Kabanata 5
A L I S O N
Ibang klase talaga ang lalaking iyon. Ipipilit niya talaga ang gusto niya kahit ilang beses ko na siyang tanggihan. Hindi kasi nakakatikim ng pagtanggi kaya hindi matanggap na tinatanggihan ko siya. Anong akala niya sa akin? Katulad ng mga babaeng umaaligid sa kanya? Mukha ba akong tanga sa paningin niya? Bakit ako mag-aaksaya ng oras sa lalaking alam ko kung ano lang ang habol sa akin. Ang mga ganoong lalaki, paglalaro lang ang gusto, kapag nagsawa na ‘yan, parang bulang maglalaho ang mga ‘yan. Tapos maghahanap ulit ng panibago para hindi magsawa. Papalit-palit lang ang mga ‘yan, kabisado ko na ‘yang mga ganyang galawan, kaya hindi ako madadala sa mga ganyan.
Ang tanga ko na lang talaga kung maniniwala ako sa mga pinagsasabi ng mokong na iyon. Gusto lang akong ikama niyan. Malas niya, wala akong oras para sa mga katulad niya. Ang dami kong dapat unahin bago ang mga ganyang bagay. Saka na ako makikipaglaro kapag naabot ko na lahat ng pangarap ko. Kaya lang baka matanda na din ako noon sa dami ng pangarap ko sa buhay.
Pagkatapos kong magbalik ng mga libro sa library ay tumulak na ako patungong cafeteria para mag-breakfast. Tinignan ko pa ang relo ko habang nagbabayad sa counter. Eight o'clock pa ang klase ko, at seven pa lang naman kaya may oras pa ako para magbasa pagkatapos kumain.
Pangalawang taon ko na ito sa kolehiyo. Pero hanggang ngayon hindi pa din ako sigurado sa kursong pinili ko. I'm a nursing student, malayo sa gustong-gusto kong kurso. Pero ayos na din ito. Ang mahalaga nakakapag-aral ako, hindi katulad ng iba na gustong mag-aral pero hindi makapag-aral dahil sa kakulangan sa pera. Ito din kasi ang kursong gusto nina mama at papa para sa akin. Kahit na gusto ko sanang maging abugado balang araw. Siguro pwede ko pa din namang maabot ang pangarap kong 'yon kapag nakapagtapos na ako sa kurso kong ito at may maayos na akong trabaho. Bata pa naman ako para magmadali sa buhay. Marami pa din akong gustong matutunan sa buhay.
'Tsaka hindi na din naman masama ang kursong kinuha ko. Makakatulong pa ako balang-araw sa mga taong may sakit na walang kakayahang magpatingin sa hospital dahil sa kakapusan. Bata pa lang ako nangangarap na akong magpatayo ng sariling clinic sa mga lugar na hindi masyadong naabutan ng gobyerno ng tulong. Kung bakit naman kasi kung sino pa ang sakim, sila pa ang naiboboto ng mga tao. Hindi ko alam kung bulag lang ba tayo, o sadyang magagaling lang silang magpanggap kaya mabilis tayong nauuto.
Ang gagaling mangako tuwing nangangampanya, pero pag nakaupo naman na, biglang nakakalimot at nagiging bingi sa hinaing ng taong bayan. Nakakalimutan yata nilang ang mga ito din ang nagluklok sa kanila sa kung nasaan sila ngayon. Hindi man lang marunong tumanaw ng utang na loob sa mga taong nag-angat sa kanila. Sinuportahan sila ng mga tao para ano? Para lokohin sila? Para pagnakawan? Anong klaseng tao ba ang kayang gumawa noon? Tao pa ba ang tawag sa mga iyon? I don't know.
Pero naniniwala ako na may mga politiko pa ding may mabubuting puso. Tulad ni Governor Faulkner. Siya ang tumulong sa amin noong nangangailangan kami ng pera para sa pagpapagamot kay mama. May sakit kasi siya sa puso at si Governor Faulkner ang nanguna sa pagtulong sa amin noong mga panahon na iyon na sobrang gipit na gipit kami. Siya din ang dahilan kung bakit ako nakakapag-aral ngayon sa magandang paaralan. Siya ang nagbigay ng scholarship sa akin at siya ang nagsusuporta sa mga pangangailangan ko sa school. Malaki ang paghanga at utang na loob ko sa kanya dahil sa kabaitan niya sa mga kapos na tulad ko.
Nakakabwisit lang kasi kapareho niya pa ng last name ang Blake na iyon. Ang layo-layo ng ugali nila sa isat-isa. Sa itsura pa lang ng Blake na 'yon, halatang wala ng pakialam sa kapwa. Hindi tulad ni Governor na maambot ang puso sa mga kababayan niyang mahirap. Siya talaga ang gusto kong tularan balang-araw. Gusto ko din kasing tumulong sa mga taong nangangailangan tulad namin noon.
Kauupo ko lang sa isang bakanteng lamesang malayo sa ibang mga studyante, nang may biglang maupo sa tabi ko. Agad akong nag-angat ng tingin kay Matteo. Ang aga naman yata ng isang ito ngayon. Ang alam ko kasi hapon pa ang klase niya.
"Ang aga mo, ah?" puna ko habang sinisimulan niyang kainin ang pagkaing binili.
Himala, dito nag-aalmusal ang lalaking ito.
"Maagang practice," aniya, ni hindi man lang ako nakuhang lingonin. Masyado siyang abala sa kinakain.
Nagkibit balikat ako at sinimulan na ding kumain. Kaya siguro ang aga ding mang-bwisit noong Blake na iyon.
"Nagmamadali ka ba?" puna kong muli nang makitang parang nagmamadali siyang matapos kumain.
"Hindi ako pwedeng ma-late lagot ako kay captain."
Tumaas ang kilay ko. May practice pala sila tapos gusto niya pang magsabay kaming kumain. Porque ba siya ang captain, pwede na siyang ma-late? Napailing ako. Ang kapal talaga ng pagmumukha ng lalaking iyon.
“Bakit, takot ka doon?”
Nakangising binalingan ako ni Matteo.
“Hindi, pero takot akong matanggal sa team,” aniya.
Umirap ako.
“Buti pa sa basketball masipag kang gumising ng maaga pero pagdating sa pag-aaral, hindi ka maasahan.”
“Alright. Hindi nga ako nag-breakfast sa bahay para umiwas sa sermon, ‘yon pala masesermonan din ako dito,” naiiling niyang sabi.
“Totoo naman kasi. Kung mag-aral ka na lang ng mabuti para hindi ka lagi napapagalitan nila tito.”
Humalakhak siya.
“Kaya ko namang pagsabayin, ah?” mayabang niyang sabi. Tinignan ko siya ng nakataas ang isang kilay.
“Really? Kaya pala ang dami mong naiwan na subject sa first year,” naiiling kong sabi. Tinignan ako ng masama ni Matteo.
“Si Thalia ba nagsabi sa’yo niyan?”
“Sino pa ba?” Nagkibit balikat ako.
“Huwag kang nagpapaniwala doon. Sinisiraan lang ako noon.”
Ngumisi ako.
“Bakit ka naman niya sisiraan sa akin, eh, matagal ka ng sira sa paningin ko?” natatawang sabi ko, mas lalong sumama ang tingin sa akin ni Matteo.
“Mag-aral ka ngang mabuti.”
“Bakit hindi mo kay Nathalia sabihin iyan? Puro lalaki ang iniintindi ng isang iyon. Isama mo nga palagi sa library para matutong mag-aral.”
“Ang kapal ng mukha mo. Mas matindi ka pa nga. At least kahit maraming crush ang kaibigan ko, matataas ang grades noon, hindi katulad mo na puro babae at basketball ang alam. Kaya ang dalas mong makakuha ng zero sa exam, eh. Ang hilig mo sa bola.”
Nakangising muling bumaling si Matteo sa akin.
“Oo, aminado ako d’yan. Mahilig nga ako sa bola, iyong dalawang bola,” may makahulugang ngising sabi niya. Agad kong nakuha ang ibig niyang sabihin doon kaya tinampal ko ang braso niya.
“Aray ko! Napakasadista mong babae ka!” aniya habang hinahaplos ang nasaktang braso. Nanlilisik ang mga mata niyang bumaling sa akin.
“Kamay ba ng babae ‘yan? Bakit parang bakal?” reklamo niya. Inirapan ko siya, ngunit sabay kaming napa-angat ng tingin sa lalaking biglang huminto sa tapat ng lamesa namin.
Nagtama ang tingin namin ni Blake Faulkner. Ang lalaking ‘to nanaman? Talaga bang hindi niya ako tatantanan? Kung saan ako magpunta nandoon din siya palagi. Para bang sinusundan niya ako o ano. Matalim ko siyang tinitigan habang nakatitig din siya sa akin.
“Blake, ikaw pala. Late na ba ako?” ani Matteo sa tabi ko. Inalis ko ang tingin ko kay Blake at bumaling na lamang sa kinakain ko.
“Hindi. Kumain ka lang d’yan,” ani Blake, hindi pa din ako nilulubayan ng tingin.
Naupo siya sa bakanteng upuan sa harapan namin ni Matteo. Bahagyang naningkit ang mga mata ng katabi ko.
“Kakain ka din naman pala, bakit hindi ka pa sumabay sa akin?” anang lalaking nasa harapan. Umirap ako at hindi na sinagot ang tanong niyang iyon. Itinuloy ko na lang ang pagkain para mabilis akong matapos at makaalis din agad ako dito.
Humalakhak si Matteo sa tabi ko nang snob-in ko lang ang captain nila.
“Sabi na sa’yo, captain, allergic to sa lalaki, eh,” ani Matteo sabay akbay sa akin. Sumimangot ako at umiling.
Nakita ko ang paniningkit ng mga mata ni Blake nang makita ang pagkaka-akbay sa akin ni Matteo. O, anong problema ng isang ito.
“Ako lang ang kinakausap na lalaki nito,” tila nagmamalaking dagdag pa ni Matteo.
“Really, huh?” binigyan ni Blake ng mariing titig si Matteo, kaya agad naman nitong inalis ang pagkaka-akbay sa akin. Itinaas niya pa ang dalawang kamay niya na ani mo’y sumusuko sa kung ano.
“O, relax. Hindi mo ako kaagaw. Parang kapatid ko na ‘to,” tumatawang sabi ni Matteo habang nakataas pa din ang mga kamay.
Umigting ang panga ni Blake.
“Huwag kang magpaliwanag sa isang ‘yan,” malamig kong sinabi. Muling bumalik sa akin ang tingin ni Blake.
Tumikhim si Matteo at dahan-dahang tumayo. Nilingon ko siya at tinaasan ng kilay.
“Saan ka pupunta?”
“Huh? Ah, restroom lang ako,” anito sabay tapik sa braso ni Blake. Hindi naman umimik si Blake, nanatili lamang ang tingin nito sa akin na para bang binabantayan ang bawat kilos ko.
Tumikom ang mga labi ko. Bago pa ako makapagsalita ay nakaalis na si Matteo sa lamesa namin. Tinignan ko ng matalim si Blake Faulkner na nasa harapan ko pa din hanggang ngayon.
“Wala ka ba talagang balak na lubayan ako?”
“Sabi mo babaero ako. Nasaan ang pruweba mo?”
Natigilan ako.
“May mga bagay na hindi na kailangan ng pruweba para mapatunayan. Kahit sino pang hilahin mong studyante diyan, alam na babaero ka.”
Ngumisi siya.
“Lahat ng bagay kailangan ng basehan para maging totoo.”
Umirap ako.
“Wala akong oras sa’yo, kaya umalis ka na.”
Mas lalo siyang napangisi.
“Bakit kaya masyado kang suplada. Nagka-boyfriend ka na ba?”
Tinignan ko siya ng masama.
“Hindi pa, at ano ngayon kung hindi pa?”
Tumango-tango siya.
“Pareho pala tayo kung ganoon.”
Napairap ako sa kasinungaling lumalabas sa bibig niya.
“Hindi ka lang pala babaero, sinungaling ka din.”
“At paano mo nasabing nagsisinungaling ako?”
“Pwede ba huwag mo akong gawing tanga? Halata naman. Hindi ko na kailangang patunayan ‘yan dahil kahit sinong tanongin mo diyan, alam na marami kang babae. Kaya imposible yang sinasabi mo na hindi ka pa nagkaka-girlfriend. Hindi ako tanga.”
“Nasaan ang mga babae ko kung ganoon?”
“Aba, malay ko sa’yo! Bakit mo sa akin tinatanong?” Nagtaas ako ng kilay. Ngumiti siya kaya mas lalo akong nakaramdam ng iritasyon.
Naiinis ako palagi sa ngiti niyang ganyan na para bang may ibang kahulugan.
“Ang ganda mo sana, kaya lang palagi kang nakasimangot,” aniya.
“Gwapo ka sana kung malabo lang mata ko,” pairap kong sagot sa sinabi niya.
Humalakhak siya.
“Ang suplada mo.”
“Pakialam mo?”
“Sige, magpakipot ka lang.”
Nagsalubong ang mga kilay ko sa sinabi niyang iyon.
“Excuse me hindi ako nagpapakipot sa’yo, ano? Sadyang ayaw at wala lang akong oras sa’yo.”
“Why?” biglang seryoso niyang tanong.
“Anong bakit?”
“Bakit, ayaw mo sa akin?”
“Tinatanong pa ba ‘yan? Ano bang kagusto-gusto sa’yo?”
Gumalaw ang kanyang pang, tila natamaan sa sinabi kong iyon.
“Kanina mo pa ako minamaliit at nilalait, ah. Pasalamat ka na lang talaga maganda ka.”
“Salamat,” sarakastikong sabi ko sabay ngiti ng pilit. Imbes na mainis siya ay mas natuwa pa yata siya. Napailing ako at ibinalik na lang muli ang atensyon sa pagkaing nasa harapan ko.
Sinimulan ko nang kumain ulit. Nang isusubo ko na lang ang kutsara ay biglang lumapit si Blake at siya ang sumubo noon. Naestatwa ako sa ginawa niya. Muntik nang magdikit ang mga labi namin dahil sa ginawa niya. Agad naman siyang lumayo pagkatapos maisubo ang pagkaing para sana sa akin.
What the fvck! Sumubo siya sa kutsara ko? Bigla akong nawalan ng gana dahil doon. Tinignan ko siya ng matalim habang ngiting-ngiti ang gago sa ginawa niyang kalokohan. Tuwang-tuwa pa talaga siya ah.
“Ang sarap pala niyan. Anong tawag diyan?” hindi mawala-wala ang ngiting tanong niya.