Kabanata 2
ALISON
Kakatapos lang ng huling subject namin nang biglang tumunog ang phone ko. Mabilis kong kinuha ang cellphone ko mula sa bag ko upang tignan kung sino ang tumatawag. Unregistered ang number pero pamilyar sa akin ang numero. Parang nakita ko na itong number na ito noon hindi ko lang maalala kung kailan at kung kanino. Sinagot ko na lang ang tawag. Wala namang mawawala kung sasagutin ko iyon.
"Hello? Sino 'to?" bungad ko pagkasagot ng tawag.
"Aw. You deleted my number on your phone," ang nakakainis na boses ni Blake Faulkner ang sumagot sa akin. Sa bwisit ko ay parang gusto kong ihagis ang cellphone ko. Anong akala niya hahayaan kong naka-save sa contacts ko ang phone number niya? Asa siya! Hindi ako isa sa mga babaeng patay na patay sa kanya 'no!
"What do you want?" malamig kong sabi.
"I want to see you."
"Asa ka! Papatayin ko na 'to," sabi ko at umambang pipindutin na ang end call nang magsalita siya ulit.
"Okay lang. Nakita naman na kita e," ramdam ko ang ngisi sa kanyang mga labi habang sinasabi iyon. Agad na napalingon ako sa paligid upang hanapin siya. Huminto ang tingin ko sa lalaking nakatayo sa hindi kalayuan. Itinaas niya ang kamay niya nang makitang lumingon ako sa pwesto niya. Inirapan ko siya at agad na pinatay ang tawag.
Nagsimula akong maglakad sa kabilang direksiyon upang iwasan siya pero hindi pa man ako nakakalayo ay may humigit na sa kamay ko. What the hell! Hindi talaga ako titigilan ng lalaking ito. Sino ba kasing gago ang nagbigay sa kanya ng number ko? Yung punyemas na Matteo nanaman siguro na yun. Siya din siguro nagturo kung saan ang huling subject ko kaya ako nahanap ng lintek na 'to. Humanda na talaga siya sa akin. Namumuro na siya masiyado.
Pagalit kong hinarap si Blake.
"Ano bang kailangan mo sa akin?"
"Hindi ba sinabi ko na? Gusto ko ng date."
"At sinabi ko na ding ayoko."
"Hindi ko hinihingi ang permiso mo."
Inis akong ngumisi sa kanya.
"Ang galing mo din naman 'no? Gusto mong i-date ako nang hindi humihingi ng permiso. Tingin mo pwede ba yun?"
Nakangising kinagat niya ang kanyang ibabang labi. Anong ginagawa niya? Nagpapa-cute ba siya? Kasi imbes na ma-cute-an ako sa kanya mas lalo pa akong nabubwisit dito. Ang kapal kasi ng mukha.
"Pwede naman."
Tumaas ang kilay ko.
"Sige nga, paano?"
Nagulat ako nang ipagsalikop niya ang mga daliri namin. Agad kong pilit na binawi ang kamay ko mula sa pagkakahawak niya pero masiyado siyang malakas kompara sa akin kaya wala rin akong magawa.
"Hoy bitiwan mo nga ako! Ang kapal ng mukha mo!"
"Kung gusto may paraan," nakangising sinabi niya bago ako hilahin at dahil malakas talaga siya kompara sa akin ay wala akong nagawa kundi ang magpatianod na lang sa panghihila niya or else makakaladkad niya ako.
"Ano ba Blake! Ayokong sumama sa'yo. Bitiwan mo nga ako!" inis na sabi ko habang hinahampas ang braso niya ng malakas para lang mabitiwan niya ako pero para siyang batong hindi manlang nasasaktan sa panghahampas ko.
"Hoy, hindi pwede 'tong ginagawa mo! Bitaw!" inis na inis na sabi ko habang nagpupumili pa din na makaalpas mula sa pagkakahawak niya pero parang wala siyang naririnig at tuloy tuloy pa din siya sa paglalakad.
Pinagtitinginan na kami ng mga studyante pero tuloy pa din siya sa ginagawa niyang panghihila sa akin. This jerk! Wala talaga siyang pakialam kahit pinagtitinginan na kami. Gusto niya talaga yung agaw atensiyon siya! In short papansin. Sobrang papansin. Kung gusto niya ng ganito pwes ako ayoko kaya hinayaan ko na lang siyang hilahin ako papunta sa sasakyan niya para hindi na masiyadong lumikha pa ng eksena. Nakakainis talaga siya kahit kailan. Wala na yata siyang ginawang matino sa buong buhay niya. Tinignan ko siya ng masama nang huminto kami sa tapat ng sasakyan niyang alam kong mamahalin. Anak mayaman kaya antipatiko. Hindi ko sinasabing antipatiko lahat ng anak mayaman pero kadalasan kasi ay ganun. Ang yayabang porque maraming pera ang magulang nila. Akala mo naman sila ang naghirap sa perang iyon. Eh pera naman iyon ng magulang nila.
"Ganito ka pala manligaw? Sapilitan," pairap na sabi ko. Ngumisi siya at pinagbuksan ako ng sasakyan.
"At akala mo talaga sasakay ako d'yan? Asa ka! Bahala ka d'yan!" Tinalikuran ko siya at tumakbo palayo sa kanya upang hindi na niya ako mahabol pero agad pa din niya akong nahabol. Nakalimutan kong basketball player nga pala siya. Sapilitan niya akong binuhat at isinakay sa sasakyan niya bago iyon isinarado. Umikot siya sa kabilang side at doon pumasok habang nakakunot ang nuo. Sinamaan ko siya ng tingin. Hindi na tama itong ginagawa niya.
"You jerk! Hindi na tama ito. Kidnapping na ang tawag dito!" inis na sabi ko habang matalim siyang tinitignan.
"I know," ngumisi siya.
"Ganito ka ba palagi? Namimilit kahit ayaw naman sa'yo nung tao? Nakakahiya ka naman kung ganun."
"Hindi ako namimilit. Kusa silang lumalapit sa akin."
"Kung ganun ibahin mo ako sa kanila! Hindi kita type kaya pwede ba tigilan mo na ako. Wala kang mapapala sa akin."
Tinignan niya ako nang magkasalubong ang mga kilay.
"Are you a lesbian?"
Tumango ako kahit hindi naman talaga. Mas mabuti nang isipin niyang tomboy ako para tantanan na niya ako.
"Oo kaya tigilan mo na ako. Wala kang makukuha sa akin dahil babae din ang gusto ko."
Bahagya siyang natawa sa sinabi ko.
"Bakit? Ano ba sa tingin mo ang gusto kong makuha mula sa'yo?" mapang-asar na tanong niya. Umirap ako.
"Ano pa nga ba? 'Wag mo kong gawing inosente. Alam natin pareho kung anong habol mo sa akin kaya ngayon pa lang sinasabi ko na sa'yo, wala kang mahihita sa akin."
Tuluyan na siyang natawa sa sinabi ko kaya mas lalo ko siyang tinignan ng masama. Anong tinatawa-tawa ng lintek na 'to? Abnormal ba siya at bigla na lang tumatawa kahit wala namang nakakatawa sa pinag-uusapan naming dalawa? Nababaliw na yata. Puro kasi hangin ang laman ng ulo kaya natuluyan nang mabaliw.
"Anong nakakatawa sa sinabi ko?"
Tumikhim siya at huminto sa pagtawa.
"Relax, I just want a date. 'Tsaka wala akong gagawin sa'yo na hindi mo magugustuhan," aniya sabay kindat.
Ang yabang talaga ng bwisit na 'to!