matagal na niyang natutunan na pag-aaksaya lang ng panahon ang pag-iyak. Dapat ay inilalaan na lang niya ang panahon sa paghahanap ng solusyon sa anumang pagsubok na ibinigay sa kanya.  Ngunit paano nga ba masosolusyunan ang pagsubok na ibinigay kay Kate ngayon? May solusyon ba? Ang sabi nila, may mga laban na sa simula pa lang ay alam mo nang talo ka kaya kailangan mo nang sumuko at tanggapin ang pagkabigo. Hindi siya naniniwala roon noon. Ang katwiran niya, hindi mo malalaman kung talagang talo ka na hanggang sa hindi mo sinusubukang lumaban. Mas magiging talo ka kung hindi ka lalaban. Ngunit ngayon ay ganap na niyang naiintindihan kung bakit nasasabi ng ibang tao ang ganoon. May mga laban nga na sa umpisa pa lamang ay alam mo nang talo ka. Minsan ay wala ka talagang magagawa kahit na gaano ka magpumilit, kahit na gaano pa kasidhi ang puwersang ilaan mo sa pakikipaglaban. “Gagaan ang pakiramdam mo.”  Humugot siya nang malalim na hininga at kapagkuwan ay ibinaling ang tingin sa kanyang harapan. Nakikita niya ang ilang taong nagdaraan sa parke. Ang ilan ay nagmamadali. Ang ilan ay abala sa cell phone habang naglalakad. Ang ilan ay nakikipagtawanan sa mga kaibigang kasabay sa paglalakad. May mga mukhang ngarag. May nakangiti at tila sabik sa kung ano. May mukhang aligaga at problemado. May mukhang bagot na bagot na sa takbo ng buhay. Nahihinuha ni Kate na wala sa mga ito ang may dinadalang kasingbigat ng kanya. Nang magising siya kaninang umaga, hindi niya inakala na makakatanggap siya ng isang masamang balita. Ganoon naman talaga minsan, hindi ba? Masaya kang naglalakad sa gilid ng kalsada at kapagkuwan ay walang ano-anong lilitaw ang isang malaking sasakyan at babanggain ka. Hindi niya minsan inakala na darating ang araw na may magsasabing nakatakda siyang mamatay. Hindi ganoon ang pagkakasabi ni Andre ngunit ganoon pa rin ang suma. Sa kamatayan din siya mauuwi.  “Go on. Let go.” “Bakit ka ba nagmamarunong d’yan?” wika niya habang hindi nililingon si Eric. “Bakit ba gusto mong umiyak ako? Hindi ako maganda kapag umiiyak. Nalulukot ang mukha ko, namumula nang husto. Para akong ewan kapag ngumungoyngoy. Bakit ko iyon gagawin sa lugar na ito na alam kong marami ang makakakita sa akin? Bakit ako iiyak sa harap mo? Sa palagay mo ay gusto kong magmukhang ewan sa paningin mo?” “Bakit mo iniisip ang magiging tingin ko sa `yo? Bakit kailangan mong isipin ang magiging tingin sa `yo ng mga tao? Importante ba iyon? Hindi ba mas importante ang nararamdaman mo? Iyong kahit na paano ay mailabas mo ang sakit at frustration? I mean, who cares?” Tumango-tango si Kate. Nakita niya ang punto ni Eric. Bakit siya masyadong magkakaroon ng pakialam, mamamatay na rin naman siya? May karapatan siyang umiyak. Ngunit hindi pa muling namumuo ang kanyang mga luha kaya hindi pa siya makaiyak. “Feeling close ka rin, ano?” aniya sa  magaang tinig. “Ngayon mo lang ako nakilala pero parang ang dami mo ng alam.” Nilingon niya si Eric na nahuli niyang nakatingin at nakangiti sa kanya. Kaagad nag-init ang kanyang mga pisngi. “Ngayon ko lang nalaman ang pangalan mo pero nakikita kita sa paligid,” tugon nito sa kaswal na tinig. “T-talaga? N-nakikita mo ako?” Bahagyang bumilis ang t***k ng kanyang puso. Hindi inaasahan ni Kate ang narinig. Naging banayad ang mga mata nitong nakatingin sa kanya. “Of course I see you, Kate.” Dumagsa ang kaligayahan sa kanyang buong pagkatao. Nakita siya nito. Maliit na bagay lamang iyon marahil para sa ibang tao ngunit hindi sa kanya. Sapat na ang sinabi nito upang labis siyang maligayahan. Dahil doon, mas madali na para sa kanya ang maglahad. Nakikita siya ni Eric. “’Magpahinga ka naman.’ Madalas ko iyang marinig sa mga tao sa paligid ko noon. Sobra na raw ang pagbabanat ko ng buto. Minsan ay ngingitian ko lang sila. Minsan ay sasabihin kong, makakapagpahinga ako nang matagal kapag patay na ako. Palaging pabiro. Noon kasi malakas pa ako. Palagi kong sinasabi sa sarili ko na wala akong karapatang mapagod. Sobra na sa paningin ng iba ang pagbabanat ko ng buto pero hindi iyon sapat para sa akin. Palaging kulang. Palaging may pangangailangan na kailangan kong tugunan. Palaging hindi sapat ang kinikita kong pera.” Humugot si Kate nang malalim na hininga. “Hayan, naiiyak na ako.” “You’re holding back. Don’t. Just let it go.” “Hindi ko ugali ang ganito.” Ibinaling ni Kate sa ibang direksiyon ang paningin, mabilis na ikinurap-kurap ang mga mata upang mapigilan ang pamamasa ng mga iyon. Hindi niya lubusang mapakawalan ang kontrol sa kanyang sarili kahit na may malaking parte sa kanya ang nais nang bumigay. “H-hindi... Hindi ko ugaling magdrama sa mga bagong kakilala.” “You need someone, Kate. Someone to cry on. Someone to comfort you.” “At ikaw iyon?” tanong niya habang hindi nililingon si Eric. “Yes,” ang kaagad nitong tugon. “I can be anything you want.” Iyon lang ang kailangan marinig ni Kate. Tuluyan nang bumigay ang kanyang kontrol. Hinayaan lang niyang mamuo ang luha sa kanyang mga mata. “Hindi ko deserve ito.” Umiling-iling pa siya. “Hindi dapat ganito ang kahihinatnan ko. Hindi dapat ganito ang mangyayari. Dapat ay may happy ever after ako. Deserve ko iyon.” Umalpas ang isang butil ng luha sa kanyang mga mata. “Hindi ko malaman kung ano ang nagawa ko upang maparusahan nang ganito. Hanggang sa kamatayan ay pinahihirapan ako.” “Don’t say that. Palaging may dahilan kung bakit nangyayari ang isang bagay.” “Ano ang posibleng dahilan para sa isang ito, Eric?” “Maybe someone’s testing your endurance and fighting spirit?” Napangiti nang mapait si Kate. “Hindi pa ba sapat ang mga pinagdaanan ko sa loob ng sampung taon para mapatunayan na matatag ako? Magdidisi-otso lang ako nang mawala sa dagat ang mga magulang ko. Inako ko na ang responsibilidad sa dalawang nakababata kong kapatid mula noon. Hindi mo alam kung ano-anong hirap ang pinagdaanan ko. Maraming pagkakataon na gusto kong maupo sa isang sulok at umiyak nang umiyak. Pero hindi pupuwede dahil kailangan kong maipaubos ang mga puto flan para may maipambili ako ng bigas. Hindi ako maaaring magmukmok at magreklamo dahil kumuha ako ng labada para may pambaon sa eskuwela ang mga kapatid ko. May nakita akong magandang blusa sa palengke pero hindi ko maaaring bilhin dahil baka mas kailanganin nina Kristine at Karol ang pera. Baka may magkasakit sa kanila. May mga mura naman sa ukay.” Sunod-sunod ang naging pagpatak ng kanyang mga luha. Hindi niya pinagsisihan ang lahat ng kanyang mga nagawa para sa mga kapatid. Kahit pa bumalik siya sa nakaraan, gagawin pa rin niya ang lahat para kina Kristine at Karol. Hindi rin niya kinukuwenta ang mga nagawa niya. Lalong hindi niya hinihintay na mapapurihan siya.  “You just wanna have a break. You don’t deserve this.” Napatingin siya kay Eric. Natumbok nito ang itinatakbo ng isipan niya. “Gusto ko lang namang gumaan ang lahat. Gusto kong maging masaya. Gusto ko nang magpahinga.” Nalukot ang mukha niya sa huling pangungusap. “Siguro ay iyon ang rason kung bakit nangyayari ito. Katuparan ng biro mo noon.” “Ayokong mamatay sa ganitong paraan! Ayoko pang mamatay ngayon! Napakarami ko pang kailangang gawin. Maayos na si Kristine, maganda na ang buhay niya. Pero malayo pa ang tatahakin ni Karol. Nasa unang taon pa lang siya sa kolehiyo. Hindi ko pa siya maaaring iwan. At pakiramdam ko ay wala pa akong nagagawa para sa sarili ko. Mahal ko ang mga kapatid ko at palagi silang kasama sa mga plano ko, pero may mga pagkakataon na gusto ko rin namang isipin ang sarili kong kaligayahan. Gusto kong gumawa ng magagandang bagay na para sa akin lang. Hindi man magandang pakinggan, gusto kong maging makasarili kahit na minsan lang sa buhay ko.” “Then fight.” “Madaling sabihin. Gusto ko, Eric. Gustong-gusto ko kahit man lang para sa sarili ko. Pero papaano? Tinapat na ako ni Andre. Maaari akong magpaopera, pero mababa ang tsansa kong mabuhay. May mga treatment na maaari kong subukan ngunit wala ring kasiguruhan. At hindi ko man naitanong kanina, alam kong malaking kayamanan ang kailangan ko para makapagpaopera at makapagpagamot. At bakit pa ako mag-aabala kung ang suma ay mamamatay din lang ako?” “So you’re just gonna wave the white flag?” “Hindi ko alam. Natatakot ako. Natatakot akong mamatay.” Inabot nito ang kanyang kamay at banayad na pinisil. “It’s all right. It’s going to be okay.” “Paano?” Hinaplos nito ang kanyang pisngi, pinahid ng hinlalaki ang luha sa kanyang pisngi. “We’ll figure it out. I’ll be here if you need someone. I’ll be here for you.” Napatingin siya sa mga mata nitong puno ng sinseridad. “T-talaga?” Hindi niya gaanong mapaniwalaan ang kanyang mga naririnig. Para iyong katuparan ng kanyang panaginip. Parang naisabuhay ang lahat ng mga nasa imahinasyon lamang niya. Banayad siyang nginitian ni Eric at kapagkuwan ay tumango. “Always.” Parang may mainit na likido na pumuno sa puso ni Kate.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD